Share

Chapter 6: Lost, Not Found

Friday, in my opinion, has been the most loathed day in a student's week. Ito kasi yung araw ng paghuhukom kung saan sinasapian ng kasamaan ang mga guro sa aming paaralan. Tuwing biyernes ay laging nagbibigay ng mga project at homework ang mga guro namin.

Kung sa iba ay torture ito, para sa akin naman ay blessing ito, ibinigay ng langit kumbaga.

Magandang factor ang kasamaan ng mga teachers para sa akin. Dahil on demand ang pagpapagawa ng mga projects, ang standard price ng isang essay paper na 200-500 pesos, ay tumaas sa hanggang 1,000 pesos. Nagiging 1,500 pesos din ito kapag sinapian ako ng pagiging mukhang pera ko. Iba din ang presyo kapag performance tasks ang pinapagawa ng mga kliyente ko, minsan umaabot ito ng hanggang limang libo o higit pa.

Kaya ayun, andami ko na namang mga kliyente, hindi ko naman matanggihan dahil ang taas ng halaga ng mga binabayad nila sa akin para lang problemahin ko ang mga katamaran nila.

"Claire bakit parang hindi mo matapos tapos 'yang mga project mo?" tanong ni Irma habang nagbabasa siya ng libro at ako naman ay nagta-type sa laptop ko.

"Tapos ko na yung mga project, tinatapos ko lang yung para sa mga kliyente ko, syempre top priority ko ang sarili ko," sabi ko habang tutok pa rin ako sa laptop ko.

"Grabe yang mga ginagawa mo, Mummy Claire," narinig kong sabi ni Desiree.

"Gano’n talaga anak," sabi ko kay Desiree. "Owwsum kasi ako kaya ginagawa ko ito."

"Teka, asan si Charmaine?" biglang tanong ni Lorraine.

"Hindi ko alam, nakalimutan ko kung saan siya nagpunta," sabi ko.

"Lagi mo namang nakakalimutan lahat eh," sabi ni Irma.

"Nakita ko siya sa Cafeteria, may kausap na lalaki," sabi ni Desiree.

Kumunot ang noo ko at napatigil ako sa pag-ta-type. Lumingon ako sa mga kasama ko. "Sino yung lalaki?" tanong ko.

Nagkibit-balikat si Desiree. "Hindi ko nakita, nakatalikod sila sa akin nung dumaan ako doon kanina eh, pero alam ko na si Charmaine yun, siya lang naman kasi ang nakikita kong may violet na butterfly clip dito sa school," sagot niya.

"Baka boyfriend niya?" suhestiyon ni Lorraine.

Nakasalubong ang mga kilay ko. "Boyfriend?"

"Well, kung sabi ni Desiree na may kasama siyang lalaki kanina, ako naman ay last week ko pa siyang nakikita na may kausap na lalaki," sabi ni Lorraine.

"Let's not jump into conclusions, okay?" sabi ni Irma. "Malay n'yo ay pinsan niya...or baka other friend...we do not know."

Bumuntong-hininga ako at itinuon ko ulit ang atensyon ko sa laptop ko. "May point si Irma," sabi ko at inumpisahan ko na ang mag-type ulit. "Shut up na lang ako guys, kailangan ko pang tapusin to," sabi ko.

"Oh, ayan na pala si Charmaine." sabi ni Desiree.

"Hi guys." Narinig kong bati ni Charmaine, somehow, medyo napansin kong nagbago nang kaunti yung boses niya.

"Ba't ganyan yung boses mo?" biglaan kong tanong habang nag-ta-type ako. "May prinoproblema ka ba?"

"Ha? Wala, wala, medyo masama lang ang pakiramdam ko," narinig kong sabi ni Charmaine.

"Dapat sa Clinic ka na dumiretso," nag-aalala na sabi ni Irma.

"Oo nga, baka mamaya bigla ka na lang tumumba diyan," sabi naman ni Lorraine.

Nag type na lang ako at hinayaan ko na silang mag usap.

Pero biglang tumahik ang paligid. At dahil nadala na ako sa nangyari sa nakaraan, tumigil ako sa pag-type at tinignan ko ang buong paligid.

Katabi ko pa rin sina Irma at meron pa ring mga estudyante sa classroom namin, akala ko kasi ay iniwan na naman ako. Pero ang dahilan kung bakit tumahimik ang paligid ay dahil dumating na siya. Wala nang iba kundi ang isa sa head ng Terror Teachers Group (TTG), si Ma'am Carmela Tiongson, ang nag-iisa naming Practical Research Teacher.

Kinatatakutan, isang lagim, at isang matabang guro na parang penguin kung mag-lakad. Sa sobrang taba niya malapit nang bumigay yung uniform niya, ewan ko kung bakit hindi na siya nagpapatahi ng bago. Ang bagal niya pang mag-lakad na to the extent na binibilangan namin siya kapag malapit na siya sa classroom. At sa sobra-sobrang pagkataba niya ay nabansagan siyang, She Who is Bloated.

Oo, nakakatakot siya at ang lakas ng "Aura of Intimidation" niya, pero mas malakas ang panlalait ko sa kahit na sinong tao.

May habit ng favoritism ang teacher na to, mabuti na lang at isa ako sa kanyang mga paborito dahil kung hindi ay gugunaw ang mundo ko.

Agad kong isinara at pinatay ang laptop ko not knowing if I saved the document I'm typing or not. Tumayo kaming lahat para batiin siya, but she just waved her hand and ordered us to sit down. Para lang siyang nag-utos ng alagang aso.

Tumayo siya sa platform at kumuha siya ng chalk sa isang wooden box sa teacher's table. She stared at us her eyes squinted behind her rectangular eyeglasses and her lips pursed in a natural way.

