Share

SZEIAH

Agad na gumapang ang kaba sa kaibuturan ko pagkarinig sa boses na iyon. Kung hindi ako nagkakamali ay tinig iyon ng babae. Mabilis akong napalingon sa pinanggalingan noon at natagpuan ang mga ilaw sa dingding na isa-isang nagliliwanag at dahan-dahang kumakalat iyon sa bawat sulok ng silid. 

Hindi ko mapigilang ilibot ang tingin sa paligid ng tuluyan na iyong maliwanagan. Kung titignan mula sa labas ay hindi ko sukat akalaing napakalawak pala sa loob nito. Mula sa napakataas nitong kisame na nasasabitan ng isang napakalaking chandelier hanggang sa naglalakihang mga bintana na natatabingan ng makakapal na kulay maroon na kurtina na siyang nagiging dahilan kung kaya’t hindi makapasok ang sinag ng araw. Sa bandang dulo ng silid ay mayroong hagdan sa magkabilang gilid patungo sa hindi kalakihang aklatan sa taas. 

Hindi ko mapigilang ikumpara ito sa palasyo ng mga Ȁlteste. Simple lamang iyon at maaliwalas na hindi mo aakalaing mga bampira ang naninirahan duon, hindi tulad sa silid na ito, madilim at mabigat ang aura sa paligid. Na para bang napakahirap gumalaw at huminga. Hindi ko tuloy mawari kung naninikip ba ang dibdib ko o sadyang sa ambience lamang ng lugar kaya ganito ang pakiramdam ko.

Nababalutan naman ng maroon na carpet ang sahig. Ngunit kung titignan ay tila ba hindi lamang iyon basta carpet. Mayroon kasing nakasulat doon na hindi ko masabi kung letra ba iyon o mga latin na salita at mga drawing na parang bituin. Kung hindi ako nagkakamali ay parang ganito iyong nakikita ko sa mga movies na ginagamit ng mga witches para makapag-magic ngunit hindi ako nakakasiguro kung gumagana nga sa ganoon ito o sadyang display lamang.

Sa ibaba naman ng aklatan doon ay may isang mahabang lamesa. Humagod ang kilabot sa buong katawan ko nang makita kong nakaupo sa likod noon ang dalawang taong parehas na mataman ang pagkakatingin sa akin. Ang isa ay nakaharap sa gawi ko at ang isa naman ay nakaupo sa gawing dulo na lamesa. Nakasuot din ang mga ito ng hooded cloak katulad ng mga sumundo sa akin ngunit  ang kaibahan lamang ay kulay dugo ang mga iyon. Napakatingkad ng kulay noon na halos mangibabaw na sa buong paligid. 

Napalunok ako. Hindi nakasuot ang hood ng mga ito kung kaya’t kitang-kita ko ang itsura ng mga ito. Ang nakaupo sa dulo ng lamesa ay isang lalaki. Puti ang buhok nito ngunit kung titignan ay hindi naman matanda ang itsura. Kung tutuusin ay napakagwapo nito na binagayan pa lalo ng buhok. Mamula-mula ang balat, matangos ang ilong at mapupula ang mga labi. Mataman lamang itong nakatingin sa akin ngunit blangko ang ekspresyon nito. Hindi ko tuloy masabi kung ano ang tumatakbo sa isip nito. 

Di tulad ng babaeng nakaupo paharap sa gawi ko. Katulad din sa lalaki ang buhok nito at kutis na lalong nagpaangat sa kagandahan ng babae. Pakiramdam ko ay tila ako natulos sa kinatatayuan sa gawi ng tingin nito sa akin. Mataman din itong nakatingin ngunit naroon ang talim noon na animo ay hihiwa sa akin oras na gumalaw ako. 

Hindi ko tuloy mapigilan ang sariling kabahan sa mga ito. Kung ganoon ay ito ang mga Szeiah ng Magji. Dalawa lamang sila? Pasimple kong inilibot ang tingin sa paligid para hanapin kung mayroon pa itong mga kasamahan na maaaring bigla nalamang sumulpot kung saan pero wala akong nakita.

“May hinahanap ka ba, Dovana?”

Nanigas ako sa kinatatayuan ng bigla akong makaramdam ng presensya sa likuran ko. Nanlaki ang mga mata ko at napasinghap nang marinig ko ang boses ng lalaking bumulong sa tainga ko. Kaagad akong napahawak doon at awtomatikong napalayo dito. Umalingawngaw naman ang malutong na tawa nito sa buong lugar. 

Paano ito nakarating sa likod ko ng hindi ko man lang nakikita? Hindi ko naman narinig na bumukas ang pinto. Marahil ay magic iyon o di kaya ay nag-teleport ito papunta dito. Kung hindi ako nagkakamali ay well-known ang teleportation sa mga mages. Hindi na dapat nagtataka.

