Share

SEERS OF MAGJI

Mabigat ang pakiramdam ko habang nag-aayos ng sarili. Ngayong araw na ako aalis ng Magji. Kanina pa ganito ang pakiramdam ko simula nang gumising ako. Ewan ko ba. Para kasing ayokong umalis. Mabigat ang loob ko. Pati katawan ko mabigat. Parang ayaw kumilos.

Saglit ko pang pinagmasdan ang paligid habang nakaupo sa kanto ng kama. Hindi ko maalis sa isip ko si mama. Nag-aalala ako sa kanya. Kagabi ay tinabihan pa niya ako sa pagtulog, baka daw kasi ma-miss ko siya. Pero sa kabila noon ay alam kong labag sa kalooban niyang umalis ako. 

Kung maaari ko nga lang talikuran ang pagiging Dovana at tumira nalang dito ay matagal ko na sanang ginawa. Kaso hindi pwede. Pakiramdam ko ay para akong may tali sa leeg na at kailangang bumalik sa may-ari. Napakuyom ako ng kamao. Hindi ko hahayaang tuluyan akong mawalan ng karapatang magdesisyon para sa sarili ko.

Kulang nalang ay mapatalon ako sa gulat ng lumagabog pabukas ang pinto ng kwarto at iniluwa noon si tiya. Nanlalaki ang mga mata at nasa mukha ang kaba at takot. Agad akong naalerto at napatayo. Napasok ba ng rogue ang Magji?

"Yue," aniya saka ako mabilis na nilapitan at hinawakan sa magkabilang braso. "Maghanda ka. Gusto ko makita ng mga Szeiah."

Kumabog ang dibdib ko. Hindi maganda ang kutob ko. "A-anong S-szeiah?"

"Sila ang seers ng Magji, Yue."

"Seers?" Nagtatakang tanong ko kasabay ng paggana ng isip. "You mean-"

Tumango si tiya na tila ba nakukuha na ang nasa isip ko. "May kakayahan silang makita ang hinaharap sa pamamagitan ng pagtingin lang sa mga mata. Bukod din sa mga elders, ay sila ang may kapangyarihang mamalakad sa bayan na ito. Sila ang katuwang ng mga elders na nakipaglaban noon sa mga bampira. Ang mga seers din ang mga mages na gumawa ng kwintas, Yue, kaya't nakasisiguro akong isa iyon sa dahilan kung bakit ka nila gustong makita. Buong akala ko ay hindi na nila pag-iinteresan pang ipatawag ka. Nagkamali ako. Marahil ay nakarating na sa kanila ang insidente tungkol sa pagdakip sa iyo."

Sandali pa akong hindi kumibo. "May dahilan ba para matakot ako sa mga Szeiah?"

"Hindi ko masiguro pero mas mainam na rin na handa ka. Nitong nakakaraan lamang ay napagpulungan namin ang tungkol sa mga bampira at sa Dovana. At hindi naging maganda ang kinalabasan noon."

"Anong napagpulungan nyo?" Kunot-noong tanong ko.

Matiim akong tinitigan ni tiya na siyang lalo kong ikinakaba. "Pinag-iisipan nila kung kinakailangan pa bang dumipende ng mga mages sa Dovana."

"Edi kung ganoon ay maganda-"

"Hindi magandang ideya, Yue. Pinag-iisipan din nila kung ano ang gagawin nila sa Dovana," putol sa akin ni tiya na mas seryoso na ngayon ang mukha. "Sa ilang taong pagte-train ng mga mages, kinokonsidera na nila ngayon ang pakikidigma sa mga bampira. Nakarating na din sa kaalaman nila na nag-iisa na lamang ang Dovana kaya't iniisip nila kung pangangalagaan pa ba nila ito o isasakripisyo."

