Share

Chapter 13

Hindi alam ni Anastacia kung ano ang magiging reaksiyon. Naroon ang kaba pero hindi niya gustong iatras ang mga binti.

Nag-iinit ang kanyang mga mata dahil alam niyang naghihirap rin si King sa nararamdaman nito. At hindi ‘yon matapos-tapos dahil, marahil, iniisip nito siya.

Tumayo ‘to sa kinatatayuan. Pulang-pula ang mga mata nito. Nakita niya kung paano ‘to lumunok. Marahan ang mga lakad nito, kung hindi lamang siya nakatingin dito ay hindi niya maririnig o malalaman man lamang na may presensiyang iba sa kanyang paligid.

“Young Master. Nakikilala mo pa ba ‘ko?” tanong niya.

Hindi ‘to kumibo. Mas mukhang hindi siya nito nakikilala at pagkain ang tingin nito sa kanya.

Uhaw rin ‘to sa dugo, isa sa dahilan bakit ‘to lalong nagiging frustrated.

Napalunok si Anastacia nang ilahad nito ang palad sa kanya.

Hindi niya nakikita ang rekognisyon nito sa kanya kaya nag-aalala si Anastacia sa maaaring ikilos nito.

Iba ang kulay ng mga mata nito sa pangkaraniwan. Nakatatakot ang mga mata nito ngayon.

Pero siguro nga baliw siya para iabot ang palad dito.

“Young Master, ako si Anastacia.” Nginitian niya ‘to. “Ikinagagalak kong mapagsilbihan ka sa abot ng makakaya kong ibigay sa ‘yo.”

Nasaktan si Anastacia nang bigla siya nitong hilahin, pero hindi niya pinahalata at mas piniling ngitian ‘to.

Sinubukan niyang abutin ang mukha nito pero inamoy lamang nito ang kanyang palad. Tila natatakam ‘to sa kanyang dugo. Pinilit ni Anastacia na abutin ang pisngi nito at nang mapagtagumpayan niya ‘yon ay napasinghap siya dahil sa pinagkatitigan siya nito.

Kinakalma ni Anastacia ang sarili.

Nag-init ang mga mata niya dahil hindi niya ‘to gustong nahihirapan. Kung maaari niya lamang akuin ang paghihirap nito.

“Kung puwede na akin na lang ang nararamdaman mo.”

Napansin ni Anastacia na natigilan ‘to pero hindi nagbabago ang pagkakatitig sa kanya.

“Handa ‘kong ibigay sa ‘yo ang buhay ko. Alam mo bang kahit hindi ako ang babaeng pakakasalan mo, masasaktan lang ako pero tatanggapin ko ‘yon at hindi kita pahihirapan. Mahal na mahal kita, kahit buhay ko ibibigay ko sa ‘yo at palagi kong hinahangad ang kasiyahan mo.”

Nangiti si Anastacia kasabay ng pagluha niya ay ang desisyon.

Tumingkayad siya at hinalikan ‘to sa labi.

Alam niyang puwedeng maging marahas ‘to sa kanya dahil hindi siya nito nakikilala pero hindi bale na, kung maiibsan no’n ang paghihirap nito ay handa siyang gawin. Hinaplos ni Anastacia ang bahagi ng puso nito, marahan… Isa ‘yon sa madalas niyang gawin dito para pakalmahin ‘to.

Mabilis ang tibok ng puso nito, tila nagwawala at hindi mapalagay.

Naramdaman niya ang paghapit ng braso nito sa kanyang katawan. Tumugon din ‘to sa halik sa mas malalim at mainit na paraan. Nararamdaman ni Anastacia ang paghigpit lalo ng braso nito sa kanya.

Natigil sa paghalik si Anastacia. Hindi niya inaasahan na tutugon ‘to sa maayos na paraan. Walang pagmamadali at iniiwasan nitong saktan siya. Lumayo siya ng bahagya rito.

“Natatakot ka ba sa ‘kin?” tanong ni King.

Nakagat ni Anastacia ang ibabang labi. Nagsimulang magbagsakan ang mga luha niya.

