Share

MIND OVER MATTER

Natigilan ako pagkarinig sa sinabi ni Ada. Hindi agad ako nakaimik. May katotohanan naman kasi ang sinabi niya. Nitong huli ay hindi ko maiwasang hindi isipin si Yueno. Sa mahabang panahon ng pagbabantay ko sa kanya at ngayong nalalapitan ko na sya ay hindi ko hahayaang mawala nalamang siya sa akin ng ganun-ganun nalang. 

Nang makita niya ako sa gubat habang kalong-kalong ko si Kirius ay nasisiguro kong ako ang sinisisi ni Yue sa pagkamatay nito. Naikuyom ko ang kamao. Alam kong si Elyxald ang may kagagawan ng biglaang pag-atake ng mga rogue ng gabing pauwi na sila Yue. At alam ko ring kaya niya ako binigyan ng ibang misyon ay para hindi ako maging sagabal sa binabalak niya. 

Ang tuso na yun.

"Siguro naman ay hindi mo nakakalimutan ang dahilan ng pagkupkop sa iyo," muling turan ni Ada.

Huminga ako ng malalim. Hindi ko na gaanong nararamdaman ang sugat kaya't nasisiguro kong magaling na iyon. Itinigil na rin ni Ada ang ginagawa saka umayos ng upo at tinitigan ako ng matiim. Ako naman ay nagbangon at akmang tatayo na nang may kumatok sa pinto. Base sa amoy nito ay si Henry iyon na dala ang ilang kopita ng dugo. 

Hindi pa man kami nakakasagot ay binuksan na nito ang pinto at iniluwa noon ang inaasahan ko. Ibinaba nito ang dala sa bedside table na nasa gilid ko saka yumuko. Hindi namna ito umimik.

Nakaramdam akong muli ng pagkauhaw nang mabaling ang tingin ko sa tatlong kopita ng dugo sa tabi ko. Agad ko iyong dinampot at inisang lagok. Ramdam ko naman ang mapanuring mata ni Ada sa akin.

"Walang kailangang ipag-alala, Ada," paniniguro ko sa kanya. "Hindi ko nakakalimutan ang misyon ko."

Hindi naman siya umimik at nanatili lang na nakatitig sa akin. Marahil ay tinatimbang kung nagsasabi nga ako ng totoo. Alam ko namang hindi iyon ipipilit sa akin ni Ada kahit sa tingin niya ay hindi totoo ang sinasabi ko.

Sa mahabang panahon ng pagsisilbi ko kay Elyxald ay natuklasan ko ang mga masasama niyang balakin. Pati na rin ang tunay na motibo niya sa pagkupkop sa akin. Hindi niya ako tinanggap upang maging parte ng pamilya niya kundi, tulad din ng mga blood servant na iyon at ni Ada, para maging kasangkapan niya upang maisakatuparan ang matagal na niyang plano. Ang ubusin ang lahi ng Dovana at sakupin ang Magji at mundo ng mga tao.  Gusto niyang maghari ang mga bampira at gawing mga blood servant ang ibang mga lahi.

Lumaki kaming nasa ilalim ng purong pagsasanay lamang. Ginawa niya kaming mga laruan na pinagsanay ng walang katapusan at pinilit alisan ng pakiramdam. Ngunit sa lahat ng iyon ay ang huli ang hindi niya napagtagumpayan. 

"Mainam naman," ani Ada bago tumayo. "Hindi ko na kailangan pang ipaalala sa iyo."

Walang paalam na dumiretcho na ito sa pinto at umalis. Si Henry naman ay naiwan lang doon na nakatayo at walang imik. Hindi na rin ako nagsalita. 

Tumayo ako at naglakad patungo sa terrace. Gusto kong sumagap ng sariwang hangin, pakiramdam ko ay hindi ako makahinga sa loob. 

Agad na sumalubong sa akin ang malamig na hangin nang mabuksan ko ang pinto. Masyadong payapa ang gabi. Bukod tanging ang pagaspas ng dahon at mga kuliglig lamang ang maririnig. Ang liwanag naman ng buwan ang siyang nagsisilbing tanglaw sa kadiliman ng gabi. Na tila ba tahimik nitong sinasakop ang mundo sa kadiliman. 

"Master?" Untag ni Henry. Mukhang kailangan ko na ngang ayusin ang sarili ko, hindi ko man lang napansing nakalapit na siya sa akin. Siguro nga ay nagiging pabaya na ako.

"Makakaalis ka na, Henry. Magpahinga ka na. Ako na ang bahala kung may kakailanganin pa ako," utos ko dito. 

Mula ng dumating ako dito ay hindi ko nakasanayang pag-uutusan ang mga katulong. Hanggat magagawa ko ay ako ang gumagawa. Sa tuwina naman ay pagagalitan naman ako ni Henry kapag ganoon ang nangyayari na para bang hindi niya alintana na bampira ako at maaari ko siyang paslangin anumang oras na gustuhin ko. 

