Share

Chapter 4

Eana Beatrix

“Eana, anak. Ayos ka lang ba? Kanina ko pa napapansin na nakatulala ka at namumula ang mukha mo. May masakit ba sa’yo?” nag-aalalang boses ng aking ina ang nangibabaw sa aking pandinig

“W-wala po, Ma. Medyo mainit lang po.”

“Sigurado ka ha? Sabihin mo sa akin kung may nararamdaman kang kakaiba sa katawan mo.”

“Oo nga po, Ma. Sige na po, kain na tayo,” paninigurado sa kaniya.

Kasalukuyan kaming nasa mall dahil napagdesisyunan kong ipasyal ang dalawang bata. Matagal tagal na kasi noong huli kaming pumunta rito.

Habang kumakain ay hindi nawawaglit sa aking isipan ang lalaking nagtanong sa aking pangalan. Parang pamilyar ang kaniyang mukha, pero hindi ko alam kung saan ko na siya nakita.

Ramdam kong namula na naman ang aking magkabilang pisngi ng maalala ang gwapong mukha nito, at kaniyang pag-ngiti sa akin.

Diyos ko! Nababaliw na ba ako? Hindi naman siguro iyon paghanga dahil hindi naman kami magkakilala ng personal.

Kung paghanga man talaga iyon, siguro’y dahil sa kaniyang taglay na perpektong mukha at hugis ng panga. Matangos na ilong at mga matang kulay asul na animo’y kulay ng kalangitan.

Marahil ay may lahi iyon. Sa ganoon ba naman na itsura? Papatok siyang modelo o ‘di kaya naman ay isang artista.

Labag man sa aking isipan ay panandalian ko munang iwinaglit ang lalaking ‘yun. Ayokong makita na naman ni Mama ang namumula kong mukha dahil lang sa tumatakbo sa aking isip ang mukha ng gwapong ‘yun.

“Ma, iyong bilin po ni Doc ha. Huwag na po masyadong magpapagod. Kaya naman po namin ni Kuya ang gastusin sa araw-araw,”

“Anak naman, gusto ko makatulong sa inyo ng Kuya mo. Kaya ko naman gumalaw. Sumasama lang ang lagay ko kapag nasosobrahan pero lilimitahan ko na simula ngayon, basta huwag ninyo lang ako pigilan sa libangan ko,” malumanay na sabi nito ngunit halata ko rin ang pagkadismaya.

“Ma, sige po papayagan ko kayo. Pero pananahi lang po ang pwede ninyong gawin. Hindi niyo na kailangan magbuhat ng malalaking balde ng tubig, hindi na rin kayo mabibilad at hindi na rin kayo mahihirapan magsampay.”

“Oh sige. Para mapanatag na rin ang loob mo at nang Kuya Arthur mo,” pagsuko niya sa aking sinabi.

Makaraan ang isang oras na pagkain namin ay panandalian muna kaming naglalakad upang magpababa ng aming kinain.

Matapos ‘yun ay inaya ko ang dalawang bata na sasakay kami sa elevator, hindi matawaran ang kanilang pagkamahanga habang umaandar iyon pataas.

Nang makarating kami sa second floor ng mall ay mahigpit ang kapit namin ni Mama sa kamay ng dalawa at nakapwesto sila sa aming gitna. Palapit kami sa arcade ay hindi maalis ang tingin nila roon, lalo na si Artemis.

Akala nila ay lalampasan lang namin ‘yun, subalit laking gulat nila na doon kami dumiretso. Nagtatatalon si Miko habang si Artemis ay wala man lang kaimik-imik. Pero kahit na ganoon alam kong natutuwa rin siya dahil makakalaro na sila ulit.

Habang nakapila para sana’y bumili ng tokken ay nagsalita si Mama. “Anak, hindi ba kalabisan na ito sa gastos?”

“Ma, may sobra pa naman po. Saka minsan lang ‘to maranasan ng dalawa kaya. Tingnan ninyo nga po oh, hindi magkamayaw sa kakaikot ng ulo.”

“Oo nga, pero pwede na natin ‘yan itago sa ipon.”

“Ma naman. ‘Wag na po ninyo isipin. Mag-enjoy na lang din po tayo, okay?”

Wala siyang nagawa at nagpaubaya na lamang. Minuto lang ang inabot namin sa pila at ngayon ay nagsisimula nang maglaro ang dalawa. Nagpaligsahan sila sa basketball, naglaro sa baril-barilan at nag-car racing pa.