Napailing siya. “Kinakabahan lamang ako, pero hindi ako matatakot sa lalaking mahal na mahal ko.”

Nangiti si King. Hinalikan siya nito sa noo.

“Kumalma ako nang masiguro kong ikaw na ‘yan, akala ko ay dinadaya lamang ako ng paningin ko.” Pinahid ni King ang luha ni Anastacia sa pisngi gamit ang likurang palad. “Lumabas ka na, matatapos din ‘tong nararamdaman ko. Huwag ka munang lalapit sa ‘kin. Magpahinga ka para sa pagpunta natin sa kasiyahan sa lugar ng mga Pureblood. Ikaw ang magiging pinakamagandang babae roon.”

Naiyak lalo si Anastacia. Totoo na kalmado ang boses nito pero naroon ang paghinga nito nang malalim, tila ‘to nahihirapang huminga. Maging ang temperatura ng katawan nito ay mataas. Nagpipigil ‘to at sinusubukang pakalmahin siya sa pamamagitan ng pagpapakitang maayos lamang ito.

“Ayokong masaktan uli kita. Nagagalit ako sa sarili ko na nasaktan kita, kahit kailan hindi kita gustong saktan. Ang gusto ko ay mahalin ka at alagaan—”

Ikinulong niya ang mukha nito sa kanyang palad.

“Hindi mo ‘ko ginustong saktan. Isa pa, gusto ko rin na iniinom mo ang dugo ko.” Namula si Anastacia, nangiti rin. “Sa pamamagitan no’n, pakiramdam ko lalo tayong nagiging isa. Isa pa, simula nang mahalin kita, naging pangarap ko rin naman na kagatin mo at makasama ka sa iisang higaan at—” lalong namula si Anastacia. “B-basta, ‘wag kang mag-alala, maayos lamang ako.”

Iniayos ni Anastacia ang kanyang buhok patungo sa kanan. Napalunok si King nang lumantad ang kanyang maputing leeg sa harapan nito. Iyon ang bahagi niyang hindi nito nakakagat pa.

“Nagtitiwala ka ba sa ‘kin?” tanong ni Anastacia.

Napalunok ‘to pero marahang tumango.

Nangiti naman si Anastacia. “Nagtitiwala rin ako sa ‘yo. Puwede bang ibahagi natin sa isa’t isa ang paghihirap ng isa’t isa? Magaling na ‘ko, kumakain din ako nang maayos, at pangako na aalagaan ko ang sarili ko pagkatapos. Magpapalakas uli ako…”

“Hindi—”

“Mahal na mahal kita.”

Napatitig sa kanya nang husto si King.

“Noon pa man, inalagaan mo na ‘ko at nag-aalala ka tuwing masasaktan mo ‘ko dahil mas malakas ang puwersa mo. Iniingatan mo na ‘ko noon pa. Magtiwala ka sa sarili mo.”

Siya ang kumabig sa likuran ng ulo nito.

Naramdaman ni Anastacia ang mainit na singaw ng katawan nito.

“Mahal na mahal kita,” ulit ni Anastacia.

Naramdaman niya ang paghalik nito sa kanyang leeg. Bumigat ang paghinga niya dahil sa pagsisimula ng dila nitong gumuhit sa kanyang leeg. Nakagat ni Anastacia ang labi nang maramdaman ang pagtusok ng pangil nito sa kanyang balat.

Ang kanang braso ni Anastacia ay nasa ulo nito. Habang ang kanang braso naman nito ay nakayakap sa kanyang kaliwang katawan. Napahawak nang matindi si Anastacia sa braso nito. Mas dumiin ang kanyang pagkakahawak nang bumaon na ang pangil nito sa kanyang leeg.

Kinakalma niya ang sarili kahit masakit ang pagbaon ng pangil nito. Lalo pa nang nagsimula ‘tong sumipsip at mas bumabaon ang pangil nito sa kanyang leeg. Nagiging hayok din ‘to sa dugo, nawawalan ng kontrol at mas humihigpit ang kapit sa kanya na tila siya biktima ng isang mabangis na hayop at pinipigil nito siyang makapiglas.