Marahil ay nasanay na rin siya sa lahi ko. Ang sabi niya ay habang panahon na siyang naninilbihan sa pamilya ni Elyxald. At tulad ng lahat ay kinupkop din siya nito. Ngunit hanggang doon lang ang nalalaman ko kay Henry. Ang ibang detalye ukol sa kanya ay mariin niyang inililihim sa hindi ko malamang kadahilanan. Hinayaan ko nalang naman at hindi ko na rin pinilit alamin. 

"Masusunod po." Iyon lamang at narinig ko na ang mga papaalis niyang yabag. Hindi na ako nag-abala pang lingunin siya maging ng sumara ang pinto ng silid.

Humugot ako ng malalim na hininga at inalala ang sinabi ni Ada. Pakiramdam ko ay nahahati ang kalooban ko. Ang isa ay ang responsibilidad na kaakibat ng misyong ibinigay sa akin ni Elyxald at ang isa ay ang kagustuhang makapiling at protektahan si Yueno. 

Panibagong buntong-hininga ang pinakawalan ko at pilit kinalma ang isip. Pero wala rin iyong nagawa nang kusa na itong maglakbay pabalik sa nakaraan. Sa panahong inihayag ni Elyxald sa akin ang buong plano niya at iniatang sa akin ang pinakaimportanteng parte ng plano niya. Ang patayin ang lahat ng Dovana. 

Dahil sa buong tiwala ni Elyxald sa akin ay ginawa ko ang lahat para maisakatuparan ang misyon. Mariing ibinilin nito na kailangang malinis ang trabaho kung kaya't pinagplanuhan kong mabuti ang lahat at kinalkula ang mga bagay-bagay. At nang maisaayos ko na ang lahat ay kumilos na ako. 

Maliit pa si Yueno noon nang simulan ko siyang matyagan. Para akong anino noon na lihim na nakasunod kahit saan sila magpunta. Nag-aabang ng pagkakataong maisagawa ang planong mabusisi kong binuo. 

Ngunit tila nabago ang takbo niyon nang sinubukan ko sa unang pagkakataon na isakatuparan ang balak. Sanggol pa si Yueno noon at mag-isa lamang sa silid na karugtong ng kwarto ng mga magulang niya. Malalim na ang gabi noon at bukod tanging ang atungal lamang ng pag-iyak ng sanggol ang maririnig. Ilang sandali kong minatyagan ang silid na iyon bago sumilip sa silid ng magulang nito. Tanging ina lamang nito ang naroon at mukhang malalim ang tulog kaya't hindi naririnig ang pag-iyak ng sanggol. Iyon ang panahong nasa pangangalaga na ng mga Cayman ang ama nito. 

Walang kahirap-hirap akong nakapasok sa bintana at maingat na nilapitan ang sanggol sa kuna nito. Maging nang makalapit ako ay wala pa ring tigil ang pag-iyak nito. Nakakairita sa pandinig at tila ba lalo pa nitong nilalakasan upang makatawag ng pansin. Nang marahil ay mapansin ako nito ay bigla itong tumahan at tumingin sa direksyon ko. 

Mula sa malapit ay noon ko lang napagmasdan nang mabuti ang susunod na Dovana. Napakaliit at walang kalaban-laban kung sakali mang maisipan ko nalamang itong sakalin o tabunan man lang ng unan. Tahimik lamang ito habang nakatitig sa akin ang brown nitong mga mata. Maputi ang kutis nito at makapal ang itim na itim na buhok. Bahagya namang namumula ang ilong at pisngi nito na marahil ay dala ng walang humpay na pag-iyak. 

Napakagandang bata. Kung sana nga lang ay hindi siya ipinanganak sa lahi ng Dovana ay nakasisiguro akong mas maganda pa ito paglaki. Marahil ay marami ring lalaki ang magkakandarapa dito. Iyon nga lang ay hindi na rin magtatagal ang buhay niya.

Iniumang ko ang hawak kong patalim ngunit bago ko pa man din iyon maitarak dito ay bigla nitong itinaas ang dalawang kamay na tila ba inaabot ang hawak ko. Natigilan pa ako noong una ngunit nang mahawakan nito iyon ay mabilis ko iyong binawi dahilan para mahiwa ang maliliit na kamay nito. Umagos sa patalim ang dugo ng sanggol at kumalat sa paligid ang mabangong amoy noon. Hindi ko napigilang mapalunok. Nakakatakam ang amoy noon na tila ba inaakit akong tikman. Biglang nabuhay ang isang parte ng katawan kong nasasabik sa dugo. Alam kong hindi ako nauuhaw ngunit nang maamoy ko ang dugo nito ay tila ba muli akong nagutom. 

