Share

Chapter 15

>xv<

Buong akala ko ay mababawasan na ang sakit paggising ko pero nandito pa din. Buong-buo. Walang labis, walang kulang. Kung pwede lang tanggalin nalang ang puso ay ginawa ko na. Napakatanga mo kasi Dominique, hinayaan mo ang sarili mong mahulog. Lakas tuloy ng lagapak mo.

Pakiramdam ko ay isang buwan na ang lumipas sa maghapong ito. Napakatagal lumipas ng oras. Kulang nalang ay hilahin ko ang kamay ng orasan para bumilis ito. Gusto ko nang umuwi hindi dahil sa kung ano pang bagay kundi para magkulong ulit sa kwarto. 

Pambihira kasing lalaki iyun. Hindi ko naman pwedeng sabihin na sana di ko na lang siya nakita o nakilala dahil utang ko sa kanya ang puri ko. I mean, buhay ko pala. Paano ba ang gagawin ko? 

Halos mabilaukan ako ng binili sa aking float ni Loki ng marinig ko ang kanta sa stereo ng kotse nya. Nagpresinta ulit kasi siya na ihatid ako tulad kahapon at dahil guilty pa din ako dahil sa napurnada naming dinner ay pumayag na ako. 

Paano ang gagawin ko

Na sana'y nasa piling mo? 

Sana'y hindi tayo magkalayo

Sana'y naririnig mo... 

Hindi ko kaya ang limutin kita

Masdan mong lumuluha ang aking mga mata

Pilitin ko man, ako'y nasasaktan

Ang katotohanan

Ay mahal pa rin kita...

Ngaling-ngaling kong ilipat sa ibang istasyon ang radio kaso baka magtaka bigla si Loki kaya hinayaan ko na lang. 

"You alright?" kunot noo nyang tanong sa akin. 

"Oo naman," sagot ko na sinamahan pa ng tipid na ngiti. Saka muling ibinaling sa daan ang tingin.

Hindi man siya mukhang kumbinsido ay pinapalampas na lang din marahil nya. Hindi na rin siya muling nagsalita pa. 

Hindi na ako nagpababa sa mismong tapat ng bahay namin namang makarating kami dahil maraming langaw na umaaligid. Well, they’re not totally flies, but I prefer to call them that. Mga chismosa at inggiterang mga kapitbahay na halos lumuwa ang mga mata ng makakita ng magarang kotse kahapon ng ihatid ako ni Loki. Awtomatikong nagsisihaba ang mga leeg at lumalaki ang mga tenga kapag may kakaibang nakita.

Noong una ay nagpupumilit pa sya pero nagmatigas ako kaya sa kanto na lamang niya ako ibinababa. Malapit lang din naman iyon sa bahay at kaya nang lakarin. Agad din naman siyang nagpaalam dahil may pupuntahan pa daw siya. 

Madilim pa ang buong kabahayan nang matanawan ko ito sa malayo kaya nakasisiguro akong hindi pa nakakauwi si Cess. Nadadalas na ang late na pag-uwi nya nitong nakakaraan. Mukhang may tinatago yata sa akin ang kaibigan ko. Kung sabagay, kung ano man iyon ay nasisigurado kong malalaman ko din yon. 

Madilim man sa dinaraanan ko ay panatag ang kalooban kong maglakad. Wala sa akin ang takot sa ngayon. Pakiramdam ko nga mas safe ang ganito. Tahimik, madilim, payapa. Ganito ako kapag may iniisip o kaya ay nalulungkot. And I was actually feeling those things all at the same time. Nasaktan na ako dati pero hindi ganito. Kung bakit ganito na lang katindi nang masaktan ako ngayon. Ngayon pa na sa isang taong minsan ko lang nakita at nakilala. 

