Share

Chapter 5

“Miss Allianna Gregorio, do you want Mr. and Mrs. Quinter to be your guardian?” tanong sa akin ng judge kaya mas lalo akong sumaya.

“Opo,” nakangiti kong sagot.

Sa wakas, natapos na rin ang mahirap kong buhay. Simula ngayon magbabago na ulit ang aking buhay at mas lalo akong magiging masaya kapag nakilala ko na ang mga anak ng mga kaibigan ng magulang ko.

Sana hindi sila katulad ng mga nasa kulungan na masasama ang ugali. Sana katulad sila ng mga batang nasa bahay ampunan. ‘Yung tipong kahit meron silang mga problema, ay palagi pa rin silang masaya.

Siguro naman mababait at masiyahin din ang mga anak nila dahil gano’n din ang kanilang magulang.

“Mr. And Mrs. Quinter, tinatanggap niyo rin bang maging guardian si Miss Allianna Gregorio?”

“Yes, your honor.”

Nang sabihin ng judge na kaibigan na ng magulang ako titira ay bigla akong niyakap ng mag-asawa.

“Sa wakas, isang taon din tayo naghintay para makuha ko, at ngayon mapupunta ka na sa amin,” umiiyak na saad ni Mrs. Quinter habang nakayakap sa akin. Kaya niyakap ko rin siya pabalik.

Sinabi sa akin ni Mrs. Quinter kung gusto kong ampunin nila ako, pero ang sabi ko ayaw ko dahil hindi ko ipagpapalit ang apelyido ng mga magulang ko. ‘Yun na lang ang natitirang meron ako na binigay nila kaya hindi ko ‘yun hahayaan na mawala.

Nakipag-usap muna ang mag-asawa sa mga taong nasa loob ng korte para magpasalamat sa kanilang tulong. Habang ako rito ay nakaupo pa rin ang upuan ko kanina at iniisip kung ano na ang magiging buhay ko sa hinaharap.

Iniisip ko kung paano ako gagalaw sa loob ng bahay ng mag-asawang ito. Hindi ko rin alam kung paano ko mapapalitan ang kanilang kabutihan na ginawa sa akin, pero alam ko sa sarili ko na mababayaran ko rin ang kanilang kabutihan. At sana kapag dumating ang araw na ‘yun, buhay pa sila.

“Tara na, Allianna. Kailangan na nating umuwi sa ating bahay. Sigurado akong gutom ka na. Plano ko sanang kumain tayo sa labas, pero naalala ko meron akong nilutong pagkain.”

“Marami pong salamat, Mrs. Quinter,” nakangiti kong saad at binaling ang tingin sa asawa niya. “Pati na rin po sa’yo, Mr. Quinter. Kung hindi po dahil sa inyo baka nasa DSWD pa rin po ako ngayon.”

Nang makalabas kami sa Hall of Justice ay hinarap ako ni Mrs. Quinter sa kaniya.

“Tama na ang pagpapasalamat sa amin, Allianna. Pinangako namin sa iyong magulang na kapag sila ay nawala, ay aalagaan ka namin at hindi ka pababayaan. Responsibilidad ka namin, kami na ang bahala sa mga pangangailangan mo. Ang kailangan mo na lang gawin ay makapagtapos ng pag-aaral dahil alam namin ng Tito Benjamin mo na ‘yon ang pangarap ng magulang mo para sa’yo.” Niyakap ulit ako ni Mrs. Quinter at naglakad na kami papunta sa kanilang sasakyan.

Hindi ko maintindihan ang sarili ko dahil noon naman palagi akong masaya at makulit, lalong lalo na ‘yung pagkadaldal ko. Namimiss ko ang sarili ko. Kailan kaya babalik ‘yun? Siguro kapag ayus na ako. Kapag nakalimutan ko na ang lahat ng napagdaanan ko o kaya kapag wala na ako sa mundong ito.

Hindi naman siguro masama ang magbago hindi ba? Nagbago ako dahil iyon ang kailangan. Kung sino man ang magpapabago ng sarili ko. Aalagaan ko siya na parang sarili ko. Hindi ko siya papabayaan katulad ng ginagawa sa akin ng mag-asawang tumulong sa akin para bumangon ulit.

**

Third Person’s POV*

“Nakakainis!” inis na sigaw ni Demitri at hinagis ang libro na hawak-hawak niya.

