Share

Chapter 4

Bandang alas-tres ng hapon, katatapos lang ng seksiyon ni Frostia sa pagdiriwang ng kanilang pagkapanalo. Kaniya-kaniyang paalam ang bawat estudyante sa isa’t-isa sa harapan ng resto kung saan sila nagdiriwang. Kaniya-kaniyang uwian ang mga ito.

“Hatid na kita sa inyo, Tia,” nakangiting wika ng matalik na kaibigan ni Frostia sa kaniya.

“Sige, salamat.” Ngumiti siya rito. Nagpapasalamat siya ngayong araw na ito dahil maganda ang kahihinatnan at pangyayari.

“Tara!” Tumango siya bilang pagtugon at sabay silang tumalikod at naglakad papunta sa iisang direksiyon.

“Tia, sandali!” Napahinto sila sa kanilang paglalakad nang tawagin siya ng kanilang adviser na siyang nangunguna sa kanilang pagdidiriwang kanina.

“Po?” tugon niya rito pagkaharap sa kaniyang adviser at lumapit pa sila nang kunti. Nasa bandang likuran niya ang ginang na naka-angkas sa isang itim na motor at kasama ang driver.

“Lumiban ka muna bukas. Magpahinga ka at ako na bahala sa excuse mo. Magpagaling ka!” masayang sambit ng kaniyang adviser na may halong concern ang tono. “Salamat ulit dahil binigay mo ang best mo kanina. Naipanalo mo ang ating seksiyon at ’di lang ’yan pati ang pangalan ng eskwelahan natin. Proud na proud kaming mga guro sa’yo lalo na ang ating school principal. Treat pa niya tayo!”

“Walang anuman po ’yon Ma’am. Ginawa ko lang ang makakaya ko. Ang bait ng school principal.” Nakangiting tugon niya rito. “Sige ma’am. Salamat po, magpapagaling po ako.”

“Sige, mag-iingat kayo.” Pagkatapos ay sinuot ng guro ang itim na helmet at pagkatapos pina-andar ng driver ang motor na sinasakyan niya na siyang asawa nito.

“Mabuti ka pa makaka-absent bukas,” inggit na sambit ng kaniyang matalik na kaibigan habang tinitignan siya nito. “Tara! Ang bait ng school principal natin, no?”

Tumango siya bilang pagsang-ayon sa kaibigan. “Oo nga. Ang sabi pangmeryenda raw pero ang laki ng binigay.”

Magkasabay silang naglakad papunta sa sentro kung saan naghihintay ang susundo sa kanila, pinsan ng kaniyang kaibigan. Hindi lalampas ng anim na minuto ang paglalakad papunta sa sentro, depende na lang kung uwian na dahil siksikan ang mga estudyanteng maglalakad papalabas kaya matatagalan ng pito hanggang sampong minuto bago marating ang sentro.

Pagkarating sa isang malaking punong mangga. Nakita na nilang dalawa ang nakaparadang single motor na kulay itim, may tatak na Honda XRM 125 sa gilid nito. Mahahalatang metikiluso ang nagmamay-ari ng nasabing nakaparadang motor. Agad silang huminto at tinignan ang paligid kung saan nakatambay ang pinsan ng kaibigan niya dahil wala ito. Hindi nila mahagilap ang lalaki.

“Asan na ba ’yong panget na ’yon!” inis na sambit ni Claire. Palinga-linga ito sa paligid upang makita ang kaniyang pinsan. Siya ang tipong ayaw na ayaw maghintay. Napapagod siya, mentally. “Lumalandi ata ’yon!”

“Baka umihi lang o may tinawagan,” suhestiyon ni Frostia upang kumalma naman ang kaniyang kaibigan. “Maghintay na lang tayo, wala ka namang gagawing importante pagkauwi mo mo?”

Umiling si Cindy. Wala naman din siyang gagawin ngayong hapon maliban sa pagluluto ng panghapunan nila mamaya. Maalinsangan ang araw ngayon. Tagaktak na ang kanilang pawis simula pagkalabas nila sa resto. Panay punas naman si Claire sa kaniyang mukha at leeg gamit ang kulay rosas nitong panyo habang iritable ang mukha nito at nakapamaywang pa.

“Asan panyo mo? Punasan mo na nga ’yang pawis mo. Tumutulo na, o!” Sabay turo nito sa kaniyang leeg.

Ramdam niya na pawisan na siya at mas gusto niya ang sitwasiyon ngayon kaysa kanina na ang init-init ng kaniyang buong katawan na tila ba’y nakakulong ang init sa loob niya at nahihirapan siyang pawisan. Gumagaan ang kaniyang pakiramdam ngayon.

“Oy! Nandito na pala kayo, tara!” gulat na sambit ng bagong dating. Naglakad ito papalapit sa kinatatayuan ng dalawang dalaga.

“Ang tagal mo! Dapat nga sinundo mo kami doon sa labas ng resto!” bulyaw ni Claire sa pinsan.

