Share

THROUGH HIS BLOODY RED EYES

*Kieran*

Sapo ang sugatang tagiliran at habol ang hiningang napasandal ako sa pader malapit sa pintuan ng malaking mansyon. Ramdam ko ang pagtagas ng pulang likodo mula roon. Napalunok ako. Kailangan ko ng dugo. Nanghihina ako, marahil ay dahil sa ilang linggo ko ng hindi pag-inom ng dugo. 

Biglang sumagi sa isip ko ang pag-agos ng dugo mula sa makinis na leeg ni Yueno. Agad akong nakaramdam ng uhaw. Mabilis na umahon ang pagkasabik ko sa dugo ng makita at maamoy ko ang mabangong dugo niya kanina. Napakabango noon at hanggang ngayon ay nasasamyo pa rin ng ilong ko na tila ba nakadikit na rito ang amoy noon. Lalo yata akong nauhaw. Na para bang gusto ko siyang balikan muli at tikman kung tunay ngang masarap ang dugo ng Dovana. 

Ipinikit ko ng mariin ang mga mata. Hindi ko akalaing magagawa akong masaling ng mga mages na iyon. Napangisi ako ngunit hindi ko mapigilan ang pagkuyom ng kamao ko habang inaalala ang nangyaring labanan kanina. Hindi. Hinayaan kong masaling ako ng mga mages na iyon dahil sa isang babae. 

Napadiin ang pagkakakuyom ko ng kamao. Ngayon ko nararamdaman ang pagkauhaw sa dugo ni Yue pero nang nandoon ako kanina ay hindi uhaw kundi galit ang mas nangibabaw sa akin lalo na ng makita ko kung paano niya inumang ang kutsilyo sa leeg niya, mailigtas lamang ako. 

Pakiramdam ko ay napakahina ko. Hindi ko man lang siya nabawi sa mga mages na iyon. Kung naging maingat lang sana ako ay hindi aabot sa ganito ang sitwasyon. Masyado akong nagpakakampante at nagpadala sa nararamdaman ko kaya't hindi ko na namalayang may paparating na kalaban. 

Kusang naglakbay ang isip ko sa mga oras na nasa mga bisig ko si Yueno. Nabaling ang tingin ko sa kamay ko. Ramdam ko pa rin ang init ng katawan niya na tila ba nakapagkit na iyon doon. 

Lumangitngit ang pinto sa gilid ko at iniluwa noon ang matandang lalaki na siyang mayordomo sa mansyon. Agad na rumehistro ang gulat at pag-aalala sa mukha nito ng makita ang estado ko. 

Hindi siya bampira. Isa siyang mortal na naninilbihan sa mansyon na palihim na ipinundar ni Elyxald Von para sa mga tauhan niya. Mula ng dahil ako rito ni Elyxald ay siya na ang tanging nagkalinga sa amin ni Ada. 

Naalala ko noong una kong nakilala si Elyxald. Akala ko ay mamamatay na ako ng mga panahong iyon. Palaboy-laboy lamang ako noon sa kalsada at magulo ang utak. Para akong nagkaamnesya ng mga panahong iyon. Hindi ko alam noon kung sino ako, saan ako nanggaling, kung saan ako nakatira, o kung may mga kamag-anak pa ako. 

Malakas ang ulan nang gabing iyon ng may nakita akong isang pulutong ng mga rogue. Sa pag-aakalang matutulungan nila ako ay sinundan ko ang mga iyon at nakita kong may pinagpipiyestahan sila na isang dalaga sa kakahuyan. Sugatan siya at nagmamakaawa para sa buhay nya. Nang maamoy ko ang dugo noon ay nakaramdam ako ng kakaibang kasabikang hindi ko maipaliwanag. 

Iyon ang unang pagkakataon na natakam ako sa dugo. Kaya't bago pa man sunggaban iyon ng mga rogue ay hindi ko na napigilan ang sarili ko at inunahan ko na ang mga ito. Kahit na walang patid sa pagmamakaawa ang babaeng iyon ay nagbingi-bingihan ako at sinimot ang dugo niya.

Nang sa tingin ko ay napawi na ang uhaw ko ay saka ko binitawan ang babae. Nakaramdam ng kakaibang lakas pagkatapos noon. Nanggilalas pa ako at halos manginig ang buong katawan ng makita kong wala ng buhay ang babae. Namatay siya sa mga kamay ko. Ikinagalit iyon ng mga rogue at sinugod ako. At dahil sa panibagong lakas ay nagawa ko pang manlaban sa kanila. Ngunit parang hindi sila nauubos nang mga panahong iyon at kabaliktaran noon ang nakuha kong lakas. 

