Ibinalik ni Chrismith ang tingin sa kaibigan na madaldal at tinaasan ng kilay. "Si Jake ba ang may gusto sa kaniya o ikaw?" mapanukso niyang tanong kay Larry.
"Gusto agad?" Kumakamot sa ulo na sagot ni Larry kay Chris.
"Regular customer natin siya dito, Bro at galanti kung mag-iwan ng tips." Sabat ni Leo na isa sa kasapi sa grupo sa pag-uusap. Maging ito ay humahanga sa ganda ng babae.
"Siya lang mag-isa laging pumupunta dito?" interesadong tanong ni Chris sa mga kaibigan. Medyo dim ang ilaw sa pwestong kinaupuan ng babae kaya hindi malinaw nakikita ang mukha nito.
"Yes, Bro at diyan lang siya nakaupo hanggang sa matapos kaming mag-perform. Hindi ko lang alam kung sino sa aming apat ang gusto niyang iuwi."
Natawa si Chris sa huling biro ni Larry. May mga hitsura naman ang mga kaibigan at dagdag sex appeal ang galing ng mga ito kumanta at humawak ng mga music instruments. Muli siyang napatingin sa babae nang tinawag nito ang waiter at may itinanong.
Biglang nainip si Nica at nawalan ng ganang kumain nang hindi pa nagsimulang kumanta ang paborito niyang grupo.
"Dumating po kasi ang may-ari, Ma'am kaya na late ang pag-perform nila. Hindi niyo po ba gusto ang kanta nila?" magalang na sagot ng waiter sa dalaga, ang tinutukoy ay ang kahalili sa stage ng grupong gusto nito.
"Ikuha mo na lang ako ng red wine." Utos niya sa waiter sa halip na sagutin ang tanong nito. Ipinabalot na rin niya ang pagkain at gusto niyang lunurin ang sarili sa alak ngayon.
"Baka gusto mong humawak ng mic ngayon?" alok ni Jake kay Chrismith bago nilagok ang laman ng kopitang may laman na alak.
Walang pagdadalawang-isip na tumayo si Chrismith at sumunod sa mga kaibigan. Siya ang talagang singer sa kanilang grupo at kahalili si Jake. Bago makarating sa stage ay napadaan sila malapit sa kinaupuan ng babae. Nakayuko ito at mukhang may sariling mundo kung kaya hindi pa rin malinaw sa kaniya ang hitsura nito.
"This song is for the one who's always sitting alone there," ani Chrismith habang nakatanaw sa table ng babaeng umagaw sa kaniyang atensyon.
Nagpalapakpakan ang lahat at ang ilan na naroon ay mga kilala ni Chris. Dumating ang mga ito upang samahan siyang mag selibra ng kaniyang achievement.
Napaangat ng ulo si Nica nang marinig ang malamyos ngunit malagom na tinig ng lalaki. Bago lang sa kaniyang pandinig ito kaya ang akala niya ay bagong grupo na naman ang magtutogtog. Alam niyang siya ang tinutukoy ng lalaki na always alone.
"Siya po ang may-ari ng resto, Ma'am," wika ng waiter nang mabasa ang nasa isip ng dalaga. Marahan na ibinaba ang isang kopita na order ng dalaga at agad ding iniwan.
Hindi na nagawang galawin ni Nica ang wine nang magsimula nang laruin ng grupo ang music instruments. Muling lumipad sa makulay na buhay ang kaniyang kamalayan at hindi na hiniwalay ang tingin sa mini stage. Napatitig siya sa lalaking matangkad, hapit sa braso nito at dibdib ang polong suot. Ito ang gusto niya sa grupong ito, ang cool tignan at mga nakasuot pa ng sumbrero. Nagmumukha ang mga itong cow boys. Tanging bibig ng kumakanta ang kaniyang nasisilayan. Ang bilis ng pintig ng kaniyang puso dahil nagustohan niya ang awiting alay umano nito sa kaniya. Kahit hindi niya nakikita ang buo nitong mukha ay alam niyang nakakaangat ito sa apat. Walang pinalampas ang mga mata at maging ang paggalaw ng ugat nito sa leeg ay nakikita niya. Napapangiti siya sa tuwing nakikitang humuhulma ang magandang ngiti sa labi ng lalaki habang kumakanta. Malungkot ang mensahe ng kinakanta nito at nababagay sa isang tulad niya.
"I like him," naibulong ni Nica Joy sa kaniyang sarili. Napasunod sa saliw ng musica ang kaniyang ulo habang mariing naipikit ang mga mata upang namnamin ang musika at tinig ng lalaking nanunuot sa kaniyang puso. Kuhang-kuha nito ang paos na boses ni Lewis Capaldi na original singer ng kantang Someone You Love. Tsaka niya lang muling iminulat ang mga mata nang matapos na ang kanta at iba na ngayon ang nagsasalita. Hinanap niya ang lalaki ngunit wala na ito sa stage.
May panghihinayang na tumayo na si Nica Joy at nagpasyang umuwi. Habang pauwi ay nadaanan niya ang mga batang naglalaro sa lansangan. Kahit walang maayos na tirahan o walang sariling masisilongan ay masaya ang mga ito kasama ang mga magulang. Isang buntong-hininga ang kaniyang pinakawalan bago binuksan ang binatana at inabot ang pagkain sa mag-ina na may ngiti sa mga labi. Mga ngiting minsan lang makikita sa kaniyang mga labi.
"Thank you, Anak!" Naluluhang kinuha ng matanda ang pagkaing inabot ng dalaga. May kasama pang pera iyon at kahit minsan lang magawi doon ang dalaga ay sulit naman. Nalulungkot siya sa tuwing nakikita ang mga mata nitong nangungusap. Makikita dito ang lungkot, pangungulilala at saya kapag nakatitig sa kanila.
"Goodnight po!" Kumaway si Nica sa mag-ina bago muling pinaandar ang makina ng sasakyan. Kahit papaano ay nakaramdam siya ng saya nang gabing iyon. pansamantalang nakalimutan ang mga taong nagbibigay ng sama ng loob sa kaniya.
Pagdating ng bahay ay wala ng taong nadatnan sa sala at mga tulog na ang mga ito. Sanay na siya sa ganoong senaryo, mabilis niyang iwinaksi sa alaala ang imahe ng ina noong nabubuhay pa ito. Ayaw niyang matulog na may luha sa mga mata.