Share

Chapter 3

Sherra's POV

Malayo pa lamang ako ay natatanaw ko na ang nakaparadang sasakyan ni Jared sa tapat ng bahay ko. Hindi ko na huhulaan kung sino ang babaeng  kasama niya na nakayakap sa kanya dahil natitiyak ko na ang babaeng iyan ay walang iba kundi ang haliparot kong ex-best friend. Agad na naglayo ang dalawa nang mapansin nilang may parating na taxi. Ang taxi na kinalululalan ko.

Agad na kumulo ang dugo ko sa kanila. Ang kapal ng mukha nila para magpakita pa sa akin. Akala nila ay maloloko nila ako forever. Saglit na kinapa ko ang aking dibdib. Wala na akong nararamdaman ni katiting na pagmamahal para sa kanilang dalawa bilang boyfriend at best friend ko dahil galit na lamang ang natitira sa aking dibdib para sa panlolokong ginawa nila sa akin. Masyado nilang inapakan ang aking pagkatao. Bakit hindi na lang nila sinabi sa akin na may relasyon sila? Maiintindihan ko naman kung bakit nahulog ang loob nila sa isa't isa at magiging masaya pa ako para sa kanilang dalawa. Handa akong magparaya para sa kanilang ikaliligaya. Ngunit hindi nila sinabi sa akin. Itinago nila sa akin ang kanilang relasyon at hindi ko pa malalaman kung hindi ko sila aksidenteng naabutan habang may ginagawang milagro.

Pagbaba ko sa taxi ay agad akong sinalubong ng dalawa at pagkataposay mahigpit akong niyakapni Jared.

"Bakit hindi mo sinasagot ang mga text at tawag namin ni Amy sa'yo, Sherra? Alam mo ba na alalang-alala kami sa'yo," sabi ni Jared habang nakayakap sa akin ng mahigpit.

"Oo nga naman, Beshy. Nag-alala talaga kami sa'yo. Sa sobrang pag-aalala sa'yo ni Jared ay hindi tuloy siya nakatulog ng maayos," sabi naman ni Amy na animo'y totoong nag-aalala sa akin. Lihim tuloy akong napaismid dahil sa galing niyang umarte. Ngunit alam ko naman na sa kaloob-looban nilang dalawa ay lihim nila akong pinagtatawanan dahil wala akong kamalay-malay na niloloko pala nila ako. Ngunit hindi na ngayon dahil alam ko na ang totoo nilang kulay.

Pabiglang itinulak ko si Jared na nakayakap pa rin sa akin. Halatadong nagulat ito sa aking ginawa ngunit wala akong pakialam. Hinarap ko si Amy at tinapunan ng malisyosong ngisi sa halip na unahing kausapin si Jared.

"Bakit mo naman alam na hindi siya nakatulog ng maayos? Sa bahay ka ba niya natulog? Magkatabi ba kayong natulog? Sigurado ka bang kaya hindi siya nakatulog ay dahil sa pag-aalala sa akin o dahil hindi mo siya pinatulog?" nakataas ang kilay na tanong ko sa kanya sabay ismid.

"Ano ba iyang mga tanong mo, Sherra? Bakit naman ako matutulog sa bahay ng boyfriend mo? Ano ba ang iniisip mo sa akin? Nang-aagaw ng boyfriend ng best friend ko? Nakakasakit ka ng damdamin alam mo ba iyon?" nakasimangot na sabi ni Amy na may pagtatampo sa tinig. Alam kong nagkukunwari lamang itong nagtatampo dahil tinamaan ito sa aking mga sinabi at para hindi ko mahalata ang itinatago nilang relasyon. Ngunit ano pa ba ang itatago nila dahil buko ko na ang lihim nilang dalawa?

"Oo nga naman, Sherra. Ano ba iyang mga pinagsasasabi mo? Nag-aalala kami sa'yo tapos iba pala ng iniisip mo?" galit namang tanong sa akin ni Jared. Ang sarap talaga nilang pagbuhulin. Ang galing nilang umarte. Bagay na bagay talaga silang dalawa. At kahit sinong tao na makakakita at makakarinig sa amin ay natitiyak kong kakampi sa dalawang manlolokong ito. Masyadong convincing kasi ang acting nila. Pang MMFF o Metro Manila Film Festival. Ngunit bagsak na sila sa akin. Hindi na uubra ang drama nilang dalawa.

