Share

THE DETERMINATION

Chapter 2

Dahil may kaluwangan ang likod bahay ay sinikap kong humingi ng mga buto ng talong, kamatis at iba pang mga gulay sa mga kalaro ko na may mga ganoong nabubulok na gulay sa bakuran nila. Kapag kasi tapos na ang taniman ay bihira na rin ang nangangailangan ng babayaran na magtratrabaho sa bukid kaya iyon na ang naisip kong gawin habang maghihintay naman ng anihan ng palay. Magsisiyam na taong gulang na kasi ako sa pasukan kaya kailangan kong ihabol ang edad ko. Nalaman ko kasi na pitong taong gulang lang ang kapatid ng kalaro ko at nasa Grade 1 na. Doon daw ako magsisimula, sa pagiging Grade 1.

Sa pagdaan ng panahon ay mabilis namang lumaki ang mga pananim kong gulay na para bang nakikisama sa akin ang kapalaran kahit wala akong pataba. Tubig lang sa ilog ang pinapandilig ko araw-araw. Nang namunga naman ay naging problema ko kung kanino ko iyon ibebenta dahil halos lahat ng mga kapit-bahay namin ay may mga gulay din sa likod-bahay nila. Maliban sa mga ilang tamad na walang ginawa kundi magtsismisan at maglaro ng baraha.

Naisip kong dalhin ang mga bunga ng talong, ampalaya, sitaw at kamatis sa bayan. Higit isang oras ko rin nilalakad iyon sa masukal na kagubatan at talahiban bago marating. Kung dadaan kasi ako sa daanan ng mga sasakyan ay aabutin ako ng tatlong oras kaya doon ako sa shortcut dumadaan. Nahihirapan ako noong magbilang lalo na sa pera kaya minsan binubungangaan ako ng mga bumibili sa isang bayong lang na gulay na paninda ko. Presko kasi ang mga paninda ko kaya sa akin bumibili ang ilan pero dahil sa bakuran lang ako nagtanim kaya ilang araw uli ako maghihintay bago mamunga ng aking ititinda. Sa harap ng parlor ng isang baklang parang babae ako noon nagtitinda. Sa akin din siya bumibili at napansin nga niyang hindi ako marunong magsukli. Nang minsang wala siyang ginugupitan ay tinawag niya ako sa loob. Wala na akong ibebenta noon.

Ang baklang iyon ang isa sa mga dahilan kung bakit umayos ang buhay ko. Makikilala siya sa susunod na bahagi ng aking kuwento.

“Anong pangalan mo neng?”

“Khaye po. Kayo po?”

“Precious. Tawagin mo akong ate Precious.”

“Ate Precious” inulit ko ang sinabi niya para matandaan ko.

“Hindi ka ba nag-aaral?”

“Hindi pa po ako nag-aral e.”

“Talaga? Kaya pala.”

“Ano hong kaya pala?”

“Kaya pala hindi ka marunong pang magbilang. Hindi mo alam kung magkano ang ibinabayad sa’yo at di mo rin alam kung paano mo sila susuklian.”

“Opo. Kahit po pangalan ko po hindi ko alam isulat.”

Huminga ng malalim si Ate Precious. Nakita ko agad sa mga mata niya ang awa sa akin. “Wala ka bang mga magulang?”

“Meron po.”

“Meron naman pala e, pero bakit ka pinapabayaan ng ganyan?”

“Hindi ko ho alam e.”

“Ilang taon ka na?”

“Sabi po ni nanang, walong taong gulang na ako. Malapit na daw ako magiging siyam.”

“Gano’n e parang 12 years old ka na. Matangkad kang bata kung gano’n. Hmnnnn” sinipat ako ni Ate Precious pataas at pababa. Saka siya ngumiti. “Maganda kang bata.”

“Salamat ho.”

“Kung hindi ka marunong magbasa at magsulat, hindi ka marunong magbilang, madali kang lokohin ng kapwa mo. Kung hindi ka kayang pag-aralin ng mga magulang mo, bakit hindi na lang sila ang magturo sa’yo?”

“Hindi rin daw kasi maalam magbasa at magsulat sina Nanang at Tatang.”

“Ibig sabihin lahat kayo mangmang?”

Tumango ako.

“Sorry sa term na mangmang pero gusto mo ba iyan ang tawag sa’yo ng mga tao paglaki mo? Mangmang o bobo? Alam mo walang mangyayari sa buhay mo kung hindi mo matutunan ang magbasa at magsulat.”

Tumingin lang ako sa kanya. Pilit kong iniintindi ang mahaba-haba niyang sinabi.

“Gusto mo bang turuan kitang magbilang?”

“Sige po. Gusto kop o. Gustung-gusto ko po.” Natutuwa kong sabi sa kanya.

“At saka turuan na rin kitang isulat ang pangalan mo?”

“Talaga ho? Sige po.”

“Sandali at kukuha ako ng lapis at papel.”