“Sungit nito. Tara na.” Agad na umangkas ang lalaki at inistart ang ignition ng makina ng motor.

Nakasuot na ito ng helmet. Tila puputok ang mga naglalakihang kalamnan sa braso’t bisig nito sa suot niyang puting v-neck shirt na Penshoppe. Nakasuot rin ito ng maong na pantalon na may tatak na RRJ at puting sapatos na Adidas, halatang mayaman o sadyang mahilig sa mga signatured clothes—gamit.

Agad na umangkas ang dalawa. Unang umangkas ay si Claire habang siya ay nasa huli. Pinaandar na ng lalaki ang motor. Dadaanan nila ang isang botika kaya pagkatapat na pagkatapat doon ay agad na pumara si Claire at bumaba silang dalawa.

“Maiwan ka muna rito, Tia. Ako na ang bibili sa loob.” Tumango siya rito at agad na umalis ang kaniyang kaibigan papasok sa loob ng botika.

Nakatayo lang siya habang nag-aantay sa paglabas ni Claire. Panay sulyap sa kaniya ang pinsan ng kaniyang kaibigan na hindi naman lingid sa kaniyang kaalaman. Tinuon naman niya ang kaniyang atensiyon sa loob ng botika. Makikita ang nasa loob nito dahil de-salamin ang front walling nito at pati na rin ang pintuan. Napansin niyang kinukunan siya nito ng litrato. Naka-side view siya sa lalaki kaya kitang-kita niya sa kaniyang peripheral ang ginagawa nito at isa pa tumunog ang pagclick nito sa camera sabay pagflash.

“Shit!” mura ng lalaki at tarantang binulsa ang hawak na cellphone at agad na ibinaling ang kaniyang ulo sa ibang direksiyon. Nagpapatay-malisya ang binata.

Nilingonan niya ang binata gamit ang tinginang pagdisgusto. Umirap na lang siya rito kahit alam niyang ’di siya nito makikita. Binalik na niya ang kaniyang paningin sa pintuan ng botika. Maya-maya lang ay natatanaw na niyang papalabas na ang kaniyang kaibigan at may dala itong puting supot.

Ngingiti-ngiting naglakad palapit si Claire sa nakasimangot na Frostia. Pagkalapit ay agad siyang nagtanong sa dalaga. “Anong mukha ’yan? Masakit ulo mo?“

“Medyo. Tara na. Gusto ko ng magpahinga,” wala sa mood na wika ni Frostia. Naiinis siya kapag kinukunan siya ng litrato nang hindi man lang nagpaalam.

“O sige. Ito.” Inabot ni Claire ang biniling gamot para kay Frostia. “Lagay mo ’yan sa bag mo. Inomin mo ’yan, a!”

“Salamat talaga, Claire!” Wala na siyang ibang maibukang bibig kun’di pagpapasalamat. “Oo iinumin ko ito. Hindi ka na lang dapat bumili, napagastos ka pa pero salamat talaga!”

“Walang problema ’yon sa’kin, Tia. Kaibigan kita at ang magkakaibigan ay nagtutulungan. Marami ka rin namang naitulong sa’kin kaya quits na tayo.” Nagngitian ang dalawa sa isa’t-isa na ikina-ismid ng nakapanood rito.

“Sakay na! Andami pang kadramahan!” inis na singit ng pinsan ni Claire at agad niyang pinaandar ang makina. “Mga babae talaga pacute kahit saan.”

Hindi na lang nila pinansin ito at umangkas. Sa buong byahe ay tahimik lang ang tatlo. Katam-taman lang ang bilis ng pagmamaneho ng binata dahil malalagot siya sa papa ng kaniyang pinsan. Binabayaran pa naman siya ng papa nito.

Hininto ng binata ang kaniyang motor sa gilid ng kalsada. Nasa tapat na sila ng tarangkahan ng bahay ni Frostia. Nagpasalamat si Frostia sa paghatid sa kaniya at nagpaalam ang dalawang magkakaibigan na akala mo ay aalis siya at magtatagal ang kaniyang pagbabalik. Kumakaway pa silang dalawa hanggang sa hindi na nila matanaw ang isa’t-isa.

Humarap siya sa kanilang tarangkahan at binuksan ang gate. Nakaramdam siya agad ng pagod. Nahihirapan na rin niyang ihakbang ang kaniyang mga paa. Bumabalik na naman ang kaninang trangkaso niya. Binuksan na niya ang kanilang pinto at pumasok. Sumalubong naman ang kaniyang ina at pinagalitan siya dahil maaga siyang umuwi ngayong araw. Mapa-maaga o late ay papagalitan pa rin siya nito.

“Nagbobolakbol ka na ba Tia!?” Umiling lang siya bilang sagot at sumakit ang ulo niya na tila parang pinipiga ang utak niya. “Ha! Malalaman ko lang na naglalandi ka lang, naku!”

