Share

Kabanata XII: Todos Los Santos

Tuwing unang araw ng Nobyembre, ipinagdiriwang ng sambayanang Pilipino ang Araw ng mga Patay o Todo Los Santos sa Espanyol. Ang kaugaliang paggalang at pagalala sa mga yumao ay atin nang nakagisnan. 

Sa gawing kanluran ng bayan ng San Lorenzo matatagpuan ang sementeryo. Ito ay nababakuran ng bato at kawayan. Ang landas patungo rito ay maalikabok kung tag-araw at matubig kung tag-ulan. Malaki ang loob ng sementeryo na may panandang isang malaking krus na kahoy na makikita sa pinakagitna ng libingan. Nakasulat ang hindi na halos mabasang INRI sa isang yerong niyupi ng bagyo sa pinakatuktok ng krus. 

Ang loob ng libingan ay nagsisilbing galaan ng mga alagang hayop tulad ng manok, bibe, baboy o kalabawa. Pero nang araw na iyon ang mga galang hayop ay binulabog ng dalawang lalaki. Ang isa sa mga lalaki ay hindi mapalagay. Tumatagaktak ang kanyang pawis, walang tigil ang paghithit sa kangang sigarilyo habang dura nang dura. Binabantayan niya ang kanyang kasama na kasalukuyang naghuhukay. 

"Pwede bang sa ibang lugar ka na maghukay?" sabi ng nakabantay. 

"Kalilibing pa lang nitong hinuhukay natin!"

"Ganitong lahat ang mga hinuhukay dito."

"Ibig mong sabihin, kalilibing pa lang ng mga nakabaon dito? Kaya pala iba ang amoy at ang baho. Hindi ko yata matatagalan sumasama ang aking sikmura. Ang butong hinukay mo may dugo pa yata! Saka 'yan buhok na 'yan parang buhok ng taong buhay."

"Ang selan mo naman!" sabi ng sepulturerong kausap, "Para kang taga-tribunal. Minsan nga. . . may bangkay na pinahukay sa akin, siguro mga dalawampung araw pa lang nalilibing e...  bali ba'y ang lakas-lakas ng ulan at biglang namatay ang dala kong ilawan."

Kakila-kilabot naman ang sinasabi mo," anang naninigarilyo.

"Bali ba natanggal ang pako ng takip ng ataul, e, ang kalahati ng katawan ng bangkay ay lumabas sa kabaong, Naku po! talaga namang ang baho! Pinasan ko pa rin ang bangkay, bali ba bumubuhos ang malakas na ulan!"

Lalong nagtaka ang nandidilat na naninigarilyo, "Bakit! Bakit mo naman hinukay ang bangkay na iyon?"

"Ewan ko ba!" sabang kibit-balikat ng sepulturero. "Malay ko, sumusunod lang ako sa utos"

"Sino naman nag-utos sa inyo?"

"Naku po! Para kang Kastilang nakausap ko pagkatapos kong mahukay ang bangkay."

"Sus! Sino nga ba ang nag-utos sa iyo?" tanong muli ng kausap. 

"E sino pa kundi ang kurang malaki."

"Ano ang ginawa mo sa bangkay pagkatapos mong hukayin?"

"Daig mo pa ang Kastilang sibil kung magtanong, a! Ang sabi ng kurang malaki ay ibao ko raw ang bangkay na iyin sa libingan ng mga taksil. Pero malakas ang ulan at napakabigat ng kabaong at saka masyadong malayo ang libingan ng mga taksil."

Noon pa man ay unti-unti nang napupuno ang libingan dahil Araw ng mga Patay. May naghahanap sa libing ng kanulang mga mahal sa buhay. May nagtatalo at nag-aagawan sa pag-angkin sa isang libing. Ang iba naman kung hindi makita ang kanilang hinahanap na libing ay basta na lang lumuluhod kahit saan at nagdarasal patungkol sa kaluluwa ng kanilang mga namatay. 

Ang nagkapalad na makapagpagawa ng nitso ay nagsipagtirik ng kandila sa ibabaw ng nitso ng kanilang mga yumao at taimtim na nananalangin habang mayroon ding umiiyak.

Malalim na rin ang nahukay ng sepulturero halos patapos na ang kanyang ginagawa. Kinuha niya ang isang nakabilot na papel mula sa kanyang salakot at saka binuksan. Isinubo niya ang hitso at nganga mula sa nakabilot na papel ay saka nginuya. 

-ang paggalang sa mga patay ay pag-alala sa minamahal.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status