Share

Kabanata 6

Mahigit dalawang oras ang inabot ng paghihintay nina Ivan, sa labas ng silid ni Alona. Hindi ito mapakali at palakad-lakad na lang, habang nakahawak sa kaniyang noo gamit ang isang kamay.

Nakasunod naman ng tingin si Kiko sa kaniya at nagbuga ng malalim na paghinga.

"Puwede ba, Ivan? umupo ka na muna sandali at kumalma. Ako tuloy ang nahihilo sa kakaikot mo riyan," turan nito sa kaniya. Saglit namang natigilan sa paglalakad ang binata at lumingon ito sa kaniya na nakapamulsa ang dalawang mga kamay.

"Kiko, sabihin mo nga sa akin. Wala ka bang napapansin na kakaiba? o baka naman may ibang taong pumasok sa loob ng kwarto niya?" usisa niya habang napailing naman sa ulo si Kiko at nanliliit ang mga mata.

"Kakaiba? wala naman. Bakit?" mabilis nitong tinugon sa kaniya.

"Sigurado ka ba? wala kang napansin na kakaiba?" medyo natagalan sa pagtugon si Kiko sa kaniya at tila may malalim itong iniisip.

"Hoy, Kiko? naririnig mo ba ako? nakikinig ka ba sa akin?" muling tanong nito sa kaniyang kaibigan.

Bigla naman natauhan ang pilyong binata sa kaniya nang marinig nito ang pagbanggit sa pangalan niya. Muli itong napatingin sa kaniya at saka tumayo sa harapan niya. Sinundan naman siya ng tingin ni Ivan at may bakas ito ng pagtataka sa kaniyang mukha.

"Bakit? may problema ba?" usisa niya sa binatang kaharap.

"Ang totoo kasi niyan, Ivan." Huminto ito saglit sa pagsasalita at napayuko na lang ng ulo. Gumuhit naman ang kunot sa noo ni Ivan at tila kinukutuban siya ng masama sa nais nitong ipabatid sa kaniya.

"Ano ba 'yon, Kiko? bakit ayaw mong sabihin sa akin?" aniya na may halong pangamba sa tono ng boses niya. Muling umangat ang ulo ni Kiko at tinignan siya sa mata.

"Kanina kasi habang naglalakad ako pabalik sa kuwarto niya ay may nakasalubong akong taong nakajacket. Nung una ay hindi ko siya pinansin, kasi ang akala ko katulad lang siya ng iba. Akala ko may binisita lang siya rito sa hospital o may kakilala lang siya. Pero nung maalala ko yung mga nangyari, mukhang nagkasalisihan kaming dalawa."

"Ano ang ibig mong sabihin?" ani ni Ivan na magkasalubong ang dalawang kilay niya.

"Nung oras kasing nagkabanggaan kaming dalawa ay sakto ring nagsitakbuhan yung mga nurse at doktor sa kwarto ni Alona. At bukod pa roon, nakita ko 'to." Pagkasabi ni Kiko ay may inabot naman siyang litrato kay Ivan na mas lalong ikinagulat nito.

"Mukhang nahulog yata 'yan mula sa bulsa ng taong nakabanggaan ko kanina. At saka kung hindi ako nagkakamali, hindi ba't iyan din yung litratong naka-display sa side table ni Alona?" dagdag pa nitong usal sa kaniya.

Bigla naman tumalikod ang binata sa kaniya at sandaling sinilip ang loob ng silid ni Alona. Laking gulat na lamang niya nang matanaw din niya kaagad ang side table nito at napansing wala roon ang family picture ng dalaga na kinuha pa niya sa kwarto nito upang ilagay roon.

"Teka! nawawala yung picture frame niya roon! ibig sabihin, tama ang hinala ko na iyan nga ang litrato niyang 'yon." Turo naman ni Kiko sa litratong hawak ni Ivan.

"Napansin mo ba kung ano ang itsura ng taong iyon?" usisa niya na may bakas ng pangamba sa mukha. Umiling naman sa ulo ang binata at saglit na napakamot sa kaniyang batok.

"Actually, hindi e. Nung sandali ko kasing dinampot iyan sa sahig, bigla na lang din siyang nawala." Tugon niya at muli nilang binalingan ng tingin ang hawak nitong litrato.

"Sa tingin ko, siya rin iyon." Biglang saad ni Ivan na nagpatunghay sa binatang kausap.

"Huh? what do you mean by that?" tanong niya na may bakas din ng pagtataka sa kaniyang mukha.

"Kanina, bago pa man ako magtungo rito ay may naengkwentro akong taong nakahoody jacket sa loob ng elevator at-" naputol naman ang kaniyang sinasabi nang pangunahan siya sa pagsasalita ni Kiko.

"Wait a minute! nakahoody jacket ba kamo? tapos naka-jogger pants at rubber shoes na black?" usisa niya na may pagtaas ng isang kilay.

"Oo, ganoon nga ang suot niya. Teka, huwag mong sabihin na siya din yung tinutukoy mo sa akin na nakabanggaan mo kanina?" paniniguro ni Ivan sa kaniya.

