Share

Chapter 2 THE SUITOR

__________

Legend, that's how our hearts were shaped together;

a dream come true from up the heavens.

Uncertainties, once when ashamed,

they tell a story with our names.

To be in love sometimes is like a fantasy;

so full of wonders we couldn't help but agree.

It works in ways we can't predict;

it's more just like a magic trick.

A stroke of fate on the crossroads,

just you and me left in the world;

the meeting of our eyes married

in the isle called romance.

***

(In the Isle called Romance)

---Arnel T. Lanorio---

Kinabukasan ay tanghali nang nagising si Ana. Biniro nga siya ni Minerva.

"Ha-hay! Salamat naman at nagising na rin ang sleeping beauty pagkatapos ng long dreamy night niya with her prince charming alyas Enrico!" si Minerva, at talagang tinapik pa nito ang sariling noo habang nakapamaywang.

Marahang nag-inat-inat si Ana at lihim na nagtatatawa sa tinurang iyon ni Mine. Totoo naman kasi ang metaphor nito. Pero, siyempre, nagkaila siya. Ang idinahilan na lang niya ay napuyat siya dahil sa pinagsamang paninibago sa paligid at dahil sa kung anu-anong mga isiping idinulot sa kaniya ng sobrang excitement sa pagkakatanggap niya ng trabaho.

"Aysus at magkakaila ka pa! Ibinubuko ka na nga't lahat niyang mga mata mong malakristal na 'di naman dating gan'yan!"

Ang akala ni Ana ay niloloko lang siya ni Minerva at ang pinupunto nito ay mga muta lang sa kaniyang mga mata kaya nagpahid siya ng muta. Iyon pala, sinasabi nitong may kakaibang kinang daw sa mga mata niyang tanda ng nai-in love.

Nai-in love na nga siguro siya, kasi nang umagang iyon ay si Enrico agad ang nakalaman sa utak niya.

'Kumusta na kaya siya? Naaalala pa rin kaya niya ako? Sana ay magkita kami nang hindi sinasadya ngayong araw. Sana rin ay natatandaan pa niya ang pangalan ko,' mga piping hiling niya.

"Hoy, Miss Ana Santana De Impaktita! Maghanda-handa ka na at may pasok pa tayo," si Minerva na nakagayak na't lahat. Mabangung-mabango rin ito at preskong-presko tingnan. "Heto nga po at mauuna na 'ko sa 'yo. Ay, naipagluto na rin po kita ng pang-breakfast mo!" patuloy nito at tinungo na ang pinto para makaalis na. Pero hindi pa man ay bigla itong tumalikod ulit. "Dalian mo lang, ha! Ayaw na ayaw po ni Mr. Delgado ng late comers sa trabaho. At sa Heaven-Sent, siguro naman ay kabisado mo na rin ang pagpunta ro’n, malapit lang naman."

__________

Naiwan nang mag-isa sa apartment si Ana. Iniwan na siya ni Minerva dahil hindi ito pupuwedeng ma-late nang husto. Matagal na kasi ang pinsan niya sa Heaven-Sent, samantalang siya ay baguhan pa lang. Puwede rin namang hindi siya pumasok nang araw na iyon, pero naisip niyang mas maganda kung papasok na rin siya.

Kaya ang ginawa niya, nag-ayos na siya ng sarili matapos makaligo at makapag-agahan. Nagputing t-shirt lang siya at nagsuot ng jeans. Nakigamit na rin siya ng pabango ni Minerva kaya amoy pa lang ay impressive na siya.

Feeling nga ni Ana nang umagang iyon ay para siyang bagong persona sa ibabaw ng lupa. Siya ang bagong Ana on the limelight, a new Ana Marie Santana on the sunlit side of life, fresh and stunning!

Palabas na siya ng gate nang may matanawan siyang mama na nakabisikleta. Nakasumbrero ito at yuko ang ulo. Naka-shorts lang ang mama at litaw sa kulay blue-green nitong sando ang malakabataang mga masel. Hula niya ay tagaroon lang sa di-kalayuan ang mama pagkat nakita pa niya ito kanina habang lumalabas sa isang gate na yari sa kawayan.

