Share

THE MOTHER'S LOVE

Chapter 5

Huminto ako nang malapit na ako sa aming kubo. Hindi ko magawang lumapit at umuwi. Nauuhaw ako, nagugutom at pinapapak ng lamok ngunit natatakot pa rin ako sa mga pananakit ni tatang. Alam kong gabi na noon. Matagal na kasi ang paglatag ng dilim at halos lahat ng mga ilaw ng mga kapit-bahay namin ay nakapatay na rin. Ngunit bukas pa ang gasera sa aming bahay. Narinig kong parang may lumabas sa bahay. Nanginginig akong sumilip mula sa pinagtataguan ko. Nakita ko si Nanang. Kasabay ng pagsilip ko ang kayang paglabas sa aming sira-sirang pinto. Panaog paakyat si Nanang. Halatang parang hindi mapakali. Paikot-ikot sa aming kubo. Malayo ang kanyang mga tingin. Nang alam kong ako ang kaniyang hinihintay ay lumabas na rin lang ako sa pinagtataguan ko.

“Nang…” garalgal kong boses na parang naiiyak ngunit nangangatog din ako sa takot sa kanya. Kagaya ni Tatang, naging malupit din naman si Nanang sa akin kaya hindi ko siya magawang takbuhan. Paano kung katulad din siya ni tatang na papaluin lang ako? Paano kung panigan niya si tatang imbes na ako?

“Diyaske kang bata ka! Saan ka nagpunta?” mabigat ngunit may lambing ang pagkakabigkas niya doon.

“Nang, si tatang po kasi!” tuluyan nang umagos ang mga luha ko. Hindi ko na kasi kayang pigilan dahil parang kahit mataas ang boses ni nanang nang sinabi niya iyon ay alam kong hinihintay niya ang pag-uwi ko at hindi siya makatulog nang wala ako.

“Kumain ka na ba?”

“Hindi pa ho?”

“Saan ka ba nagtago?”

“Sa gubat. Doon sa malaking puno ng sampalok.”

“Ano? Paano kung kagatin ka ng ahas o kung may mangyari sa’yo doon?”

“Natatakot po kasi ako kay Tatang.”

“Ano ba kasi ang ginawa mo?”

“Nawala ko ho kasi yung pambili ng alak.”

“Bakit mo naman kasi nawala ang pera?”

“Nahulog ho.”

“Saan mo inilagay o saan mo nahulog?”

“Nang, kasi…” hindi ko kasi alam kung alin ang uunahin kong sagutin.

“Sige na. Pumasok ka na sa loob at nang makakain ka na muna.”

“Pero baka ho saktan uli ako ni Tatang.”

“Tulog na ang tatang mo.”

“Baka ho magising at saktan ho uli ako.”

“Hindi na. Nakatulog na sa kalasingan kasi nakabili na ako ng alak niya. Sige na, pumasok ka na at makakain. May natira pa naman na kakanin na naibulsa ko para sa iyo kanina sa lamay.”

Hinawakan ni Nanang ang balikat ko hanggang sa naging haplos iyon sa butuhan kong likod. Iyon ang unang pagkakataon na ginawa niya iyon sa akin. Isang haplos ng ina na matagal ko nang hinangad.

“May sugat ka ba anak?”

Anak. Ang pagtawag niya ng anak sa akin ang siyang lalong nagpaluha sa akin. Naramdaman ko ang kaibahan no’n. Napapaluha ako sa sobrang saya. Iba ang dating no’n sa akin. Para akong nakasilip ng katiting na pag-asa na magbabago na ang kuwento ng aking pagkabata.

“Halika na muna sa loob nang mahugasan na rin natin ang mga sugat mo at pagkatapos ay mag-usap tayo sa labas dahil baka magising ang tatang mo kung sa loob pa tayo mag-uusap.”

Ibinigay niya sa akin ang kakanin at naglagay rin siya ng tubig sa plastic naming dilaw na baso.

Mabilis kong naubus ang kakanin. Gutom pa ako ngunit alam kong iyon lang naman ang pwede at meron kong kakainin. Pinunan ko na lamang ng maraming tubig ang aking sikmura.

Pagkatapos kong kumain ay nilinis na ni Nanang ang aking sugat. Nang nililinis na ni Nanang ang sugat ko sa mukha ay lalo akong napaluha. Nakaramdam ako na parang kahit pala papaano ay may kakampi pa rin ako, na kahit paano ay may nagmamahal pa rin pala sa akin? Naisip kong bakit sa tinagal-tagal ng panahon ay ngayon ko lang naramdaman kay Nanang na mahal niya ako? Maghapon lang akong nawala ngunit parang ilang taon na akong nawalay sa kanya.

