Share

LAVALIER

“Pero tiya--”

“Tama na, Yue,” matigas na sabi ni tiya Arsellis na ngayon ay nakaupo na sa likod ng lamesa niya. “Napagkasunduan na rin namin dalawa na hindi na makikialam pa sa isa’t isa kaya tigilan mo na. Nakapagdesisyon na kami. Isa na ako ngayon sa mga elder mage na namamahala sa bayang ito, kaya tama na ang mga pantasya. Masyado na kaming matatanda para sa ganoong mga bagay.”

Nagitla ako sa naging reaksyon niya. Hindi ko inaasahang tatalikuran na lamang niya ang pagmamahalan nila ngayong may pag-asa na.

“Kung ikaw na ang namamahala, ibig sabihin ay may kakayahan ka ng baguhin ang mga baluktot na pamamahala ng nakaraang mga elder mage. Bakit hindi mo subukang baguhin iyon?”

“Hindi iyon ganoon kadali, Yue. Masyadong komplikado para usisain mo pa. Sapat na ang mga sinabi ko sa iyong impormasyon tungkol sa mga Cayman,” anito saka ako hinagod ng tingin. Nagtaka ako ng biglang mangunot ang noo niya. “Isuot mo palagi ang kwintas mo, Yueno. Mahalaga ang bagay na iyon para iwan mo lang kung saan-saan.”

“Nanakaw ang kwintas ko,” maikling sagot ko. 

Nagulat naman ako ng bigla siyang sumigaw na sinabayan pa ng pagtayo. Galit ang nakarehistro sa mukha niya habang titig na titig sa akin. Animo ay isa siyang dragon na ano mang oras ay magbubuga na ng apoy. “Bakit mo pinanakaw?”

“Hindi ko iyon pinanakaw, tiya. Ninakaw iyon ng mga rogue doon sa mansyon ng mga Cayman sa hindi ko malamang dahilan,” pagpapaliwanag ko.

Tila ito nanlalatang napaupo saka nasapo ang ulo. “Napakaimportante ng kwintas na iyon, Yueno.”

Lalo akong naguluhan sa inasal niya. Sumagi sa isip ko ang minsang pag-uusap namin ni Mathilde pagkatapos na umatake ang mga rogue. 

"Dahil ba naitatago noon ang amoy ng dugo ko?" paninigurado ko.

Mataman niya pa akong tinitigan bago sumagot. "Kanino mo nalaman iyan?"

"Kay Mathilde. Ang sabi niya ay may kakayahan ang kwintas na iyon para maitago ang amoy ng Dovana. Pero ano naman ang magiging silbi noon sa mga rogue?"

"Ang Lavalier ay sadyang ginawa para sa Dovana, Yue. Nakapaloob sa kwintas na iyon ang blood compact ng mga pinuno ng bawat nilalang bilang pagkakasundo sa ilalim ng Dovana."

"Lavalier? Ang kwintas na iyon? Teka, naguguluhan ako--"

"Noong panahon na napagkasunduan ng bawat nilalang na magkaroon ng alay mula sa lahi ng mga tao ay napagdesisyunan nilang gumawa ng sanduguan para lalong mapagtibay ang kasunduang iyon. At bilang pagsang-ayon naman ng mga mages ay sila ang nagsagawa ng orasyon para dito."

"Bilang proteksyon na rin para sa mortal ay nilagyan ng mga mage ang lavalier ng spell na may kakayahang itago ang amoy ng dugo ng susunod na Dovana. Iyon ang dahilan kung bakit kayo may ganoong kwintas, Yueno."

"Naroon sa kwintas na iyon ang compacted blood ng mga nagkasundong pinuno. Ngunit ang dugo na iyon ay maaaring gamiting lason."

Napakunot ang noo ko sa narinig. "Nagsagawa ang mga mages ng spell para gawing lason ang dugo na iyon," pagpapatuloy ni tiya.