Ang mga luha ni Anastacia ay hindi maawat. Pero pigil na pigil ang kanyang paghikbi kahit nananakit ang kanyang dibdib. Hindi naman siya nagsisisi, kasiyahan sa kanyang maibigay ang dugo rito.

Samantala, alam ni King na napaparami na siya, pero hindi niya mapigil, parang sa tagal ng pagkauhaw niya na hindi matumbasan ng blood wine ay ngayon lang siya nakatikim ng tunay na inuming papawi sa kanyang nanunuyong lalamunan. Napakasarap ng sariwang dugo ni Anastacia. Malinanam ‘yon at marahil ayon na rin sa lumang kasabihan na kapag ang tao ay may labis na pagmamahal sa isang bampirang kakagat dito ay mas malinamnam ang maibibigay nitong dugo.

Nagsisimula niyang makalimutan na si Anastacia ‘yon. Parang gusto niya lang pawiin ang kanyang pagkauhaw. Gusto niya lamang punan ang sarili niyang pagkauhaw. Maging ang kakulangan niya sa seksuwal na gawain ay tila napupunan ng dugong kanyang iniinom.

Naramdaman ni King ang paghaplos sa kanyang dibdib. Habang tumatagal ang paghaplos no’n ay nakakalma siya sa nararamdaman pagkahayok.

Bumalik sa alaala niya na nakagawian ni Anastacia na gawin ‘yon tuwing galit na galit siya mula sa pakikipag-away sa eskuwelahan. At kung tutuusin, wala ‘yong naitutulong talaga sa kanya, pero kumakalma siya tuwing napapatitig siya sa mukha nito simula pa noong siyam na taong gulang sila. Para ‘tong iiyak palagi at biglang ngingiti sa kanya. Iyon ang nagpapakalma sa kanya, ang mukha nito, ang ngiti nito, lalo ang boses nito na tila maiiyak kapag kinakausap siya.

Pero habang tumatagal, kahit ang haplos na lamang na ‘yon ang nararamdaman niya’y nakakalma na siya.

Marahan niyang inalis ang pangil at dinilaan ang dugo sa iniwanan niyang marka ng kagat sa leeg nito. Ang laway nila ay makapagsasara sa sugat niyon para tumigil ang pagdurugo.

Nang balikan niya ang mukha ni Anastacia ay nakangiti ‘to.

“Hindi ba at tama ako?”

Nangiti siya rito.

 Binuhat niya ‘to dahil mukhang babagsak ‘to kung bibitiwan niya.

Nang maihiga niya ‘to sa kama ay nagsimula nang pumikit ang mga mata nito.

Tinabihan niya ‘to sa kama matapos kumutan.

Pinagkatitigan niya ang mukha nito.

Nakangiting hinawakan niya ang mukha nito. “Palagi kang naniniwala at nagtitiwala sa ‘kin. Hindi ko alam kung may magpapakalma sa ‘kin kung hindi ka dumating. Sa ‘yo nabuo ang mga pangarap ko. Gusto ko nang makasama ka bilang asawa at ina ng magiging anak natin.” Hinalikan niya ‘to sa noo.

Malaki ang naitulong ng dugo nito sa kanya para makapagpahinga na siya. Pero mas malaking tulong ang presensiya at suporta nito para kayanin niya.

Sa ganoong akto sila naabutan ng magulang ni King na alalang-alala sa kalagayan ng anak. Pero kaagad ang histerikal na si Rossana ay napatahimik sa nakitang nahihimbing na ang kanyang anak habang ang braso nito ay nakayakap sa maid servant nito na kinagigiliwan.

Napatingin si Rossana sa asawa.

Ito ang lumapit sa paraan na hindi mararamdaman ng anak nila. Kaagad din ‘tong bumalik at inalalayan ang kanyang asawa na lumabas.

Nagtataka naman ang mga servant nang lumabas sila, maging ang doctor na papasok na rin sana.

