Share

Chapter 3

Azen Pov

Kung para akong natuka ng ahas nang makita ko ang lalaking nais ipakasal sa akin ni Lolo ay naningkit naman ang mga mata ni Jack habang nakatitig sa mukha ko. Base sa pagkakatingin niya sa akin ay nakilala niyang ako ang babaeng nakasaksi sa krimen na kanyang ginawa.

"Sit down, Iha," nakangiting utos sa akin ni Lolo na sa malas ay hindi pansin ang aking pagkatigagal.

Tila wala akong narinig na nanatiling nakatayo lamang sa likuran ng kinauupuan ni Jack at nakatingin lamang sa binata. Tumayo ito at lumapit sa akin pagkatapos ay umangat ang isang kamay patungo sa aking pisngi. Akala ko kung ano na ang gagawin niya sa akin ngunit dumapo lamang ang hinlalaki nito sa pisngi ko kung saan may malaking tuldok. Sa pamamagitan ng hinlalaki ay pinahid nito ang tinta na ginawa kong pekeng nunal sa aking pisngi.

"Silly," mahinang bulong niya sa akin habang maingat na pinapahid ng daliri nito ang aking pekeng nunal. Umakyat sa itaas ng aking mga kilay ang paningin nito pagkatapos ay napailing. Hindi ako nakapagsalita at tila maamong tupa na sumunod sa kanya nang hinawakan niya ang aking isang kamay at pinaupo sa tabi ng aking lolo.

Hindi pa rin ako makapagsalita at nananatiling nakatitig sa mukha ni Jack. Naghahalo ang takot, pag-aalala at paghanga sa aking dibdib. Teka, bakit may paghanga? Huwag sabihin na humahanga ako sa taglay na kakisigan ng tao na isang mamamatay tao? Guwapo pala at hindi panget ang lalaking nakatakdang maging asawa ko. Walang tumama na kahit isa sa mga katangiang inilarawan ko patungkol sa kanya kanina. Lahat ay puro kabaliktaran ng mga sinabi ko ang katangian ni Jack. Matangkad kasi ito, makinis ang medyo tan nitong balat na dala marahil sa madalas na pagbibilad sa araw. Hindi rin ito mataba kagaya ng ini-expect ko dahil ang totoo ay maganda ang katawan nito at halatadong batak sa exercise at hindi butas-butas ang mukha nito dahil sa pimples dahil kahit isa ay wala itong pimples sa mukha. Papasana ito bilang artista o modelo maliban lamang sa ekspresyon nito. Seryoso kasi ang mukha nito at hindi ko mabasa kung ano ang nilalaman ng isip niya dahil maliban sa seryoso ay blangko pa ang mukha nito. At ang mga ganitong klaseng tao ang nakakatakot.

"Azen, gusto kong makilala mo ang iyong Tita Amanda. Ang yumaong asawa niya ay matalik na kaibigan ng iyong ama noong nabubuhay pa sila. And of course, ang kanilang nag-iisang anak na si Captain Jack Bernardino. Katulad ng iyong ama ay isa rin siyang police."

Isa pala siyang pulis. Kaya pala hindi siya nakakulong kahit na pumatay siya ng isang tao dahil may kapit pala siya sa batas. Nakadama ako ng galit sa aking naisip. Naawa kasi ako sa babaeng pinatay nito ng walang kalaban-laban tapos hindi pa nabigyan ng hustisya ang pagkamatay nito.

"Ang ganda naman ng aking magiging manugang," nakangiting puri sa akin ng ina ni Jack pagkatapos ay biglang napakunot ng noo habang nakatingin sa aking kilay na para bang ngayon lamang nito napansin. "Ano ang nangyari sa kilay mo, Azen?" hindi nakatiis na tanong ni Tita Amanda sa akin.