Nang bumagsak ako sa sobrang panghihina ay inakala kong mamamatay na ako nang pagtulungan ako ng mga rogue. Pero bago pa man ako mapatay ng mga iyon ay dumating si Elyxald. Sa isang kampay lamang ng kamay nya ay nagawa niyang patigilin ang mga rogue. 

Noon niya ako inalok na sumama sa kanya at ipinangakong bibigyan ng tirahan, pagkain at higit sa lahat ay tutulungan akong lumakas. Walang pag-aalinlangan akong pumayag. At matapos noon ay dinala na niya ako dito. 

"Master Kieran." Tawag pansin nito sa akin. Atubili niya akong dinaluhan at ikinawit ang isang kamay ko sa leeg nito. Hindi nito alintana ang pagkauhaw ko sa dugo at walang pakundangang inalalayan ako papasok sa mansyon.

"Gusto mo bang magpatawag ako ng blood servant?" Alok nito. Iyon ang dahilan kung bakit kumuha ng mga mortal na katulong si Elyxald. Para gawing blood servant.

Kahit ipinagbabawal ng Älteste ang pag-inom ng dugo ng tao ay palihim pa rin iyong ginagawa ni Elyxald. Kumuha siya ng mga mortal. Mga ulilang mortal na kung sakaling mamatay man ay walang pamilyang maghahanap. Nagmistulang mga buhay na imbakan ng pagkain ang mga ito. Matalinong masyado si Elyxald. Bakit nga ba palihim pang mag-iimbak ng mga nakaplastik na dugo kung maaari naman siyang kumuha direkta sa mga tao. 

"H-hindi," garalgal ang boses na anas ko. "P-padalhan mo na lamang ako ng mga p-plastik sa kwarto ko." 

"Hanggang ngayon ba ay hindi mo pa rin magawa? Masyado ng mahaba ang panahong lumipas," saad pa nito. 

Tahimik lamang ako at hindi na sya sinagot. Mga plastik ng dugo ang ibig kong sabihin kay Henry. Matapos kasi ang pangyayaring iyon sa kakahuyan ay hindi na ako muling sumipsip ng dugo na direkta sa tao. Hanggang ngayon kasi ay hindi ko pa rin nakakalimutan ang itsura ng babaeng iyon ng namatay siya. Pumanaw ito na dilat na dilat ang mata at nakabuka ang bibig na animo ay namatay na humihingi ng tulong. Na kung tutuusin ay namatay nga iyon na ganuon. 

Napabuga nalamang ito ng hangin tanda ng pagsuko. "Masusunod," anito saka kami nagdiretcho sa silid ko. 

Agad nitong binuksan ang ilaw ng makapasok na kami sa silid saka ako itinuloy sa kamang nagagamit lamang tuwing uuwi akong sugatan galing sa mga labanan. 

Dahan-dahan akong inihiga ni Henry. "May kailangan ka pa po ba bukod sa mga plastik, Master Kieran?"

"Wala na," pakli ko. " Maaari mo na akong iwan. Patayin mo na rin ang ilaw bago ka lumanas. Nakakasilaw. Masyadong maliwanag."

Mabilis naman itong sumunod. Naiwan naman akong mag-isa sa ngayon ay may kadiliman ng silid at nakatitig lamang sa abuhing kisame. Hindi ganoong kadilim sa silid dahil sa liwanag ng buwang sumisilip sa mga bintana. Hindi ko mapigilang hindi alalahanin si Yueno sa mga pagkakataong ganito. 

Sa kabila ng natamo kong sugat ay hindi ko mapigilang mapangiti lalo na ng magbalik sa isipan ko nang una kong halikan si Yueno. Wala sa intensyon ko ang gawin iyon nang mga oras na iyon. Noong una ay gusto ko lamang siyang bigyan ng hangin ngunit nang magtagal ay hindi ko na napigilan ang sarili ko. Kung tutuusin ay matagal ko ng gustong malasap ang tamis ng halik niya. 

Naputol ang pangangarap ko ng marinig ko ang boses ni Ada. "Mukhang katawan mo lamang ang nandito ngunit ang kaluluwa mo ay nasa kung saang lupalop."

