Share

Chapter 6 AGC

SYD

Hindi matunaw ang pagkakangiti ko habang nagtitipa ng mensaheng pabalik kay Kuya Miguel.

Salamat nga pala sa regalo mo, Kuya Migs. Na-touch ako nang slight– with matching shy emoji pa.

Nauna na siyang mag-text sa akin at kinakumusta ang naging kinalabasan ng pag-apply ko kanina. Tinanong din niya kung nagustuhan ko raw ba ang mga ipinaabot niya kay papa.

Sobrang na-appreciate ko talaga ang mga iyon, dahil hanggang ngayon, hindi pa rin pala niya nakakalimutan ang mga simpleng kutkutin na makakapagpasaya sa akin.

Tulad ng ipinangako niya sa huli naming pag-uusap, babawi raw siya sa mga panahong naging malayo kami sa isa’t isa– at mukhang inuumpisahan niya na itong gawin ngayon.

Ayokong mag-assume, sapagkat malinaw na rin naman sa akin na hanggang kaibigan lang talaga ang pagtingin niya sa akin. Kuntento na ako sa kung ano mang estado ang mayroon kami ngayon. Ang mahalaga, alam ko, sa sarili ko, na masaya ako sa tuwing kasama ko siya. At nararamdaman ko na siguradong ganoon din naman siya sa akin.

Ipauubaya ko na lamang sa tadhana kung hanggang saan kami dadalhin ng sitwasyon namin na ito. Ano’ng malay ko? Baka mamaya, magkaroon ng himala at mapagtanto niya na lang na in love na rin pala siya sa akin. Wala namang imposible. Libre lang din naman ang mangarap. Ang gagawin ko lang ay magtiwala at maghintay.

Tumagilid ako nang pagkakahiga, paharap sa sandalan ng aming sofa. Hindi ko pa rin inaalis ang pagkakatingin sa screen ng aking cellphone. Nginitian ko pa ang sariling repleksyon ko sa itim na screen nito. Hindi na ako makapaghintay na muling marinig ang notification tone nito, dahil alam ko naman na kay Kuya Miguel ulit ito manggagaling.

Maya-maya ay nakarinig kami ng busina ng sasakyan sa harapan ng bahay namin. Nauna nang sumilip sa may bintana ang bunso namin, na si Caleb.

Si papa naman ay nagtungo na sa pintuan. Samantalang ‘yong dalawang kapatid ko naman ay hindi man lang natinag sa panunood nila sa telebisyon.

Bumalikwas ako nang tayo at sumunod na rin kay papa sa labas. Bumalandra sa amin ang isang kulay grey na pick up car na may lulang kulay itim na single na motorsiklo sa likuran nito.

Kumunot ang noo ko at may pagtataka iyong tiningnan. Sabay pa kaming nagkatinginan ni papa, nang makita namin ang paglabas nina mama at Jasper sa passenger seat ng magarang sasakyan.

“Ano’ng ginagawa nila mama ro’n, pa? Bakit po sila nakasakay sa pick up na ‘yon?” nagtatakang tanong ko.

Nagkibit-balikat lang si papa. Mukhang wala rin siyang ideya tungkol sa mga nangyayari. Hindi ko maiwasan ang mag-over think. Hindi kaya nag-short sa pamasahe sina mama, kaya nakisabay na lang sila sa may-ari ng sasakyan na iyon? O baka naman na-snatch ang wallet niya, kaya gano’n?

Sabay na kaming naglakad ni papa, palabas ng gate.

Napa-wow ako, matapos kong sipatin ang kabuuan ng mamahaling sasakyan na binabaan nina mama. Grabe! Ang linis… ang kintab! Iyong tipong mahihiya ‘yong alikabok na kumapit sa makinis na pintura nito.

“Toyota Tacoma… ang astig!" may pagkamanghang bulong ko.

“Romeo!” Masayang tawag ni mama sa pangalan ni papa. Excited din siyang napatakbo palapit sa amin. Si Jasper naman ay nakasunod na rin sa kaniya sa likuran.

“Juliet, ano’ng nangyari? Bakit kayo nakasakay sa sasakyan na ‘yan?” nag-aalalang tanong ni papa kay mama, na ngayon ay nasa harapan na namin.