Naglalakad na siya sa gilid ng daan patalikod sa mamang nakabisikleta nang hindi niya namamalayang makahabol ito't mag-slow down sa tapat niya.

"A-Ana?" tinig ng mama na pamilyar yata ang timbre kay Ana kaya ikinagulat niya. Mabilis siyang napalingon sa mukha ng mama. Kung hindi siya nagkakamali ay mukha ni Enrico ang nakikita niya. Ngiting-ngiti ito anupat naglitawan ang mapuputi at maliliit na mga ngipin.

"S-sino sila?" sa pagkabigla ay tanging nasabi ni Ana.

Napaangat ang mga kilay ni Enrico sa turan niyang iyon. "Hindi mo na ba ako natatandaan?" takang tanong nito.

"E-Enrico?" bulalas ni Ana.

"Ako nga, Ana! Akala ko hindi mo na agad ako natatandaan, e," natatawang sabi nito. Bahagya nitong inayos ang malapad na sumbrero, sapat lang para mapagmasdan niya ito nang maigi.

Napansin ni Ana na bagay pala nito ang nakasumbrero kahit mukhang mama sa malayuan. Ngayong malapit at si Enrico nga, 'di niya maiwasang palihim itong pagmasdan.

Malaman ang mga masel ng lalaki sa mga hita at mga binti, parang sa atleta. Ganoon din pagdating sa mga braso nito, at lantad sa hapit na sando ang malalapad na mga dibdib na para bang kaysarap paghiligan ng ulo.

"Kung hindi ako nagkakamali, palagay ko, natanggap ka 'no?" pukaw ng lalaki sa sandaling pananahimik niya. Muli nitong pinatakbo ang bisikleta ngunit mabagal lang, tama lang para makasabay sa kaniyang paglalakad.

Nako-conscious si Ana na hindi niya mawari dahil sa presensiya ni Enrico. Pati tuloy paglalakad ay pinagbubuti niya. Pakiramdam niya ay nagtataasan lahat ng balahibo niya, lalo na sa tuwing nahuhuli niya itong titig na titig sa kaniya. Nagkakandagewang nga ang pagbibisikleta nito sa katitingin sa kaniya.

"A, eh, oo. Natanggap nga ako," sabi niya na ang rehistro sa pandinig niya ay nangingiming hindi na yata niya nakontrol.

"Sabi ko na nga ba at matatanggap ka!" napapitik pa sa ereng wika nito. Magaling pala itong magmaniobra ng bike gamit ang isang kamay lang.

"Salamat nga pala sa iyo," hindi niya nakalimutang banggitin kagaya ng gustung-gusto niyang sabihin dito noong pagkatapos ng first meeting nila. Iyong balak niyang pupugin ito ng halik ngayong heto na at libreng-libre ay pinanggigigilan niyang gawin. Ang kaso lang, tinakasan siya ng lakas ng loob at kinatkat siya ng hiya.

"Salamat?" napapantastikuhang sabi ng lalaki. "P-para saan?"

"Para sa encouragement. Malaki rin kaya ang naitulong no'n sa akin," sagot niya.

"Ah, iyon ba," anang lalaki saka ngumiti. "Ako rin naman, e, may dapat ipagpasalamat sa iyo."

Siya naman ang napantastikuhan. Napataas pa nga ang mga kilay niya. "I-ikaw?" tanong niya.

"Oo," sagot ng lalaki.

"Eh, ano naman ang nagawa ko sa iyo?" tanong ulit niya.

Ngumiti na naman ang lalaki. Nagpapasikat na naman ang cute nitong biloy sa pisngi.

"Alam mo kasi, no'ng araw na nagkita tayo at nagkausap, pakiramdam ko, gumanda ang mundo ko. Para bang lahat ng pangit sa buhay ko ay naburang lahat," saad ng lalaki. "Pakiramdam ko nga para akong bagong tao sa mundo ngayon. Isang bagong persona ba, na sumisikat pa lang."

'Same feeling,' aniya sa isip. So hindi lang pala siya ang feeling new person nang araw na iyon. Nakakatuwa!

"Totoo?" siyempre, tanong niya pa rin. Hindi kasi siya makapaniwala of all chances. Biruin mo, siya at ang Enrico Neil na ito, both feeling new persons in the world! What a coincidence!