"Bring out one-whole sheet of paper, walang hihingi ng papel sa katabi o sa kaklase at wala ding magbibigay, ang hihingi at mamimigay ng papel ay automatic zero and absent!" she said. The she turned around facing the board and started writing on it.

Inilabas ko yung itim na notebook ko at kinuha doon ang tinatago kong papel. Habit ko na ang mag-tago ng papel sa mga notebook ko para hindi makita na marami akong papel, marami kasing parasite sa classroom at hindi ko habit ang mag-share ng gamit.

Matapos mag-sulat si Ma'am Tiongson ay humarap ulit siya sa amin. Nabasa ko sa board yung sinulat niya: My Greatest Invention.

"Class, I believe that Louise Academy has students with brilliant minds. Have you ever dreamed of creating something that will change the world?" she said.

I invented The Book of Cheating, I don't know if it's something great, but it is meant to change my highschool life.

"Now, think of an invention that you want to come to life and how it will help our society, write its advantages and disadvantages, start now."

And yeah, we started to write. At may nahuli pa akong kaklase ko na nagbigay ng papel sa isa pa naming kaklase. May death wish ang isang 'to, mabuti na lang at hindi siya nahuli ni Ma'am Tiongson.

Matapos kong maisulat ang title: My Greatest Invention, natitigan ko na lang ito. Wala akong maisip na magandang invention maliban sa BOC.

Well pwede naman yun, pero baka magkaroon lang kami ng debate ni Ma'am Tiongson.

Teka, baka may naisulat akong entry sa BOC tungkol sa topic na 'to, ma-check ko nga...

Agad kong binuksan ang bag ko para kunin ang munting itim na notebook na naglalaman ng mga kasamaan at kalokohan ko.

Pero bigo akong kunin yon dahil wala ang BOC sa bag ko.

"Oh my gosh!!" napa-tayo ako sa kinauupuan ko at napa-sigaw na siyang nakaagaw sa atensyon ng guro at ng mga kaklase ko.

"Ms. Jimenez! What are you doing?!" narinig kong sabi ni Ma'am.

But I only stared into nothingness as I try to remember where I lost the damn notebook. Imposible, hindi yon basta-bastang mawawala, nakatago lang yon sa bag ko. Hindi ko naman madalas ilabas yon!

Heto na nga ba ang kinatatakutan ko eh. Dapat kasi hindi ako makakalimutin eh. Wala pa naman akong back-up nung notebook na yon. At wala din akong magandang strategy para mahanap yon. Konti lang yung mga Cheats na na-memorize ko.

Geez, gusto ko nang mag-mura.

"MS. JIMENEZ." I was snapped out of my thoughts when my bullfrog of a teacher shouted my name as if scolding an ugly bulldog.

Our room became dead quiet, and my classmates stared at me. I lowered my head not because of shame, but because of sleepiness. Kapag masiyado akong nag-iisip inaantok ako. I laughed in a creepy way--para di ako antukin--that made my teacher raise her eyebrows.

"Ms. Jimenez, what is happening to you?" she asked.

Umupo na lang ako kaagad at sinubukan kong tapusin ang activity namin kay ma'am Tiongson.

Sa mga sumunod pa na subject ay naging tuliro ako at nawalan ako ng tamang pag iisip. Natatakot ako na kapag may makakita sa BOC ko, baka malaman ng mga tao ang mga sikreto ko. Mauubusan ako ng kahihiyan kung sakaling maikalat ang BOC ko.

"Claire," tawag sa akin ng isang boses ng lalaki. Nang tignan ko kung sino ito ay agad na sumama ang tingin ko.

"Anong ginagawa mo rito?" tanong ko sa kanya.

Nakatayo sa harap ko ang isang matangkad na lalaki. Gwapo ito na may natural light brown na buhok. He has this foreign blue eyes, foreign nose, and red lips. May dugong foreigner siya pero, pinoy na pinoy ang pagsalita niya. Malakas din ang topak niya. At isa siya sa mga pinaka ayaw kong tao sa Louise Academy.

Siya si Andrei Leroux, ang EIC ng ECHO publication, ang lalaking kinasusuklaman ko sa buhay ko. Ang lalaking walang ibang ginawa kung pahirapan ako every school year.

"Is that the proper way to talk to your EIC?" tanong niya sa akin.

Inirapan ko siya. "Pwede ba, chief, huwag mo akong bwisitin ngayon?" sabi ko sa kanya. "Wala ako sa mood para i-entertain ang sira mo sa ulo."

"Ang harsh mo naman sa akin, ang bait ko kaya sa'yo ," sabi niya. "Anyways, gusto mo sumama sa akin? May pupuntahan akong tea party, sabi nung host magdala raw ako ng kasama at ikaw agad ang nakita ko. Huwag kang mag alala libre mga pagkain doon."

Napantig ang mga tenga ko sa sinabi niya. Si kuya Andrei yung tipo ng tao na hindi nagjo-joke sa libre. Kaya tumayo ako at inayos ko ang mga gamit ko para sumama sa kanya.

"Sa labas ba ng school 'yung party?" tanong ko kay kuya Andrei, pero umiling siya. 

"Ah, hindi," sabi ni kuya Andrei. "Doon tayo sa Mini Function Hall sa Admin Building."

"Bakit ano pong mayron?" tanong ko nang marating namin ang Mini Function Hall sa Admin Building.

"Small celebration lang para sa mga newly appointed officers ng school," sabi niya.

Si Aldrich Fen Arellano kaagad ang pumasok sa isip ko kaya nagpaalam na akong umalis. Pero kuya Andrei being kuya Andrei, inakbayan niya ako kaagad at iginiya niya ako papasok sa loob.

What an awful day.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status