Nagulat ang lahat sa sinabi ni Bianca. Para bang biglang nawala ang ingay sa loob ng sala.
“Ano?” sigaw ni Senyora Carmela sa galit, kahit nagkunwari lang siyang walang alam sa plano ni Bianca. “May ibang babae si Elias?”
Napahawak si Donya Elena sa dibdib niya. Biglang namutla ang mukha ng matanda, at bahagya siyang napa-atras sa kinauupuan niya. Mabuti na lang at nakaupo siya sa malaking upuang kahoy, dahil kung nakatayo siya, baka nawalan na siya ng balanse.
“Jusko, Elias...” mahina niyang sabi, halos hindi makapaniwala.
Lumapit agad si Senyor Renato at hinawakan ang braso ng matanda.
“Mommy, kalma lang po. Huwag po kayong masyadong magalit,” maingat niyang sabi.
Pero hindi na kumalma si Donya Elena. Mas lalo pang humigpit ang hawak niya sa tungkod, at halatang pinipigilan niya ang sarili na hindi sumigaw sa sobrang galit.
“Tatlong taon siyang pinatira sa bahay natin,” mabigat niyang sabi. “Pinakain natin siya. Pinagamit natin ng sasakyan. Tinanggap natin siya kahit wala siyang pangalan, kahit wala siyang maipagmamalaki. Binigyan natin siya ng lugar sa pamilyang ito bilang asawa ng apo ko.”
Napatingin siya kay Bianca, na nakayuko at tila pinipigilang umiyak.
“Tapos ganito ang igaganti niya?” dagdag ni Donya Elena. “Magagawa niyang mambabae habang kasal siya sa apo ko?”
Mas lalo pang yumuko si Bianca. Dahan-dahan niyang pinunasan ang gilid ng mata niya, kahit pilit lang naman ang luhang iyon. Alam niyang habang mas mukha siyang kawawa, mas lalong kakampi sa kanya ang pamilya niya.
“Hindi ko po alam kung kailan nagsimula, Lola,” mahina niyang sabi. “Pero matagal ko na po siyang nararamdaman. Palagi po siyang nasa labas. Palagi po siyang may tinatawagan. Minsan, kapag lumalapit ako, bigla niyang itinatago ang cellphone niya.”
Nagtaas siya ng tingin, namumula ang mga mata.
“Kapag tinatanong ko naman po siya, nagagalit siya. Sinasabi niyang wala akong karapatang magtanong. Kaya nanahimik na lang po ako. Ayoko po kasing lumaki ang gulo.”
“Hayop siya,” sabi ni Senyor Roberto habang nakakunot ang noo. “Pinapasok natin siya sa pamilya, tapos ganito ang igaganti niya?”
“Sinabi ko na sa inyo noon pa,” singit ni Senyora Carmela. “Hindi talaga bagay si Elias sa anak ko. Kung hindi lang dahil sa kasunduan ng matatanda, matagal ko na siyang pinalayas.”
Lumapit si Bianca sa ina niya at yumakap dito, kunwari ay umiiyak.
“Mommy, ang sakit po,” sabi niya. “Tiniis ko siya ng tatlong taon. Kahit hindi siya bagay sa akin, tinanggap ko siya. Pero siya pa ang nagloko.”
Mas lalong nagalit si Senyora Carmela.
“Narinig n’yo?” sabi niya sa lahat. “Ang bait-bait ng anak ko. Tiniis niya ang lalaking iyon kahit wala namang silbi. Tapos siya pa ang niloko?”
Sa gilid, nakangisi lang si Sabrina.
Hindi siya naaawa kay Bianca. Sa totoo lang, natutuwa siya. Matagal na siyang naiinggit kay Bianca dahil lagi itong pinupuri bilang pinakamaganda sa pamilya Sandoval. Ngayon, may pagkakataon na siyang saktan ito sa harap ng lahat.
“Grabe naman, Bianca,” sabi ni Sabrina, kunwari ay nag-aalala. “Ikaw na nga ang pinakamaganda sa pamilya natin, pero naghanap pa rin siya ng iba? Ang sakit naman noon.”
Napatingin sa kanya si Bianca, alam niyang nananadya si Sabrina.
Si Sabrina Sandoval ay kilala sa social media dahil sa maganda niyang katawan. Hindi niya madalas ipinapakita ang mukha niya sa mga video, puro likod o outfit shots lang, pero milyon-milyon pa rin ang likes at followers niya.
Isa siya sa pinakasikat na faceless influencers sa Pilipinas.
Pero kahit sikat siya online, alam ni Sabrina na ordinaryo lang ang ganda niya kapag ikinumpara kay Bianca. Kaya kahit magpinsan sila, matagal na siyang naiinggit dito.
“Pero may point din. Tatlong taon kayong kasal, di ba? Pero hindi mo siya pinapapasok sa kuwarto mo. Hindi mo rin siya hinahayaang hawakan ka. Baka naman napagod na rin siya?” patuloy ni Sabrina.
“Sabrina,” saway ni Senyora Carmela.
Nagkibit-balikat si Sabrina.
“What? Totoo naman. Kahit gaano kaganda ang babae, kung titingnan lang at hindi mahawakan, baka magsawa rin ang lalaki.”
Natawa si Nico.
“Tama ka diyan. Kawawa naman si Elias. Asawa niya si Bianca pero parang display lang.”
“Tumigil nga kayo,” malamig na sabi ni Bianca.
Pero mas lumakas ang ngisi ni Sabrina.
“Bakit? Hindi ba totoo? O baka kaya mo ayaw kay Elias kasi plano mo talagang hiwalayan siya someday para humanap ng mas mayamang lalaki?”
Namula sa galit si Senyora Carmela.
“Watch your words, Sabrina. Ang anak ko ay hindi katulad ng iniisip mo. Mataas ang estado ni Bianca. Natural lang na hindi niya ibigay ang sarili niya sa isang lalaking walang kwenta.”
Napangisi si Nico.
“So sa madaling salita, Tita, tinago n’yo si Bianca para sa lalaking mas bagay sa estado ninyo.”
“Enough!”
Malakas na hinampas ni Donya Elena ang tungkod niya sa sahig.
Agad na natahimik ang lahat.
Mabigat ang tingin ng matanda habang nilingon ang mga anak at apo niya.
“Hindi ito panahon para mag-away-away kayo. Ang malinaw dito, niloko ni Elias ang apo ko. At hindi ko iyon palalampasin.”
Tumango agad si Senyor Roberto. “Tama kayo, Ma.”
“Tawagan ninyo siya,” utos ni Donya Elena. “Papuntahin ninyo siya rito ngayon din. Gusto kong marinig mula sa bibig niya kung totoo ang ginawa niya.”
Nagkunwaring natakot si Bianca.
“Lola, baka hindi siya sumunod. Galit po siya sa akin.”
“Hindi siya susunod?” matalim na tanong ni Donya Elena. “Hangga’t dala niya ang apelyido ng Sandoval bilang asawa mo, wala siyang karapatang tumanggi. Dahil sa ginawa niya, kailangan siyang parusahan!”