Share

Chapter 14

Nakangiti si Vince Villadiego habang inaabot ang kanyang sertipiko. Siya ang pinakabatang Vampire Hunter na nakapasok sa ‘Carolus Rex’. Labing-walong taong gulang pa lamang siya.

Ang Carolus Rex ay iisa lamang sa mga samahan ng mga Vampire Hunter. Pero ito ang kinokonsidera ng gobyerno na pinakamapagkakatiwalaan. Isa pa, hindi lahat ng samahan ng mga Vampire Hunter ay para sa kabutihan ng sangkatauhan ang layunin, ang iba ay para lamang ibenta ang mga bampirang nahuhuli sa mga scientist o samahan na nag-aaral sa mga ‘to para sa mga nililikhang sandata laban sa mga ‘to.

Nagpalakpakan ang nasa isangdaang bilang ng mga Vampire Hunter nang humarap siya sa mga ‘to. Tumungo siya.

“Maraming salamat! Gagawin ko ang lahat para maubos ang mga bampira!”

Lalong naghiyawan ang mga ‘to at nagpalakpakan.

Nang makababa siya ay sinalubong siya kaagad ng mga Vampire Hunter na makakasama niya na. Isa siya sa sampung bagong napili. Lahat sila ay dumaan sa VH Exam. Pisikal, emosyonal, maging ispiritwal nilang katatagan ay sinukat.

“Napakabata mo sa larangang ‘to!” Namamanghang sabi ng isa sa mga may katandaang lalaki. “Hindi ko akalain na may ganoon ka na kaagad na kakayahan.”

“Iyong mga katulad niya ay may matinding pinagdaraanan. Mayroon ka bang masamang experience sa mga bampira?” tanong ng babaeng lumapit sa kanya.

Ang edad ng mga naroon ay nasa dalawampu’t walo hanggang animnapu.  

Binalikan ni Vince kung ano ang pinagmumulan ng kagustuhan niyang maging isang Vampire Hunter.

Siyam na taong gulang siya nang may humablot sa kanya sa pamilihan. Nagulat ang kanyang magulang at pilit siyang binawi pero binaril ‘to ng isa sa mga armadong lalaki. Dahil lahat ‘to ay may armas natakot ang mga tao. Pinagtulakan siya ng mga ‘to patungo sa malapit na sasakyan at nagpaulan pa ng bala bago isinara ang pintuan ng sasakyan. Nagwawala siya at pilit tinatawag ang mga magulang. Dinala siya ng mga ‘to sa isang madilim na lugar kung saan may kasama siyang ibang mga bata na halos kaedaran niya. Nasa sampu sila no’n. Pinepresyuhan sila ng isang lalaking dumating do’n para pumili ng mga bibilhin nito.

“Kung hindi mapipili ay gagawin nating taga-palimos.” Sabi ng malaking lalaking driver ng sasakyang kumuha sa kanya.

Napili siya at nakita niya ang tunay na mga bampira. Ipinagbibili sila marahil para kainin ng mga halimaw na bampira. Sigaw siya nang sigaw at nagwawala. Halos lahat ng batang katulad niya’y ganoon ang reaksiyon. Pero hindi sila sinasaktan ng mga ‘to kahit anong ingay ang gawin nila. Marahil dahil hindi sila maibebenta ng mahal kung magkakasugat sila.

Pero natigil siya sa pagwawala nang makita ang isang batang babae, mayroon collar, kasama ang babae’t lalaking bampira. Hindi ‘to umiiyak pero nasa mga mata nito ang sobrang takot. Mukhang nabili na ‘to at nauna sa kanilang dumating doon.

Napabaling ang atensiyon nito sa kanila at nagkatama pa ang paningin nila.

“Maganda ang batang babae na ‘to kaya kinuha ko.” Mataas ang tono ng pananalita ng babae.

“Mada’am, maganda talaga ang batang ‘yan. Kaya hindi mo pagsisisihan kung malahian siya ng iyong anak.” Tuwang-tuwa ang lalaking nakikipag-usap dito.

“Saan ninyo siya dadalhin?!” malakas na sigaw ni Vince.

Pero hindi siya pinansin ng mga ‘to.

Hinabol niya ng tingin ang batang babaeng ‘yon. Nauna lamang ‘to sa kanila pero pare-pareho silang naibenta. Pero sa kabutihang palad, nailigtas siya ng Vampire Hunter sa kamay ng bumili sa kanya. Napatay nito ang lalaking bumili sa kanya.

Nang ibalik siya nito sa magulang niya’y wala na pala siyang mauuwian. Patay na ang mga ‘to. Ang mabuting Vampire Hunter ang umasikaso sa paglilibingan sa kanyang magulang. Isinama na rin siya nito sa bahay nito ng asawa nito na walang anak. Malaki ang kinikita ng isang Vampire Hunter, hindi rin naman biro ang trabaho nito. Dahil sa mga ‘to nagkaroon siya ng magandang edukasyon at buhay. Ang nagpalaki sa kanyang ama na isang Vampire Hunter na si Rafael ang nagturo sa kanya ng maaga kaya napaaga rin ang pagkabihasa niya.