Hayun ang masungit na babae at nakasandal sa hamba ng pinto habang nakahalukipkip. Napasimangot naman ako. "N-napakaganda talaga ng t-timing mo kahit k-kailan," angil ko dito kahit nahihirapan pa rin. "I-isa pa ay wala akong kaluluwa. B-bampira ako hindi ba?"

Tila hindi naman ako inintindi nito at tuluyan nang pumasok sa silid. Humila siya ng upuan at naupo sa gilid ko saka pinagmasdan ang mga sugat na natamo ko.

"Hubarin mo ang pang-itaas mo ng magamot ko ang tagiliran mo," utos niya. 

Kung tutuusin ay hindi na rin naman iyon kinakailangan dahil kusa na rin iyong gagaling oras na makainom ako ng dugo ngunit hinayaan ko nalamang siya. Walang imik naman akong sumunod sa kaniya.

Sa mahabang panahon naming magkasama ni Ada ay palaging siya ang gumagamot sa akin sa tuwing napapasabak ako sa madudugong labanan. Hindi ko naman din masabing sabay kaming lumaki dahil hindi na ako bata ng magkakilala kami sa mansyon na ito pero siya ay nasa edad dose pa lamang noon.  At ako naman ay nanatili nalamang sa kung ano ang edad ko ngayon dahil nga sa pagiging bampira ko. 

Para kaming aso't pusa noong una hanggang sa unti-unti na rin kaming magkasundo habang lumalaki siya. Naaalala ko pa noon kung paano ko siya asarin dahil sa blangko niyang ekspresyon na siyang nadala niya hanggang sa pagtanda. Buong akala ko pa noon ay may espesyal na akong nararamdaman para kay Ada, pero nang magtagal ay napagtanto ko rin na bilang nakababatang kapatid lamang pala iyon. Marahil ay nakahanap ako ng pamilya sa katauhan ni Ada. 

"Anong nginingisi-ngisi mo riyan?" Sita nya ng marahil ay maramdaman iyon. 

"Wala naman," pagdadahilan ko. Hindi ko kasi maiwasang hindi matawa kapag naaalala ko iyon. 

Hindi naman na nito pinilit pang alamin ang dahilan noon sa halip ay itinuon nalang ang atensyon sa sugat sa tagiliran ko. Ipinatong niya ang isang kamay doon at ilang sandali pa ay nagliwanag iyon. Mula roon ay nakaramdam ako ng init na gumagapang sa kaloob-looban ng sugat ko. 

Naibaling ko ang tingin kay Ada. Noong una ay hindi ko alam na isa siyang mage hanggang sa dumating ang isang araw at nasukol siya ng mga rogue sa kagubatan malapit sa mansyon. Nasa isang liblib na lugar kasi ang mansyon. Malayo sa mga mapangmasid na mata lalo na sa mga Älteste. 

Ipinahanap siya sa akin ni Elyxald. Natagpuan ko siya malapit sa may bangin kaharap ang isang rogue. Sa paligid naman nito ay mga nakabulagta na ang mahigit sampung rogue na unti-unti ng nagiging abo. Noong una ay nagulat pa ako. Hindi ko akalaing may ganoon siyang kakayahan. Nang sabihin ko iyon kay Elyxald ay matagal na daw niya iyong alam. 

Isang ulila si Ada na katulad ko ay iniligtas din ni Elyxald. Ang kwento pa ni Henry ay maliit pa si Ada ng matagpuan ni Elyxald at iligtas sa kamay ng mga taong-bayan. Naninirahan daw ang pamilya nito sa mundo ng mga tao at nang malaman na mga mages ito ay agad silang sinugod. Sinunog ng mga ito ang bahay nila Ada, at pinatay ang mga magulang niya. Nanlumo ako ng marinig ko iyon kay Henry ngunit hindi ko na iyon ipinahalata pa kay Ada. Mula noon ay hindi na ako nagtaka kung bakit ganoon na lamang ang ekspresyon ng mukha ni Ada. Marahil ay kasabay ng pagkamatay ng mga magulang nya ang pagkawala rin ng pakiramdam niya. Bagay na unti-unting naibalik ng makilala niya si Idris Morelli.

Nabalik ako sa huwisyo ng marinig kong nagsalita si Ada. 

"Mukhang masyado mo nang hinahayaan ang emosyon mo na sakupin ang pagdedesisyon mo."

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status