“Nagpapahinga na siya,” ani Ezekiel. Bumaling ‘to kay Calixto. “Ikaw ba ang nagdala sa maid servant niya sa loob?”

Nagulat si Calixto, nawala sa isip niya si Anastacia.

“N-nasa loob siya?” Luminga ‘to sa paligid. “Paano niyang naitulak ang pintuan? Hindi ‘yan kaya ng katawan niya—”

“Maaaring lalabas si King at nakita niya si Anastacia at hinila papasok.” Iyon ang tingin ni Rosanna. “Dalhan mo ng pagkain sila at ‘wag istorbohin buong araw. Ngayon lang napahinga si King, isang linggo siyang hindi nagpahinga.” Tila may relief ‘yon sa parte ni Rosanna. Nag-aalala talaga siya nang husto sa anak. Pero alam na nilang mag-asawa nang magkatitigan sila, na isang malaking suliranin ang pagtatangi ni King sa maid servant nito.

Kaya kaagad silang tumungo sa kanilang silid para doon pag-usapan ang bumabagabag sa kanila, lalo kay Rossana.

Napaupo kaagad si Rossana sa sofa sa loob ng kanilang silid.

“Inaasahan ko naman na mayroong mangyayari sa kanila dahil kaya nga natin siya binili at pinili dahil baka maanakan siya ng anak natin paglaki niya. Pero parang iba ang tinatakbo ng pagkakagusto ni King sa kanya.”

“Bata pa sila, magbabago pa ang damdamin ni King,” ani Ezekiel. Naupo ‘to sa tapat ng asawa. “Magsasawa rin siya at masisilaw sa mga katungkulan. Sa ngayon, ang isip niya ay nakapokus pa lamang sa kanyang maid-servant. Magbabago ‘yon pag-akyat niya sa Vampire University.”

 “Sana nga, sana, dahil parang nakikita ko sa anak natin ‘yong mga bampirang iisa lamang ang minahal at nabuhay ng nag-iisa pagkatapos mamatay ng babae nila!”

Natawa si Ezekiel. “Napakabihira no’n mangyari. Isa pa, hindi pa sobrang lalim ng damdamin nila, ako na ang bahalang gumawa ng paraan. Huwag ka ng mag-alala.”

 Halos umikot ang mata ni Rossana sa sinabi nito.

“Sana nga ay makuha ng anak mo ‘yang pagiging mahilig mo sa babae!”

Natawa lalo nang malakas si Ezekiel.

“Anak ko siya, wala sa lahi nino man sa pamilya natin ang nagkaroon ng kakuntentuhan. Isa pa, minsan ko ring naisip na gustong-gusto ko ang isang tao, pero nang magsimulang magbago ang hitsura niya ay nawala rin ang damdamin na ‘yon.”

Umangat ang kilay ni Rosanna.

Nasa poder pa rin nila ang babaeng tinutukoy nito. Sa loob ng dalawampung taon ay kinahumalingan nito ang babaeng tao na si Marie. Pero tama ito, nagsimula rin ‘tong mawalan ng gana at humanap na ng ibang bampira o servant na nasa wastong edad na para makasiping nito.

Hindi niya dinaramdam ‘yon dahil siya ang asawa at may karapatan dito. Lahat ng babae nito ay sa dilim lamang maipakikilala nito at hanggang kama lamang ang mga ‘yon. Isa pa, pangkaraniwan sa mga bampirang lalaki ang magkaroon ng maraming babae. Umaasa siya na sana si King ay ilagay na lamang si Anastacia sa dilim habang-buhay.

Pero hangga’t hindi nagpapakasal ang kanyang anak ay hindi siya mapapalagay.

Pero hindi muna siya dapat mamili, dahil ang gusto nga nilang mag-asawa ay isang Pureblood Vampire Princess ang maging asawa nito. Iyon ang magpapataas ng kanilang disposiyon sa buhay.

Misa_Crayola

Thank you for reading! Please, do rate my story kung nagustuhan mo. Thank you! <3

| Like

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status