Share

THE FEAR

Chapter 4

Nang ako’y nasa hagdanan na namin ay hindi ko na magawang umakyat pa. Alam kong hahanapan ako ni Tatang ng alak. Ayaw kong magdahilan at magsinungaling sa kanya. Sasabihin ko na lang sa kaniya ang totoo.

“Bakit ngayon ka lang? Aba! Bibili lang ng alak isang oras mahigit?”

Nagkamot ako ng ulo. Ni hindi ko matignan si Tatang. Nakayuko lang ako.

“Oh ano na? Nasaan ang pinabili kong alak?”

“Wala ho.”

“Anong wala? Nasaan!”

“Sorry po ‘Tang,” ipinulupot ko ang aking kamay sa dulo ng butas-butas at manipis kong t-shirt.

“Ano! Putang ina! Nasaan ang pinabili ko sa’yong alak!”

“Nahulog ko kasi yung pera…”

“Ano? Putang ina naman! Tanga! Bobo! Saan mo nahulog!”

“Hindi ko ho alam!”

“Tang-ina! Baka naman ibinulsa mo na para gamitin mo sa lintik na pag-aaral na ‘yan.”

“Hindi ho ‘Tang. Nawala ko ho talaga.” Nanginginig na ako dahil tumataas na ang boses ni Tatang.

“Halika rito at magtanda kang walang silbing hayop ka!” nakita kong kinuha niya ang nasa malapit sa kaniyang pamalo. Napalunok ako. Kinabahan. Alam kong muli na naman niya akong sasaktan.

Umatras ako. Nanginginig ang buo kong katawan. Nangangatog ang aking mga tuhod.

“Hayop kang bata ka. Wala ka talagang silbi! Magnanakaw ka talaga!” singhal niya.

Bakit mula pagkabata ko naririnig ko ng tinatawag ako ng hayop ka… animal ka! Tapos ngayon kinabitan na ng walang silbi kang hayop ka at magnanakaw pa. Tumingin ako sa mukha ni tatang noon. Galit siya. Galit na galit at nang itinaas niya ang pamalo niya ay inihanda ko na ang katawan kong damhin ang parusa ng aking nagawang kasalanan. Kasalanang hindi ko naman sinasadya.

“Ano ha! Aamin ka na ba na hindi mo nahulog ang pera kundi ninakaw mo ito dahil sa letseng pag-aaral na ‘yan!” singhal niya habang patuloy niya akong pinapalo.

“Wala po akong ninanakaw, tang.” Mahina kong sagot. Tuluyan nang tumulo ang aking mga luha. Umiiyak ako sa takot. At sa isang iglap ay sunud-sunod na malalakas na palo buong katawan ko ang pinatikim ni tatang sa akin. Nang ihambalos niyang muli ang pamalo sa akin ay nagawa kong hawakan ang kaniyang kamay. Oo nga’t babae ako at bata pa pero sobra na ang ginagawa nilang pang-aapi sa akin. Parang hindi nila ako anak.

“Aba! Lumalaban ka na ha?”

“Tang, tama na ho! Pagta-trabahuan ko hong ibalik ang pera sa inyo!”

“Matapang ka na talaga ah! Sige, gaga, lumaban ka. Ipakita mo sa akin na kaya mo na akong labanan, tarantada!” hinawakan niya ang leeg ko. Sinakal na niya ako. Mahigpit na pagsakal. Hindi ako makahinga. Kahit anong gawing kong pagtanggal sa kanyang kamay sa aking leeg ay hindi ko magawa.Pakiramdam ko ay napakatagal ng pagkakasakal niya sa akin na wala nang naiipon pang hangin sa aking baga.

“Tang…hin-di a-ko makanginga--- Tang!” Nalalagutan na ako ng hininga at umiinit na ang buo kong mukha sa pamumula. Luha, sipon at laway na ang lumalabas sa akin. Kung hahayaan ko pang tatagal ang pagkakasakal sa akin ni tatang ay tuluyan na akong mamamatay. Tinutulak-tulak ko ang dibdib niya. Nagmakaawa ang luhaan kong mga mata at pinilit kong magsalita para magmakaawang tanggalin na niya ang kamay niya sa aking leeg ngunit tanging laway lang at ungol ang lumalabas na lang sa akin. Pinilit kong tanggalin ang kamay niyang nakasakal sa akin ngunit malakas ang kaniyang mga daliri. Ano ba naman ang kayang gawin ng isang batang babae? Tanging malakas na tadyak sa kaniyang sikmura ang alam kong paraan para makahinga akong muli.