"Bakit?" ngunit pagkatango'y balik-tanong ng lalaki. "Parang hindi ba kapani-paniwala?"

Hindi nga ba? Sa tingin niya ay hindi naman siya binobola lang ng lalaki. Ang sabi ay makikita naman daw sa mga mata ng isang tao kung nagsasabi ng totoo o hindi. Sa nakikita niya ay mukhang nagsasabi naman ito ng totoo dahil diretso kung makatingin sa kaniya. Siya nga itong hindi makatingin nang diretso sa lalaki, e.

"Hindi naman sa gano'n," sabi niya.

"Alam mo, kahit ngayon, ramdam ko ay nasa ulap ako. Alam mo kung bakit?"

"Bakit nga ba?" tanong naman niya.

"Kasi kausap kita,” masiglang sagot ni Enrico. “Ewan ko ba, pero anggaan-gaan ng loob ko sa iyo," susog nito. Mukha na yatang unlimitted ang mga ngiti sa mamula-mulang mga labi ng lalaki. Mabuti na lang at hindi naman makuhang pagsawaan ni Ana. Ang totoo nga, pati siya ay lihim na ngiti nang ngiti.

Ngiti siya nang ngiti dahil, imagine, parehong-pareho talaga sila ng feeling ng lalaking ito. Kung siya naman ang tatanungin how she feel that time, para naman siyang lumulutang at idinuduyan sa ere. Wonder why? Hindi na dapat sinasagot iyon. Malay niya. Basta ayaw niyang mag-blush kaya pinipigil niya.

"E, diyan ka lang ba nag-i-stay sa may banda riyan?" tanong ni Enrico nang hindi na nakaimik si Ana. Ang tinutukoy nito ay ang apartment na pinagbuhatan niya kanina.

"A, e, oo. Kasama ko ang pinsan kong si Minerva."

"So, diyan ka lang pala!" anang lalaki na may kislap sa mga mata. Parang natutuwang malaman na doon lang siya naglalagi. "Mabuti naman at nakahanap ka kaagad at mayroon pang kasama."

"Oo nga, e. E, ikaw, tagarito ka lang?" tanong din niya kahit may clue na siya.

"A, oo tagariyan lang ako o, sa may pakurbang daan diyan," sagot ng lalaki na ikinatuwa niya. Iminuwestra pa nito ang pinagbuhatan kanina. Kung ganoon ay tama si Minerva sa kutob nitong pakikita uli ito sa kaniya. Siya naman ay maling-mali sa akala niyang tagamalayo ito. Natutuwa talaga siya dahil pagkalapit-lapit lang pala ng tinitirhan nito mula sa apartment nila ni Mine.

"S-Siya nga pala, Ana. M-May b-boy friend ka na ba?" tanong ni Enrico na bahagya niyang ikinagulat. Napalingon pa siya rito.

"Palagay mo?" ngunit balik tanong niya na napapangiti.

Ito naman ang tumingin sa kaniya na para bang nakapaskil o nakasulat sa mukha niya ang sagot. Hindi tuloy siya ulit makatingin dito.

"Sa palagay ko, meron na," anang lalaki. Mapapansing parang medyo kinurot ito sa sariling sagot.

"Gano'n?"

"Oo! Palagay ko, baka nga hindi lang isa, e. Kung hindi dalawa ay baka tatlo o apat."

"Ay, grabe ka naman! Ano naman ang palagay mo sa akin, play girl?" gulat na reaksiyon niya.

"Hindi naman. I mean, maganda ka kasi. Iyon bang gandang pagkakaguluhan ng mga kalalakihan," esplika ng lalaki na tuluyang ipinag-blush na niya nang ganoon na lang. Sinsero kasi ang pagkakasabi nito kaya hindi na tuloy talaga siya makatingin dito nang tuwid. Malamang sa malamang na pulang-pula na ang mukha niya. Kaya medyo pinahupa muna niya bago ulit sinagot ang lalaki.

"E, kung sabihin kong wala ni isa, maniniwala ka kaya?" sabi niya na totoo naman. Wala kasi talaga siyang time para makipag-boyfriend kahit na noong nasa Nueva Ecija pa siya. Manliligaw manapa ang marami siya na naiwan niya sa munisipalidad ng Rizal.