"Kaya kung mapupunta iyon sa mga rogue, ibig sabihin, gagamitin nila ang lason na iyon?" ani ko habang bumubuo ng konklusyon sa isip.

Napatango si tiya. "Kaya nga hindi maaaring mapunta iyon sa iba, Yue. Marahil ay natuklasan na ng pinuno ng mga rogue ang tunay na silbi ng kwintas na iyon," aniya saka tumingin sa akin. "Maaaring gamitin nila iyon sa iyo para patayin ka. Ano't ano pa man ay ikaw pa rin ang pakay nila. Kaya't mag-iingat ka." 

Tumango na lamang ako. "Ayoko mang pabalikin ka sa mga Cayman ay hindi maaari," mahinang saad niya.

"Pero gusto ko pa ring malaman kung bakit hindi ka maaaring makialam, tiya," pilit ko.

Mariin naman siyang napapikit na tila ba nauubusan na ng pasensya. "Talagang hindi ka susuko, ano?"

Determinado naman akong umiling. Gusto kong malaman kung ano ang pumipigil sa kaniya na tulungan ako. 

"Bilang elder mage ay ayoko ng magkaroon pa ng koneksyon sa mga Älteste hangga't maaari. Hanggat maaari ay ayokong magkaroon ng koneksyon sa mga bampira."

"Kahit kailanganin ko ng tulong?"

"Handa akong tumulong, Yue, ngunit kung may kinalaman sa kanila ay doon kita mabibigo," may pinalisasyong turan niya."

Base sa reaksyon ng mukha ni tiya ay nasisiguro kong buo na ang desisyon niyang hindi ako tutulungan. Kung ganoon ay wala akong magagawa kung ang umasa sa sarili at kay Kieran. Kung maaari ko lamang sana makita si Kieran kahit anong oras ay mas maganda. 

"Kung talagang hindi kita mapipilit ay aalis na ako. Mag-aayos pa ako ng gamit para sa pag-alis ko bukas," ani ko saka tumalikod na sa kanya. "Ikaw ng bahala kay mama, tiya."

"Makakaasa ka."

Iyon lamang at lumabas na ako ng silid. Unang hinanap ng mata ko si mama pero hindi ko siya makita sa sala o kaya'y sa kusina kaya't nagdesisyon na akong umakyat. 

Hindi man ako tulungan ni tiya sa mga plano ko ay itutuloy ko pa rin iyon. Siguro ay masyado siyang nasaktan sa mga nangyari sa kanya kaya ayaw na niyang makialam pa sa usaping may kinalaman sa mga bampira. Kung sabagay, marahil ay naroon pa sa likod niya ang mga bakas ng parusang dinanas niya sa kamay ng mga elders kaya't hindi ko siya masisisi kung ganoon nga ang maging pananaw niya. 

Sa ngayon ay gagamitin ko muna ang mga nalaman ko tungkol sa mga Cayman. Ebidensya nalang ang kulang para mapatunayan kong may kasalanan nga sila. Buong akala ko ay makapangyarihan ang Älteste, ngunit sa sitwasyong ito ay tila napaglalalangan sila. 

Kung ganoong may palihim na kinakatagpo si Cassius sa palasyo at kung totoo ngang nagtatrabaho siya sa blood traitor, ibig sabihin ay maaaring naroon sa palasyo ang blood traitor at pinuno ng mga rogue. Kung tama nga ang hinala ko ay magiging delikado ang gagawin ko. Hindi ako maaaring magpadalos-dalos. 

Agad akong nagtaka ng makitang bukas ang pintuan ng kwarto ko. Sa pagkakatanda ko naman ay nakasara ito ng iwan ko. Dahan-dahan kong binuksan ang pinto sa pag-aakalang baka kung sino nalang ang pumasok doon. Hinanda ko pa ang sarili kung sakaling kawatan iyon ngunit nakalma rin ako agad ng makita ko si mama. Nakaupo siya sa kama at isa-isang sinasalansan ang mga damit ko sa isang bagahe. Bagsak ang mga balikat at halata ang lungkot.