"N-Napadami lang po ng lagay nang eyebrow. Medyo madilim sa kuwarto ko dahil napundi ang ilaw at hindi ko pa napapapalitan sa maid namin," mabilis kong paliwanag. Wala sa loob na napasulyap ako kay Jack na nakataas ang kilay habang nakatingin sa akin. Halatadong hindi ito kumbinsido sa aking sagot.

"Pasensiya na kayo sa aking apo. Mahilig lang talaga siyang mag-trip at ang madalas na napagti-tripan niya ay ang kanyang mukha," nakangiting paliwanag ni Lolo na nahalata rin na sinadya ko ang paglalagay ng makapal na eyebrow.

Natawa lamang ang ina ni Jack samantalang ito naman ay hindi nawawala ang pagiging seryoso ng mukha. Mukhang wala itong ibang alam na ekspresyon kundi ang pagiging seryoso.

Habang nagkukuwentuhan at nagbibidahan ang lolo ko at ina ni Jack ay tahimik lamang akong nakikinig sa kanilang pinag-uusapan. Tungkol lang naman sa mga past achievement ni Jack ang ikinukuwento ng ina niya na halatado namang ipinaparinig sa akin. Siguro ay nahalata na nito na hindi ako sang-ayon sa pagpapakasal namin ni Jack kaya ibinibida nito ang mga nagawang achievement ng anak para kahit paano ay maakit ako. Ngunit walang effect sa akin kahit ano ang pangbi-build up ang gawin nila ni Lolo dahil nakatatak na sa isip ko ang ginawang pagpatay ni Jack sa babaeng kasama nito sa kanyang unit. Sa aking mga mata ay walang puso at isang mamamatay tao ang binata.

"Lolo, Tita Amanda, maiwan ko muna kayo saglit at pupunta lamang ako sa banyo," paalam ko sa kanila nang hindi na ako makatiis sa kanilang pinag-uusapan. Pinag-uusapan na kasi nila ang tungkol sa pagpapakasal namin ni Jack.

"Go on, Azen. Don't mind us,"nakangiting sagot sa akin ni Tita Amanda pagkatapos ay masyang ipinagpatuloy ang pagpaplano para sa kasal namin ng anak niya. Napapailing na tumayo na lamang ako at umalis.

Sa halip na sa banyo ay sa terrace ako nagpunta ara lumanghap ng hangin. Nakahinga ako ng maluwag nang makalanghap ng pang-gabing hangin. Ngayon ko lamang napansin na pinipigil ko pala ang aking paghinga habang nasa harapan ng dalawang nakatatanda at ng killer kong fiance.

"Nandito ba ang banyo ninyo kaya dito ka tumuloy?" tinig ni Jack mula sa aking likuran. Hindi ko alam na sinundan pala niya ako kaya hindi ako makakapag-deny na hindi naman talaga ako naiihi kundi nais ko lamang takasan ang pinag-uusapan ng dalawang  nakatatanda sa amin.

Humarap ako sa kanya at sinimangutan siya. "Fine. Hindi naman talaga ako papunta sa banyo kundi nais ko lamang takasan ang pinag-uusapan nila. Hindi ko kasi masikmura ang kanilang pinag-uusapan. Hindi naman kasi nila alam na isa kang mamamatay tao at—" Hindi ko na naituloy ang aking sasabihin dahil bigla na lamang niyang hinawakan ang magkabila kong braso at inilagay sa aking likuran.

"Sa tingin mo ay ikaw lamang hindi masikmura ang kanilang pinag-uusapan? Katulad mo ay hindi ko rin gustong pakasalan ka na isang spoiled brat ngunit wala akong magagawa dahil may utang-na-loob ang pamilya namin sa iyong ama at nagbabayad lamang ako ng utang na iyon," marahas ang boses na sabi niya sa akin.

Nakaramdam ako ng inis nang sinabihan niya ako na isang spoiled brat. Maarte ako at pasaway ngunit hindi ako spoiled brat. Ano ang karapatan ng lalaking ito na insultuhin ako gayong isa siyang walang pusong killer?

