Share

FOR THE GREATER GOOD

Nakakabingi ang alingawngaw ng pagtawa ng tatlong Szeiah sa buong silid. Napakalakas noon at tila ba may halong pang-uuyam na siyang ikinadiin ng pagkakakuyom ng kamay ko. Nakakasidhi ng galit ang gawi nila ng pagtawa. Pinagtawanan lamang nila ang suhestiyon ko. Para bang gusto nilang iparating na kalokohan lang ang gusto kong mangyari at wala iyong patutunguhan. Mukhang buo na nga ang desisyon nila. 

"Ipagpatawad mo, Dovana Yueno," ani Dario habang nagpupunas pa ng luha sa sobrang pagtawa. "Sadyang hindi ko lamang napigilan ang sarili ko."

"Anong nakakatawa sa sinabi ko?" Usal ko na may bahid ng tinitimping galit.

Tumawang muli si Ino. "Mukhang gustong iligtas ng Dovana ang sarili nya," pang-iinis pa nito na tila sinasadyang gatungan ang pagpupuyos ng kalooban ko. Hindi naman ito nagkamali dahil lalo nga nitong nagatungan ang galit na kanina ko pa pinipigil.

"Ino, huwag mo ng masyadong pagalitin ang Dovana," suway noong Krey.

Habang nagtatagal ang pakikipag-usap ko sa kanila ay mas lalo kong napapatunayang walang namukod tangi sa kanila. Mukhang iisa lamang ang minimithi ng tatlong itom Pare-parehas nilang gusto ng kapangyarihan. Kung ganoon din lamang ang gusto nila ay wala na rin silang pinagkaiba sa blood traitor. Mga walang silang kwentang Szeiah na walang ibang ninais kundi ang kapangyarihan. 

"Anong masama sa kagustuhan kong mabuhay?" Halos pabulong ko ng sabi noong una. "Anong masama sa kagustuhan kong mapanatili ang katahimikan at pagkakasundo ng magkakaibang lahi?" Sa huli ay hindi ko na napigilang isigaw. Mistula iyong bumabanda sa bawat dingding at nanunuot sa tainga.

"Huwag kang hibang," angil ni Krey. "Sa tingin mo ba ay gugustuhin ng mga bampirang iyon na makipagkasundo nalang? Mas gugustuhin pa nilang sumipsip na lang ng dugo kaysa makipagkasundo sa kahit kanino."

"Bakit hindi nyo muna subukan?" 

"Subukan?" Sabad ni Ino. "Wala ka pa ngang alam." Nakangisi pa ito habang matalim ang tingin sa akin. Sinuklian ko rin iyon ng kaparehong talas. “Walang ibang mapapala ang mga mages sa pakikipagkasundo sa mga bampira kundi kamatayan.”

"Ilang beses ng nakikipagkasundo sa kanila ang mga dating elders. Gusto rin nilang magkasundo ang mga nilalang nang hindi namamagitan ang Dovana, ngunit hindi sila nagtagumpay. Sa halip ay naging mitsa pa iyon ng buhay nila," pagkukwento ni Dario. 

"Gumawa ng desisyon ang mga dating pinuno ng Magji ng hindi ikinokonsulta sa amin. Nakipagkita sila sa Älteste sa isang tagong lugar para pagpulungan ang kasunduang iyon. Hindi alam ng mga pinuno na isa lamang pala iyong pain para tambangan sila ng mga rogue. Huli na ng dumating kami sa nasabing lugar. Mga wala na silang buhay at halos said na rin ang dugo nila sa katawan," pagpapatuloy nito matapos ay tumingin ng diretcho sa akin ang mga mata niyang punong-puno ng galit. "Ngayon, sabihin mo sa akin na maaaring makipagkasundo ng walang dumadanak na dugo. Na hindi na kailangang magbuwis ng buhay."