Nagdabog na umalis ang kaniyang ina at lumabas ng kanilang bahay. Agad naman siyang nagtungo sa kaniyang kwarto at hindi nag-abalang magbihis. Kusa niyang tinapon sa gilid ang bag at humiga sa kaniyang higaan. Gusto niyang magpahinga ngayon. Agad na bumibigat ang kaniyang mga talukap ng mata at nakatulog.

•••

“Tia! Tia! Gising na! Tanghali na! Hoy!” Nahihirapan niyang binuksan ang kaniyang mga mata. Ramdam niyang mahapdi ang mga ito. Giniginaw rin siya at mainit ang kaniyang hininga. “Ikaw na bahala rito sa bahay. Maglinis ka at pakainin mo ang mga bata. Aalis na ako.”

“O-Opo!” paos niyang sagot. Halos hindi na niya maisatinig ito.

Gustuhin man niyang magpahinga lang ngayong buong araw ay hindi niya magagawa. Pinilit niya ang kaniyang sariling tumayo at lumabas ng kaniyang kwarto. Mag-aalas-otso na ng umaga. Ang tagal niyang nagising, kadalasan bumabangon siya ng alas-kwatro dahil siya pa ang magluluto at maghahanda para sa eskwela ng kaniyang kapatid. Agaran siyang pumunta sa kusina at nanghilamos at nagsipilyo. Nagsaing siya ng bigas sa kalan at nagluto ng ulam; pinaghalong sardinas at itlog. Nag-init din siya ng tubig at nagtimpla ng gatas. Pagkatapos maluto ang sinaing ay hinanda niya ang kanin sa lamesa pati na rin ang ulam, pitsel ng tubig, at ang tatlong baso ng gatas. Wala silang alagang pusa kaya kampante siyang iwan muna ito para dalahin ang dalawa niyang batang kapatid sa hapag-kainan. Hindi na niyang inabalang gisingin ang dalawang hipag na natutulog sa kani-kanilang kwarto dahil alam niyang kakakain lang ng mga ito kanina kasama ang kaniyang dalawang kuya at kaniyang mga magulang.

Ginising niya ang dalawa. Kinapa niya ang noo ng dalawang kapatid at naradamang hindi na ito nilalagnat. Isa-isa niyang kinarga ang mga ito papuntang kusina at pinaupo sa upuang plastik na may sandalan sa likuran. Hindi siya makakain hangga’t hindi pa nauubos ng dalawang kapatid ang pagkain nila. Sinusubuan niya ang dalawa at mahinang ngumunguya ang mga ito. Halatang mabigat pa rin ang katawan ng dalawa. Umiling na ang mga ito na ayaw nang kumain. Pinunasan niya agad ang mga bibig nito at pinainom ang dinikdik niyang paracetamol gamit ang kutsara. Umiiyak naman ang dalawa dahil hindi nila gusto ang lasa ng gamot. Pinainom niya agad ang tinimplahang gatas para mawala ang pait. Pagkatapos ay agad niyang kinaraga isa-isa ang mga ito papunta sa kwarto ng kaniyang magulang kung saan doon din natutulog ang dalawang bata. Pinatulog niya muna ito pagkatapos bihisan ng pajama at bumalik sa kusina upang ipagpapatuloy ang naantalang pagkain niya.

Natapos na siyang maglinis sa loob ng bahay pati na rin sa labas nawalisan na niya ang mga nahulog na mga dahon at sinunog ito pagkatapos. Bumalik siya sa loob, gising na ang kaniyang dalawang hipag at kapwa’y nagpapadede sa kanilang sanggol.

“May lagnat ka?” naitanong ng asawa ng panganay niyang kuya. “Wala ba kayong klase ngayon?”

Tumango siya bilang sagot sa dalawang katanungan. Napapagod na siya at mas bumibigat ang katawan niya. Paos din siya. “Magpapahinga muna po ako.”

Dumiretso siya agad sa kaniyang kwarto at humilata sa kaniyang higaan pagkatapos niyang magbihis. Pinikit niya ang kaniyang mga mata at kalauna’y nakatulog agad.

•••

Nagising siya nang marinig ang kaniyang pangalan. Ang akala niya ay sa panaginip lang ’yon hindi pala. Pinag-uusapan siya sa labas. Kilalang-kilala niya ang mga boses at iyon ay ang kaniyang ina at tiya Rosa.

“Karen, nakauwi na ba si Tia? Kukunin ko sana siya para magtutor kay Johann. Busy na busy kasi si Ella para turuan ito. Alam mo na nagtatrabaho ito sa opisina. ’Di ko rin matuturuan si Johann dahil wala akong alam sa mga ganiyan. Hirap kasi kapag ’di nakapagtapos ng elementarya.” Malungkot ang boses ng tiya ni Frostia pero halatang nagmamayabang pa rin dahil nakapagtapos nito ang kaniyang anak na si Ella sa kolohiyo.