"Break na tayo, Jared. At ayoko na ring makipagkaibigan sa'yo, Amy. Magmula ngayon ay wala na kayong pakialam pa sa akin," walang anu-ano ay sabi ko na ikinagulat ng dalawa. Totoo ang nakita kong pagkagulat na lumarawan sa mukha nila ngunit hindi nakaligtas sa akin ang bahagyang pagngiti ni Amy na bigla ring natuwa sa kanyang narinig. Ngunit saglit lamang dahil biglang lumungkot na ang anyo nito at muling inumpisahan ang pagda-drama.

"Bakit, Sherra? Ano ba nag nagawa kong kasalanan sa'yo? Bakit hindi mo sabihin sa akin para maayos natin? Huwag mo namang sayangin ang pagkakaibigan natin na binuo natin ng ilang taon," umiiyak na tanong sa akin ni Amy. Pang award-winning talaga ang acting niya.

"At ako, Sherra? Bakit ka nakikipaghiwalay sa akin? Ano ba ang nagawa kong kasalanan sa'yo? May ibang lalaki ka bang nagugustuhan?" malungkot ngunit may kahalong galit na tanong naman sa akin ni Jared. "Mahal na mahal kita, Sherra. Huwag mo namang gawin sa akin ito," nakikiusap ang anyo na sabi niya sa akin.

Tinitigan ko ang mukha ng aking best friend at boyfriend na parehong nagsusumamo. Malayo ang hitsura nila ngayon sa nakita kong hitsura nila kagabi habang sarap na sarap habang tinitikman ang katawan ng isa't isa. Magaling. Thumbs up ako sa pagiging artista nila kaya hindi ko napigilan ang aking sarili na pumalakpak at matawa ng malakas.

"Magaling! Best actor and best actress! Bakit hindi na lang kayo mag-artista? Sa galing ninyong umarte ay tiyak maraming magagaling na artista ang kayang pataubin ng inyong pag-arte," nakangiti kong sabi sa kanila habang pumapalakpak at tumatawa.

"Ano ba ang pinagsasasabi mo, Sherra? Puwede bang liwanagin mo para hindi kami nagmumukhang tanga sa harapan mo?" galit na sita sa akin ni Jared. Ang kapal talaga ng mukha niya at siya pa ang may ganang magalit sa akin. Gusto kong ihambalos sa mukha niya ang aking dalang shoulder bag ngunit pinigilan ko ang aking sarili. Hindi naman kasi ako bayolenteng tao. Ngunit baka maging bayolente ako ngayon kapag hindi ko mapigilan ang aking sarili.

"Huwag na kayong mag-drama pa sa harapan ko, Amy, Jared. Bistado ko na kayong dalawa. Alam ko nang may relasyon kayong dalawa. Na niloloko niyo ako! Mga hayop kayong dalawa! Mga imoral!" galit na sigaw ko nang hindi ko na mapigilan ang aking sarili dahil sa nakikita kong pagpapanggap nila. Nakita ko ang pagkagulat sa mukha nila lalong-lalo na si Jared na biglang namutla ang hitsura. Parehong walang makapagsalita sa kanila at nanatiling nakatingin lamang sa akin. "Akala ninyo na hindi ko matutuklasan ang kababuyang ginagawa ninyo sa aking likuran? Kailan pa? Kailan niyo pa ako niloloko?!"

"P-paano mo n-nalaman na ma r-relasyon kami ni Amy?" nauutal na tanong ni Jared pagkatapos ay matalim na tinapunan nito ng tingin si Amy na wala na ang hitsurang umaarte. "Ikaw ba ang nagsabi kay Sherra na may relasyon tayo, Amy? Inamin mo ba sa kanya ang totoo?" galit na tanong nito kay Amy.

"Of course not. Bakit ko naman sasabihin sa tangang babaeng iyan na may relasyon tayo, Jared? Saka ano ang ikinatatakot mo? Dapat nga ay masaya ka dahil magiging opisyal na tayong magkasintahan ngayong alam na  ni Sherra na niloloko natin siya," matapang na sagot ni Amy. Sa tagal naming magkaibigan ay ngayon ko pa lamang nakita ang tunay niyang pag-uugali. Nakangising hinarap naman niya ako. "At nagtatanong ka kung kailan ka pa namin niloloko, Sherra? Two years na kaming may relasyon at kasal na lamang ang kulang sa aming dalawa. Kasalanan mo kung bakit ka nagawa naming lokohin. Kasalanan mo dahil istupida ka!"