Kasabay ng paghalakhak nito ay ang hindi ko mapigilang paghagod ng paningin sa kabuuan ng lalaking bumulong sa tainga ko. Nakalilis din ang hood ng suot nitong cloak kung kaya’t nakalabas din ang buhok nitong hindi naiba sa dalawang nakaupo. Gwapo rin ito ngunit kung ikukumpara sa nauna ay mas lamang ito. Mamula-mula rin ang kutis nito na lalong tumingkad marahil na rin sa pagtawa. Masasabi ko rin na matangkad ang lalaki dahil umabot lamang ako sa balikat nito. 

Ramdam ko ang magaang aurang nakapalibot dito ngunit hindi ko maiwasang maging maingat. May nakikita kasi akong talas sa mga mata nito tulad ng sa babae ngunit naroon din ang angas at kislap ng kapilyuhan doon. Marahil ito ang dahilan kung bakit tila mas magaan ang aura nito kumpara sa dalawang nakaupo roon.

“Huwag mong takutin ang Dovana, Krey,” malumanay na sabi ng lalaking nakaupo. Kung ganoon ay Krey pala ang pangalan ng lalaking ito.

Ilang sandali pa ay huminto rin ito kakatawa. “Patawad sa naging approach ko, binibini. Hindi ko lang napigilang biruin ka. Ang cute mo kasi,” biro pa nito bago lumakad palapit sa dalawang nakaupo. Nakataas pa ang kamay nitong nakasapo sa ulo na tila ba walang pakialam sa paligid nito. “Pero wala naman akong balak na takutin ka.”

Nakasunod lang naman ang tingin ko dito. Nabaling din ang atensyon ng isang lalaki sa tinawag nitong Krey. Mukhang sa tatlong ito ay ang lalaking nakaupo ang siyang pinakastrikto. Kung ganoon ay ang mga ito ay tinatawag na Szeiah, ang ikalawang batas ng Magji. 

Habang pinagmamasdan ko silang tatlo ay hindi ko sukat akalaing mga makakapangyarihan silang nilalang. Sa unang tingin kasi ay tila mga ordinaryo lamang silang mga mages pero kung pagtutuunan talaga ng pansin ay malalaman mong may kakaiba sa kanila lalo na kapag nagkasama-sama silang tatlo. 

“Kung ganon, ikaw pala ang Dovana,” tila may pang-uuyam sa tinig ng nag-iisang babae sa grupo. Muli ay nasa akin na ang atensyon nilang tatlo. Kumabog na naman ang dibdib ko. Mas malakas kaysa kanina.

Hinamig ko ang sarili bago sumagot sa kanila. “Ako nga,” matapang kong sagot. Pakiramdam ko ay mas bumigat ang kakaibang aurang nakabalot sa paligid. 

Parang gusto kong kilabutan sa gawi ng pagngisi nang tinawag na Krey at ng isa pang lalaki samantalang halata naman sa mukha ng babae ang inis sa naging pagsagot ko sa kanya. 

“Masyado ka yatang matapang, baka nakakalimutan mo kung nasaan ka, Dovana,” anas ulit nito na sinadyang bigyan ng diin ang huling salita.

Masyadong mainit ang babaeng ito. Kitang-kita ko ang pagguhit ng pagkadisgusto sa mga mata niya. Hindi lang pala mata nito ang matalas, maging ang dila rin nito. Mukhang kailangan ko na agad makaalis dito. Parang hindi ako sasantuhin ng isang ito. Humugot ako ng malalim na hininga bago muling magsalita. “Huwag na tayong magpapatumpik-tumpik pa. Ano ang kailangan nyo sa akin?”

Naalerto ako ng makita kong kumuyom ang kamay niya at manlisik ang mga mata ng babae. Nagsipag-galawan din ang mga bagay na nakapaligid sa kanila. Napaatras ako bigla at mabilis na iniligid ang mga mata para maghanap ng maipangtatanggol sa sarili. Mukhang masyadong naging pangahas ang dating sa kanya ng pagtatanong ko kung ano ang pakay nila. Pangahas nga ba o sadyang mainit lang ang dugo niya sa akin?

“Ino, kumalma ka,” utos ng lalaking siya ring sumita sa nagngangalang Krey.

“Bakit pa, Dario?” singhal nito sa lalaki saka nakangising ibinalik sa akin ang tingin. “Papatayin din naman natin siya, bakit kailangan pang patagalin?” 

Nabuhay ang takot sa loob ko. Kung ganoon ay totoo nga ang sinabi ni tiya, binabalak nga nila akong patayin. Napakuyom na rin ako ng kamao kasabay ng pagpupuyos ng dibdib ko. Anong karapatan nilang patayin ako? Hindi ko sinikap na mabuhay hanggang ngayon para lang mamatay sa mga kamay nila.

“Hindi pa ito ang tamang panahon, Ino,” kalmadong turan ng tinawag na Dario.

“Masyado kang mainit, Ino, baka mamaya ay ikapahamak mo iyan,” sabad noong Krey. Umingos naman iyong babae. 

Kailangan kong kalmahin ang sarili ko dahil baka kung ano ang masabi ko. Kailangan kong mag-focus sa dapat kong gawin at alamin ang motibo nila. Kailangang maunahan ko silang matapos ang sumpa ng Dovana bago pa man nila ako mapatay. 

Humugot akong muli ng malalim na hininga bago sila tignan. “Anong kailangan nyo sakin?”