“Anong grade nga ni Johann ngayon, Karen?“ tanong ng mama ni Frostia sa kaharap nito. Nasa salas ang dalawa, nanatili lang si Frostia na nakapikit habang nakahiga. “Eva, nakauwi na ba si Tia?”

“Nasa grade 6 na si Johann. Mas mataas na ang grado nito kaysa sa akin.”

“Ando’n sa kwarto niya nagpapahinga. Hindi naman siya umalis ng bahay simula kanina, nay.” tugon ng babae na nagngangalang Eva, hipag ni Frostia.

“Gisingin mo nga. May pag-uusapan sila ng tiya niya.”

“Opo, nay.” Narinig niyang ang papalapit na yabag ng paa papunta sa kinaroroonan kaniyang pinagkukulongan. Nanatili lang siyang nakahiga at nakapikit. “Tia, labas ka na riyan. Mag-aalas-singko na. May pag-uusapan daw kayo ni tiya Rosa.”

Mahina itong kumakatok sa pinto. Inis siyang tumayo at nakaramdam siya agad ng pagkahilo kaya napakapit siya agad sa dingding at pumikit nang mariin. Sandali lang ang iyon kaya iminulat na niya ang kaniyang mga mata. Binuksan niya ang pinto at bumungad sa kaniyang harapan ang kaniyang hipag na karga-karga ang anak nito.

“Nando’n sila.” Sabay nguso ng babaeng kaharap sa kaliwang bahagi nito at umalis.

“Oy Tia! Hali ka dito!” tawag sa kaniya ng tiya pagkakita nito sa kaniya habang nakatayo sa pintuan. “May ibibigay akong offer sa’yo para naman may mapagkikitaan ka habang wala ka pang trabaho.”

Wala siyang nagawa kundi sumunod dito. Lumapit siya sa kinaroroonan ng kaniyang ina at tumabi rito. “Ano naman po ’yon, tiya?”

Nawawala na nang kunti ang pagkapaos nito kaya maiintindihan na ang sasabihin nito. Ngumiti sa kaniyang ang tiya at nagsalita, “alam mo tiya… nagtatrabaho sa opisana si Ella tapos pagod siya pagkauwi kaya hindi niya matuturuan si Johann. Gusto ko sanang kunin kita para ikaw na ang magturo sa anak ko. Okay lang ba?”

Nagdadalawang-isip siya sa offer nito. Alam niya kasing kuripot ito noon. “Kasi tiya… ano…”

“H’wag kang mag-alala, Tia. Pagkain ba kailangan mo? Provided na namin. Itutor mo lang si Johann every week.”

“O-Oo. S-Sige po,” nag-aalangang sagot niya rito. “Magkano naman po ang sahod?”

“300. Okay lang ba ’yan sa’yo?” Ngingiti-ngiting tugon nito sa kaniya. Napakagat-labi siya sa narinig na presyo. Para sa kaniya ay maliit lang iyon at kikitain niya lang ang tatlong-daaang peso sa dalawang project na gagawin niya. “Okay na ’yan. Makakabili ka na ng damit sa ukay-ukay o ’di kaya’y gagamitin mo pangload.”

“Okay na ’yan kay Frostia, Rosa. Anong oras ba siya magtutor kay Johann?” Ang mama na niya ang sumagot pa. Nakinig na lang siya sa pag-uusapan nilang dalawa.

“Bukas makakapunta ka ba sa bahay, Tia?” Tumango na lang siya bilang sagot. Ayaw niyang magtutor dahil nakakapagod ’yon lalo na’t babayaran lang siya ng maliit na halaga. “’Yon lang ang pinunta ko rito, Karen. Uuwi na ako para maghanda ng panghapunan sa bahay.”

“O sige-sige Rosa. Tia ihatid mo ang tiya mo hanggang sa tarangkahan.” Tumalima naman siya sa utos ng kaniyang ina. Tumayo na siya at nagpatiunang nagpunta sa pintuan. “Mag-ingat ka sa pag-uwi, Rosa!”

Binuksan niya ang pinto at lumabas. Dumiretso siya agad sa tarangkahan at binuksan ito. Naglakad palapit sa kaniya ang papauwing bisita, kaniyang tiyahin. Hinabilinan pa siya nito tungkol sa pagtutor niya sa anak nito at umoo lang siya. Inulit lang kasi ng Ginang ang pinag-usapan nila kanina baka makalimutan iyon ng dalaga.

Pagkalabas ng kaniyang tiyahin ay agad niyang sinira ang tarangkahan ngunit ’di niya ito sinarhan nang mabuti dahil uuwi pa ang kaniyang dalawang kuya at ang kaniyang ama mamaya. Tumalikod na siya at nagsimulang humakbang papunta sa kanilang bahay. Malalim ang kaniyang pag-iisip kaya gulat na gulat siyang may biglang bumato sa kaniya ng lata na wala ng laman at muntik na siyang matamaan nito. Pinulot niya iyon at lumingon para hanapin kung sino ang bumato sa kaniya. Nakita niyang papalapit sa kanilang tarangkahan ang apat na mga bata. Nasa edad na sais hanggang nuebe ang mga ito. Pawisan at may mga kunting galos tyaka dumi sa damit nito.