Napailing ako. Oo at hindi ko alam ang nangyaring iyon pero naniniwala akong hindi iyon magagawa ni Idris. Alam ko sa kalooban ko na hindi niya iyon kayang gawin sa mga kauri ni tiya dahil ramdam kong malaki pa rin ang pagpapahalaga niya dito. 

"Hindi ako naniniwalang magagawa iyon ni Idris," pangangatwiran ko. 

"Masyadong mataas ang tingin mo sa mga Älteste, babae," naroon pa rin ang pang-uuyam sa tinig nito. "Pero hindi lahat ng Älteste ay naroon sa lugar na iyon. Bukod tanging si Elyxald Von lamang ang naiwan doon nang dumating kami. Nang subukan naming habulin ito ay agad kaming hinarang ng mga rogue."

Napaisip ako sa tinuran nito. Si Elyxald Von? Noong una ko pa mang kita sa Älteste na iyon ay kinutuban agad ako ng hindi maganda. Hindi kaya si Elyxald Von ang kinikita ni Cassius sa Palazzo noong sinundan siya ni tiya? Pero ano naman ang magiging pakay niya kay Elyxald Von? Nabalik ako sa huwisyo ng marinig ko ang boses ni Ino.

"Idris Morelli." Umingos pa si Ino bago muling nagsalita. "Mukhang malalim ang koneksyon mo sa Älteste na iyon. Hindi kaya tulad ka rin ng tiya mo na napaikot ng bampirang iyon?" Masyadong matalim ang salita niya na animo ay napakaraming nalalaman at sinundan pa nito ng pagtawa. 

Ganoon ba ang tingin nila kay tiya? Na pinaikot at pinaglaruan lamang ng isang bampira? 

Alam ba nila kung gaano kasakit ang pinagdaanan ng tiya ko. At maging ng mama ko noon. Mga wala silang kwentang mages na walang alam kung hindi ang magpalawig ng kapangyarihan nila. 

"Wag kang magsasalita ng bagay na wala kayong alam," anas ko.

"Huh! Ano ba ang hindi namin alam?" Susog pa ni Ino. "Wala namang hindi nakakaalam sa Magji na naging laruan ng Älteste na iyon ang tiyahin mo. Oh! Nakalimutan ko na ang ina mo pala ang pasimuno noon. Sumunod lang ang tiyahin mo."

Nagpanting ang tainga ko sa mga huling sinabi ni Ino. Duon na napigtas ang pisi na kanina ko pa pilit na pinapahaba. Masyado ng sumosobra ang babaeng ito mula pa kanina. Kung ako lamang ang pagsasalitaan niya ng ganoon ay mapapalagpas ko pa, pero ang magsalita siya ng hindi maganda sa ina at tiyahin ko ay iba ng usapan. 

Humulagpos ang galit na kanina ko pa kinikimkim sa loob ko. Pakiramdam ko ay parang gusto kong magwala at parusahan ang bunganga ng babaeng nasa tapat ko. Wala siyang karapatang lapastanganin ang pamilya ko at husgahan ng bagay na wala siyang nalalaman. 

Nakaramdam ako ng init na nanggagaling sa kaibuturan ko na unti-unting kumakalat sa buong katawan at tila ba naghahanap ng malalabasan. Para bang may pwersa roon na gustong-gustong lumabas at hindi ko na kaya pang pigilan. Sa isang iglap ay biglang may pumalibot sa akin na malakas na hangin na siyang ikinaalarma ng mga Szeiah. Sa sobrang lakas noon ay humagis sa kung saan ang lahat ng gamit na nasa ibabaw ng lamesa nila. Maging ang mga kurtina ay halos liparin na rin ngunit wala akong pakialam. Nagpupuyos ang kalooban ko sa matinding galit na dulot ng napakaraming bagay na hindi ko magawang pigilan.

"Wala kang karapatang pagsalitaan ng hindi maganda ang pamilya ko," sigaw ko kasabay ng pagbugso ng hanging halos tumangay na sa mga Szeiah.

