Share

THE BEGINNING

CHAPTER 1

Hindi ko sukat akalain na ang kagaya kong lumaki s probinsiya ay makatatagpo ng lalaking tatanggap at magmamahal sa akin nang lubusan Wala sa isip ko na ang kagaya kong pobre ay makakatagpo ng isang bilyonaryo na siyang magpaparamdam at magpapakita sa akin ng wagas na pag-ibig. Ang lalaking siyang magbibigay ng lahat lahat niya para sa aking ikasasaya. Ang lalaking magbabago sa kwento ng buhay ko at pupuno sa lahat ng kakulangan ng buhay ko. Maihahalintulad ko ang buhay ko kay Cincerella. Inalipin ng kanyang bitch step mother at twin step sisters bago dumating ang Prince Charming niyang siyang nagbigay ng kaginhawaang karapat-dapat naman talaga para sa kanya? Ngunit wala akong bitch mother and twin sisters. Ang meron ako ay lasinggerong mapanakit na ama. Parang fairly tale story ang buhay ko. Ngunit hindi ito fairy tale. Isang totoong buhay na totoong nangyayari. Hindi ito likhang isip lamang.

Lumaki akong sa gitna ng kahirapan at mga pasakit ay may matinding pangarap. Tanging pangarap ko lang kasi na makatapos sa pag-aaral ang sandata kong paglabanan ang lahat ng pagsubok. Wala pa kasi akong Knight in Shining Armour na tutulong sa akin sa aking landasin patungo sa aking minimithing tagumpay. Wala pang prince charming na aakay sa akin patungo sa kanyang castle. Ngunit kung si Cinderella na itinago’t inalila ng kanyang stepmother at stepsisters ay nagkaroon ng love life ako pa kayang sa bukid na malayang nakatatakbo sa pilapil ang di mapansin ng isang prince charming?

Masarap magmahal kung ang taong mahal mo ay mahal na mahal ka rin. Iyon bang alam mong kaya niyang ibigay sa iyo ang lahat ng gugustuhin mo. Handa niyang gawin ang lahat ng hinihiling mo. Yung tipong kahit hindi mo sasabihin ay alam niya kung ano ang tunay na makapagpapasaya sa’yo. Titiisin ang lahat, isakripisyo at kalimutan ang pansarili niyang kaligayahan para kaniyang minamahal. Sabi nila, masuwerte ka kung may darating na ganitong pag-ibig sa iyong buhay. Sabi nila minsan din lang ito darating at kung pakakawalan mo maaring hindi na muli pang babalik.

Ako si Khaye. Sisimulan kong ibahagi sa inyo ang buhay ko, ang aking masalimuot na landasin at ng buhay pag-ibig naming ng lalaking bumuo sa akin at ng aking nagkawatak na pamilya. Paano ko nga ba sisimulan ang aking paglalahad? Para mas malinaw ay babalikan ko ang lahat ng aking naging simulain.

Lumaki ako sa baryo kasama ang magsasakang mga magulang ko. Magsasakang walang sariling lupa dahil binabayaran lamang siya ng arawan. Lahat ng puwedeng iutos sa kaniya sa bukid ay ginagawa niya kapalit ng 200 pesos niyang bayad sa maghapon. Noong bata ako, ang 200 pesos na iyon na kaniyang pinagpaguran sa maghapon ay sapat rin lang para sa kaniyang bisyong alak at sigarilyo. Kung may maiiwan man doon ay siya naman naming pambili ng kailangan sa kusina. Basta ang batas niya, hindi dapat maisakrpisyo ang alak niya at sigarilyo dahil katwiran nga naman niya ay siya ang nagpagod kaya nararapat lang na sa kaniya rin mapupunta. Katulong niya si Nanang sa bukid. Kahit pa sabihing nasunog na ng araw at tinuyot na panahon, banaag pa rin ang kagandahan ni Nanang. Batid kong sa kanya ko minana ang kagandahang iyon. Kagandahang hindi naalagaan dahil sa hirap ng buhay. Kagandahang sinisira ng pagdarahop. Kagandahang pinalamlam ng hindi magandang kapalaran.

Dala ng impluwensiya ng mga tao sa aming baryo, si Nanang ay hayop din kung manigarilyo. Tambutso ang bibig sa paninigarilyo at sinasabayan din niya minsan ang Tatang sa pag-inom ng alak. Hindi nga lang sila magkaharap kung tumoma ngunit pagsapit ng gabi kapwa na sila lasing at magkakaroon ng mahabang sumbatan sa nangyayari sa buhay namin. Hindi ko naiintindihan kung ano ang kanilang pinag-aawayan. Mula kasi nang nagkaisip ako, madalas na ang kanilang mga iringan.