Agad na tumaas ang kaniyang kilay at naglakad siya papalapit. “Sa inyo ’to?” Tumango ang tatlo kaya agad niyang binigay sa mga bata ang lata na may kunting yupi sa gilid. “Sa susunod mag-iingat kayo. Natamaan ako. Kung iba pa ang natamaan n’yo tiyak sisigawan kayo.”

“Sori ate. Tara!” Nagtakbuhan ang mga bata papunta sa pinaglalaruan nila kanina. Napapiling na lang siya.

Binuksan na niya ang pinto para pumasok ngunit nakaramdam siyang may nakamasid sa kaniya kaya lumingon siya at palinga-lingang tumingin sa kaniyang paligid. Wala siyang nakitang mga taong kahina-hinala. Iilan lang ang dumadaan at kakilala niya ang mga ito. Miski lumingon lang sa kanilang bahay ay hindi nila ginagawa kaya nakakasiguro siyang hindi sila ang nanonood sa kaniya. Tumindig ang kaniyang balahibo sa batok at nagmadaling pumasok sa loob at sinirado ang pinto.

•••

Gumising siya nang maaga at agad na nagluto ng makakain ngayong almusal. Umokay na ang kaniyang kalagayan kaya malaya siyang makakagalaw na hindi sumasakit ang kaniyang ulo. Pagkaluto ng kanin at ulam ay agad na nilang pinagsasaluhan iyon. Bago pa umalis ang kaniyang ina ay hinabilinan siya na pakainin ang kaniyang kapatid. May sinat pa ang dalawang bata kaya kailangan niyang mas alagaan ang mga ito.

Pinakain na niya ang dalawang bulilit at hinayaang maglaro sa loob ng bahay. Naglinis siya at hinugasan ang kanilang pinagkainan. Napag-isip-isip niyang bukas na siya magsisimula sa pagtutor sa kaniyang pinsan dahil kailangan niyang alagaan muna ang kaniyang kapatid. Napag-usapan naman nila na kahit anong oras siya pupunta. Home schooling lang ang kaniyang pinsan na si Johann, binibigyan lang ito ng modules na may lessons, questionnaire sheets at iba pa kada linggo.

Bandang alas-dose ng tanghali habang sinasampay niya ang tatlong huling damit na nalabahan na ay binisita siya ng kaniyang matalik na kaibigan na si Claire sa kaniyang bahay. Nakasuot pa ito ng damit na presentable dahil galing ito sa eskwela. Dumaan ito para kumustahin ang kaibigan.

“Claire! Napunta ka rito? May ipapasabi ba sa’yo?” agaran niyang bungad sa kaibigan habang pinapahid ang mga bula sa kaniyang mga kamay sa suot niyang maluwag na damit pambahay. Binuksan niya ang tarangkahan. “Tuloy ka.”

“Salamat! Bibisitahin lang kita para kumustahin ang kalagayan mo.” Ngumiti ito sa kaniya at sinundan siya papuntang loob ng bahay.

“Maayos na ang pakiramdam ko ngayon. Salamat sa binigay mong gamot. Opo ka muna diyan. Nakapaglunch ka na?” Umiling lang ang kaniyang kaibigan bilang sagot tyaka umupo sa kanilang kahoy na sofa. “Dapat kumain ka kanina bago nagpunta rito. Sabay na tayo, maghahanda muna ako.”

“Sige. Asan ang dalawa mong kapatid?” Tinitignan niya ang paligid at kahit na hindi magagara ang mga kagamitan ay masasabing nasa ayos at malinis ang loob.

Nasa kusina na si Frostia ngunit nadidinig niya pa rin si Claire. “Natutulog sa kwarto. Pagod kasi sa kalalaro kanina. Nagcommute ka lang papunta rito?”

“Oo. Asan mga hipag mo?” naitanong ni Claire. Hindi naman sa natatakot siya sa mga ito ngunit naiilang siya sa mga ito dahil hindi niya ito kaclose.

“Umalis, nasa kapitbahay ata nakikinood ng tv.” Pagkatapos niyang ilagay ang kanin sa isang malaking lalagyan at sa isang bowl ang ulam na piniritong itlog ay agad siyang nagpunta sa sala at nilagay iyon sa maliit nilang lamesa na nakasentro sa dalawang magkatapat na upuan at nasa gilid nakadikit ang sofa.

“Gisingin mo muna sila Eman. Ako na bahala rito.” Tumango siya at naglakad papuntang kwarto ng kaniyang magulang upang gisingin ang dalawang bata.