Marami silang sinubukan na laro. Hindi rin namin namalayan ang oras na pasado alas tres na pala ng hapon. Hapong-hapo ang dalawa at nananamlay na. Makikita ang pagod sa kanila ngunit bakas din sa mukha ang saya.

Naisipan na namin umuwi. Pinagpalit namin sila ng damit sa comfort room ng palaruan at pagkatapos tumuloy na kami pababa.

Tahak ang daan pauwi at sakay ng jeep ay nakatulog silang dalawa sa aming bisig. Kalahating oras ang inabot namin sa byahe. Pagkapara sa kanto ng barangay ay nagsimula na kaming maglakad.

Heto na naman ang hindi mapigilan na mga mata ng kapitbahay. Animo’y artista kami habang naglalakad. Nagsisihabaan ang leeg hanggang sa kung saan kami maaabot ng kanilang mga paningin.

Hindi na lang namin sila pinansin. Ano pang silbi ng pagsaway sa mga chismosa e hindi naman natin sila mapipigilan? Hay.

Pagkarating sa bahay ay agad kong inilapag sa higaan si Miko. Si Artemis naman na nagising ay pinaghugas ko ng kamay at sinabing matulog na muna. Tumabi ito sa bunso at segundo lamang ay naghihilik na.

Lumabas ako sa kanilang silid at nagpaalam kay Mama na magpapahinga saglit. Gayundin ang kaniyang ginawa.

Nagbihis na rin ako at pabagsak na nahiga sa kama. Sa pagpikit ng aking mata ay biglang pumasok na naman sa aking isipan ang lalaki kanina. Akala ko’y tuluyan ko na siyang makakalimutan, subalit hindi pumayag ang aking utak!

Pamilyar talaga ang lalaking iyon sa akin, subalit saan ko nga ba siya nakita? Ni hindi ko nga alam ang pangalan niya. Inisa-isa ko pa muna sa aking isip ang mga artista, modelo at singer na lalaking kilala ko na napapanuod ko sa tv.

Sa tagal nang pag-iisip ay isang ideya ang pumasok sa aking isipan. Agad akong tumayo at tumungo sa maliit ko na drawer, hinanap ko ang magazine na nabili ko sa tindahan ni Mang Tonyo doon sa kanto noong nakaraang linggo.

Natagpuan ko ito at binuklat hanggang sa mapunta ako sa pahina na mayroong larawan ng lalaking nakausap ko kaninang umaga. Natutop ko ang aking bibig at nanlaki ang aking dalawang mata.

“Hala?! Isang Marcelo pala ‘yun? At hindi lang basta! Kundi siya ‘yung panganay sa mga apo at kilala sa buong sulok ng Pilipinas?”

Pagkausap ko sa aking sarili. Kaya pala pamilyar ang itsura niya. Dito ko siya unang nakita at napakatitigan ang mukha.

Ano kayang tingin niya sa akin kanina? Mukha siguro akong tanga. Malaking palaisipan din sa akin kung bakit niya tinanong ang pangalan ko?

Sobra ko naman na yatang assuming kung iisipin kong naestatwa siya sa ganda ko? Teka lang nga, ang kapal naman ng mukha ko sa parteng ‘yun.

Saka, sigurado akong wala akong kalaban-laban sa mga babaeng nakapaligid doon noh. Sigurado akong mayayaman at mas angat ang ganda ng mga ‘yun sa akin.

Teka lang ulit, bakit ko ba pinakaiisipan pa ‘yun? Hindi ako pwedeng ma-attract sa kaniya!

At saka, sa tingin ko naman hindi na kami magkikita pa. Sa laki ba naman ng Manila. Sandali, dito ba talaga siya nakatira?

Upang masagot ang sariling tanong ay binasa ko ang nakalagay sa magazine. Nakasaad rito na kasalukuyan itong naninirahan sa kanilang hacienda sa Bulacan at siyang namumuno sa pagpapatakbo ng kanilang negosyo.

Oh, edi malabo na nga talaga kaming magkita. Swerte ko na lang dahil kahit panandalian lang, nakilala ko siya sa personal.

Nasilayan ko pa ang kaniyang ngiti! Sa alaalang iyon ay namula na naman ang aking pisngi. 

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status