"Siguro," sagot ng lalaki. "Imposible man ay maniniwala ako. Iyon ang sabi mo, e."

'Ganoon pala iyon, imposibleng wala pang boyfriend ang beauty ko,' aniya sa isip. Kung sabagay, kung lalaki rin siya, hindi rin siya maniniwalang wala pang boyfriend sina Angel Locsin at Sam Pinto. Bakit ay pinaghalong Angel at Sam daw ang beauty niya.

'Ang lalaki kayang ito, may girlfriend na kaya?' kuwestiyon niya sa isip. Kung hitsura rin kasi nito ang pagbabasehan, malabong wala pa.

"Ako naman, kung tatanungin mo, wala pa ring girlfriend," boluntaryong sagot ng lalaki, hindi pa man siya nagtatanong.

Hayun na, natuwa siya sa nalaman. Imposible man, she can't help herself to believe. Sinabi nito, e. At saka similarity na naman, e, between the two of them. Nakagagaan talaga ng loob. How she wish nga na sana, they are the same in everything kahit na estranghero pa rin silang maituturing sa isa't isa.

"Sa ngayon iyan," patuloy ng lalaki. "Few years back, may girlfriend ako, pero hindi rin kami nagtagal. Alam mo kung bakit? Masyado kasing possessive at super selosa na pati mga kaibigan kong lalaki ay pinagseselosan. Aba, bakla yata ang tingin sa mga kaibigan ko. Grabe talaga!"

Natawa siya sa huling sinabi nito. May mga babae pala na ipagdadamot ang boyfriend maski sa mga kaibigan nitong lalaki? Siguro sobrang obsessed at takot lang mawala sa kaniya ang boyfriend.

__________

Then Heaven-Sent Enterprises came into view as they turned toward the intersection of the road. Marami na rin silang napagkuwentuhan ni Enrico Neil at pakiramdam nila ay at home na at home sila sa isa't isa. Para bang matagal na silang magkakilala na ngayon lang muling nagkita.

Oh, Heaven-Sent! Marami nang heaven sent sa buhay ni Ana ngayon. Una ay ang paglaya niya mula sa kamay ng mabagsik niyang tiyahin. Ikalawa ay ang pagkakahanap niya ng trabaho. At ikatlo — ibibilang na ba niya ang lalaking ito? Puwede na siguro. He was a luck omen naman kasi, gave her encouragement and made her feel good in a way that she never felt before. Ah, hindi pa rin siguro. Not necessarily still. May isang bagay pang kulang. Ano man iyon, hihintayin niya na lang.

__________

At dumating nga ang bagay na iyon isang gabi sa apartment nila ni Minerva. Abala sila sa panonood ng isang Korean drama sa telebisyon nang may kumatok sa kanilang pinto.

Si Minerva ang nagbukas sa pag-aakalang boyfriend nito ang tumatao. Dalaw-dalawin na rin kasi ito ng manliligaw. Ngunit nagulat lang ito nang hindi ang inaasahan ang makitang nakatayo sa may pinto.

"S-Sino ka?" dinig ni Ana na tanong ng pinsan.

"Ah, eh, ako nga pala si Enrico. N-Nariyan ba si Ana?"

Napatda si Ana sa narinig. Hindi kasi niya akalaing tototohanin ng lalaki ang biro nitong aakyat daw ng ligaw sa kaniya. Heto at nadalaw na. Hindi nga siya makatinag mula sa kinauupuan nang papasukin ito ni Minerva.

"Hi, Ana! Magandang gabi!" masigla at magalang na pagbati sa kaniya ni Enrico. Simple lang ang suot nitong puting t-shirt at itim na pantalong maong, ngunit lumutang ang taglay nitong kaguwapuhan na mala-foreigner. Nakatago sa likod nito ang isang kamay ngunit makisig pa rin ang tindig.

"Magandang gabi naman sa 'yo, Enrico," sukling bati ni Ana at tipid na ngumiti. Pinatay na rin tuloy niya ang telebisyon sa pamamagitan ng remote control.

Si Minerva naman, matapos alukin ng upo ang bisita ay nagpaalam na at may aayusin lang daw. Pero bago ito umalis ay nagparinig pa.