“Ano ba ang problema mo? Pwede ka naman mainis na hindi gumagawa ng ingay. Kung mag-iingay ka lang dito, lumabas ka na lang,” seryosong saad ng kaniyang kapatid kaya pinakalma ni Demitri ang sarili nito, sabay kinuha ang libro na ansa sahig.

“Hindi ko lang maintindihan kung bakit kailangan ko pang lumipat sa kwarto mo. Sino ba ang babaeng lilipat sa bahay natin? Napakaimportante naman niya kila Mom para bigyan siya ng sariling kwarto.” Dahil walang kwenta ang mga sinasabi ni demitri ay nanatiling tahimik si Daylon habang nag-aaral.

“Hindi kaya mag-aampon sila ng batang babae? Pero pwede naman sila magpagawa ng isa pang kwarto. Bakit sa kwarto ko siya lilipat? Kung sino man siya hindi kosiya magugustuhan dahil kinuha niya ang kwarto ko. Habang buhay akong magagalit sa kaniya.” Tinignan ni Daylon ang kaniyang kapatid at napailing nang makita niya ang mukha nitong galit na galit.

“Wala akong pakeelam kung mag-ampon man sila. Basta hindi kaugali mo.” Kumunot ang noo ni Demitri at mas lalong nainis. Napa’tsk’ na lang siya. “Maging lalaki ka, Demitri. Matuto kang tumanggap ng mga bagay na dadating para sa’yo,” dagdag pa nito kaya humiga na ito sa kama at binasa ang librong binabasa nito kanina pa.

Si Daylon naman ay binalik na rin ang atensyon sa pag-aaral. Nang tumahimik ang kwarto ay biglang naramdaman nila ang pagbukas ng main door ng kanilang bahay. Kaya nagmadaling bumaba si Demitri para salubungin ang kaniyang magulang.

“Mom! Sino ‘yu--” Napatigil si Demitri sa pagsasalita nang makita niya ang isang babae na pumasok sa kanilang bahay. Naisip niya na baka ito ang babaeng matutulog sa kaniyang kwarto, pero bakit ang lake na? Hindi ba dapat bata?

“Allianna, meet Demitri. Ang bunso ko.” Kumunot ang noo ni Demitri nang lumapit sa kaniya ang babae habang nakangiti.

“Hello, ang cute mo naman. Ako si Allianna, pero tawagin mo na lang akong Allian o kaya ate.” Yayakapin na sana siya ng babae nang bigla siyang lumayo.

“Huwag mo akong yakapin, at hindi ako cute. Gwapo ako. Saka hindi kita tatawaging ate dahil hindi naman kita kadugo.” Nagulat ang mag-asawa dahil sa inasta ng kanilang anak, pero si  Allian ay nakangiti pa rin.

“Ano ba ang sinasabi mo riyan, Demitri? Humingi ka ng paumanhin kay Allian,” pagsasaway ni Mialyn sa kaniyang anak.

“Bakit? Hindi naman kailangan, hindi ba Allian?”

“Oo naman, hindi mo kailangan humingi ng paumanhin,” sagot ni Allian. Kinurot ni Mialyn ang tagiliran ng kaniyang anak kaya wala itong nagawa kung hindi ang humingi ng paumanhin.

“Sorry,” mahinang saad ni Demitri at agad na tumakbo papasok sa kwarto nila.

“Hindi ko siya gusto.” Humiga siya sa kaniyang kama at tinakluban ang sarili.

“Hindi ka niya pinipilit na magustuhan mo siya.” Inis na tinaggal ni Demitri ang kumot na nakataklob sa kaniya at nilapitan ang kaniyang kapatid.

“Hindi siya bata, kuya. Para siyang kasing idad mo, mga labing anim din. At tinarayan ko siya kanina, pero nakangiti pa rin siya. Ang weird niya. Kakalabas lang ata ng kulungan ang babaeng ‘yun kaya baliw.”

“Hindi mo makikita sa mukha ng isang tao kung baliw siya. Kaya huwag mo na akong guluhin. Gawin mo na lang ang mga gagawin mo dahil malapit na ang pasukan.”

“Kahit naman walang pasok nag-aaral pa rin tayo. Kaya advance na advance na ako. Hindi ko na kailangan mag-aral pa.” Umupo si Demitri sa kaniyang upuan at kinuha sa study table niya ang librong binabasa niya kanina pa.

