Share

The Stage Is Set

 

 

Siya ang tinaguriang “The Wonderland King ng Pilipinas” dahil siya ang CEO ng HAPPY-GO-FAMILY Corp., isang kompanya na binubuo ng limampung theme park-resort. Aqualand, Sand Palace, Blue Island at Haunted Kingdom-iilan lang ito sa theme park-resort na pag-aari niya na matatagpuan sa iba’t ibang lugar sa Laguna, Batangas, Cavite, Bulacan, Pampanga at sa iba pang probinsiya ng Pilipinas.

Two kilometers away from Haunted Kingdom is the main office of the Happy-Go-Family Corp. in Pampanga. Ang nasabing kompanya ay may tagline na “Gusto ko happy ka kasama ng iyong pamilya” na makikita sa mga TV at print advertisements. Layunin ng kompanya na maging masaya ang bawat pamilyang Pilipino sa pinakamahahalagang araw ng kanilang buhay kaya nilikha ng ama niya ang kompanyang ito.

Sa malawak na CEO’s office, naroon ang models ng bawat theme park-resort na mistulang diorama na nagsama-sama. Bawat detalye ay carefully crafted at may mga collection siya ng limited action figures ng mga sikat na characters sa pelikula, comics at series na talagang kinahiligan ni Jasper.

Sa murang edad ay sinanay si Jasper ng kanyang ama pagdating sa pamamahala ng kanilang mga negosyo. Halos lahat ng kaalaman magmula sa pamamahala hanggang sa pagpili ng mga tao sa kompanya ay hands-on niyang natutuhan iyon.

Ngayon na sa edad na trenta ay isa siyang matagumpay na CEO. Ilang beses siyang nai-feature sa mga business and entrepreneur magazines. Hindi lang dahil sa galing niya sa negosyo at pamamahala kaya siya nasa magazines kung ‘di dahil rin sa taglay niyang kakisigan. Magkahalong Chinese at Filipino features ang kanyang mukha na medyo may pagkasingkit ang kanyang mga mata dahil Filipino-Chinese ang kanyang ina samantalang purong Pilipino ang amang si Don Fernando.

Kung mga success story ang mababasa sa mga magazines tungkol sa kanyang career ay lingid naman sa kaalaman ng mga tao ang mga paghihirap niya nang mamatay ang kanyang ama. Nabaon sila sa utang kaya ang mga kompanya na dating pinamamahalaan ng ama ay nawala sa kanila. Ang tanging natira, ang HAPPY-GO-FAMILY Corp.

Iyon sana ang pinakamasayang birthday niya. Kumpleto silang tatlong buong pamilya sa outing na ‘yon dahil for the first time ay iniwan ng kanyang magulang ang trabaho para makasama siya. Ang regalo ng kanyang magulang ay mauuwi pala sa trahedya.

Namatay ang kanilang padre de pamilya. Kinailangan ng kanyang ina na pamunuan ang kompanya kahit hindi naman ito handa sa kabila ng sakit na mawalan ng haligi. Pero sa tingin ni Jasper, hindi lang ang kanyang ama ang nawala 12 years ago, kundi kasama ang ina niya. Alam niyang sinisi siya nito dahil pagkatapos noon ay hindi na siya nagdiwang pa ng kaarawan.

Naghanap siya ng masisi. Sinisi niya ang nakabangga sa kanyang ama na si Teodoro Mangubat at ang pamilya nito. At higit sa lahat sinisi niya ang kanyang sarili.

Pero maling tao pala ang nakulong at nagdusa. Nang malaman niya ang katotohanan ay galit ang naghari sa puso niya.

Tumigil siya sa pag-iisip nang makarinig ng tawag sa intercom.

“Sir, nandito po si Mrs. Buenavidez,” paalam ng sekretarya niya.

“Papasukin mo agad.”

Pagkapasok ng kanyang ina ay agad na umupo ito sa upuan sa loob ng kanyang opisina.

“Hindi mo pa rin tinitigilan ang pangongolekta mo ng mga walang kuwentang bagay na ‘yan, Jasper,” matiim na pahayag ng kanyang ina na nakatingin sa mga nakadisplay na action figures sa malaking cabinet na fiber glass.

Hindi siya sumagot sa ina. Mauuwi lang kasi sa pagtatalo kapag pinatulan niya ang pagrereklamo nito. Alam naman niyang hindi siya nito maiintindihan lalo na ang kanyang hobbies at fascination. Alam na alam niyang hindi nito naiintindihan ang pakiramdam na mag-isa kaya sa libangan niya ibinubuhos ang kanyang oras kapag nalulungkot siya.

“Anong gusto n’yong inumin, Ma? Coffee or tea?” tanong niya rito.

“I want chrysanthemum tea.”

Pinindot niya ang intercom at inutusan ang kanyang secretary na ipagtimpla siya ng black coffee at chrysanthemum tea naman ang sa kanyang ina.