Sa ngayon, tumigil na ‘to sa pagiging isang Vampire Hunter matapos ang misyon na muntikan na nitong ikamatay. Naputulan ‘to ng kaliwang binti, at kaliwang braso. Ang ‘Ashes and Blood’ ang pinakamasamang kriminal na kalaban nilang mga Vampire Hunter. Bukod do’n, malalakas ang mga ‘tong bampira dahil karamihan daw sa mga ‘yon ay mga Royal Blood Vampire.

Naipatawag na siya para sa pagpili ng sandatang gusto niya kaya iniwanan na muna niya ang mga kasamang Hunter. Nagtuloy siya sa pasilyo kasama si Esmeralda, ang isa sa senior na Vampire Hunter.

“Kilala ko ang ‘yong ama na si Rafael, palagi ka niyang ibinibida. Akala ko ay nagmamalaki lamang siya pero tingnan mo nga at ikaw pa ang nakapasok na pinakabata rito.” Nangingiti ‘to.

Nangiti rin naman si Vince. “Magaling ang nagturo sa ‘kin, kaya maaga akong namulat.”

“Hindi naman niya ipinilit sa ‘yo ‘to? Ito ba ay gusto mo talaga? Mahirap na kung hindi, dahil sa larangan na ‘to, hindi mo masasabi kung bukas ba ay buhay pa tayo o hindi na. Mahirap ang pagpapamilya sa larangan na ‘to.”

“Gusto ko, isa pa, umaasa ako na buhay pa ang batang babaeng ‘yon.” Nangiti si Vince.

Lumingon sa kanya si Esmeralda at nangisi.

“Mukhang mayroon kang matinding motibasyon.”

Nangiti si Vince. Sa totoo lang, ang batang hindi umiiyak na ‘yon ang naging kauna-unahang batang pag-ibig niya. Sa taon-taon naiisip niya kung ano na kaya ang hitsura nito? Buhay pa rin ba ‘to?

“Dahil nasabi mong buhay, at Vampire Hunter ka ngayon, ang bata bang tinutukoy mo ay nasa lugar na ng mga bampira?” tanong nito.

Tumuloy sila sa paglalakad at nagsabay na.

“Naibenta siya sa Black Market. Nakita ko siya roon, maganda ang hitsura niya at hindi umiiyak, kahit damang-dama ko na takot na takot na siya no’n.”

Huminga nang malalim si Esmeralda.

“Uunahan na kita, malaking bilang ng mga nabibili sa Black Market ay napapaslang, pinapatay, o napaglalaruan ng mga bampira. Maaaring ang batang ‘yon ay dumanas na nang sobra-sobrang paghihirap sa kamay ng mga bampira. Pero may tiyansa naman na naging alipin lamang siya at nagsisilbi. Pero para bilhin sa isang Black Market pa sa malaking halaga?” Napailing ‘to at halatang nalungkot nang husto.

Sa narinig nakaramdam ng labis na kaba si Vince.

Bumalik sa alaala niya ang maamong mukha ng batang babae. Hindi niya lubos maisip na pinahirapan ‘to. Kung maaalala niya sinabi rin na aanakan ‘to.

Nagtagis ang bagang ni Vince. Naikuyom niya ang mga palad sa galit.

**

“Masaya ka na?” imbiyernang tanong ni Edward kay King.

Nangiti si King at nagpasalamat.

Halos umikot ang mata ni Edward.

Inikutan pa ni King ang mannequin na may nakasuot na cocktail dress na mahaba ang likuran. Para ‘yong may mga paro-parong nakadapo at kulay light pink. Maganda ang rose pattern ng tela. Sinunod din ni Edward na walang masyadong balat na ipakikita si Anastacia.

Mukhang tuwang-tuwa naman si King.

Tiningnan ni Edward si Ezekiel at Rosanna, malaki ang presyong inalok ng mga ‘to para lamang igawa niya ang maid-servant ni King. Nilapitan niya ang mag-asawa.

“Mukhang gustong-gusto niya.” Nakahinga nang maluwag si Rosanna. “Huwag kang mag-alala, kung magkano ang presyong sinabi ko sa ‘yo ay ibibigay ko. Hindi ko rin ipagsasabi na gumawa ka para sa isang maid-servant para hindi ka masira sa iba.”

Nangiti naman si Edward. “Mabuti at nagkasundo tayo sa bagay na ‘yon, Mistress Rosanna.”

“Tatawagin ko lang si Anastacia,” ani King.

Lumabas na si King.

“Siya nga pala, may impormasyon na ‘ko kung para saan ang party,” nangisi si Edward.

Nanlaki ang mata ni Rossana.

“Mabuti pa sa baba natin ‘yan pag-usapan,” ani Rosanna.

“Pero kailangan ko ng information fee,” ani Edward na sumunod kay Rosanna.

“Hindi mo na kailangan sabihin, awtomatiko ko ‘yong idaragdag sa ibabayad ko sa ‘yo.”

“Iyan naman ang gusto ko sa mga Bezarius!”

Sa pavilion sa labas ng mansion sila nag-usap.