Para akong ligaw na damong lumalaki lang. Walang nag-aaruga, walang nagmamahal. Hindi ko naranasan yung lumaki na pinapaliguan ng mga magulang. Hindi ko matandaan na ako’y binihisan, ipinasyal sa bayan at binilhan ng damit at laruan. Malalaking at maluluwag na damit ang pinasusuot sa akin bigay ng mga kapitbahay na naaawa sa akin. Ang tanging laruan ko ay ang mga maliliit na kahoy na dinadamitan ko ng mga ginunting kong plastic ng chichirya. Sapat na sa akin iyon para maging maligawa. Iniisip ko na lang lagi na isa itong totoong manika. Isang Barbie Doll. Maaring kahoy lang sa paningin ng iba ngunit sa aking imahinasyon, ito ay isang nakapamahal at napakagandang Barbie. Iyon ang kinalakhan ko, ang tignan ang kung anong meron ako at mangarap na higit pa iyon. Kung ang ulam ko ay asin at mantika, iniisip kong kumakain ako ng adobong karne ng baboy. Iyon kasi ang madalas sabihin sa akin ni Nanang, huwag ko raw tignan na ganoon lang ang mga bagay na meron ako, tignan ko ng mas higit pa roon.

Mula nang ako ay nagkaisip, ako na ang bahalang maglinis sa aking katawan kasama ng mga hubo’t hubad na mga batang nagtatampisaw sa ilog na para bang hindi natatakot ang aking mga magulang na ako’y malunod o tangayin ng agos ng ilog. Hindi ko napagdaanan yung pag-aasikaso na nakikita kong ginagawa ng mga magulang sa mga kalaro ko. Kapag kainan naman ay lalagyan na lang ni nanang ng kanin ang pinggan ko, hahaluan ng mantika o kaunting asin o kaya ay bagoong at ako na ang bahalang sumubo. Kung sa umaga naman ay masaya na ako kung may kape na isasabaw ko sa aking kanin. Pista na nga ring maituturing kung may ginisang sardinas na ihahain. Mula nagkaisip ako ay natutulog akong tanging pagbubungangaan at walang kamatayang diskusyon ang aking naririnig mula sa mga lasing kong nanang at tatang. Sanay ang tainga ko sa murahan nila. Parang naging drama na lang ito sa radio sa pandinig ko.

Minsan napapaisip na lang talaga ako. Mahal kaya nila ang isa’t isa katulad ng mga nakikita kong mag-asawang kapit-bahay namin? Kung mahal nila ang isa’t isa, bakit ganoon sila magturingan? Bakit hindi ko makita ang pagmamahalan? Hindi ko kasi nakitang naglambingan sila. Kung hindi sila lasing sa tanghali, tama na yung pag-uusap nila tulad ng pagtatanong ni tatang kung may sinaing na at kung ano ang nalutong ulam, sasagutin naman ni nanang na tignan na lang ni tatang sa kusina kung ano ang nakahanda doon at kainin kung anong meron dahil hindi naman sila mayaman. Hindi nauso sa kanila ang magkakaharap na kumain sa hapag-kainan. Paano nga naman namin gagawin iyon kung wala rin naman kaming mesa. Ang kubong tinitirhan namin ay gawa lang sa kawayan at kogon. Yung tipong isang malakas na bagyo lang ang daraan ay tatangayin na ito sa kalumaan.

Dahil sa kubo lang ang aming tinitirhan ay maliit lag talaga ito, kung saan kami kumakain, doon na rin kami natutulog. Tabi-tabi kami kaya madalas kong nauulinigan na pinipilit ni Tatang si Nanang. Nararamdaman ko ang pagsampal sampal ni Tatang kay Nanang kung tumatanggi ito. Alam ko, bata pa ako pero madalas ng gahasain ni Tatang si Nanang. Dahil bata lang ako, anong alam ko kung rape nap ala ang ginagawa ni Tatang kay Nanang? Umiiyak na lang ako noon sa kama ko. Kahit gusto kong saklolohan si Nanang ay wala naman akong magawa. Takot rin kasi ako Tatang. Ayaw kong sa akin mabunton ang kanyang galit.

Nang mga panahong iyon, hindi uso ang CR kaya wala kaming masabing palikuran kaya sa bukid o malawak na kagubatan sa likod-bahay lang kami nagtatago kung kami ay dumumi. Ingat na ingat nga ako sa pag-apak sa pangunguha ng mimiryendahin kong bayabas at sampalok dahil paniguradong makaaapak ako ng ebak hindi lang ng aming pamilya kundi pati na rin ang aming mga kapitbahay. Iniisip ko ngang ang matatamis na bunga ng bayabas at sampalok ay dahil sa taeng nagkalat sa palibot ng mga puno nito.