Hindi ko na rin tuloy maiwasang malungkot. Noon ay panatag pa akong iwan siya dahil nadoon si Kirius. Pero ngayong wala na sya, maiiwan ng mag-isa si mama. Kung ako man ang tatanungin ay ayoko ding umalis. Ayoko siyang iwan. Pero kailangan kong bumalik sa mga Cayman kung hindi ay baka pagsimulan iyon ng kaguluhan. 

Alam ko namang wala akong dapat ipag-alala dahil narito naman si tiya. Pero kahit na ganoon ay hindi ko pa rin maiwasang hindi malungkot para kay mama. 

"Ma," tawag ko sa pansin niya. Tuluyan na rin akong pumasok sa loob.

Lumingon lamang siya sa akin saka bahagyang ngumiti. Hindi na kailangang alamin kung malungkot siya dahil nababanaag na iyon sa mga mata niya. Nang makalapit ay naupo ako sa tabi nya saka siya niyakap mula sa likod.

"Mami-miss kita, Ma," ungot ko habang nakasiksik sa kanya. 

"Para namang hindi ka umalis dati kung maka-miss ka dyan," nagbibiro pang sabi niya.

"E syempre, magkaiba noon saka ngayon," saad ko. "Noon ay kasama mo pa si Kir, ngayon ay hindi na."

Sumandal din siya sa akin bago magsalita muli. "Hindi naman ako nag-iisa, Yue. Nandiyan ang tiya mo. Saka hindi naman ako maaano dito. Ikaw, anak. Sa iyo ako mas nag-aalala. Hindi basta-basta ang mga Cayman."

Napahiwalay ako sa kanya at nagtaka. "Ma?"

"Narinig ko ang usapan ninyo ng tiya mo." 

Bigla ay naumid ang dila ko at hindi malaman ang sasabihin. Ayaw ni tiya na malaman iyon ni mama. Kung makakarating kay tiya iyon ay baka paghinalaan niya akong nagsumbong kay mama. Pero, siguro kailangan na ring malaman ni mama ang nangyari noon. At kailangan din niyang malaman ang plano ko. Ano't ano pa man ang kahantungan ko at ng plano ko ay mainam ng handa siya. 

"Sorry, Ma," bungad ko. "Kung hindi ko sinabi sayo ang plano ko. Ganuon din ang kay tiya. Ayaw lang namin na mapahamak ka at madamay sa gulong ito."

"Naiintindihan ko naman, anak. Pero syempre hindi ko maiiwasang magtampo. Tayo na nga lang dalawa ang natitira sa mundo, paglilihiman mo pa ako," may himig doon ng paghihinampo. "Gusto man kitang pigilan ay alam kong hindi ka magpapapigil. Pero sana naman anak, kung hindi kinakailangan ay wag ka ng sumuong sa gulo."

"Ma-"

"Ikaw nalang ang meron ako, anak, kaya sana ay pakaingatan mo ang sarili mo," mangiyak-ngiyak na saad ni mama. Hindi ko na rin tuloy maiwasang hindi maluha. 

"Sorry, Ma. Kailangan ko na rin kasing tapusin ang kung ano mang kaugnayan natin sa mga Cayman. At mas lalo na sa mga bampira."

Nakakaintindi naman siyang tumango. "Mangako ka sa akin, Yueno," puno ng pag-aalalang sabi niya habang hinahaplos ang mukha ko. "Uuwi ka sa akin ng buhay, ha. Ayokong iuuwi ka nila dito na bangkay nalang katulad ng kapatid mo."

Mas lalo ay parang gusto ko ng maiyak pero pinipigilan ko ang sarili ko. Hindi. Hindi ako pwedeng makita ni mama na mahina. Gusto kong ipakita sa kanya na malakas ako para na rin makampante siya.