Kinuha ni Claire ang isang pitsel ng tubig, baso, pinggan, kusara’t tinidor tyaka bumalik sa sala at nilapag ito ng marahan sa lamesang de-kahoy. Umupo siya sa tabi ng kaniyang bag na mamahalin at kinuha ang isang paper bag na naglalaman ng baon niyang kanin at pinamiling letson ng manok. Napalingon siya nang marinig ang pagbukas ng pinto at lumabas doon ang kaniyang kaibigan kasama ang dalawang bata na kinukusot-kusot ang kanilang mga mata.

“Ate Claire!” sigaw ng mga ito at tumakbo papunta sa kaniya at niyakap siya ng mga ito. Tumugon din siya sa yakap ng dalawa.

Nagsimula silang kumain nang maalala ni Claire na hindi pala siya nakabili ng pantulak. Agad niyang kinuha ang cellphone niya na nasa bag at may pinindot doon.

“Aalis ka na?” naitanong ni Frostia nang makita ang mukha nito na halatang may nakalimutan at ngayon lang naalala.

“Hindi no! Mag-oorder lang ako ng milk tea. Maalinsangan ang araw ngayon kaya mas masarap uminom ng palamig.”

“Matatagalan bago pa dumating ang order baka malate ka sa eskwela,” nag-alalang wika niya rito.

“Okay lang ’yan. Kunting oras lang naman tyaka ’di ako papasok ngayon,” masayang sambit nito na pinagtataka niya.

“May quiz mamaya sa English at Filipino. Sayang naman kung liliban ka,” nakakunot niyang wika.

“Exactly!” Tumawa ito kaya napailing na lang siya sa desisiyon ng kaibigan. Ngayon alam na niya kung bakit.

Kalahating-oras lang ay dumating ang order ni Claire na may kasamang burger at fries. Tuwang-tuwa naman ang dalawang bata. Pinagsabihan ni Frostia na sayang ang ginastos nito pero ’di nakinig ang huli kaya hinayaan na lang niya. Masaya naman si Claire sa kaniyang ginagawa.

•••

Alas-kwatro ’y medya na kaya nagliligpit na silang dalawa sa kanilang pinagkainan. Napahaba ang kainan nila dahil bumili pa ang kaniyang kaibigan ng chichirya kaya nagkalat ang mga supot ng chichirya sa sala.

“Tao po? Tao pp? Tia? Andiyan ka ba?” Napatayo nang tuwid si Tia at lahat sila ay huminto sa pinaggagawa. Pinakingggan nang maigi kung tinatawag ba siya sa labas. “Tia? Si Ella ’to.”

Nanlaki ang kaniyang mata at agad na pumunta sa pintuan at binuksan ang pinto. Nakatingala sa kaniyang ang pinsan. Bumaba siya ng hagdan, tatlong baytang lang ito. “Ano ’yon ate?”

“Tumawag si mama sa’kin kanina na hindi ka raw pumunta sa bahay para itutor si Johann. Ngayon lang ako nakapunta rito dahil ngayon lang din ang uwian namin.” Nakatingin ito sa kaniya. Halos magkasing-tangkad lang silang dalawa subalit nasa edad na dalawampong lima na itong kaharap niya. Nakasuot ng three inches heels kaya nakatingala siya rito.

“Bukas na lang po ako pupunta ate. Kailangan kong alagaan ang dalawa kong kapatid.” Nakikita niyang sumusulyap-sulyap ang mata ng kaharap sa kaniyang likuran kaya napalingon siya upang tignan kung ano iyon.

“Sino siya? Classmate mo?” Napabalik anv kaniyang tingin sa kaniyang pinsan at tumango.

“Bestfriend ko po. May ipagbibilin ka po ba, ate?” tanong niya at umiling ito.

“Wala na. Sige, uuwi na ako.” Nagpaalam siya rito at gano’n din ang ginawa nito sa kaniya.

Bumalik siya sa loob ng bahay at tinapos ang pinagliligpitan. Isinukbit na ni Claire ang kaniyang bag at ginawakan ang hawakan ng paper bag na kulay gintong hilatsa.

“Uuwi na ako Tia. Paalam!” paalam nito sa kaniya. Hinatid niya ito papuntang labasan ng tarangkahan hanggang sa makasakay ito ng traysikel.

Hindi na niya sinirado ang kanilang tarangkahan nang bumalik siya sa loob dahil natatanaw na niya ang kaniyang ina’t ama na naglalakad papalapit.

•••

Nagtatakip siya ng kaniyang ilong gamit ang panyo habang lumilinga sa magkabilaang diresiyon ng kalsada, sunod-sunod ang malalaking sasakyan ang dumadaan kaya polluted ang hangin. Tatawin siya at nasa kabilang bahagi na ang bahay ng kaniyang tiya Rosa. Alas-nuebe ng umaga ngayon at naririto siya upang itutor ang kaniyang pinsan na si Johann.