Nahigit ko ang hininga. "Isasakripisyo? Kung ganoon ay handa na silang magsakripisyo ng maraming buhay para lang makalaya?" Nakuyom na muli ang kamao ko. "Kapag namatay ang Dovana ay sisiklab na naman ang walang katapusang kaguluhan. Ang giyera sa pagitan ng iba't ibang uri ng mga nilalang. Maraming inosente ang madadamay, nalalaman ba nila ang gusto nilang mangyari? Mas gugustuhin pa nila iyon?"

Natahimik si tiya panandalian na tila ba nag-iisip. "Lingid sa kaalaman ng nakararami, matagal ng pinagpaplanuhan ng mga Szeiah ang muling pakikidigma sa mga bampira. Nagsimula iyon ng mapalitan ang mga elders na namumuno sa mga mages. Iniisip nila na dahil sa napalitan na ang mga ito ay maaari na rin nilang maputol ang kasunduang naganap sa pagitan ng mga ito at ng mga Älteste."

"Ibig bang sabihin noon ay ang mga Älteste lamang ang siyang bukod tanging may gusto ng pagkakasundo ng dalawang panig?"

"Sa ngayon ay masasabi kong ganoon na nga," mahinang sagot ni tiya. 

Nangunot ang noo ko. "Isa ka sa mga itinalagang elders ngayon tiya, hindi ba? Bakit hindi mo kontrahin ang mga Szeiah?"

"Ginawa ko na, Yue. Pero hindi sapat ang pangungumbinsi para itigil nila ang pinaplano nila. Karamihan sa mga Szeiah ay sumasang-ayon sa muling pagbangon ng mga mages. Noong una ay nakakayanan ko pa silang pigilan pero nitong huli ay tila ba buo na ang desisyon nila. Kapag nangyari iyon ay mahihirapan tayo."

"Yue."

Sabay kaming napalingon sa pinto ng biglang iniluwa noon si Ada. Blangko pa rin ang ekspresyon nito ngunit nasa mga mata ang pagtataka.

"May tatlong mages na naghihintay sa iyo sa baba. Gusto ka raw makausap ng mga Szeiah."

Nagkatinginan pa kami ni tiya bago ko ibaling muli kay Ada ang tingin. Tinanguan ko na lamang siya at tila nakuha naman nito ang ibig kong sabihin na susunod nalang ako kaya umalis na ito. 

Ilang sandali pa ang pinalipas ko bago ako sumunod kay Ada. Nag-iisip ng kung ano ang maaaring gawin kung sakali mang gumawa sila ng hindi maganda. Si tiya naman ay nanatili lang na tahimik. Maya-maya pa ay napagdesisyunan ko na ring sumunod kay Ada. Napahinto ako sa may pinto ng may maalala.

"Hindi ka ba sasama tiya?" Nagtataka kong baling sa kanya.

"Hindi. Mariin nilang ibinilin na ikaw lang ang papuntahin."

"Nagpadala pa sila ng mga mages. Ibig sabihin ay sapilitan akong dadalhin kung sakaling umayaw ako," pagkukumpirma ko.

Tumango si tiya. "Ganoon na nga."

Buong akala ko ay sa mga bampira lang nanganganib ang buhay ko, maging sa mga mages din pala. Umaasa pa man din ako na sa Magji ako makakahanap ng kapayapaan at kalayaan, puro lamang pala iyon akala. Talagang hindi matatahimik ang buhay ko hanggat hindi natatapos ang Dovana na iyon. Pero kung ganoon din lang ang panananaw nila, baka maaari ko silang makumbinsi na tulungan akong matapos na ang Dovana. Maaari ko sigurong subukan.

"Mag-iingat ka, Yue," nag-aalalang bilin ni tiya. Tumango naman ako bago tuluyang lumabas ng pinto.