“Romeo! Romeo!” Hindi magkandatutong muling tawag ni mama sa pangalan ni papa. “Nanalo ako ng Grand Prize sa pa-raffle kanina ng foundation! Nakikita mo ba iyang motor na iyan?” sabay turo ni mama sa likuran ng sasakyan. “Sa atin na ‘yan!”

“Po! Talaga po, ma?” hindi makapaniwalang sabat ko.

“Oo, anak! hindi ba’t sadyang napakabuti ng Panginoon!” bulalas pa ni mama. Hindi na rin nito mapigilan ang pag-agos ng luha sa kaniyang mga mata. “Noong nakaraang araw lang, pinoproblema ni Rommel ang pagpapa-repair ng lumang motorsiklo ng papa ninyo. Heto at binigyan na tayo ng Diyos ng kasagutan sa problema natin. At hindi lang iyan, hija,” ani mama.

“Huwag n’yo pong sabihin na may mas maganda pa po kayong ibabalita, bukod sa brand new motorcycle na ‘yan, ha, ma?” tanong ko.

“Oo, anak!” galak na sagot ni mama. “Nakausap ko si Miss Mary kanina.”

“Sino pong Miss Mary, ma?” muling tanong ko.

“Siya ‘yong pinaka-assistant ng chairman ng AGC Foundation, anak. Nabanggit ko kasi sa kaniya na naghahanap ka nang mapapasukan. Sakto naman na kailangan daw ng bagong sekretarya ng isa sa mga boss niya. Kaya ayon, ikaw na lang daw ang irerekomenda niya,” nakangiting saad ni mama.

Tumango-tango ako. Ayos na sana, kaso alanganin ako sa ibinalita ni mama.

“Puwede po ba ako sa job position na iyon, ma? First Year College lang po ang inabot ko at Education po ang course ko. Parang ang labo naman po na matanggap akong sekretarya sa sinasabi ni Miss Mary.”

“Huwag ka nang mag-alala, anak. Malakas ang backer mo,” kumpiyansang saad ng mama ko na tila ba’y siguradong-sigurado na matatanggap ako sa sinasabi n’yang kumpanya. “Basta bukas na bukas din ay puntahan mo na ang address ng opisina na sinabi niya. Hihintayin ka na lang daw ni Miss Mary ro’n, okay?”

*

NAKAAWANG ang bibig, habang may pagkamangha kong tinitingala ang napakatayog na building ng AG Corporation. Hindi ko akalain na sa ganitong lugar pala ako papupuntahin ni Miss Mary. Nagsusumigaw sa karangyaan! Labas pa lang ay talagang makikita na, na may ipinagmamalaki ang kumpanyang ito.

Inilibot ko ang tingin sa iba pang mga kalapit nitong establisyemento. Nakakapanibago. Pakiramdam ko tuloy, isa akong probinsyanang dugay na bagong salta lang sa siyudad.

Nag-text na sa akin si Miss Mary kanina. Binilinan ako nito na dumiretso na lamang daw ako sa opisina ng HR pagkarating ko rito. Hintayin ko na lamang daw siya sa mga nakahilerang upuan na nasa labas lang ng HR Room.

Nasa alas siete y media pa lang ngayon ng umaga. Isa-isa nang nagdadatingan ang sa tingin ko'y mga empleyado ng AGC. Hindi ko maiwasan na mapatingin sa bawat taong naka-corporate attire na pumapasok sa loob.

Mga mukhang pormal at may pinag-aralan. Napatingin tuloy ako nang de oras sa suot ko. Hindi lang mukhang alanganin, kun'di sadyang alanganin kumpara sa mga postura ng mga taong nahandirito. Nakaramdam ako nang panliliit sa sarili. Hindi ko maiwasan ang magdalawang isip, kung tutuloy pa ba? O uuwi na lang?

Humigpit ang pagkakahawak ko sa plastic envelope na pinaglalagyan ng resumé at ilang mga requirements ko.

Baon ang lahat nang lakas ng loob, suminghap muna ako ng isang napakalalim na buntong-hininga, bago ko nagawang maihakbang ang mga paa, palapit sa napakalaking building na ito.

“Okay, Syd, fighting!” pagchi-cheer ko sa sarili.

Limang baitang muna ang inakyat ko bago tuluyang makalapit sa automatic glass door ng AGC.

“Good morning po!” masiglang bati ko sa security guard na nakaprontang nagbabantay sa may gilid. Dire-diretso akong naglakad ngunit bigla na lang ako nitong pinigilan.