"Uuwi po ako ng buhay at buong buo, Ma. Hindi po kita iiwan. Pagkatapos ng lahat ng ito, magiging masaya na tayo. Wala na tayong iintindihin pa," pangako ko saka napayakap sa kanya. Duon na tumulo ang hindi ko mapigilang pag-agos ng mga luha. 

Gumanti agad siya ng yakap sa akin. Ilang sandali pa ay naramdaman ko ang marahang pagyugyog ng mga balikat niya. Ayokong umiiyak ang mama ko pero kailangan kong gawin iyon. 

Iniwan ko si mama na natutulog sa kwarto ko. Marahil ay napagod kakaiyak. Siguro ay nuon nalang din niya naibuhos ang kinikimkim niyang sakit. Hindi ko na rin tuloy napigilan ang sariling mapaiyak na rin. 

Kaya heto at pakiramdam ko ay namumugto ang mga mata ko. Dumiretcho ako sa likod bahay. Gusto ko munang pagmunihan ang mga planong gagawin ko bago bumalik sa manyon. 

Naupo ako sa duyan kung saan ako dinukop noon ni Kieran. Bigla ko tuloy siyang naalala. Nami-miss ko na naman siya. Ilang araw at ilang linggo ko na ring pilit na nililibang ang sarili ko huwag ko lamang siyang isipin. Pero pilit pa rin siyang nagsusumiksik sa utak ko. 

"Flowers for your thoughts."

Muntik na akong mapatalon sa duyan ng marinig ko ang boses ni Oswald. Heto na naman siya at bigla-biglang lumilitaw sa kung saan. May lahi na rin yata siyang bampira. 

Naroon sa mukha niya ang matamis na ngiti at sa kamay ay hawak ang isang tangkay ng pulang rosas. Nag-alangan pa akong tanggapin iyon noong una, nahiya lamang ako kay Oswald kaya tinanggap ko na rin.

"Mukhang malalim na naman ang iniisip mo binibini?" anito saka naupo sa tabi ko. 

"Wala naman. Iniisip ko lang ang pagbabalik ko bukas," pagdadahilan ko. Hindi ko na kailangang sabihin sa kaniya ang tungkol sa gagawin ko. Sigurado akong isa rin siya sa pipigil sa akin kung sakali. At isa pa ay baka kung hindi man siya tumutol ay baka magpumilit pa siyang makisali sa gulo. Hanggat maaari pa naman ay ayoko ng may madamay pa kahit na sino sa kanila.

"Hindi ka na ba mapipigilan?" anito na nasa malayo ang tingin. 

Ramdam kong ayaw din niya akong paalisin. Pero kung sitwasyon namin ang pagbabasehan ay mas mainam na ngang bumalik ako. Ayoko ng sabihin sa kanya pero para sa kanya rin ito. Para mas madali siyang makalimot sa nararamdaman niya. 

"Isa akong Dovana, Os, kaya gustuhin ko mang manatili ay hindi maaari."

Bagsak ang balikat na inilibot niya ang tingin sa kung saan. Hindi na rin siya kumibo. Ramdam ko rin na nalulungkot siya kahit hindi ko na tignan ang mukha niya o tanungin pa siya. Sino ba naman ang gugustuhing iwanan ng taong mahal nya. 

Tumayo ako at sinilip ang mukha niya. Wala ang natural na kislap doon. Mabilis naman niyang iniiwas sa akin ang tingin na siyang hinahabol-habol ko naman.

"Bakit ba nakasambakol ang mukha mo?" tudyo ko sa kaniya. Gusto kong makita ang masayahin niyang mukha bago ako umalis ng Magji pati na ang ngiti niyang nakakahawa.

"Sino ang nakasambakol ang mukha?" tanong niya na kung saan-saan pa rin tumitingin. 

