Share

4.The Trespasser

"Pre, ayos ka lang?" Tanong ni Blake kay Melanie.

Parang nahimasmasan naman si Melanie. Naisip niyang hindi pala siya nakilala nito. Napagkamalan siguro siyang lalaki dahil nga kalbo siya at ang damit niya ay panglalaki din.

"Pre, na flat an ang sasakyan ko. Isa lang ang spare ko diyan eh dalawa ang flat. May alam ka bang malapit na repair shop dito? Mag pa bomba lang sana ako."

Napatikhim si Melanie bago ito sumagot. Pinilit niyang baguhin ang kanyang boses. "Ah.. Pre, malayo pa dito. San ba ang punta mo? Malayo pa ba?"

Napakunot noo naman si Blake. Hindi niya akalain na tomboy pala ang driver na kaharap niya.

Maya maya lang ay nagsalita ito.

"San ba ang punta mo pre? Nagmamadali kasi ako. Baka pwedeng magpa drive sa iyo. Wala ka namang pasahero."

Biglang naalala ni Melanie na taxi nga pala ang minamaeho niyang sasakyan.

"Ah sige, San ka po ba?" Tanong ni Melanie dito.

"Sasabihin ko na lang sa iyo pag andun na tayo. Saglit lang, itabi ko muna itong sasakyan ko."

Pagkatapos itabi ni Blake ang sasakyan nito ay agad itong pumasok sa tabi ng driver's seat.

"Ah, may kilala po ako ditong repair shop. Pwede nilang ayusin ang gulong mo. Pero kailangan mong mag antay ng isang oras pa siguro."

"Ganoon ba? Saan ba ang shop na yan?"

"Madadaanan natin. Makikita mo rin."

"Oh sige, salamat pre." Sagot ni Blake bago nito tinanggal ang pang-itaas na damit. Sobrang init na kasi kaya agad itong nabasa ng pawis.

Nanlaki naman ang mga mata ni Melanie sa nakita. Bigla siyang kinabahan kaya siya napapikit. Pilit niyang kinalma ang kanyang sarili at ipinaalala na mortal niyang kaaway ito. Binuo niya ang kanyang boses bago muling nag salita.

"Tayo na. Ituro ko na lang sa iyo ang talyer."

Tumango lang si Blake. Halatang nawe werdohan ito sa driver kung paano mag salita ito.

"Matanong ko lang, ano nga pala ang ginagawa ng isang taxi sa lugar na to?" Maya maya lang ay tanong ni Blake.

"May nagpahatid na pasahero. Ka bababa lang niya dun sa nadaanan kong kabahayan."

Hindi na muli pang nagtanong si Blake. Tahimik sila habang nagmamaneho si Melanie.

Maya maya lang ay itinabi ni Melanie ang taxi na kanyang minamaneho at may kinausap. Bumaba ito pagkatapos ituro ng lalaki ang loob.

"Saglit lang.." Sabi ni Melanie na hindi lumilingon bago ito nag lakad papasok sa talyer.

"Pakibilisan lang dahil nagmamadali ako. Kung hindi ako nagmamadali ay hindi ko na kailangan na sumakay sa iyo." Paalala ni Blake dito.

Tumango lang ang huli.

Pumasok ito sa loob, makalipas ang isang minuto ay lumabas ito. May kasamang lalaki ito na may edad na.

"Sir siya po ang may-ari ng talyer." Pakilala ni Melanie kay Blake sa may edad na lalaki.

Pagkatapos mag-usap ng mama at ni Blake ay napagkasunduan nilang dadalhin ng mama ang kotse ng una sa talyer at doon na lang yun balikan ni Blake.

Nagpatuloy na ang dalawa sa biyahe. Maya maya lang ang nagtanong uli si Blake.

"Ano nga pala ang pangalan mo?"

Saglit na nag-isip si Melanie.

"Ah sir.. Ah.. Boy po kasi ang tawag sa akin. Kaya tawagin mo na lang akong Boy."

Hindi na muling nagsalita pa si Blake maliban lang nang sabihan niya si Melanie na itabi nito ang taxi na minamaneho nito.

"Bakit sir?" Nagtatakang tanong ni Melanie dito?

"Andito na tayo." Sagot ng huli.