"Ay, sila na ang nakakakilig! Langgamin sana sila to the extra max! Ay-yay-yay!"

Nangiti roon si Enrico sa kakengkayan ni Minerva at si Ana naman ay nangimi dahil kinindatan siya ng lalaki. Hindi niya matingnan ito nang tuwid.

Inilantad ni Enrico ang itinatago sa likod, tatlong pulang mga rosas na halatang sariwa pa. Ang isa ay malaki at bukang-buka, ang isa naman ay bahagyang buka, at ang isa pa ay medyo buko pa.

"Roses para sa iyo, Ana," magiliw na sambit ng lalaki at lumapit sa kaniya para iabot ang mga bulaklak.

Kiming tinanggap niya ang mga iyon na paborito niya at habang inaabot ay 'di naiwasang magkadaiti ang kanilang mga kamay. Pakiramdam niya ay may ground ang malapad na kamay ng lalaki. Para siyang napaso o nakuryente kaya.

"A, siya, maupo ka," natatarantang sabi niya dahil sa sensasyong iyon.

Tumalima naman si Enrico. Pero umupo ito sa upuang pinakamalapit kay Ana.

Nang gabing iyon ay naka-yellow shorts lang si Ana at naka-sky-blue na tee. Ang awra niya ay parang modernang diyosa. Sinasamba nga ng mga mata ni Enrico ang kabuuan niya.

Nako-conscious si Ana sa bawat titig ng lalaki habang sinasamyo niya ang mababangong mga rosas. Kumakalabog ang kaniyang dibdib sa sobrang sensitibo ng kaniyang radar. Lahat na lang ng ukol sa lalaki ay nasasagap niya.

Una ay ang mga titig nga ng lalaki na parang humahaplos sa kaniyang buong pagkatao na nagpapataas ng kaniyang mga balahibo. Ikalawa ay ang pabango nitong hindi lang may tinge of leathery scent, may something woody scent na rin ito na humahalo sa amoy ng mga rosas. 'Kaysarap samyuin!' anang isip niya.

Ikatlo ay ang puwesto nitong malapit na malapit lang sa kaniya. Parang gusto niyang lalo pa itong lumapit para mas maramdaman niya ang presensiya nito.

At panghuli ay ang mga rosas nga na galing sa lalaki. Paborito talaga niya ang mga bulaklak na rosas. Roses are symbol of romance, kaya hindi niya mapigilang kiligin sa sitwasyon niyang iyon.

"Uhurm!" maya-maya ay tikhim ng lalaki.

Muntik pang mapakislot si Ana nang maantala ang munti niyang pagliliwaliw nang tila may bara sa lalamunang pinalis ang lalaki. Umusog pa ito nang kaunti palapit sa kaniya.

'No, don't touch! I will die!' sigaw niya kunyari sa isip at tila nawala sa sariling muling napalanghap sa mga rosas na hawak.

"M-mabango ba, Ana?" pasimulang tanong ng lalaki sa malaprangkang tinig nito.

"Uhm, mabango naman," tipid ngunit nakangiti niyang sagot.

"Bulaklak nga pala iyan ng tanim kong rosas," imporma ng lalaki.

"Talaga?" gulat niyang tanong. "You mean, mahilig ka rin sa mga rosas?"

Medyo natawa ang lalaki sa reaksiyon niya. "Hindi naman sa gano’n. Aksidente lang kasi ang pagkakatanim ko niyan. Pero at least ako pa rin ang nagtanim."

"Aksidente?" gagad niya. "Paanong aksidente?" naku-curious niyang untag.

"Ganito kasi iyon," pasimulang kuwento ng lalaki sabay bago ng posisyon ng pagkakaupo. Itinukod nito ang mga siko sa may tuhod saka pinagsalikop ang mga kamay. Ang mukha nito ay nakatuon pa rin sa kaniya. "Ideya ng pinsan kong si Romy na bigyan ko raw ng flowers 'yong dati kong girlfriend para hindi na magtampo sa akin. Pinsan ko mismo ang bumili no'ng roses. Tapos, nang ibibigay ko na, hindi naman tinanggap. Sa akin na lang daw lahat at inaway pa ako. Kaya hayon, umuwi akong pikon na pikon. Sa galit ko nga ay sa mga rosas ko tuloy naibunton. Pinagbabalibag ko ang mga iyon sa lupa. Hindi ko naman alam na patayo palang natusok ang mga iyon sa mamasa-masang lupa. Kaya hayon, tumubo at inalagaan ng nanay ko hanggang sa mamulaklak. Hayan nga," lahad nito sa mga rosas na taban niya. "Mababango pala!"

