Share

Just Past Crack of Dawn
Just Past Crack of Dawn
Author: pyarirish

(1) Just past crack of dawn...

Chapter 01

[Satsuto's POV.]

“MUKHANG MAY parating na bagyo. May dala kang payong Ian?” tanong ko sa ‘king katabi na abala sa pagdutdot ng cellphone niya. Mahina akong natawa ng mapatingin sa puwesto niya. Kahit araw-araw ‘kong nakikita ang ayos ng kanyang buhok ay nakakatawa pa rin. Paano ba naman, parang i-shinampoo niya ang gel sa tigas ng buhok niyang nakatayo na parang buhok ni Goku, tapos lagi pang magkasalubong ang makakapal niyang kilay kaya mukha siyang nakakatakot. Ito rin ang dahilan kung bakit walang magtangkang asarin siya.

Napailing na lang ako dahil ang aga-aga nagtutumpukan ang mga kaibigan ko rito sa aking tabi para lang mag-laro ng Mobile Legacy. Pare-parehong nakakunot ang mga noo nila at pokus sa kaharap nilang cellphone. Hindi man lang maistorbo, kahit tanong ko ay hindi na nasagot. Kinuha ko na lang din ang cellphone sa ‘king bulsa at isinalpak ang plug ng headphone na nakalagay sa leeg ko saka nakinig ng music habang may sinusupsop na lollipop sa bibig.

Hindi siguro halata pero wala akong hilig sa mga laro sa cellphone o kahit sa internet. Mas gusto ko ang mga larong pisikal kagaya ng volleyball. Sinubukan ko naman isang beses maglaro ng nilalaro nilang ML pero mas enjoy pa rin talaga kapag pinagpapawisan ka.

Muli akong sumilip sa bintana at pinanood ang pag-ulan. Mukhang hindi ngayon lalabas ang araw dahil sa kapal ng mga itim na ulap. Dumadampi sa balat ko ang hanging pumapasok sa bintana at mabilis na nilamig. Tch, wala akong payong. Mahina lang ang pag-ulan pero sapat na ‘yon para takpan nila ang sikat ng mainit na araw.

Takpan ang sikat ng araw? Napatingin ako sa suot na wrist watch at nanlaki ang mata. Pinatay ko ang music saka ibinalik sa aking leeg ang headphone.

“Hoy! Bumalik na kayo sa upuan niyo. Dadating na si Sir,” utos ko sa kanila.

“Mamaya na Fuentes!”

“Malapit na kaming matapos.”

“Oo nga ito na patapos na kami.”

Napailing ako. “Kayo ang bahala. Kapag naabutan kayo ni Sir Hernandez matatapos na talaga ang laro niyo. Pati cellphone niyo tapos!”

Naglakad ako palabas ng room at tinignan kung malinis ba, pati loob. Nasa second floor ang room namin pero dapat malinis pa rin ang harapan para magandang tignan. Binura ko ang mga lesson naming naiwang nakasulat sa blackboard at ng makumpirma kong ayos na naman ang lahat ay naupo na ulit ako sa aking upuan. Ako na naman kasi ang mabubungangaan kapag hindi malinis ang labas at loob ng classroom dahil ako lang naman ang class president.

“Mia, mag check ka na ng attendance. Pati attendance sa board,” sabi ko sa babaeng nakaupo sa likuran ko.

“Tapos na po Mr. President.” At sumaludo pa siya sa ‘kin. Pinitik ko ang noo niya at napangisi. Loko.

“Ayon! Ayon! Ayon!”

“VICTORY WAAAAAH!”

Parang mga unggoy na nakawala sa kulungan ang mga katabi ko ngayon. Bakit sobrang saya nila e dalawang daliri lang naman ang ginagamit nila sa pag lalaro. Boring.

“Anong meron at ang sasaya ata ng mga ugok?”

Parang nag evolve sila into unggoy to ninja. Ang bibilis nilang nakayukong bumalik sa mga upuan nila habang nakalagay ang dalawang kamay na may hawak na cellphone sa likuran. Narito na kasi ang adviser namin at may kasama siyang maglakad papunta sa front desk. Ipinatong niya ang dalang mga libro at laptop sa ibabaw noon habang masamang tinitignan ang tatlong mga unggoy kaninang nagsisigawan.

Tumayo ako sa pagkakaupo saka sumunod ang mga kaklase ko. Sabay-sabay naming binati ng magandang umaga ang guro namin saka ulit kami naupo nang sumenyas siya.

“Wala namang araw kaya puwede mo munang tanggalin ang mask at sunglasses mo,” sabi ni Sir Hernandez sa katabi niyang naka-hoodie na black, face mask na black at sunglasses na black din. Seryoso? Hindi halatang lamig na lamig siya dito sa Batangas ah.

Sinunod niya nga ang sinabi ni Sir Hernandez, ibinaba niya ang suot na hoodie sa ulo at tinanggal ang suot na face mask at salamin. Napaawang ang labi ko ng makita ang itsura niya. Alam kong hindi lang ako, pati mga kaklase ko ay nagulat sa itsura niya.

“Okay class, siya si Snow Benesisto. Halata namang bago ninyo siyang kaklase. Nagtataka siguro kayo kung bakit ganyan ang suot niya,” Nilingon ni Sir ang katabi at tinignan ito mula ulo hanggang paa. “Well, nagluluksa siya kasi natapakan niya ‘yung ipis na matagal ng nakikitira sa bahay nila.”

Mabilis na nagtawanan ang mga kaklase ko at napapikit naman si Benesisto.

“Sir,” tawag ni Benesisto saka pilit na ngumiti.