Dahil liblib na lugar na kami ng Cagayan kaya wala kaming kuryente noon ang baryo namin kaya noong edad anim na taong gulang lang ako ay nakapaa pa ako sa madilim at masukal na daan para makidayo na makipanood sa DVD o CD ng may kaya at may sariling generator sa kabilang baryo. Kung may limang piso kang pambayad, papapasukin ka sa loob at kalimitan naman ay wala akong pera kaya naghahanap ako ng butas na puwede kong silipan para lang mapanood ko sina Jericho Rosales at Kristine Hermosa ng Pangako sa ‘yo, sina Bea Alonzo at John Lloyd at iba pang mga kinakikiligan kong artista. Tuwang-tuwa di ako sa 100 days to heaven at ginagaya ko ang batang si Madam Ana. Gusto kong maging kagaya ni Madam Ana paglaki ko. Matapang at mayaman. Dahil walang pambayad kaya madalas na sumisilip lang ako sa mga butas. Ngunit isang araw nang muli akong pumuwesto doon sa sinisilipan ko ay nasarhan na iyon ng napakakapal nilang kurtina kaya sinikap kong pumuslit para makapasok sa loob na hindi nagbabayad. Kapapasok ko pa lamang sa loob ay bigla na lang hinila ang manipis, malaki, butas butas at maduming kong blouse. Dinig na dinig ko pa ang pagkapunit niyon.

“Hoy, asan muna ang bayad mo?”

“Wala ho akong pera e.”

“Magbayad ka muna bago pumasok.”

“Wala nga ho akong pera ate.”

“Tang-inang batang ‘to. Ang kapal ng mukhang papasok wala namang pambayad.”

“Gusto ko lang ho sanang makipanood.”

“Manood ka kung may pambayad ka. Wala ka palang pera e, bakit ka papasok? Balak pang pumuslit ng hayop na ‘to!”

Hayop. Iyon ang turing ng mga mayayamang sa akin. Isang hayop lang at hindi tao.

Hinila ako palabas, itinulak at dinuro-duro dahil lang sa limang piso. Nang namura na niya ako naipahiya sa mga tao saka niya pabagsak na isinara ang pintuan. Tinandaan ko ang mukhang iyon. Hinding-hindi ko makakalimutan ang mukhang iyon dahil siya ang kauna-unahang umapi sa akin. Kung yayaman ako, mababalikan din kita.

Pakiramdam ko kasi noon ay parang hindi ako tao katulad ng mga nanonood sa loob. Dahil ba sa wala akong pera kaya wala na rin akong karapatang mapanood ang pinapanood nila? Umaatungal ang aso sa labas ng bahay nila. Kumakahol sa akin. Napaatras ako sa takot. Lumayo ako. Mabuti na lang at nakatali ito kaya hindi niya nasakmal ang butuhan kong katawan.Nabuksan muli ang pintuan nila at napangiti ako. Akala ko ako nga papapasukin ako nong tatay nung babaeng namahiya sa akin pero kinarga ng may ari ng bahay ang aso saka tumingin sa akin.

“Ano pang ginagawa mo dito bata? Umuwi ka na sa kubo niyo, hoy!”

“Pwede hong makipanood kuya?” pagmamakaawa ko.

“Anong makipanood? Walang ng libre ngayon. Kung wala kang pambayad, huwag kang pumunta rito. Sige na, alis na diyan, bwiset!”

Pagkatapos no’n ay pumasok na siya kasama ng aso. Mabuti pa yung aso kinarga at ipinasok sa loob ngunit ako na tao pinapalayas na masahol pa sa hayop. Sayang naman ang nilakad kong ilang kilometro. Isa pa natatakot akong mag-isang uuwi. Kailangan kong hintayin ang mga batang kalaro ko na nang mga sandaling iyon ay dinig na dinig ko ang kanilang mga tawa sa kanilang pinapanood. Noon ako napaluha. Unang pagkakataong iniluha ko ang aking kadaralitaan.

Bago ako umalis ay nakita ko ang pinagkakainan ng aso, may pansit at ilang buto ng pritong manok na madami pang laman na sa katulad kong mahirap lang ay ulam na rin iyong maituturing. Napabuntong-hininga ako. Iisa ang tumatakbo sa isip ko no’n, naiinggit ako sa aso nila. Mas hamak pang masuwerte ito kaysa sa akin.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status