"Lapastangan," galit na galit na sigaw ni Ino. "Anong karapatan mong magpakita ng kapangyarihan sa harap ng mga Szeiah!?"

Kasabay ng pagsigaw nito ang pagtaas ng kamay senyales na gagawa ito ng mahika. Hindi ko na nagawa pang sundan ng tingin ang mga pangyayari dahil sa sobrang bilis. Naramdaman ko nalang ang matinding sakit na dulot ng malakas na pagbalibag sa akin sa mataas na dingding. Nanunuot sa bawat himaymay ko ang sakit na dala noon na para bang may mabigat na bagay na humampas sa katawan ko. Napabuga ako ng dugo. Naubos bigla ang lakas ko at hindi na ako makagalaw. 

Pabulusok akong bumagsak pababa ngunit wala akong magawa kundi ang hintaying lumapat ang katawan ko sa semento. Oras din na mangyari iyon ay nakakasiguro akong katapusan ko na. Gusto ko nang panawan nalang ulirat dahil sa sakit na dama ko sa buong katawan na para bang sumisigid na sa buto. Nahihirapan na rin akong huminga sa hindi ko malamang dahilan. 

Ang malakas na pwersang naramdaman ko kanina at ang malakas na hanging biglang pumalibot sa akin. Ako ba ang may kagagawan noon? 

Ilang dipa nalamang ako mula sa sementadong sahig nang may bumalot sa akin na kung ano at malakas na inihampas akong muli sa pader. Napadaing na naman ako sa panibagong bugso ng sakit na bumalot sa akin. Nang subukan kong imulat ang mata ay hindi ko makita ang kung ano ang bagay na pilit na gumigitgit sa akin. Pakiramdam ko ay para iyong kamay na hangin na ibinabaon ako at sumasakal sa leeg ko. Lalo akong nahirapang huminga. Marahil ay kung huhulma lamang ako sa dingding na ito ay nakahulma na ako sa sobrang diin ng pagkakagipit sa akin. 

“Ang lakas ng loob mo.” Narinig ko pang singhal ni Ino mula sa kung saan. “Dapat sa iyo ay mamatay.”

Kasabay noon ang lalong pagbigat ng kung anong bagay na iyon sa akin. Napadaing na naman ako sa sakit. Pakiramdam ko ay parang dinudurog noon ang bawat buto sa katawan ko. Sumisinghap na rin ako sa hangin na tila ba nalulunod. Bumalik sa ala-ala ko noong nahulog ako sa ilog at iligtas ni Kieran. Mukhang ito na ang katapusan ko at hindi ko na siya makikita. Gusto kong maiyak pero pinipigilan ko ang sarili ko. Kailangan kong maging matapang. Kung dito ako mamamatay ay hindi ko maisasagawa ang mga plano ko. 

Nahagip ng tingin ko ang galit na galit na itsura ni Ino. Nanlilisik ang mga mata niya habang nakataas ang kamay na tila ba may sinasakal. Ito marahil ang kapangyarihan ni Ino. Ang dalawang lalaki naman ay pawang mga nakatingin lang sa akin at parehong may ngisi sa mga labi.

Ito ba ang tinatawag nilang Szeiah na naghahangad ng kalayaan mula sa mga bampira? Ang mga seers na ikalawang batas ng Magji.

Hindi. Hindi sila nagnanais ng kalayaan para sa mga mages kundi kapangyarihan para sa sarili nila. “W-wala kayong p-pinagkaiba sa mga b-bampira,” nagawa ko pang sabihin sa kabila ng nahihirapan na akong huminga. 

“Para ito sa ikabubuti ng Magji at ng lahat,” susog pa ni Ino. 

Hindi ko mapigilang mapangisi sa tinuran niya. Ikabubuti ng lahat. Mga ganid sa kapangyarihan. Mukha namang lalong ikinainis ni Ino ang pagngisi ko dahil lalong dumiin ang pagkakaipit sa akin. Napasigaw na ako sa sobrang sakit na parang lalong dinudurog ang laman ko. Nakalasa na naman ako ng kalawang sa aking bibig na siyang naibuga ko rin. Hinang-hina na ako. 