Noon ko lang napagtantong kakaiba ang dugo ng Dovana kumpara sa ibang tao. Mas nakakaakit ang dugo nito at mas mabango. Kung naiba lamang ang sitwasyon ko ngayon ay hindi ako basta-basta maaakit dahil well fed ako. Sinisiguro kong hindi ako gutom bago sumabak sa kahit anong misyon ngunit para bang nawalan iyon ng saysay ngayon. 

Tila ba may sariling isip ang katawan ko at kusang dinala ng kamay ko ang hawak na patalim sa ilong. Para akong adik na napapapikit pa habang sinisinghot ang bahid ng dugo nitong naiwan doon. Agad akong naglaway at napalunok. Nang hindi na ako nakatiis pa ay dinilaan ko na ang talim noon na siyang lalong nagpasidhi sa kasabikang pilit kong pinipigilan. 

Hindi ko maintindihan kung bakit pinipigilan ko pa ang sarili na sunggaban ito at sipsipin ang dugo gayong papatayin ko rin lang naman ito. Naglalaban ang isip ko sa kung ano ang dapat gawin. Na para bang may munting boses sa loob ko na siyang nagsasabi na huwag itong patayin. 

Sa sobrang gulo ng isip ko ay wala sa loob na nasapo ko nalamang ang mukha habang hindi inaalis ang tingin sa sanggol na walang tigil pa rin ang pag-iyak. Namumula na ang mukha nito at basang-basa na rin ang unan. Umaagos na rin sa braso nito ang dugo galing sa nasugatang kamay. Nakapagtataka man na hindi pa rin nagigising ang ina nito ay hindi ko na inintindi. Wala na akong pakialam. Kayang-kaya ko itong patayin ano mang oras ko gustuhin. 

Hindi ito maaari. Nagugulo ang isip ko ng isang sanggol. Ilang saglit ko pa itong pinagmasdan bago muling gumalaw ang kamay ko at dahan-dahang inabot ang leeg nito. Ngunit bago ko pa man iyon mahawakan ay kumapit sa kamay ko ang maliit nitong kamay. Natigilan akong bigla at nakaramdam ng hindi maipahiwatig na damdaming noon ko lang naramdaman. Babawiin ko na sana ang kamay ko ngunit mahigpit ang kapit ng sanggol dito na animo ay humihingi ng tulong. 

May kung anong mainit na bagay akong naramdaman sa loob ko. Naalarma ako sa pag-aakalang mahika iyon at mayroong mage doon kaya’t nagpalinga-linga pa ako ngunit wala. Bukod tanging ako lamang ang nandoon at ang sangol na Dovana. Nang ibaling kong muli ang tingin sa sanggol ay hindi pa rin ito tumatahan. Para akong natulos sa kinatatayuan at tinitigan ang paslit.

Makalipas ang ilang minuto ng walang humpay na pag-iyak ay lumuhod ako sa harap nito. Hinawakan ko ang sugatan nitong kamay at inilapit sa ilong. Sinamyo ko pa nang ilang sandali ang dugo nitong walang tigil sa pagdanak bago inilapit sa bibig. Naaakit akong sipsipin ito ngunit mas malakas ang kung ano mang pumipigil sa akin para gawin iyon. Humugot pa ako ng malalim na hininga bago dilaan ang sugat nito. Maging ang dugong umagos sa munti nitong palad hanggang sa maliit nitong braso ay dinilaan ko rin. Maya-maya pa ay tumahimik na ang paligid. Unti-unting naghilom ang sugat at tumahan na rin ang sanggol. Nawala na rin ang amoy ng dugo.

Nang balingan ko ito ng tingin ay nasa akin na muli ang atensyon ng musmos. Mahigpit pa rin ang hawak nito sa kamay ko habang gumagawa ng mumunting ingay na tila ba tuwang-tuwa at parang walang nangyari. 

“Anong ginawa mo sakin?” bulong ko. Tila naman naintindihan nito ang sinabi ko at gumawa muli ng munting ingay na animo ay parang sinasagot ako. Dahan-dahan kong binawi ang kamay at inabot ang ulo nito. Magaan kong hinimas ang may kakapalang buhok nito na mas lalong ikinatuwa ng sanggol. 

“Sleep,” bulong ko. Unti-unti naman itong pumikit at naging banayad ang paghinga. 

Ilang sandali pa akong nakatitig sa mukha nito bago makarinig ng alingasngas mula sa kabilang silid. Kasing bilis ng hangin akong lumabas ng kwartong iyon at nagtago sa isang sanga ng puno sa di kalayuan. Mula roon ay tanaw ko pa rin ang silid at ang pagsilip ng ina nito sa sanggol na mahimbing nang natutulog.

“Palalagpasin ko ang pagkakataong ito, munting Dovana, ngunit hindi na sa susunod.”

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status