**

Allianna’s POV

 “Pagpasensyahan mo na ang anak kong ‘yun. Gano’n talaga ang ugali no’n pero mabait naman siya kapag nakilala mo na siya ng maayos. Huwag mo na lang intindihin ang mga sasabihin niya sa’yo ahh? Ang mahalaga ay kasama ka na namin at maayos na ang kalagayan mo rito.”

“Wala po akong problema sa kaniya, Mrs. Quinter. Lumaki po akong hindi dinadamdam ang mga sinasabi sa akin ng mga tao.”

“Tita na lang, Allianna. Hindi mo ako pwedeng tawagin palagi ng Mrs. Quinter dahil nasa bahay ka na namin. Kami na ang guardian mo, kaya masanay ka na.”

“Sige po, Tita. Pero minsan po kasi natatawag kitang Mrs. Quinter dahil hindi pa po ako sanay. Saka nakakahiya naman po sa inyo.”

“Kailangan mo ng masanay. Saka Tito na lang din sa asawa ko. Pamilya ka namin dito, Allianna. Kaya huwag kang mahihiya sa amin.”

“Try ko po.”

“Diyan ka muna umupo sa sala dahil aayusin ko lang ang mga niluto ko kanina para makakain ka na ng hapunan.” Umupo ako sa sofa at tinignan ang paligid.

Maganda ang kanilang bahay. Malawak ang sala at ang dining area. Malinis din ang lahat hindi ka makakakita ng kahit alikabok. Parang bahay namin noon, palaging malinis at maaliwalas.

Hindi ko kasama ngayon Tito dahil dumeretsyo ito sa kwarto nila. Meron daw kasi itong kailangang ayusin.

Magiging maayos kaya ako sa bahay na ito? Nasaan na kaya ‘yung panganay na anak nila?

Tumayo ako at tinignan ang mga picture frames. Ang mga picture na ‘yun ay ang mga picture nila mula sanggol hanggang ngayon. Nakikita ko kung gaano sila kasaya.

Napatigil ako nang makita ko ang picture ng aking magulang kasama sila Tita. Mga bata pa sila rito at ang isang picture frame naman ay noong highschool sila.

Kinuha ko ang isang picture ay hinawakan ang mukha ng aking magulang. Kitang-kita pa rin ang kagandahan ng aking nanay. Siguro matutuwa ang mga ‘yun kapag nakita na nila ang kaibigan nila.

“Nakita mo na pala ang picture na ‘yan.” Napatingin ako kay Tita at lumapit siya sa akin. “Ang mga magulang mo lang ang naging totoong kaibigan namin dahil ang iba ay hindi naging totoo sa amin. Kaya nga matagal na namin sila hinahanap. Hindi ko nga alam na sila pala ang magkakatuluyan.”

“Bakit po ba kayo naghiwalay?”

“Ang pagkakaalam ko ay mag-aaral sa America si Lia at si Crisanto naman ay sa Manila para magkolehiyo. Kaming dalawa lang ng Tito mo ang naiwan dito. Simula no’n hindi na kami nag-uusap at wala na kaming koneksyon sa isa’t isa. Kaya nga labis akong nasaktan nang malaman kong sila ay wala na, pero masaya ako dahil buhay ka. Mapalad akong ginawa ka nila sa mundong ‘to dahil ikaw ang iniwan nilang ala-ala sa amin.”

“Salamat po dahil hinanap niyo ako. Ginawa niyo po ang lahat para makuha ako at mailabas sa parang kulungan na ‘yun. Takot na takot po ako dahil hindi ko po alam kung ano po ang mangyayare sa buhay ko.”

“Nandito na kami, Allianna. Wala nang mangyayare sa’yo at ibabalik natin ang mga bagay na dapat sa’yo. Ipaglalaban natin ‘yun.” Hindi ko naramdaman ang pagbagsak ng mga luha ko. Ang naramdaman ko lang ay pinunasan ‘yun ni Tita gamit ang kaniyang hinlalaki. “Huwag na tayo mag-iyakan dito dahil nakaraan na ‘yun. Kumain na muna tayo ng hapunan at meron pa akong ipapakitang mga litrato sa’yo.”

Komen (1)
goodnovel comment avatar
Jason Guray
nice story
LIHAT SEMUA KOMENTAR

Bab terkait

Bab terbaru

DMCA.com Protection Status