Nang nabitiwan niya ang leeg ko ay parang napakahalaga sa akin ang bawat paghinga. Kailangan kong punuin muna ng hagin ang aking baga. Nahuli ng pang-amoy ko ang kaniyang amoy alak na hininga. Nakainom na pala siya. Napaluhod ako sa pagkahina kasabay ng sunud-sunod ding pag-ubo. Ngunit hindi pa ako nakakabawi sa panghihina ay isang malakas na sipa naman ang pinakawalan ni tatang sa aking tadyang, isa pang sipa sa aking mukha na dahilan ng pagkabasag ng aking labi. Mabuti at hindi ako naputulan ng ngipin. Napasadsad ako sa gilid ng aming kubo at nakita ko ang pagtulo ng dugo mula sa aking labi pabagsak sa yari sa kawayan naming suwelo. Doon na ako natakot ng husto. Naisip ko nang lumayo roon at nang palapit muli si tatang sa akin ay sinikap kong tumayo at kumaripas ng takbo. Dinig na dinig ko ang kaniyang sigaw…

“Tang ina kang hayop ka. Papatayin kita. Wala kang kuwenta!”

Noon ay gusto kong lumayo. Doon sa hindi ko marinig ang panlalait niya sa aking pagkatao. Tumakbo ako ng tumakbo papunta sa ilog hanggang nakarating ako sa may kakahuyan. Kumakaripas ako dahil sa takot at nang alam kong hindi na niya ako nasundan pa ay tumigil ako. Madilim ang paligid. Iba’t ibang mga tunog ng kulisap sa gabi at mga kahol ng aso ang pumupunit sa katahimikan ng gabi. May mga huni ng ibon na lalong nagpatindig sa balahibo ko. May narinig rin akong hampas ng pakpak. Nakaramdam ako ng takot ngunit mas matindi ang takot kong umuwi sa bahay. Nagpahinga ako sa silong ng isang sampalok. Humagulgol ako ng humagulgol at doon ay parang tao na kinausap ko ang punong iyon.

“Bakit gano’n sila? Nang gumawa ako ng tama, nagsisikap para makapag-aral sa sarili kong kayod, nagbigay ng karangalan sa school at na-promote mula Grade four to Grade six ay parang wala lang sa kanila. Ano bang mali? Anong kulang? Nagiging mabuti naman akong anak, alam naman nila na ako’y masipag at maasahan sa lahat ng gawaing bahay pero bakit ganoon pa rin sila kalupit sa akin? Bakit hindi nila napansin ang lahat ng aking mga ginagawa? Bakit hindi ako nakita o naramdaman man lang? Ngayong nakagawa ako ng isang kasalanang hindi ko naman sinasadya ay ngayon lang ako napansin? Sabi ng teacher ko, kapag daw nagagalit ang mga magulang namin sa amin ay mahal na mahal daw nila kami. Sa pananakit ni tatang sa akin kanina, sa sobrang galit niya sa akin? Ibig bang sabihin no’n ay mahal na mahal niya ako? Simbolo ba ng pananakit na iyon ang pagmamahal sa akin? Para kasing ang hirap kong paniwalaan.”

Umiyak ako nang umiyak. Naiinis ako sa sarili ko. Sana mas naging maingat ako sa iniabot niyang pera sa akin. Sana hindi na lang ako tumulong sa kapitbahay namin. Nagagalit ako sa mga magulang ko. Sana hindi na lang sila ang mga magulang ko. Sana hindi na lang din ako ipinanganak sa mundo. Sana hindi na lang ako nabuhay. Sana pinatay na lang nila ako nang sanggol pa lang ako kung ganito rin lang pala ang buhay na pagdadaanan ko?

Dumaan pa ang ilang oras at gabing-gabi na. Nagugutom na rin ako. Nagsimula nang magtago ang buwan sa makapal na ulap na lalong nagpadilim sa gabing tahimik. Kanina pa ako pinapapak ng mga lamok. Noon ko lang naranasang umupo si silong ng kahoy at inabot ng ganito kagabi. Natatakot ako sa tinaguan ko ngunit natatakot pa rin naman akong umuwi. Wala akong maisip pang ibang mapuntahan. Natatakot din ako dahil bigla kong naalala ang mga kuwento ng mga kalaro ko tungkol sa puno ng balete na tanaw lang sa kinauupuan kong puno ng sampalok. Tumatayo ang mga balahibo ko sa nililikha ng utak kong mga haka-hakang may white lady daw roon, may kapre, may pa ring pugot ang ulo at lumilipad sa ere, may madreng l***t ang dila, may babaeng malaki na may kargang sanggol na duguan ang mga mata, may ataul na bigla na lang babagsak sa lupa at dahil hindi ko na makayanan pa ang takot ay bigla akong napatakbo palayo doon sa lugar na iyon at ang tanging alam kong tanging mapupuntahan ay ang aming munting kubo.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status