“Tama na iyan, Ino.” Narinig ko pang utos ni Dario. 

Nawalang parang bula ang kung ano mang gumigipit sa akin sa dingding at para akong papel na padapang bumagsak sa lupa. Dama ko pa rin ang sakit sa pagbagsak pero bahagya na akong nakahinga ng maluwag. Pinakiramdaman kong mabuti ang sarili at sinubukang gumalaw ngunit hindi ko kaya. Bawat pilit ko ay halos pigilan ko ang paghinga dahil sa kirot. Para tuloy gusto ko nalang matulog. Kung papatayin nila ako ngayon ay walang kahirap-hirap nilang magagawa dahil sa estado ko. 

Kung paano ako bumagsak ay nanatili pa ring ganoon nang biglang bumukas ang pintong pinasukan ko kanina. Iniluwa noon ang isang lalaking nakakulay asul din na hooded cloak. Humahangos itong tumakbo sa harap ng mga Szeiah at lumuhod doon. Mukhang emergency ang kailangan nito para walang pasabing pumasok na lamang. Mula sa kinabagsakan ko ay tanaw ko ang takot at pagkabalisa sa mukha ng lalaki.

“Mga rogue, Szeiah,” humihingal na sabi noon. “Inaatake tayo ng mga rogue.”

Nanlaki ang mga mata ko sa narinig. Paano sila nakarating sa dito? Ano ang pakay nila? Kung ako man ang pakay nila, sa sitwasyon ko ngayon ay madali nila akong makukuha o di kaya ay mapapatay. 

Nasa ganoon akong pag-iisip ng may ilang rogue na tila ba sabik na sabik sa dugo na sumugod doon. Mukhang ako nga ang pakay ng mga ito. Marahil ay naamoy nila ang dugo ko kaya madali silang nakarating dito. Halos mapugto ang hininga ko sa takot na nararamdaman. 

Bago pa man makakilos ang mga rogue ay agad na itong ginamitan ng magic ng mga Szeiah. Isa-isang nagsipag angatan sa lupa ang mga ito at unti-unting nabalutan ng nakakasilaw na liwanag. Nang tuluyang mapaloob doon ang mga rogue ay wala ng narinig doon kundi ang pag-angil ng mga ito at ilang sandali pa ay wala ng maririnig mula doon. Agad na nagkulay berde ang liwanag na iyon na animo ay mga dugo ng mga rogue. Para tuloy gusto kong masuka sa nakita. 

Ilang sandali lang ang lumipas ng masundan pa ang mga rogue na nagsisugod sa lugar. Mabilis naman nilipol ng mga Szeiah ang tila walang katapusang pagsugod doon ng mga rogue. 

Pakiramdam ko ay tumigil sa pagtibok ang puso ko ng biglang lumingon sa gawi ko ang isang rogue na naroon. Nanginig lalo ang mga kalamnan ko at parang gusto kong magalit sa sarili dahil wala man lang akong kalaban-laban. Nagulat ako ng mabilis na sumulpot sa harap ko ang isa. Nangilid ang luha ko habang nakatingin sa nagngangalit na pulang mata at pangil nito. Hindi ko na nagawang ipikit ang mga mata nang akmang dambahin ako nito. 

Sa panggigilalas ko ay bigla nalang lumipad sa kung saan ang rogue na iyon. Tumama ito sa bintana at lumusot doon. Nang ibaling ko ang tingin sa kung sino man ang may gawa noon ay lalong ikinalaki ng mata ko. Halo-halong gulat, pagtataka at tuwa ang naramdaman ko ng matuon sa akin ang pulang-pula nitong mga mata. Naroon at nakatayo sa tabi ko ang tagapagligtas ko. 

Si Kieran.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status