Iyon ang kauna-unahang pagkakataon na nakahawaka ko ng lapis. Unang pagkakataon na may nagturo sa aking magbilang. Sa higit isang oras ding pagturo ni Ate Precious sa akin na magsulat ay tuluyan ko ng alam kung paano isulat ang buong pangalan kong Khaye Bautista. Pag-uwi ko ay ibinigay na rin sa akin ni Ate Precious ang kaniyang lapis at papel. Habang naglalakad ako, inuulit-ulit ko ring balikan ang itunuro niya sa aking pagbibilang hanggang 10. Sa ibang araw na lang daw ang iba pang mga numbers para raw di ako mabigla. Kaya nang umuwi ako ay pagkatapos kong diligan ang aking mga gulay ay wala akong ginawa kundi ang isulat ng paulit-ulit ang aking pangalan at magbilang ng magbilang hanggang 10.

Nang pasukan na ay pumunta ako sa bayan para bumili ng mga kakailanganin ko sa pag-aaral. Sinamahan ako noon ni ate Precious na bumili ng aking mga gamit. Dinagdagan pa niya ang mga kulang ko. Lahat ng sa tingin niya na kailangan ko ay binili niya. Tuwang-tuwa akong umuwi noon na dala ang aking mga gagamitin sa pag-aaral. Pinakita ko kay tatang ngunit nasaktan lang ako sa sinabi niya sa akin.

“Akala mo naman may mararating ka sa aral-aral na ‘yan. Pag-aasawa at pag-aanak din lang ang bagsak mo.”

“Ho?” gulat kong tinuran.

“Basta ito ang tandaan mo bata ka ha? Pagdating diyan sa pag-aaral na iyan ay wala kang mahihintay sa akin na kahit anong suporta. Wala akong pakialam at huwag na huwag kang hihingi ng tulong sa akin diyan sa diyaskeng pag-aaral mo!”

“Opo Tang. Hindi ho magiging pabigat ang pag-aaral ko sa inyo.”

“Kita mong naghihirap na tayo iyan pa ang inaatupag mo. Do’n sa bukid ka nababagay o kung hindi naman ay diyan sa gulayan mo sa likod ang asikasuhin mo nang may malamon ka.”

Minabuti kong hindi na lang sumagot.

“Tignan lang natin kung hanggang kailan ka tatagal diyan sa buwisit na pag-aaral na iyan.”

Tumahimik na lang ako. Kung sasagot ako, malamang hahaba lang ang usapan. Kinuha ko na lang uli ang mga gamit ko sa paaralan at isinilid ko sa aking bag na may luha sa aking mga mata. Pumasok ako sa loob ng aming kubo na nasasaktan dahil sa sinabi sa akin ni Tatang. Pinangako ko sa aking sarili na pagdating ng araw, magsisisi siya sa mga sinabi niya. Ipapamukha ko sa kaniyang hindi ako matutulad sa kanila ni Nanang.

Pagdating ni Nanang galing sa pagta-trabaho sa bukid ay hinarap niya agad ako.

“Nakabili ka ba ng mga gamit mo sa school?”

“Oho Nang.”

“Patingin?”

Natuwa ako. Gumaan ang pakiramdam ko. Masaya kong inilabas lahat ang laman ng bagong bag ko na binili ni Ate Precious.

“Oh bakit parang andami naman yata ‘yan? Nagkasya ba ang pera mo at yung barya baryang ibinigay ko?”

“Opo saka tinulungan ako ni Ate Precious?”

“Sino?”

“Si Ate Champage po. May parlor sa bayan. Doon sa tapat ng parlor niya ako madalas magtinda ng gulay ko.”

“Maigi. Sige na, itago mo na muna ‘yan at magsaing ka na.”

“Sige po Nang.”

Tinignan ako ni Nanang. Tumingin rin ako sa kanya. Alam kong nahihirapan siyang makita akong hikahos.

“Sana makaya natin ang pag-aaral mo. Hindi ko alam kung paano.”

“Mga ambisyosa. Pahirap lang ‘yan! Kinukunsinti mo pa kasi e.” singhal ni Tatang na naninigarilyo sa labas ng bahay.

Hindi sumagot si Nanang.

Umupo siya sa bintana at malayo ang tanaw ng kanyang mga mata.

Alam ko yung hirap namin. Ramdam na ramdam koi yon lalo pa’t heto ako nagpipilit pang mag-aral. Naawa ako kay Nanang. Inisip ko na lang na dodoblehin kong magtrabaho kapag wala akong pasok tulad ng Sabado at Linggo.

“Taas talaga ng ambisyon. Tignan lang natin kung saan din ang bagsak mong bata ka.” Pagpapatuloy ni Tatang.

Sa gabing iyon ay napaiyak ako sa tinutulugan ko. Pakiramdam ko noon ay hindi ko talaga ama si Tatang. Wala akong nararamdamang pagmamahal at pagmamalasakit. Parang sa buong buhay ko ay nabuhay na lang ako sa awa ng Diyos. Ngunit lahat ng mga sinabi ni Tatang ay ginawa kong challenge para magtagumpay ako.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status