"Nakakatuwa naman 'yang kuwento mo! Parang alamat na ng rosas, ah," komento niya.

"At parang may kahulugan," napatuwid muli ng upo na dugtong ng lalaki.

"Gano'n? At ano naman kaya ang kahulugan?" tanong niya.

"Parang sinasabing makakakita ulit ako ng bago kaya tumubo," nangingiting sagot ng lalaki.

"Gano'n!" tanging reaksiyon niya.

"Yup! At natitiyak kong ikaw iyon!"

Siya raw! Nagtatawa siya sa isip. Pakiramdam niya ay siya tuloy ang mga rosas na tumubo na tanim kuno nito. Sinamyo-samyo na naman tuloy niya ang mga bulaklak. Pagkabango-bango! Kahit ang totoo'y pabango ni Enrico ang pilit niyang sinisinghot sa mga rosas!

"Naniniwala ka ba, Ana, sa love at first sight? Iyon bang unang tingin mo pa lang sa isang tao, dama mo kaagad na siya na ang magiging soul mate mo?" tanong ng lalaki kapag kuwan. Sa bawat galaw nito'y lalong tumatapang ang gamit na cologne.

Naniniwala nga siguro siya roon. Paano'y ganoon din ang nararamdaman niyang mayroon sa kaniya ang lalaki.

"Hmm, siguro, oo. Naniniwala akong totoo iyan. Ikaw na lang, mukhang na-love at first sight ka na sa akin, e," may langkap na birong aniya.

At iyon na nga! Sa mismong gabing iyon ay nagtapat kaagad ang lalaki ng nararamdaman nito at ng intensiyon nitong umakyat ng ligaw sa kaniya. Dumating din ang hinihintay niyang isa pang hulog ng langit. Nang umalis nga ang lalaki ay tuwang-tuwa niyang ikinuwento ang lahat kay Minerva.

"Alam mo, Mine, nagtapat sa akin ng pag-ibig si prince charming!" excited niyang balita.

"Ay, talaga?" hindi makapaniwalang tanong ni Minerva. "Sabi ko na, e, at fastforwarder iyon!" pabuntot pa nito.

"Anong fastforwarder ka d'yan?" medyo biglang napakunot ng noong tanong niya. Ang excitement niyang magkuwento ay medyo nabawasan.

"Eh, kasi po, angbilis duma-moves! Baka bukas niyan aayain ka na magpakasal. At sa tingin ko naman papayag ka kaagad without further pakipot!" mahabang saad ni Minerva sa tonong naloloka sa kanilang dalawa ni Enrico.

Natawa si Ana sa pinagsasabi ng pinsan. Naisip tuloy niyang pikahin ito.

"So? Super inggit ka na niyan, Miss Pangeta?"

"Aysus! Saang banda ako maiinggit? Hoy, huwag mo akong ginagan'yan! For your info, hindi ako panget. All caps diyosang panget ako 'no! 'Mantalang ikaw, lower cased diyosa lang!" At binelatan pa siya ng pinsan.

Napahagalpak nang tawa si Ana sa pagdedepensa kuno ni Minerva sa sarili. Kahit kailan ay mahusay itong umakting at talagang patawa sa patawa.

"Pero, 'di nga. Talaga bang nagtapat na sa iyo si Joseph mo?" matapos magtatawa rin ay untag ulit ni Minerva.

"Oo, nga! Saksi ang mga rosas na ito, oh!" napaseryoso bigla na sagot ni Ana habang marahan niyang niyuyugyog ang hawak na mga rosas sa harap ni Minerva.

"Wow! Paamoy nga!" at inabot agad nito ang hawak niyang mga rosas. At nang maamoy ay bigla itong napatili.

"Ay! Awatin mo ako, Ana! Kinikilig ako sa sobrang bango ng roses ni Joseph Marco mo! Kinikilig talaga ako, sobra! Aww!"

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status