"Tama ka, Amy. I'm stupid dahil nakipagkaibigan ako sa mga taong manloloko at maiitim ang budhi. Pero wala na sa akin ang lahat. Kung mahal ninyo ang isa't isa ay magsama kayo at magpakasaya. The hell I care!" galit na sagot ko sa kanya. Galit ako hindi dahil sa natuklasan ko ang tunay niyang ugali kundi dahil sa mga sinabi niya sa akin.

"Oh really? But I'm sure na buong magdamag kang nag-iiyak kagabi dahil sa natuklasan mo," nakangising panunuya sa akin ni Amy.

Sa halip na magpaapekto sa kanyang panunuya ay ginaya ko ang nanunuya niyang ngisi sa akin. Nakataas ang kilay na sinuyod ko siya ng tingin mula ulo hanggang paa pagkatapos ay bigla akong umiling.

"Hawakan mong mabuti sa kewg si Jared, Amy. For sure, maghahanap siya ng babaeng puwede niyang maipagmalaki sa ibang tao. Hindi katulad mo na pinagsawaan na niya ang katawan kaya wala ng katas. Oo nga at mayaman ka ngunit hindi ka naman niya maipagmamalaki dahil alam naman natin na kaya ka lamang naka-graduate dahil ginamit ng daddy mo ang pera niya para pataasin ang mga mabababa at bagsak mong grades," nang-iinsultong sabi ko sa kanya. Wala naman akong intensiyon na insultuhin siya ngunit sumusobra na siya. Sa halip na mag-sorry dahil sa panlolokong ginawa nila sa akin ay siya pa ang mas may ganang magalit at mang-insulto na para bang siya ang naloko. Mabuti na lamang at marami akong alam na kabulastugan ng pamilya nila kaya ginamit ko iyon para makaganti sa kanya kahit paano.

Biglang nanlisik ang mga mata ni Amy nang marinig ang aking sinabi. Pulang-pula ang mukha nito dala ng matinding galit sa akin. Akmang susugurin niya ako ngunit mabilis siyang napigilan ni Jared.

"Stop it, Amy! Huwag mo nang palalain pa ang sitwasyon. Nagkasala tayo kaya dapat tayong humingi ng tawad kay Sherra," saway ni Jared kay Amy.

"Bakit mo ako pinagsasabihan? Ako ang totoong girlfriend mo kaya dapat sa akin ka kumampi. Narinig mo ba ang mga pang-iinsultong sinabi niya sa akin, Jared? Hindi ko mapapalampas ang sinabi niya. At saka hindi natin kasalanan kung nagawa nating paikutin sa ating mga palad dahil masyado siyang bobo! Akala niya ay totoong may magmamahal sa kanya na isang lalaking mayaman. Ambisyosa at boba siya kaya nararapat lamang sa kanya ang ginawa natin!" hinihingal na sigaw ni Amy kay Jared. Sa lakas ng tinig nito ay nakaagaw na kami ng pansin sa mga taong naglalakad sa kalsada.

Bigla namang nagdilim ang aking paningin nang marinig ko ang mga sinabi ni Amy sa akin. Kaya isang malakas na sampal ang pinadapo ko sa kanyang pisngi. Nagulat si Amy ngunit agad ding nakabawi. Matapang siya kaya alam ko na hindi siya papayag na hindi makaganti sa akin. Inisip ko na sasampalin din niya ako kaya inihanda ko ang aking kamay para salagin ang kamay niya sakaling sampalin niya ako. Ngunit hindi ko inaasahan na hindi pala isang sampal ang igaganti niya sa akin kundi isang malakas na sipa sa aking sikmura. Sa lakas ng pagkakasipa niya ay tumilapon ako ngunit hindi ako natumba dahil bumangga ang aking likuran sa isang matigas na katawan ng isang tao. Nang lingunin ko kung sino ang may-ari ng matigas na katawan ay hindi ko inaasahan ang aking makikita.

Kurt Contreras? nanlalaki ang mga matang sambit ko sa aking isip sa pangalan ng taong hindi ko na nais pang makitang muli.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status