Ganoon nalang ba ako umasa na sya na ang para sa akin? Dahil lang ba sa inasta nya ay nahulog na ako? Dahil ba sa malalagkit nyang tingin? Dahil ba iniligtas niya ako? O dahil nabulag ako sa katangiang meron siya na pinapangarap ko sa isang lalaki? Oo. Lahat ng iyan ang dahilan kung bakit ako nasasaktan ngayon. Napailing ako. So much for a fairytale dream?

Lulong sa isipin kung kaya’t hindi ko na napansin ang dinadaanan ko dahilan para mabangga ako sa isang poste. Pero bakit ganon, bakit hindi masakit? Teka, may poste sa gitna ng kalsada? 

"You should look where you are going."

Ang boses na yon. Nanlaki ang mata ko pagkadinig sa lalaking-lalaki nitong boses. Nagsasalita na ba ang poste? At pati poste ginagaya ang boses niya? 

Biglang bumilis ang tibok ng puso ko. Ang boses na iyon. Siya ba ang nasa harap ko? Siya na ang nabangga ko? Gusto kong malaman kung siya nga pero hindi ko magawang tignan. Hindi ko sya magawang tingalain kaya't nanatili lang sa ibaba ang tingin ko. Noon ko napansin ang suot nitong Nike sneakers. Mariin kong naipikit ang mga mata ko. 

Napasinghap ako ng hapitin ako nito dahilan para mapabagsak ako sa katawan nito. Dagli kong naramdaman ang pamilyar na kuryente mula sa simpleng pagdidikit lamang ng mga katawan namin. Hindi ko namalayang nakahawak na pala ang mga kamay nya sa braso ko kanina para hindi ako matumba kaya madali nitong naipalibot sa bewang ko ang mga braso. Nakayakap na sya sa akin ngunit nanatili pa ring nakahawak sa braso nya ang mga kamay ko. 

"Like what you're touching?" nanunukso nyang bulong ng inilapit ang bibig sa tenga ko. 

Halos magsitayuan lahat ng balahibo ko sa katawan dahil sa ginawa nya. Hinamig ko agad ang sarili ko bago pa ako mawala ng tuluyan sa katinuan dahil sa presensya nito. Pilit kong itinukod ang mga braso ko para gumawa ng distansya sa pagitan namin. Pakiramdam ko ay lalo akong hindi makakapag-isip ng maayos kapag ganito kami kalapit. I missed him, really, pero kailangan kong dumistansya. Though pushing him made poor attempt because he's pulling me back. 

"Marione..." untag ko sa kanya ng hinigpitan niya ang yakap sa akin. Ano ba nangyayari sa kanya? Hindi naman siya amoy alak pero bakit kakaiba ang ikinikilos niya? Nahihirapan ako. Lalo lamang nitong ginugulo ang isip ko.

"Will Loki kill me for this?" 

Hindi pa rin ako makasagot. Iniisip ba niyang may relasyon kami ni Loki kaya siya nagkakaganito? Kaya ba siya nagpunta dito? Kung alam ko lang na si Loki ang magiging dahilan para magkita kami ulit at magkaganito siya ay matagal na sana akong nakipaglapit. Napailing ako sa isip. Hindi. That's selfish. This isn't right. Noon ko biglang naalala ang babaeng kasama nito sa restaurant. May girlfriend siya. Tapos ang lakas ng loob niyang pumunta dito at umasta ng ganito?

"Nikki... Please... Don't fall in love with me... "

Umalingawngaw pa muli sa isip ko ang sinabi nya. Noon ko inipon ang lahat ng lakas ko at tinulak siya. Sa pagkakataong ito ay nagtagumpay ako. Napaatras siya ng bahagya saka kunot-noong tumitig sa akin.

"Ano ba?" singhal ko saka lakas loob na sinalubong ang titig nya. "Ano bang problema mo?"

Ang mga matang iyon. Pakiramdam ko ay gusto kong maiyak habang nakatingin ako sa abuhin nitong mata. Agad kong ipinikit nang mariin ang mga mata dahil alam kong ano mang sandali ay bibigay ako. Galit ako sa kanya. Galit ako. Bagay na pilit kong pinagsisiksikan sa isip ko.