"I think, siya nga iyon." Aniya na may pagtango ng ulo. Napabuntong hininga na lamang si Ivan sa sobrang pangamba na nararamdaman niya, napasapo siya sa sariling noo gamit ang isang kamay at tila mas lalo siyang nag-aalala ngayon sa kalagayan ng dalaga.

Kapos kasi niya sa oras ngayon, upang mabantayan niya ang dalaga ng bente kwatro oras. Halos inaasikaso kasi niya ang mga mahahalagang papeles na naiwan ng mga magulang nito, pati na ang tungkol sa kanilang kumpanya. Hindi rin naman niya ito puwedeng pabayaan na lang ng basta-basta, sapagkat alam din niya kung gaano ito kahalaga para sa pamilyang Desepeda. Bukod pa roon ay naniniwala siya na kayang-kayang paangatin ito muli ni Alona, sa oras na gumaling na ito at bumalik sa normal ang kaniyang sitwasyon.

Subalit, isa sa mga pinangangambahan niya ay ang kaligtasan naman nito. Naguguluhan na siya at nalilito sa kung ano ba ang dapat niyang uunahin. Halos patong-patong na problema ang inaasikaso niya ngayon, pati na ang aksidenteng nangyari sa pamilyang Desepeda ay inaalam din niya, kung sino ang puno't dulo ng lahat ng kaganapang iyon. May kutob siya na sinadya ang aksidenteng iyon at may nagpoprotekta sa nagkasalang iyon. Kaya naman, hindi rin siya mapalagay sa tuwing may lumalapit sa kaniya o kaya naman kay Alona at sa bawat taong nasa paligid nilang dalawa. Palagay niya ay malapit lang din sa kanila ang taong iyon.

"Ano na ngayon ang balak mong gawin, Ivan? mukhang kailangan na talaga niyang magpabantay sa mga security guards. Hindi sapat na tayong dalawa lang parati ang nagbabantay sa kaniya. Alalahanin mo, hindi sa lahat ng oras ay matutulungan kita. May sarili rin akong buhay at pangarap. Hindi naman puwedeng habambuhay na lang akong nagbabantay sa kaniya hanggang sa magising siya at gumaling. Alam mo naman ang ibig kong sabihin 'di ba, bro?" mahinang turan ni Kiko sa kaniya. Tila napaisip naman ng malalim si Ivan sa sinabi ng kaniyang kaibigan.

May punto din naman kasi siya at isa pa, college student pa lang si Kiko at pangarap niyang makapagtapos sa kaniyang pag-aaral bilang pulis.

Naisip niya na magiging sagabal lang siya sa pag-aaral ng kaibigan niya kung palagi din niya itong uutusan na magbantay sa dalaga, gayung isang taon na lamang ang hinihintay nito at malapit na rin niya makamit ang inaasam-asam na diploma. 

Nang dahil doon ay mas lalo pa siyang nalilito at nahihirapan sa kanilang sitwasyon. Kung ilalaan niya ang lahat ng oras niya sa pagbabantay at pag-aasikaso kay Alona ay tiyak niya na paunti-unti ring babagsak ang kumpanya ng mga Desepeda. At ang mas masahol pa roon ay baka pansamantalahan iyon ng mga matapobre, gahaman at makasariling share holders, pati stock holders nila. Kung magkataon ay puwede rin nilang patalsikin sa posisyon ang dalaga at maghalal sila ng bagong uupong chairman ng DC Company o pagmamay-ari ng mga Desepeda.

Upang maiwasan ang pangyayaring iyon ay naisipan niyang itago sa publiko at sa lahat ng kasosyo nila sa kumpanya ang tungkol sa aksidenteng nangyari kay Alona. Tangging ang alam lang ng mga ito ay nasawi ang buhay ng mag-asawang Desepeda sa aksidente o car accident, habang hinahabol nila ang sasakyan ni Alona. Ngunit palaisipan pa rin sa kanilang lahat, kung bakit hindi man lang nila nasisilayan ang dalaga, ni anino nito ay hindi nila mahagilap sa labi ng kaniyang mga magulang.

Kaya naman si Ivan ay nakaisip muli ng paraan. Bilang personal body guard niya ay siya na rin mismo ang tumayong guardian o residence sa labi ng mag-asawa. Sa pamamaraang iyon ay magagawa niyang lusutan o takpan ang kuro-kurong kumakalat tungkol sa dalaga, kesyo tinakwil na nito ang sarili niyang mga magulang dahil lang sa ayaw niyang magpakasal kay Karlos o kaya naman ay may iba pa itong lalaki na itinatago sa kaniyang pamilya na ayaw lang din niyang ipaalam sa lahat at kung anu-ano pa.

Sa tuwing nakakarinig naman si Ivan ng mga ganoong maling akusasyon tungkol sa dalaga ay kaagad din naman niya itong kinokontra at sinasabi na lamang niya na kasalukuyan itong nasa bahay bakasyunan nila, upang mapag-isa at makapag-isip isip sa lahat ng bagay, pati na rin ang biglaang pagkawala ng kaniyang mga magulang. Sinabi pa niya na hindi pa ito handang magpakita sa publiko at humarap sa ibang tao, sapagkat kasalukuyan itong nagluluksa at nagmumukmok sa loob ng kaniyang kwarto.