Nagtaka naman si Melanie. Akala niya ay nasa malayong lugar si Mr. Ortega at nagtatago ito. Hindi tago ang lugar na ito. Mabilis itong mahanap sa G****e map. Pero sabagay, ilang taon na ring nag lie low si Mr. Ortega sa negosyo nito dahil si Blake na ang namamahala dito.

Pagkatapos iparada ni Melanie ang sasakyan ay bumaba na si Blake.

"Antayin mo lang ako dito." Utos nito.

"Magtatagal ka po ba?"

"Mga ilang minuto lang siguro." Sagot ni Blake bago ito tuluyang naglakad. Lumabas naman si Melanie para tignan kung saang bahay ito papasok.

Nang makita niya kung saan ito pumasok ay agad niyang kinuha ang kanyang baril na nasa sasakyan at inilagay yun sa kanyang crossbody bag bago siya sumunod kay Blake. Dahan dahan siya sa pag kilos dahil ayaw niyang malaman ni Blake na sinundan niya ito.

Awang ang gate kaya malayang nakapasok si Melanie. Tahimik lang ang loob na animo ba'y walang tao dito. Dahan dahan siyang lumapit sa pinto bago niya yun tinulak. Sumilip siya, parang walang tao sa loob. Pumasok siya.

Tandang tanda niya ang itsura ni Mr. Ortega, kahit ilang taon pa ang lumipas ay makikilala niya ito. Positive, ito nga ang bahay ni Mr. Ortega dahil may naka display na larawan ang mga ito sa loob. Simple lang ang loob ng bahay, hindi yun ang inaasahan na makita ni Melanie. Ang na imagine niyang itsura ng mansion ng mga ito ay magarbo na napapalibutan ng mga halang ang bituka na bodyguard ni Ortega.

Biglang may tumikhim na babae. Nagulat si Melanie.

"Sino ka?" Tanong ng may edad na babae kay Melanie.

Kalmado ito sa kabila nang pag trespass ng huli sa bahay nito. Mukhang sanay talaga ito sa ganoong sitwasyon. Malamang ay marami na rin itong napatay. Naisip ni Melanie.

"Ikaw, sino ka rin?" Balik tanong niya dito.

Natawa ang ginang. Itinaas nito ang kamay at itinutok ang baril kay Melanie. "Bahay ko to."

Kinabahan man ay pilit kinalma ni Melanie ang sarili. "Ah mag-ingat po kayo diyan sa baril na yan." Sabi ni Melanie. Hindi ang ina ni Blake ang sadya niya dito at wala rin siyang intension na magpabaril dito.

Biglang pumasok si Blake. Nagtataka itong nakatingin sa dalawa. "What's going on?"

"There's a trespasser." Kalmadong sagot ng ina nito.

Napatingin si Blake kay Melanie. "What are you doing here?" Kunot noong sabi nito.

"Ah.. Sir.. Nauuhaw po kasi ako. Sumunod po ako sa inyo, pasensiya na." Nakayukong sagot ng huli.

Napabuntong-hininga si Mrs. Ortega. Ibinaba na nito ang hawak nitong baril.

"Follow me." Sabi nito.

Tumango lang si Blake. Agad namang sumunod si Melanie sa ginang. Dinala siya nito sa kusina.

"Pasensiya ka na, akala ko'y napasok ang bahay ng masasamang loob." Maya maya ay sabi ni Mrs. Ortega.

"Pasensiya din po kayo kung nagulat ko kayo." Sagot ni Melanie. Sa loob - loob niya ay alam niya kung sino ba talaga ang mga masasamang tao, ang pamilya Ortega yun.

Natawa si Mrs. Ortega. Hindi na ito nagsalita pa. Kumuha ito ng baso at nilagyan ng malamig na tubig bago iyon inabot kay Melanie.

"Salamat po." Payak na sabi ni Melanie.

Hindi sumagot si Mrs. Ortega. Matiim nitong tinititigan ang kaharap habang umiinom ito ng tubig. Maya maya lang ay nagsalita na ito.

"Maganda ka iha. Sayang kung mag totomboy ka lang." Sabi ng ginang bago ito tumalikod.

Muntik namang masamid si Melanie dahil sa narinig. Naubo siya saglit.

Hindi naman siya pinansin ni Mrs. Ortega dahil may tumawag dito.

Pamilyar ang boses na yun. Kailan man ay hinding hindi niya makakalimutan yun. Kinapa ni Melanie ang baril sa kanyang bag. Kailangan niyang mag-ingat dahil nasa balwarte siya ng kaaway.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status