"Is he your boyfriend now?" 

Bakit parang may nahihimigan akong pait sa tinig nya? Hindi. Nililinlang na naman ako ng pandinig ko. Namali lang ako ng dinig. Niloloko ko na naman ang sarili ko. 

"Ano bang pakialam mo? Hindi ba at may girlfriend ka? Duon ka na sa kanya o kung asawa mo man siya. Umalis ka na dito." 

Tinalikuran ko na sya at tinungo ang gate. Akmang bubuksan ko na iyon ng mabilis niyang naiharang ang mga braso sa pinto. Aalis na sana ako sa kinatatayuan ko ng iharang niya naman ang isa pang braso sa kabila dahilan para makulong ako sa pagitan niya at ng gate. Kumabog ng malakas ang dibdib ko pero nanatili lamang akong nakatalikod sa kanya. 

Nahihirapan na akong huminga dahil sa naghuhurumentado kong puso. Napakasarap makulong sa mga bisig niya pero hindi ito tama. Magkahalong saya at lungkot ang nararamdaman ko na tila gusto ko nalang maiyak sa paghahalo ng dalawang emosyon. Bakit ba ganito kahirap? Bakit ba ganito kakomplikado?

Naramdaman ko nang ilapit niya ang mukha sa tenga ko. Sumisigid sa bawat himaymay ng katawan ko ang init ng hininga niyang tumatama sa balikat at leeg ko. Tila naaakit na tuloy akong humarap sa kanya ngunit pinigilan ko ang sarili ko. 

"Did I smell jealousy?" mapanukso pa rin niyang turan. 

Selos? Hindi ba't selos din ang nahimigan ko sa kanya kanina? Ano ba ito? Naglolokohan na lang ba kami? Naglalaro? Alin man duon, sa dulo ako rin lang naman ang matatalo. 

"Umalis ka na," matigas kong sabi. Nakayuko ko siyang hinarap saka tinulak ng buong lakas. Napaatras ulit siya ngunit hindi iyon nakapaglagay ng malaking distansya sa pagitan namin. 

Nang mag-angat ako ng tingin ay nakita kong napalitan ng blankong ekspresyon ang mukha niya. Mataman na niya akong tinitigan. Titig na tumatagos sa kaluluwa ko at halos magpalambot ng tuhod ko pero hindi ko na hahayaang malaman o makita pa niya iyon. 

"Ano bang ginagawa mo? Paano mo nalamang dito ako nakatira? " 

"Pinagbawalan ka na ba ng boyfriend mo na tumanggap ng bisita?" pagbabalewala niya sa mga tanong ko. 

"Ano bang ginagawa mo dito? Sinusundan mo ba ako? Ano bang kailangan mo?" ulit ko sa sariling tanong. Sinusubukang balewalain ang mga sinasabi niya. Matapos kong ibato ang mga tanong ay hindi na siya umimik pa. Sa halip ay pinagkatitigan ako. His eyes held answers pero nanatili pa rin siyang walang imik. 

"Kung pinaglalaruan mo lang ako, please iba nalang," buong pait kong sabi sa kanya saka siya tinalikuran. Hindi pa man din ako nakaka-isang hakbang ng magsalita siya. 

"Sa tingin mo ba, pinaglalaruan lang kita?" malamig nyang tanong sa akin. 

Ramdam ko ang mumunting karayom sa dibdib ko. Nanatili pa rin akong nakatalikod dahil hindi ko na kayang makipagtagisan pa ng titig sa kanya. 

"Hindi nga ba?" balik-tanong ko sa kanya.

"Sa tingin mo ba ay mag-aaksaya ako ng panahon para puntahan ka at paglaruan kung marami naman dyan na nagkakandarapa sa atensyon ko?" aniya saka unti-unting humahakbang palapit sa akin. 

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status