"Kahit nga akong sariling personal bodyguard niya ay tinataboy din niya at ayaw niyang kausapin, yung ibang tao pa kaya?" dagdag pa niyang sabi sa ilang kasosyo nito sa kumpanya na walang ginawa kundi ang pag-usapan ang dalaga at gawan ng kung anu-anong mga kwento.

Kailangan niya kasing mapanindigan ang kalinisan ng pangalan nito, hanggang sa gumaling siya at handa na muling humarap sa maraming tao. Kung kinakailangan niyang ibuwis ang sarili niyang buhay upang maprotektahan lamang niya ito ay hindi siya magdadalawang isip na gawin iyon, sapagkat nakasalalay na ang sarili niyang buhay para sa dalaga. Ipinangako rin niya sa mga magulang nito at pati sa matalik niyang kaibigan na kuya naman ni Alona, na habambuhay niya itong poprotektahan at hinding-hindi niya iiwanan kahit ano pang unos ang dumating.

Subalit, may malaki siyang pinangangambahan ngayon. Iyon ay kung ano ang kaniyang uunahin, ang kumpanya ba ng mga Desepeda? o ang kaligtasan ng nag-iisang tagapagmana ng kumpanya?

Iinamin din naman niya sa sarili na hindi niya iyon kayang gawin na mag-isa lang. Kaya kahit labag sa kalooban niya na gawin ang tangging paraan na naiisip niya ay wala naman siyang ibang pagpipilian. Kundi ang sundi na lang ang sinasabi ng kaniyang isipan.

"I'll take care of her," sabay naman silang napalingon ni Kiko sa pamilyar na boses na kanilang narinig mula sa likuran nila.

"Just trust me," ani ni Karlos sa dalawang binata na nakatingin sa kaniya.

"Kanina ka pa ba diyan?" tanong ni Kiko sa kaniya na may halong pagkabigla sa tono ng boses niya.

"You don't have to worry about, hindi ako usisero at hindi ko sinasadya na marinig ang pinag-uusapan niyong dalawa. Kung parehas kayong may pinagkakaabalahang dalawa, puwedeng-puwede naman akong maging tagapagbantay niya, for a meantime. O kung gusto mo naman ay magdamag ko pa siyang bantayan." Turan ni Karlos, habang nakatingin lang siya kay Ivan at nakapamulsa ang dalawa niyang kamay sa suot na pantalon.

Tumalim naman ang tingin ni Ivan sa kaniya. Hindi talaga mapalagay ang kalooban niya sa binatang iyon, lalo na sa tuwing ginagamit niyang dahilan ang dalaga upang gawin ang mga binabalak niya. Pero sa mga sandaling iyon ay tila sumagi rin sa kaniyang isipan ang paraan na naiisip niya. Iyon ay ang humingi ng tulong kay Karlos, na kung saan ay nagkataon namang nagboluntaryo ito sa kaniya upang bantayan ang dalaga.

Naisip din niya na hindi na pala niya kailangang ibaba ang sarili niyang pride, para lang kumbinsihin ito. Gayung siya na rin mismo ang lumapit sa kaniya at nagkusang tulungan siya.

Gayunpaman ay hindi pa rin siya komportable sa inaalok nito sa kaniya. Pakiramdam niya ay kailangan na muna niyang bitawan ang isa sa pinakamahalaga sa buhay niya, upang protektahan ang dignidad nito at mapanatili ang magiging future ng dalaga, sa oras na manumbalik na muli ang dati nitong sigla at lakas ng katawan.

Sa ngayon ay kailangan na muna niyang magsakripisyo, alang-alang sa kapakanan ng dalaga. Kung magpapadala lamang siya sa kaniyang emosyon o galit ay mas lalo lang din siyang mahihirapan at baka parehas pa silang bumagsak dalawa.

Kaya naman nung tipong papasok na si Karlos sa loob ng kwarto nito ay sandali niya itong pinigilan at hinawakan ng mahigpit sa isang balikat.

Nahinto rin naman kaagad sa paglalakad ang binata at napatungay sa kaniya na may matalim na tingin sa mata.

"O bakit?" usal niya kay Ivan. Saglit namang napayuko ang binata at mapagmata siya muling tinignan nito.

"Huwag na huwag mong susubukang gumawa ng kalokohan sa kaniya, dahil alam mo na kung ano ang kasasapitan ng buhay mo." Mahina ngunit mariin niyang turan kay Karlos. Umusli naman ang pilyong ngiti sa labi ng binata at palipat-lipat ang tingin niya sa dalawa. Wala siyang salitang sinambit, bagkus ay tinaboy na lamang niya ang kamay nitong nakapatong sa balikat niya at saka na siya tumuloy sa loob ng kwarto ni Alona.

Mga Comments (2)
goodnovel comment avatar
Jocelyn Pioquinto Armario
sino kaya ang gustong pumatay kay alona
goodnovel comment avatar
Allen Vidal
walang kwentang storya
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status