Kumatok siya sa pintuan pagkatapat niya rito. Binuksan iyon ng kaniyang tiya Rosa at pinatuloy siya rito. Umupo siya sa sofa ng sala nito. Maganda ang pagkagawa ng sofa set nila at fully varnished pa. May flat screen TV na nakalagay sa isang malaking fully varnished na cabinet at mayroon ding mga nakalagay na mga display roon. Inilibot niya ang kaniyang paningin sa loob, may mga nakaframe na picture ng kaniyang pinsan at ang buong pamilya nito na nakasabit sa dingding.

“Nag-almusal ka na ba, Tia?” tanong ng kaniyang tiya sa kaniya habang naghahanda ito sa kanilang dining table.

“Opo tiya,” sagot niya rito.

“Tara sumabay ka samin. Magmemeryenda,” aya nito sa kaniya ngunit umiling siya. Kilala na niya ang kaniyang tiya kaya ayaw niya munang kumain nang hindi pa nasisimulan ang kaniyang pinuntahan dito. “Asan po si Johann, tiya?”

“Nasa kwarto niya. Magsisimula na ba kayo? Puntahan mo na lang doon.“ Tinuro nito ang itaas kaya napatingin din siya.

“O sige po, tiya.” Tumayo na siya at naglakad papuntang hagdanan at umakyat sa pangalawang palapag.

Pagkatapak niya sa ikalawang palapag ng bahay ay agad na tumingin siya sa direksiyon ng kwarto ng pinsan niya na si Johann. Yari naman sa kahoy ang bahay ng tiya Rosa niya ngunit masasabi mo talagang may kaya ito sa buhay. May terrace ito at may apat na kwarto sa ikalawang palapag. Dumiretso siya sa may mga sticker na nakadikit sa pintuan at sa dingding nito. Kwarto ni Johann. Kumatok siya at binuksan ito ng kaniyang pinsan. May pagkamahaba ang buhok ng bata at magulo. Pumasok siya sa loob. Sumampa agad ang bata sa higaan nito na de-kutsyon at naglalaro sa kaniyang gadget.

“Asan modules mo, Johann?” tanong niya rito at tinuro nito ang nakatamabak sa gilid ng pintuan. Agad niyang kinuha ang mga iyon at maayos na nilagay sa bedside table nito. “Magsimula na tayo!”

Wala nang magagawa ang bata kundi pinatay ang kaniyang gadget at nakinig sa kaniyang tutor.  Tinuruan nang maigi ni Frostia ang kaniyang pinsan. Pinababasa ang mga lessons na nakaprinta at pinapasagutan ang mga activities na naroroon. Tinutulungan naman niya ito kapag nahihirapan.

Natapos ang dalawang oras ng pagtuturo niya sa pinsan, pinuntahan sila ng mama ni Johann upang mananghali. Bumaba silang tatlo sa hagdan at dumiretso sa kusina. Sumabay siya sa kanila at pagkatapos ng kaniyang panananghali ay tinuloy na naman nilang muli ang pagtuturo hanggang sa tatlong lessons nalang ang tatapusin ngayong linggo. Weekly modules ito at weekly ang kuhanan at pasahan ng modules. Nagpaalam na siyang umuwi at mag-aalas-singko na ng hapon kaya nagmadali siyang pumara ng traysikel.

•••

Hawak niya ang kamay ng dalawa niyang kapatid. Back to school ulit ang dalawang bata. Naglalakad silang tatlo papunta sa skwelahan ng mga ito. Araw-araw niyang inihahatid ang dalawang kapatid at sa pagsusundo naman ng mga ito ay ang kaniyang ina na ang bahala.

“Babye ate!” sigaw ng dalawa at patakbong pumasok sa gate ng eskwelahan. Nakatayo muna siya ng ilang minuto roon tyaka nagpasiyang tumalikod at naglakad papunta sa direksiyon kung saan ang kaniyang eskwelahan.

Napahinto siya bigla nang may bumusina sa kaniyang likuran. Agad naman siyang lumingon upang makita ito. Kilala niya ang kotseng mahinang umandar papunta sa kaniya at huminto sa kaniyang tapat. Bumukas ang pinto sa backseat.

“Good morning Tia, sakay ka na. Sabay tayo!” agad na bungad sa kaniya ng kaibigan. Si Claire.

Pumasok siya sa loob ng kotse at umupo sa tabi nito. “Morning Tia!” Tumingin siya sa rare mirror ng kotse at nakita ang ama ni Claire na nakatingin sa kaniya.

Bagama’t nakangiti ito ay halatang istrikto at maawtoridad ang ama ni Claire. “Good morning po, Tito!”

Umandar ang kotse at hinatid sila papunta sa school gate. Lumabas silang dalawa at sabay na pumasok sa school campus at dumiretso sa kanilang classroom. Tila nakadikit ang dalawa at hirap ipaghihiwalay. Kilala silang dalawa sa lahat ng grade levels at nasanay na sila sa samahan ng dalawang dalaga.