"Wala akong pakialam kung tumatanaw ka man ng utang-na-loob ngunit gusto kong sabihin mo sa kanila na ayaw mo akong pakasalan. Dahil hindi ako magpapakasal sa isang mamamatay-tao na katulad mo," mariin ang boses na sabi ko sa kanya. Dumilim ang mukha nito nang marinig ang aking sinabi at mas lalo lamang hinigpitan ang pagkakahawak sa aking braso.

"Bakit ko gagawin iyon? Kung gusto mong hindi matuloy ang kasal natin ay kausapin mo ang lolo mo dahil siya ang nakiusap sa mama ko na ipakasal ka sa akin. Siguro masyado mong pinapasakit ang ulo ng lolo mo kaya ka niya itinapon sa amin," matalim ang mga matang sabi niya sa akin.

Nabigla ako sa aking narinig. Biglang pumasok sa isip ko ang mga sakit ng ulo na ibinigay ko kay Lolo. Siguro nga ay tama si Jack. Sumobra na yata ang pagiging pasaway ko kaya ipinasya niya na ipakasal ako sa isang sundalo para ma-disiplina ako. Ayaw na yata sa akin ni Lolo kaya ipinamimigay na niya ako sa ibang tao. Biglang nag-ulap ang aking mga mata sa isiping hindi na ako mahal ng lolo ko. Nang makita naman ni Jack ang tila naiiyak kong hitsura ay biglang lumambot ang ekspresiyon ng kanyang mukha pagkatapos ay bigla akong binitiwan. Hindi ako nagsalita. Basta ko na lamang siyang iniwan at patakbo akong umakyat sa aking kuwarto para doon ituloy ang aking pag-iyak. Mukhang inaayawan na ako ng nag-iisang taong nagmamahal sa akin.

"NAPANSIN ko na ilang araw ka nang walang kibo, Azen? May problema ka ba?" tanong sa akin ni Lolo habang nag-aalmusal kaming dalawa. Dalawa lamang kaming nasa mesa dahil parehong tulog pa ang dalawa kong tita samantalang nasa school na sina Paolo at Selina. Ako naman ay papasok pa lamang sa school pagkatapos naming mag-almusal ni Lolo. Palagi ko kasi siyang sinasamahang kumain dahil alam kong nalulungkot siyang kumain na mag-isa dahil naaalala lamang niya ang tatlo niyang mga anak na lalaki na pare-parehong pumanaw na sa magkakaibang dahilan.

"Lalo, napapagod ka na ba sa akin kaya ipinamimigay mo na ako sa ibang tao?" hindi ko napigilang tanong sa kanya. Hanggang ngayon kasi ay hindi mawala-wala sa aking isip ang tungkol sa mga sinabi sa akin ni Jack nang nagpunta silang mag-ina rito sa bahay. Hanggang ngayon ay mabigat pa rin ang aking dibdib dahil hindi mawala-wala sa aking isip ang mga sinabi ng binata.

"Silly. Bakit mo naman naisip na napapagod na ako sa'yo?" natatawang tanong ni Lolo kahit na seryoso ang aking anyo.

"Kasi ibinibigay mo na ako kay Jack. Ayaw mo na akong makasama," hindi ko napigilan ang pagtulo ng aking mga luha. Ewan ko ba kung bakit ang bilis tumulo ng aking mga luha. Mukhang nagso-sobra na yata ang tubig sa aking mga mata kaya ang bilis lumabas kahit ayokong palabasin.

Agad na napatayo si Lolo sa kinauupuan niya at lumapit sa akin nang makita niyang umiiyak na ako. Niyakap niya ako ng mahigpit habang hinahalik-halikan ang aking ulo.

"Iyan ang huwag na huwag mong iisipin, Azen. Kahit na kailan ay hindi ako mapapagod sa'yo. Mahal na mahal kita aking apo. At hindi kita ipinamimigay dahil ginawa ko ang bagay na ito   para ma-proteksyunan ka laban sa mga taong nagtatangkang pumatay sa'yo," ang madamdaming pahayag ni Lolo. Sa aking narinig ay agad na naglaho ang mabigat na bagay na nakadagan sa aking dibdib.