Hindi naman ako tumitigil sa kakahabol. Sa tuwing lilingon siya sa kaliwa ay doon ako pupunta at kapag sa kanan naman ay ganoon din ang gagawin ko. Mami-miss ko ang kakulitan ni Oswald. 

"Ossie, wala namang dahilan para malungkot," pagpapalubag ko sa loob niya. "Hindi naman ako mamamatay."

Mabilis siyang lumingon sa akin at tumingin ng masama. "Hindi maganda ang biro mo, Yueno," naiinis na saad niya. Mukha yatang nainis ko siya sa sinabi ko. Napasimangot na rin ako.

"Totoo naman ang sinabi ko. Babalik lang ako sa bahay ng mga Cayman, hindi naman ako mamamatay."

"May ideya ka ba, Yue, kung ano ang naghihintay sa iyo pagbalik mo mansyon ng mga Cayman?" nanunubok na tanong niya.

Pakiramdam ko ay may alam din si Oswald tungkol sa mga Cayman. Pero hindi dapat ako magpakita ng interes. "Wala. Mayroon ba akong dapat ikabahala sa pagbabalik ko sa mga Cayman?" maang na sagot ko. Pakiwari ay wala akong nalalaman.

"Delikado ang mga Cayman, Yue. Dapat na mag-ingat ka. Kung proteksyon lamang para sa Dovana ang kailangan ay maaari ka namang manalagi dito. Maaaring kausapin ng mga elder mage o ni guro ang mga Älteste na ang mga mage na mangangalaga sa iyo. Para hindi ka na bumalik sa bahay ng mga demonyong nilalang na iyon na walang ibang alam kundi ang pumatay," dire-diretchong turan ni Oswald.

Sandali ko pa siyang tinitigan bago ako nagsalita. Hindi nga ako nagkamali, may alam nga siya. Pero hindi ko na hahayaan na madamay pa siya. Malakas ang kutob kong magiging madugo ang labang ito. Isa pa ay ayokong masaktan si Oswald o kahit si Ada, si tiya, si mama. Hindi ko na naprotektahan si Kirius, hindi na ako makakapayag na pati sila ay masasaktan. 

Ngumiti pa ako ng matamis. Nagbabaka sakaling mapawi ko ang pag-aalalang nakatabing sa natural na kislap ng mga mata niya. "Hindi naman siguro nila ako sasaktan. Isa pa ay pinangangalagaan din ako ni Kieran."

Natigilan si Oswald. Kinagat ko naman ang dila ko. Bakit ba bigla ko nalang nabanggit si Kieran?

"Sorry."

Ngumiti si Oswald. Pero sa kabila noon ay alam kong nasaktan siya sa sinabi ko. Ginulo niya ang buhok ko. "Bakit ka nagso-sorry?"

Nagulat ako ng bigla hulihin ang magkabila kong pisngi at ipinaharap sa kanya. Nakatayo na siya at nakayuko sa akin dahilan para magpantay ang mukha namin. Kumabog bigla ang puso ko sa kaba. Nakatitig lamang ako sa kaniya habang tinatantya kung ano ang balak niyang gawin.

Nahigit ko ang hininga ng idikit niya ang noo niya sa akin saka pumikit. "Gusto kong mag-ingat ka doon, Yueno. Ayokong mababalitaang sinaktan ka nila doon, lalo na ng Kieran na iyon dahil hindi ko alam ang maaari kong gawin sa kanila pag may nangyari sayo," madamdaming turan ni Oswald.

Bigla akong nakaramdam ng kung anong mainit sa puso ko nang marinig ko ang sinabi niya. Napangiti ako saka tumango. Hindi ko man masuklian ang nararamdaman niya ay nagpapasalamat pa rin ako at nakilala ko siya. Kung sana lang ay makahanap siya ng babaeng tunay na pag-iingatan siya dahil kung hindi ay ako mismo ang mang-aaway sa babaeng manloloko sa kaniya. 

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status