“Halika sa labas at mag-usap tayo ha? May mga sasabihin ako sa iyo.” Sumunod ako sa kaniya.

“Ano hong pag-uusapan natin Nang?” tanong ko.

“Anak..”pagsisimula niya. “May ipagtatapat ako sa’yo.”

“Ano ho ‘yon Nang?”

“Gusto ko lang malaman mo na hindi mo tunay na ama ang Tatang mo.”

“Ano ho?” narinig ko ang sinabi niya ngunit gusto ko lang masigurado.

Bumuntong-hininga siya. “Hindi mo tunay na ama ang Tatang mo sabi ko. Nabuntis ako ng amo ko nang nagkatulong ako sa isang mayamang pamilya sa Maynila.”

“Pero bakit si Tatang na ho ang kinalakhan kong ama?”

“Dahil bago pa man naging kami ng ama mo, boyfriend ko na noon ang tatang mo.”

“Hindi ko pa rin ho maintindihan Nang.”

Huminga siya ng malalim. Alam kong hirap siyang magpaliwanag.“Anak, hindi ko alam kung paano ko kasi sasabihin e. Hindi ako matalino kagaya mo. Hindi ako nakapag-aral kaya ganito, dahil tatanga-tanga ang nanang mo at puro paglalaba, pamamalantsa at paglilinis lang ang alam kaya hindi ako tinanggap ng mga magulang ng ama mo.”

“Kung hindi kayo tanggap ng mga magulang ng ama ko, paano naman yung tatay ko? Hindi rin ba kayo tanggap? Hindi ba kayo minahal?” naalala ko ang mga pelikulang napanood ko, inisip ko na gano’n ang nangyari kay Nanang. Pinagsamantalahan lang ng mayaman niyang amo.

“Alam ko, ramdam kong mahal na mahal ako ng Tatay mo pero hindi ko kinakaya ang pagmamalupit ng mga magulang niya sa akin habang wala siya sa tabi ko. Kaya ako tumakas at umuwi dito sa atin barrio.”

Tumango ako. Kahit paano ay mali ako sa naisip ko. Kung ganoon ang nangyari, mabuting tao pa rin pala ang ama ko. Ngunit may hindi lang ako naiintindihan.

“Kung mahal kayo ng tatay ko, Nang, bakit hindi niya kayo sinundan at ipinaglaban? Bakit hindi natin kasama ngayon at si Tatang ang naging asawa ninyo?”

“Bata pa kami pareho noon anak. Wala siyang kakayanan para panindigan ako. Nagpagamit ako sa kaniya dahil sa may hitsura talaga ang ama mo. Nabaliw ako. Lahat ibinigay ko pati ang aking pagkababae. Ngunit nang malaman ng mga amo ko na buntis ako sa kanilang anak ay biglang naging maayos ang pakikitungo sa akin ng kanyang mga magulang. Nangako sila na aalagan nila ako habang wala siya. BIgla kasi silang nagdesisyon na sa ibang bansa na magpapatuloy ng pag-aaral ang ama mo at sila na ang bahalang mag-alaga sa akin habang pinagbubuntis ako.”

“Ano hong nangyari?”

“Naniwala ang ama mo sa magandang ipinakita ng kanyang mga magulang sa akin. Sabi niya, babalik daw siya at magpapakasal kami pagbalik niya at makatapos na siya sa kanyang pag-aaral. Kaya lang nang araw na umalis ang ama mo para mag-aral sa ibang bansa ay iyon na rin ang araw na pinalayas ako ng mga matapobreng lolo at lola mo. Sino ba namang amo ang tatanggap sa no read, at no write lang na kasambahay na maging manugang?”

Napatitig ako kay nanang. “Hindi tayo hinanap ng tatay ko, Nang?”

“Hindi ko alam kung hinanap tayo. Wala na rin kasi akong balita pa. Siguro may pamilya na siya ngayong iba? Siguro hindi ka na rin naalala. Hindi na tayo naalala pa.”

Nakaramdam ako ng awa lalo na nang nakita ko ang dalawang butil ng luha na umagos sa kaniyang pisngi. Unang pagkakataon na nakita ko siyang lumuha para sa akin. Tinignan niya ako. Tinitigan ng husto at saka niya ako niyakap ng mahigpit. Unang yakap iyon sa akin ng isang ina. Noon ko naramdaman na may nanang pa pala ako na magmamahal sa akin.

Yumuyugyog ang kaniyang balikat tanda ng kanyang matinding emosyon.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status