“Hindi karaniwan na dumalaw kayo sa opisina ko, Ma,” malamig niyang bungad nang umupo siya sa harap nito.

“May nabalitaan kasi ako kay Attorney. Gusto mo raw ng reinvestigation sa kaso ng iyong ama?”

“Napaka-loyal naman ni Attorney sa’yo. Wala pang isang araw nang sabihin ko ‘to sa kanya,” sarkastikong sagot niya.

“Jasper, mas mabuti pang kalimutan na natin ang lahat. Hindi makakabuti sa’yo at sa atin kung pabubuksan mo uli ang kaso,” sagot ni Donya Sophia na magkahalo ang pakiusap at diin.

“Hindi si Mang Teodoro ang totoong nakapatay kay Papa. It’s unfair lalo na para sa atin na all this time ay hindi pa pala natin nakuha ang hustisya.”

“Minsan may mga bagay na ‘di na dapat nating binabalikan, Jasper dahil masasaktan ka lang.”

“Bakit Ma? May bagay ba na hindi ko dapat malaman?”

Natigilan ang kanyang ina. Nakita niyang napalunok ito. “Hindi mo na dapat-.”

Hindi na naituloy ang sasabihin ni Donya Sophia nang marinig na may kumakatok. Magkasabay silang napalingon sa direksyon ng pintuan ng opisina. Pumasok ang sekretarya na may dalang dalawang tasa na nakapatong sa tray.

“Ito na po ang kape at tsaa n’yo, Sir, Mam,” magalang na sabi ng sekretarya. Ipinatong nito ang mga tasa sa maliit na lamesang kahoy na nasa harap nina Jasper at Donya Sophia. “May ipag-uutos pa po ba kayo, Sir?” tanong nito bago umalis.

“Wala na,” sagot ni Jasper.

“Sige po.” Matapos magpaalam ang sekretarya ay agad na humigop si Donya Sophia ng tsaa. Humugot muna ng malalim na buntung-hininga bago tumingin sa kanya.

“Hindi n’yo pa po sinasagot ang tanong ko, Ma,” pagpupumilit ni Jasper.

“Hindi mo na dapat hinahalungkat pa ang nangyari sa Papa mo, Jasper. Patay na si Mang Teodoro. Hindi pa ba sapat para sa’yo ‘yon? Hayaan mo na lang ‘yon, Jasper. Pwede bang kalimutan na lang natin ang lahat? Ha?”

“Hindi, Ma. Hindi ko ramdam ang hustisya dahil hindi siya ang totoong may sala.”

“Walang pinatutunguhan ang usapan nating ‘to.” Agad tumayo si Donya Sophia. “I am advising you to stop this reinvestigation, Jasper. CEO ka ng kompanya pero tandaan mo na ina mo pa rin ako. Gusto ko na sundin mo ang gusto ko.”

“I’m sorry, Ma. I can’t promise you na susundin ko kayo.”

Tiningnan siya nang matalim ng kanyang ina. Wala na itong sinabi pa, sa halip ay lumabas ng kanyang opisina.

Ipinagtataka ni Jasper kung bakit ganito ang ikinikilos ng kanyang ina. Wala siyang makitang dahilan para ikagalit nito sa muling pagbubukas sa kaso ng kanyang ama.

“Sir, nandito po si Sir Ed,” ang secretary niya sa intercom.

“Let him in.”

Isang lalaking nakasumbrero ang pumasok. May dala itong isang envelope.

“Good work. I’ll transfer the payment sa account mo,” puri ni Jasper.

“Thank you, Sir. Tawag lang po kayo sa’kin sakaling may ipapatrabaho kayo ulit.”

Pinindot niya ang intercom at tinawagan ang secretary.

“Kim, paki-cancel ang meeting ko sa Haunted Kingdom. Sabihin mo sa manager na siya na muna ang bahala mag-asikaso sa lahat and send me a detailed report of the shoot.”

“Yes, sir,” sagot ng secretary niya sa kabilang linya.

Binuksan ng binata ang envelope na dala ni Ed. Sa loob ng envelope ay mga pictures ng isang pamilya na may apat na miyembro.

Binasa niya ang information na kasama ng mga pictures. “Hmmm…Very detailed. Not bad. Pero hindi lahat ng nakikita sa kanila ay totoo. What you see is not what you get.”

-Blue S. Sandejas – 26 years old, singer, actor, model, dancer.

-Father: Antonio R. Sandejas, CEO of Sandejas Automatic, 60

-Mother: Violeta S. Sandejas, 59

-Brother: Red S. Sandejas, 29

I think it’s time. The opening act is with you, Blue Sandejas.

Nilamukos ni Jasper ang litrato ng pamilya Sandejas at itinapon ito sa basurahan. Ibinaling niya ang kanyang atensiyon sa kanyang pinakapaborito at pinakamalaking theme park, ang Haunted Kingdom. Kinuha niya ang mga bagong action figures na binili at inilagay ang mga ito sa harap ng miniature model.

The casts are already in place and the stage is set.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status