“Nalaman ko sa isang tagasilbi sa mga Pureblood na mayroong anak na dalawang babae ang mga Pureblood at kaedaran sila ng mga ipinatawag sa pagtitipon.”

Nanlaki ang mata ni Rosanna.

“Pero iyon nga, mukhang anak sila sa isang tao. Pero dahil may dugo sila ng Pureblood Vampire, kaya tinatawag silang Pureblood Vampire Princess.”

“Pero paanong hindi sila ipinakilala?” Nagtatakang tanong ni Rosanna.

“Dahil sa lugar ng mga tao sila lumaking magkapatid. Iyong ina nila ay dating servant ng mga Pureblood. Dahil nag eighteen na sila, lumabas na ang amoy nila, at alam naman nating lahat kung ano ang amoy ng dugo ng mga Pureblood, hindi ba? Iyon bang kahit mag-anak sila sa tao, ganoon pa rin ang kalalabasan ng amoy ng mga dugo ng lahat sa kanilang lahi.”

Nangiti si Rossana.

“At balita ko ay dalawa ang pipiliin nila para sa tig-isa ‘yong dalawa. Ito pa nga, lahat ng mapipili sa ayaw at sa gusto ng Royal Blood family ay kinakailangan sumunod. Alam naman natin kung gaano kahirap sa ‘tin ang magpadami kaya mahalaga sa kanila ang linya ng mga susunod sa kanilang angkan. Namimili na sila dahil ayaw nilang mabuntis pa ng tao ang dalawang ‘yon, kaya umaasa sila sa susunod na lahi kaya mga lalaking Royal ang pinili nila.”

Napapalakpak si Rossana sa sobrang kasiyahan.

“At nasisiguro ko na isa sa matinding pagpipilian ang mga may pinakamatataas na katungkulang pamilyang Royal. Kaya malaki ang tiyansa ng anak ninyo.”

Nangiti rin si Ezekiel. Nasisiguro niyang lumaki ang kanyang anak na may malakas na pangangatawang pisikal. Wala silang lahing tao na mag-asawa kaya si King ay naging isang perpektong dugo para sa kanila. Ang mga babaeng bampira ay hirap magbuntis, kaya malaking bagay na nakabuo silang mag-asawa kaya pinahahalagahan nila ng sobra si King.

Ngayon na nag first heat na si King at nakainom ng dugo, magbabago na lalo ang katawan nito. Nasa panahon na ‘to kung saan maaari na ‘tong gumamit ng sandata at matuto na gumamit ng itim na salamangka na ginagamit nilang mga bampira.

**

“Handa ka na ba?” tanong ni King kay Anastacia.

Takip-takip ni King ang mat ani Anastacia.

“Kanina pa ‘ko handang-handa, saka sampung tanong mo na ‘yan!” natatawang pun ani Anastacia.

Natawa rin si King. Marahan nitong inalis ang palad.

Si Anastacia, alam niya namang maganda ‘yon pero humigit sa inaasahan niya ang nakikita. Lalo pa nang lapitan niya ‘yon. Sa malayo mukhang simple ‘yon pero sa malapitan, makikita kung gaano kaganda ang detalye no’n.

“P-puwede kong suotin ‘yan?”

“Sa ‘yo na ‘yan mismo, hindi mo lang ‘yan susuotin.”

Nilingon ni Anastacia si King.

“Totoo ba?”

“Oo naman, kung gusto mo ipahiram mo sa ‘kin.”

Natawa si Anastacia.

Hinawakan ni King ang mukha niya at hinalikan siya sa noo.

“Mas maganda ang pangkasal natin na isusuot mo.”

Nakagat ni Anastacia ang ibaba niyang labi. Hindi na naman niya mapigilang mapaluha.

“Nagiging iyakin na ‘ko dahil sa ‘yo.”

Nangiti naman si King. “Paiiyakin kita sa kasiyahan,” kumindat ‘to.

“Iiyak ako kapag nasaktan ka rin, kaya mag-iingat ka palagi. Lalo at mayroon ka ng mga training na makasasakit sa ‘yo.”

Nalaman ni Anastacia na mas magiging pisikal ang pagdaraanan nitong pagsasanay. Nanghihina nga siya kapag nalalamang nasaktan ‘to habang nakikipagtalo sa eskuwelahan. Ano pa kung uuwi na ‘to na may mga pinsala sa katawan? Lalo na mga sugat lalo at mga sandatang makasasakit na sa mga ‘to ang hawak ng mga nasa paligid nito.

“Nag-aalala ka masyado, hindi naman Vampire Hunter ang kahaharapin ko.”

Napasimangot si Anastacia.

Nangiti si King. “Lalo kang gumaganda sa paningin ko. Siguro nagayuma mo ‘ko sa dugo mo.”

“Heh! Matagal ka na kayang gandang-ganda sa ‘kin, ‘no. Palagi kang titig na titig sa ‘kin, sasabihin mo pang nagayuma ka.”

Natawa si King dahil totoo ang sinasabi ni Anastacia.

Noon pa man na una niya ‘tong makita ay gandang-ganda na siya rito.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status