"Paano naman ako mapo-proteksiyunan ng Jack na iyon, Lolo? Isa siyang mamamatay tao. Nakita mismo ng dalawa kong mga mata na pinatay niya ang babaeng kasama niya sa kuwarto," pagsusumbong ko kay Lolo sa nasaksihan ko. Baka sakaling iurong niya ang kasal namin ni Jack kapag nalaman niya ang totoong pagkatao ng binata.

"Sinabi sa akin ni Jack ang tungkol sa bagay na nakita mo, Azen. Isang assassin ang babaeng nakita mo na pinatay ni Jack. Nagpanggap siya bilang cleaning lady ng condo at pumasok sa kuwarto ni Jack para patayin ito. Ngunit hindi siya nagtagumpay dahil siya ang napatay nito," paliwanag sa akin ni Lolo tungkol sa aking nakita. "Ikaw ang aking pinakaiingatan kong kayaman kaya hindi kita ipagkakatiwala sa isang masamang tao, Azen. Mabuting tao si Jack at alam ko na kaya ka niyang protektahan kaya siya ang napili ko na maging asawa mo."

Hindi ako nakakibo nang marinig ko ang mga sinabi ni Lolo. Bakit hindi itinama ni Jack ang maling impresyon ko sa kanyang pagkatao? Bakit hinayaan lamang niya na mag-isip ako ng masama laban sa kanya? Ngayon malinaw na sa akin ang lahat ay pumapayag na ako na magpakasal sa kanya. Ngunit hindi ibig sabihin ay gusto kong magpakasal sa kanya.  Kaya lamang ako papayag ay dahil sa aking lolo. Ayokong mag-alala pa siya sa akin dahil makakasama lamang ito sa kanyang kalusugan.

Pagkatapos naming makapag-usap ni Lolo at magliwanagan ay magaan na ipinagpatuloy namin ang aming pagkain.

"Papasok na ako sa school, Lolo. Baka ma-late pa ako," paalam ko sa kanya pagkatapos kong kumain.

"Sige. Mag-iingat ka," nakangiting sagot niya sa akin. Nilapitan ko siya at hinalikan sa pisngi bago ako lumabas ng bahay.

Naglakad ako palapit kay Mang Gusting na nagpupunas ng kotse ni Lolo. Si Mang Gusting ay driver ni Lolo na matagal nang nagtatrabaho sa amin. Bata pa lamang ako ay driver na siya ni Lolo at parang lolo na rin ang turing ko sa kanya. Ioang hakbang na lamang ang layo ko kay Mang Gusting nang biglang may huminto na isang motorsiklo sa ilang metro ang layo mula sa akin. Napatingin ako kung sino ang taong sakay ng motorsiklo. At ganoon na lamang ang panlalaki ng aking mga mata nang makita kong naglabas ng baril ang lalaking sakay ng motorsiklo pagkatapos ay iniumang sa akin. Biglang nanigas ang aking katawan at hindi ako makagalaw. Kasabay ng magkakasunod na putok ng baril ay ang paghila sa akin ng isang matitipunong braso patago sa likuran ng kotse ni Lolo. Nang mag-angat ako ng aking paningin  ay natulala ako nang makita ko ang nag-aalalang mukha ni Jack na siya palang humila sa akin. Ibubuka ko sana ang aking bibig para magsalita ngunit nakaramdam ako ng sakit sa aking kaliwang braso kasunod ng pagdidilim ng aking mga paningin.

"Jack," mahinang sambit ko sa pangalan niya bago tuluyang lumungayngay ang ulo ko patungo sa kanyang matipunong dibdib.

Comments (1)
goodnovel comment avatar
Bainor Empao
pa update naman po
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status