Hindi pa ako tuluyang nakakababa ng hagdan ng matanawan ko ang tatlong lalaking naka-hooded cloak na kulay asul na may gintong mga makukurbang disenyo sa bawat kanto. Abot hanggang paa ang mga iyon at halos kalahati ng mukha ang natatakpan. Bigla akong kinilabutan. Para bang may kakaiba sa aura ng mga ito na nagpapahayag na hindi magandang balita ang ihahatid nila. Kinutuban tuloy ako ng masama. Nakalihis ng bahagya ang hagdan sa may pinto ngunit tanaw pa rin ang hindi kalakihang sala ni tiya. Nakaupo si mama at si Ada sa sofa samantalang nakatayo lamang ang mga lalaking iyon na tila ba hindi makapaghintay na makababa ako.

Napalunok ako ng humarap sa gawi ko ang isa. Kumabog ang dibdib ko.

"Yueno," pagkukumpirma ng isang nakaharap sa akin. Lumingon na rin ang dalawa.

"Sumama ka sa amin. Ipinatatawag ka ng mga Szeiah," maawtoridad na utos ng una.

Napatayo naman si mama at tumingin sa akin. Nasa mga mata niya ang takot at pag-aalala. 

"Yue," anito ng lumapit ako. 

Ngumiti ako para pakalmahin si mama kahit sa loob-loob ko ay kinakabahan din ako sa kung ano ang pakay sa akin ng mga lalaking ito. 

"Wag kang mag-alala, Ma. Okay lang ako," paniniguro ko kay mama. Hindi man ako sigurado sa maaaring mangyari at least naipakita ko sa kanyang ayos lang ng lahat. 

Tumango lamang sya kahit nasa mata nya ang pagtutol. Ngunit kahit na tumutol siya ay siguradong hindi rin magpapapigil ang mga mages na ito makuha lamang ako. May palagay akong importante ang pakay nila sa akin.

"Mag-iingat ka," habol nya pa ng lumapit na ako sa mga lalaking iyon. 

Nang tuluyan na akong makalapit sa kanila ay noon ko lang napansin na hindi lahat sa kanila ay lalaki. Ang nasa likuran ay babae, kung hindi ako nagkakamali. Kung pagbabasehan ang bawat anggulo ng mukha nito ay masyadong malambit ang features ng mukha nito kung ikukumpara sa dalawang nasa unahan. 

Hinawakan agad ako sa siko ng dalawang lalaking nasa magkabilang gilid ko. Hindi pa ako nagtatagal na nakatayo roon ay nagkaroon ng tila bilog na guhit na pumalibot sa aming tatlo. Kumabog na naman ang dibdib ko sa kaba ng magliwanag ang bilog na iyon. Animo ay parang malakas na pwersang nagmumula sa bilog na iyon pa punta sa akin. Gumagapang sa bawat himaymay ng katawan ko. 

Habang nagtatagal ay lalong nagliliwanag ang bilog at para bang may hangin na unti-unting bumabalot sa amin kasabay ng liwanag na iyon. Natanawan ko pa si tiya na nakatayo sa hagdan at nakatingin din sa amin bago kami tuluyang lamunin ng liwanag. 

Naipikit ko na lamang ang mga mata dahil sa pagkasilaw at nang muli ko iyong idilat ay nasa isang pasilyo na kami na napapalibutan ng mga naglalakihang bintana. Mas malaki pa iyon sa tao at wala rin harang na kung sakaling may magbabalak sa iyo ng masama ay walang magiging sagabal at madaling maihuhulog doon. 

Hindi ako nakakasiguro sa kung ano ang nasa ibaba ng pasilyong ito basta ang nalalaman ko lang ay masyado itong mataas dahil mula sa kinatatayuan ko ay kita sa malayo ang ilang mga puno sa ibaba. Napapaligiran din ng bundok ang lugar. Napakaganda ng paligid. Kung maaari lang sana iyong ma-appreciate sa mga oras na ito ay gagawin ko. Ang problema nga lang ay hindi ito ang tamang panahon para doon. 

Dinala kaya nila ako sa malayo? O nasa Magji pa rin kami? 

"Nasaan tayo?" Panunubok kong magtanong. 

"Walang dapat ipag-alala, miss," ani ng boses ng isang babaeng galing sa likod ko. Hindi nga ako nagkamali. Babae nga ang isang ito. "Nasa Magji pa rin tayo."