“Wala naman,” sagot ng tinawag na Dario. Tumayo ito mula sa pagkakaupo saka lumakad pa punta sa akin. Napaatras naman ako habang hindi inaalis dito ang tingin. “Gusto lang naming magpakilala at kamustahin ka.”

Napakunot ang noo ko. Balak nila akong patayin pero pinapunta lang nila ako dito para makipagkilala? Niloloko yata nila ako. “Kakamustahin?” ulit ko.

Hindi ako agad nakagalaw ng abutin nito ang kanang kamay ko nang tululyang makalapit ito sa akin. Sa panggigilalas ko ay dahan-dahan nitong inilapit sa bibig ang kamay ko saka marahan nito iyong hinalikan. Wala akong nagawa kundi ang higitin ang hininga sa inakto nito. Kanina lamang ay balak akong patayin ng babae tapos ngayon naman ay aakto ang isang ito na animo ay napaka-gentleman. Kung hindi ko pa alam ang tunay nilang motibo.

“Dario,” sigaw noong tinawag na Ino na tila ba gustong-gustong suwayin ang lalaki ngunit parang wala naman itong narinig.

“Dario nga pala,” anito matapos halikan ang kamay ko. Mabilis ko naman iyong binawi mula dito. Mukhang hindi naman iyon ikinainis ng lalaki sa halip ay ngumisi pa ito pabalik sa akin. “Hindi ko akalaing napakaganda pala ng Dovana.”

Lalong nalukot ang noo ko sa narinig. Ano bang pinagsasabi ng lalaking ito? 

Hindi pa man din ako nakakahuma sa ikinilos ng lalaking nasa harapan ko nang bigla namang sumulpot sa likuran ko ang tinawag na Krey. Nagdulot iyon ng panibagong hagod ng kaba na dumaloy sa buong katawan ko. Walang ano-ano’y hinawakan nito ang kaliwang kamay ko saka dinala malapit sa bibig nito. 

“Sa kabila ng ginawa ko kanina, hayaan mong pormal kong ipakilala ang sarili ko. Ako nga pala si Krey, Miss Dovana,” anito saka hinalikan ang kamay ko.

Tulad ng ginawa ko kanina kay Dario ay mabilis ko ring binawi ang kamay ko dito saka agad na lumayo sa dalawa. Bigla sumagi sa isip ko si Kieran. May pagkaganito rin ang inakto niya noon. Maiintindihan ko iyon dahil alam kong matagal ng nabubuhay si Kieran pero itong mga Szeiah na ito-- Ibig sabihin ba nito ay matatanda na rin ang mga Szeiah. Napailing ako sa isip. Hindi dapat ako mawala sa huwisyo sa harap ng mga ito hanggat hindi ako nakakasiguro sa pakay nila sa akin.

“Bakit gusto nyong patayin ang Dovana,” ulit ko sa tanong ko kanina.

Ngumiti muna si Dario bago sumagot sa akin. “Dahil masyado ng mahaba ang panahon na inaalipin ng mga bampira ang mga mages ng Magji. Napapanahon na para kami naman ang mang-alipin sa kanila.”

Paghihiganti? “Nalalaman niyo ba na kapag pinatay niyo ang Dovana ay magkakaroon ng walang katapusang gulo sa mundo?”

“Matagal na naming pinagplanuhan ang bagay na iyan. Isa pa ay ayaw na naming dumipende sa isang normal na tao lamang. Hindi naman siguro masama kung magbubuwis ng ilang buhay para lang sa ikatatagumpay ng mga mages.”

Halos literal akong napanganga sa naging sagot ni Dario. Umalsa ang galit sa dibdib ko at parang bigla ay gusto ko siyang sapakin sa mukha. “Naririnig mo ba ang sarili mo? Kung ganoon ay wala lang sa inyo kung marami ang mamatay, makapaghiganti lang kayo?”

Kaswal na naglakad ito pabalik sa upuan. Pinagsalikop pa nito ang kamay sa likod at para bang walang pakialam sa sinabi ko. Abot-abot ang pagpipigil ko sa sarili huwag lamang itong sugurin.

“Minsan kailangan din nating magsakripisyo para matupad ang hangarin natin,” anito saka naupo sa dating upuan. Dumikwatro pa ito at mataman akong pinagmasdan. Buong tapang ko naman siyang tinitigan sa mata. 

Tila buo na ang loob nila sa pagpatay sa Dovana at pakikidigma. Hindi pwedeng hanggang dito nalang ako. Kung sabihin ko kaya ang plano ko? Baka sakaling mabago ko ang isip nila. Tutal ang dahilan din naman nila ay kalayaan mula sa mga bampira, siguro naman ay makokonsidera nila ang plano ko.

Matiim kong tinitigan si Dario. Mukha siya ang tumatayong leader sa tatlong ito. Mas mainam kung sa kanya ko ikokonsulta ang plano. Kung sana lamang ay mabago kahit kaunti nito ang isip nila.

“Bakit hindi niyo nalamang ako tulungang putulin ang Dovana na hindi kinakailangang magbuwis ng buhay?”

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status