“Excuse me, ma’am,” sita nito sa akin.

Nilingon ko siya at may pagtatakang tiningnan. “Bakit po, sir? May problema po ba?” magalang na tanong ko.

“Pasensya na po, pero hindi po kayo puwedeng makapasok,” saad nito. Napakunot bigla ang noo ko nang pasadahan pa ako nito ng tingin, mula ulo hanggang paa.

Ano’ng problema nito? Sa isip-isip ko.

May ilang mga empleyado na ang nauna sa akin at malaya naman silang nakapasok sa loob. Kaya hindi ko maiwasang magtaka kung bakit pagdating sa akin ay hindi puwede.

“You are wearing inappropriate attire, ma’am,” dugtong na saad nito.

Napaawang ang bibig ko. Hindi ko naisip na ganito pala kahigpit ang management ng isang kumpanya.

Sinipat ko ang suot ko. Nakaputing long sleeved polo shirt naman ako at nakakulay grey na jagger pants na pinaresan ko ng kulay puting sneakers. Maayos din naman ang pagkakaayos ng semi longback hairstyle ko. Hindi pa ba ito pormal sa kanila?

Palibhasa’y nasanay lang ako sa grocery store, payak na pamumuhay at simpleng mga tao lamang ang palaging nakakahalubilo. Kaya wala rin talaga akong ideya tungkol sa mga paganitong policy ng bigating kumpanya na katulad nang ganito.

“Pero, sir, baka naman po puwede niyo na akong palusutin. Pinapapunta po kasi ako rito ni Miss Mary, ‘yon pong assistant ng chairman ng AG Foundation. Tutulungan niya raw po kasi ako na makapagtrabaho rito,” pakiusap ko kay kuya guard.

“Si Miss Mary? Mary Ann Francisco ba ang tinutukoy mo, hija?” tila hindi makapaniwalang saad nito. Tumango ako. “Hindi ka ba niya pinaalalahanan tungkol dito?"

Umiling ako. “Wala din naman po kasi siyang nabanggit sa akin na bawal po ‘yong ganitong attire rito. Kaya, kuya, baka naman po puwede niyo na akong papasukin? Sige na po. Sayang din po kasi ang perang pinamasahe ko papunta rito kung wala rin naman pala akong mapapala.” Kunwari’y pangongonsensya ko sa kaniya. Sana nga lang, tumalab.

“Gustuhin ko man, miss, kaso hindi talaga pupuwede ‘yang pinapakiusap mo, eh. Company policy kasi, kaya pasensya na talaga.”

“P-pero, kuya—“ Hindi ko na naituloy ang pagsasalita nang may biglang boses ng babae ang nagsalita sa may likuran ko.

“Will you please, excuse us? You’re blocking our way!” maarte at pataray na saad nito sa akin.

“Good morning, Mr. Vice President. Good morning, Sir Resty. Good morning, Ma’am Erika,” agad na bati ng guwardiyang kausap ko sa mga taong nasa likuran ko. Pati tuloy ako ay napatingin na rin sa mga binati nito.

Nakita ko ang matalim na tingin sa akin ng babaeng nasa likuran ko. Nakataas pa ang isang kilay, na tila minamata ang hitsura ko.

Otomatiko namang napataas din ang isang kilay ko. Aba! Huwag siyang magkakamaling maghamon sa isang Syd Santos, dahil talagang papatulan ko siya!

Pero mas umagaw sa atensyon ko ay ang dalawang nagtatangkarang lalaki na nasa magkabilang gilid ng feelingerang babae. Nakaramdam na naman ako ng pagkahiya. Hindi ko masyadong natitigan ang mga mukha nila dahil nag-iwas na agad ako ng tingin. Pero hindi maipagkakaila sa mga ito na mga mukha silang sosyal at sopistikado.

Ako na ang nagkusang umatras upang mabigyan sila ng daan.

“Good morning, too, Kuya Boy!” masiglang bati rin sa security guard ng isa sa mga lalaki. Hindi ko nga lang alam kung sino ba sa dalawang iyon ang nagsalita. Nakayuko ako, kaya ang paglampas na lang ng kanilang mga paa ang aking nakita.

Nang hindi ko na talaga mapakiusapan ang guard ay nagkusa na akong umalis. Laglag-balikat akong naglakad palayo sa gusaling inakala ko’y magiging kasagutan na sa problema ko.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status