“Charot charot lang. O, sige na at maupo ka na kung saan ka komportable. Kung may tanong ka o kailangan, kay Fuentes ka lang lumapit,” itinuro ni Sir ang puwesto ko. “Ayon si Fuentes, makikilala mo siya agad dahil laging may lollipop ‘yan sa bibig.”

Hindi ko pinansin ang sinabi ni Sir. Saglit naman akong tinapunan ng tingin ni Benesisto at muling iginala ang tingin niya sa buong classroom. Hindi maalis ang tingin ko sa kanya na ngayon ay naglalakad sa may dulong bakanteng upuan. Maputla ang balat niya na parang hindi ito nagpapasinag sa araw simula noong ipinanganak. Mahaba rin ang itim at wavy niyang buhok na hindi didikit sa balikat niya.

Nang maupo siya ng ayos ay sa harapan agad siya tumingin. Mapula-pula ang labi niya na parang may lip gloss. Nakakasilaw ang kaputian at kinis ng balat niya. Matangos din ang kanyang ilong at isa siya ro’n sa mga sinasabi nilang ‘God’s favorite’. Bagay na bagay ang hugis ng mukha niya sa malago niyang buhok. Siguradong pinagkakaguluhan na ng mga babae ang social media upang hanapin ang mga account niya.

***

“HOY FUENTES!”

Nakakadiring basang towel ang bigla na lamang dumikit sa mukha ko. Mabilis ‘kong hinanap ang salaring nagbato noon saka ko ini-spike ang bola sa kanya.

“Gago! Lahat na ng kabargasan Nathaniel alam mo.” Tawang-tawa pa siya ng lumapit ako sa kanya kaya isinalaksak ko sa bunganga niya ‘yung basang towel. Mabilis niya iyong tinanggal saka dumura.

“Nawawala kasi ang magiting naming si Satsuto Fuentes. May problema ka ba? Kanina ka pa wala sa sarili habang naglalaro,” sabi ni Nathaniel, ang ace ng college volleyball team ng university namin. Lunch break na namin ngayon at minsan kapag lunch break ay narito ako sa open court ng school upang makipaglaro kay na Nathaniel pagkatapos kumain. Nasa second year college na si Nathaniel sa University na ito, major in psychology, habang ako ay senior high pa lang. Nakilala ko siya noong senior high sila kasama na ang ibang kalaro rin namin ngayon sa volleyball club. Manghang mangha sila sa jump serve at spike ko, na nakakatanggal kamay raw pag-ni-receive, kaya atat na atat na si Nathaniel na mag-college ako. Unang-una niya akong i-re-recommend sa coach nila, panigurado, at mukhang wala na talaga akong kawala.

Napatingin ako sa kalangitan. Tumila na ang ulan pero madilim pa rin ang langit at mukhang may part two pa mamaya ang pag-ulan niya. Sana nakauwi na ko bago siya mag part two.

“Wala. Tara na laro ulit,” sabi ko saka nga kami nagkampihan. May ibang mga estudyanteng hindi naman kasali sa volleyball team na nakipaglaro rin sa ‘min. Ayos lang naman sa kanilang makipaglaro ang kahit sino, kahit hindi kasali sa team, baka may makalaro na lang daw kasi sila bigla one time na may potensyal edi puwede nilang i-recommend kapag college na. Pero syempre alam ko rin namang hindi madaling pasukin ang sports sa college, dapat mahal mo talaga ‘yung sports kasabay ng pag-aaral.

“Satsuto!” sigaw ni Clyde na mahal na mahal ang posisyon niya bilang setter ng volleyball team. College na rin ito at pareho sila ng major ni Nathaniel. Ngumisi ako saka tumalon ng mataas, mas mataas pa sa mga blocker sa kabila, at ng makita ko ang bola na alam kong abot ng aking kamay ay malakas ko itong hinampas. Gumawa ito ng napakalakas na ingay na nakapagpatigil sa lahat, kahit na sa mga dumaraan lamang.

Ng makaapak na ulit ako sa lupa, napansin ko ang nakatingin sa ‘kin sa may gilid. Tatlong hakbang lang ang layo namin sa isa’t isa at nakatayo lang siya roon. Mukhang nakita niya ang paghampas ko kanina ng bola. Titig na titig siya sa akin at ang mga mata niya... parang kumikinang habang nakaawang ang labi. Ang labi niyan---

“Anong masasabi mo sa ace namin?” tanong ni Nathaniel na bigla na lang sumulpot sa likuran at inakbayan ako. Itinatali na talaga nila ko sa volleyball team. Pero nakakatuwang nakikita niya ako bilang rival niya sa pagiging ace, kahit mas magaling naman talaga siya sa ‘kin.

“Masyado ka namang seryoso Fuentes,” sabi ni Dexter na nasa kabilang parte ng net. Kagaya ko ay senior high pa lang din siya at mataas ang potensyal niyang maging wing spiker.

Hindi naman maalis ang tingin ko kay Benesisto at hinihintay ang sasabihin niya. Hindi ko naman alam kung may sasabihin ba talaga siya pero kasi mukhang may gusto siyang sabihin pero hindi niya lang masabi o kaya naman...

Biglang tumunog ng malakas ang bell sa buong school na hudyat na mag uumpisa na ang panghapong klase. Napansin ko ang pamumula ng mukha ni Benesisto at mabilis siyang tumakbo papaalis. Kasabay ng pagtakbo niya paalis ay ang mata kong nakatingin sa likuran niya.

... baka naman gusto ko lang na may sabihin siya tungkol sa ‘kin?

-

Mga Comments (1)
goodnovel comment avatar
Rowdy Corey Tornito
wlang update dto Ang ganda pa nmn Ng story
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status