•••

Natapos na ang klase at uwian na ngayong hapon. Pagkatapos nilang magpaalam sa isa’t-isa ay agad siyang sumakay ng traysikel at pumara sa tapat ng bahay ng kaniyang tiya Rosa. Tatapusin niya ang tatlong naiwan na modules bago umuwi sa bahay ngayong.

“Ilang modules na lang ba tatapusin n’yo? Bukas ko na ipapasa, biyernes na kasi ngayon. Sa susunod aagahan mo na lang ang pagpupunta rito para maaga rin matapos.”

“Sige po, tiya. Every pagkatapos ng school lang po ako makakapagturo kay Johann po,” wika niya.

Agad siyang pumunta sa itaas at dumiretso sa kwarto ng kaniyang pinsan. Nadatnan niya itong naglalaro pa rin ng kaniyang gadgets. Tinuruan niya agad ito.

Natapos ang tatlong modules at mag-aalas-siyete ba ng gabi. “Ate, uwi na po ako.”

“O sige. Teka lang, a!” Nakatingin lang siya habang kinukuha ng kaniyang pinsan na si Ella ang pitaka nito at tyaka inabutan siya nito ng pera. “Kunti lang naman ang modules ni Johann.”

Hindi niya pinahahalatang nainis siya sa sinabi nito at tinanggap ang bayad nito sa kaniya. “Sige. Uwi na po ako.”

Agad siyang lumabas. Madilim na ang paligid. Tanging mga street lights ang nagpapaliwanag sa paligid. Wala pang dumadaang masasakyan niya kaya napagpasiyahan niyang maglalakad-lakad muna. Tinignan niya ang hawak na pera at binilang ito.

“One hundred fifty?” Napalingon siya sa kaniyang likuran at tinignan ang bahay. Napakagat na lang siya sa kaniyang labi dahil sa umuusbong galit niya.

Makikita sa mukha niya na hindi siya nasisiyahan sa hindi pagtupad ng usapan nila. Ang sabi ay three hundred every every weekly modules pero ang binayad ay kalahati ng napag-usapan.

‘Kunti lang naman ang modules ni Johann.’

Narinig niya ulit sa kaniyang isipan ang sinabi ng kaniyang pinsan. Kaya napaisip niya na ’yon ang dahilan kung bakit kalahati ang binayad nito. Para sa kaniya ay hindi iyon tama. Napaka-unfair ng mga ito. Wala naman sa usapan kung ilan lang o marami ang ituturo niya rito. 12 modules na mayroon sa bawat isa nito; tatlong activity o gawain na sasagutan, summative test, at may tasks. Napakakunti para sa mga nag-uutos lang at hindi mismo ang gumawa.

Pumara siya ng traysikel at sinabi kung saan siya pupunta. Uuwi na siya sa kanila at alam niyang naghihintay sa kaniya ang kaniyang ina na papagalitan na naman siya nito dahil gabi siyang makakauwi.

“Tia!” malakas na sigaw nv kaniyang ina pagkababa niya sa traysikel. “Ba’t ang gabi muna nakauwi, huh! Pumasok ka na rito!”

Nasa pintuan ang kaniyang ina nakatayo, inaabagan siya. Binuksan na niya ang tarangkahan at naglakad papalapit dito.

“Sa’n ka galing? Ba’t ginabi ka? Alam mo namang ikaw ang palaging magluluto ng panghapunan natin araw-araw! Pagod kami sa trabaho at nag-aaral ka lang!” inis na inis na sambit ng kaniyang ina.

“Tinapos ko lang po ang naiwang lessons ni Johann, nay.” Nagmano siya rito bago pumasok sa loob.

“Binayaran ka na ba?” agad na tanong ng ina niya sa kaniya kaya tumango siya at inabot nito ang isang daan.

“Isang daan lang?” nakataas-kilay na tanong ng kaniyang ina.

“Opo. One fifty binigay ni ate Ella sa’kin dahil kunti lang daw ang modules ni Johann.” Pinilit niyang ’di mapansin ng kaniyang ina na sarkastik ang tono ng kaniyang pananalita.

“Kahit na! Sige, pabayaan na lang natin. Tutal kunti lang tapos kamag-anak pa rin natin. Baka sa susunod tatlong daan na.”

‘Sana nga,’ Naisambit ni Frostia sa kaniyang isipan. Alam niyang napakakuripot ng pamilyang ’yon.

“Magbihis ka na at kakain na tayo. Tapos nang kumain sila.” Nagpatiunang pumunta sa kusina ang kaniyang ina at pumunta siya agad sa kaniyang kwarto upang magbihis.

Napapangiti siya kahit na sinisigawan siya ng kaniyang ina ay alam niyang mahal siya nito. Inantay pa siyang makauwi at makasamang kumain. Sabay na silang kumain at siya na ang naghugas ng pinggan.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status