"Tayo na," utos ng isang lalaking nasa gilid ko. Mukhang siya ang pinakapinuno sa tatlong ito.

Binaybay namin ang pasilyong iyon. Malayo pa man ay tanaw ko na ang malaking pinto sa dulo ng pasilyo. Bigla kong naalala ang Palazzo. Tila ganuon ang pinto na iyon. Mukhang uso ang mga ganuong pinto sa kakaibang mundo na ito. Ang kaibahan nga lang ay walang mga bantay sa labas. Mukhang kampante ang mga ito na walang magtatangkang umatake sa kanila. Iba rin ang pakiramdam ko sa lugar. Para bang may mabigat na aura sa paligid na ipinapahiwatig ang lakas ng kapangyarihan ng mga namamalagi dito. 

Pinagmasdan ko ang dalawang lalaki sa magkabilang gilid ko na siyang nauunang maglakad. Paano kung pagbalakan nila akong patayin? Anong gagawin ko? Wala si tiya. At mas lalong wala rin si Kieran para mahingan ko ng tulong. Kung tatalon naman ako dito ay nasisiguro kong kamatayan din ang hantong ko. Kung tatanungin ko kaya ang mga ito? Baka sakaling may nalalaman sila. 

"Ano ang pakay sakin ng mga Szeiah?" Pagbabaka-sakali kong tanong.

"Ano mang pakay ng mga Szeiah, ay wala ng kinalaman ang mga mages doon," matigas na turan ng isang lalaki. "Mga utusan lamang kami na handang paglingkuran ang mga Szeiah sa abot ng aming makakaya."

Hindi ko napigilang mapakunot-noo. Sa madaling salita ay wala silang alam. Kabilang kaya sila sa army ng mga mages? Pero sa pagkakaalam ko ay army rin ang mga mages na kasama ni tiya noong kinuha nila ako kay Kieran. 

Magtatanong pa sana ako pero huminto na ang dalawang lalaki sa paglalakad. Hindi ko namalayang nasa harap na pala kami ng napakalaking pinto. 

Hindi pa man din nagsasalita ang parang pinuno ay unti-unti ng bumukas ang pinto. Mukhang hinihintay nga talaga nila ang pagdating ko. 

Kumabog ng malakas ang dibdib ko. Hindi ko masabi kung takot ba ito o kaba basta ang alam ko lang ay abot-abot ang pagwawala ng puso ko. Wala man akong ideya sa kung ano ang binabalak nila o kung ano man ang gusto nila sa akin basta ang alam ko lang ay kailangan kong makaalis dito ng buhay. 

Pilit kong inaninaw ang kung ano ang nasa loob mula sa kinatatayuan ko pero hindi ko makita dahil sa dilim. 

"Maaari ka nang pumasok, Miss," ani ng pinuno na ngayon ay bahagya pang nakayuko sa gilid ko. Nang mabaling ang tingin ko sa kabilang gilid ay ganoon din ang iba pang kasama nito. Nakahilera pa ang babaeng kanina ay nasa likod ko sa tabi ng isa pang lalaki at katulad nito ay nakayuko na rin. Hindi ko tuloy sukat maisip kung ano ba talaga ang mayroon sa mga Szeiah na ito. 

Buong tapang akong lumakad papasok sa loob ng silid kahit purong kadiliman lang ang nakikita ko. Bahagyang nanginig ang tuhod ko ng maalala ko ang mga bangungot ko. Ganitong-ganito rin iyon. Purong kadiliman lang. 

Lumagabog bigla ang malaking pinto ng tuluyan na akong makapasok. Isinara ng mga mages na iyon ang pinto. Hindi ako nakagalaw sa kinatatayuan nang gumapang ang takot sa kaibuturan ko. Gusto kong tumakbo papunta sa pinto ngunit ayaw gumalaw ng mga paa ko na tila ba napako na sa kinatatayuan. 

"Welcome, Dovana Yueno Matisse."

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status