Share

Let's Give It A Try

ASH...

Habang nasa loob ako ng taxi, hindi ko mapigil ang mga luhang dumadaloy sa aking pisngi. Ang sakit-sakit. Paanong ang isang masayang araw ay nauwi sa ganitong ending?

Hindi ko alam kung saan ako pupunta, ayoko rin namang umuwi ng bahay dahil ayokong makita ako ni nanay sa ganitong kalagayan. Ilang beses pang tumawag si Andy pero nire-reject ko ang mga tawag niya. Tinawagan ko si Claire.

Nagkita kami ni Claire sa isang fastfood sa Monumento. 

"Ash, kamusta? Ano ba'ng nangyari?" agad niyang tanong pag-upo pa lang niya.

"Claire..." hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil agad na namang bumalong ang luha sa mga mata ko. Hinayaan niya lang akong umiyak habang hinahagod niya ang likod ko. Nang mahimasmasan ako, saka ko ikinuwento ang lahat.

"Hindi mo man lang ba siya pagbibigyang makapagpaliwanag? For sure, may dahilan ang lahat. Sa ilang buwang panunuyo sa'yo ni Andy, naging saksi ako sa lahat. Nakita ko ang sinseridad niya sa mga ipinakita at ginawa niya. Bakit di mo siya subukang kausapin?"

"Ewan ko Claire. Natatakot akong marinig ang lahat ng kasinungalingan niya."

"Kasinungalingan agad? Sabihin mo nga sa akin, sa mga panahong bang magkasama kayo, sa mga pagkakataong sinusuyo ka niya, kahit minsan ba naramdaman mong hindi siya naging totoo sa'yo?"

Umiling ako.

"Sa tingin mo, mag-aaksaya siya ng anim na buwan sa pagsunod-sunod sa'yo para lokohin ka lang?" dugtong pa niya. "Pakiramdaman mo ang sarili mo. Oo nasasaktan ka ngayon, hindi pa naman kayo di'ba? Bigyan mo lang siya ng pagkakataong magpaliwanag. Kung sa tingin mo, nagsisinungaling siya eh 'di basted agad. Pero, paano kung seryoso pala siya sa'yo, hahayaan mo na lang ba na matapos ang lahat nang hindi pa man lang kayo nakakapagsimula?"

Bigla gumaan ang pakiramdam ko sa sinabi ni Claire. Tama siya, hindi pa naman kami official para makaramdam ako ng ganito. Kailangan naming mag-usap. Kailangan kong malaman ang totoo sa hindi.

Pero ang tanong, may lakas ba ako ng loob na harapin ang lahat? Kaya ko ba siyang pagkatiwalaan? Pa'no ko malalaman ang totoo sa hindi?

Pag-uwi ko, nadatnan ko ang kotse ni Andy na nakaparada sa tapat ng bahay namin. Kausap nya si nanay nang pumasok ako ng bahay. 

"O, ayan na pala si Ashanty, hala mag-usap kayo." Nagmano muna ako kay nanay bago siya tuluyang pumasok sa kwarto.

ANDY...

Napakahabang katahimikan ang lumipas. Hindi ko alam kung paano magsisimula. Nakita kong namumugto ang mga mata niya sa pag-iyak. Di ko maiwasang magalit sa aking sarili. 

"Ash, I'm sorry. Humihingi ako ng tawad hindi dahil sa totoo ang iniisip mo sa akin kundi dahil nasaktan kita. I'm sorry dahil umiyak ka ng dahil sa akin." 

Nanatili lang siyang tahimik. Nakatingin sa kawalan.

"Please, hayaan mo akong makapagpaliwanag. Oo naging girlfriend ko si Laila for two years. Hindi seryosong relasyon, basta naging kami lang. At aaminin ko rin na lahat halos ng relasyon ko ay ganoon. Pero no'ng makilala kita, nagbago ang lahat. Sa'yo lang ako nakaramdam ng ganoon. Sigurado ako sa sarili ko, mahal kita. Kaya agad kong tinapos ang lahat sa amin ni Laila. Tinanggap niya iyon, naging magkaibigan kami pagkatapos." Huminto ako, pinakikiramdaman ko sya. Tinatantya, "Lahat ng ginawa ko since day 1 na makilala kita, sa'yo ko lang nagawa. Dahil desidido akong maging tayo. Mahal kita, maniwala ka naman sana. Hindi ko hahayaang mauwi sa wala ang ilang buwang pinaghirapan kong makuha ang tiwala mo. 'Yung kanina, hindi sinsadya 'yon. Inakala niya lang na siya ang hinihintay ko do'n."

"Inakala? Inakala niya rin ba na girl friend mo pa siya kaya ka niya hinalikan? O naghahalikan talaga kayo everytime na magkikita kayo?"

"Ash naman. Ok, para sa katahimikan ng lahat, kanina dineretsa ko na siya. Kahit bilang kaibigan, tinapos ko na rin sa aming dalawa." Lumipat ako sa tabi niya, hinawakan ko ang kamay niya pero agad niya itong hinila.

"Ash mahal kita. Kung hindi pa sapat lahat ng pinakita ko sa'yo, nakahanda akong magtiis pa, mapatunayan ko lang na seryoso ako sa'yo. Importante sa akin ang tiwala mo. Kung naiwala ko 'yon ngayon, gagawin ko ang lahat ng paraan maibalik ko lang 'yong muli. Basta bigyan mo lang ako ng pagkakataon, please. 'Wag mo naman akong pagsarhan agad ng pintuan diyan sa puso mo. Pakiusap, Ash".

Sa wakas tumingin siya sa akin. Pero nanlumo ako ng sabihin niyang "Gusto ko nang magpahinga. Maari ka nang umuwi." Yun lang at tumayo na siya, binuksan ang pintuan. Wala akong nagawa kundi ang umalis.

ASH...

Mabigat sa loob kong ipagtabuyan siya ng ganoon. Matapos kong marinig ang kanyang paliwanag, naramdaman ko sa puso ko na nagsasabi siya ng totoo. Pero kaakibat no'n, andoon din ang takot sa dibdib ko na magtiwala muli. Nahuhulog na ang loob ko sa kanya, marahil mahal ko na rin siya. Pero natatakot akong sumugal sa isang relasyon, sa aming dalawa.

Kinaumagahan, "Anak, mag-almusal ka muna bago ka umalis." Umupo ako at kumain. 

"Ash, ipinagtapat sa akin ni Andy ang lahat ng nangyari kahapon. Kung anuman ang maging desisyon mo, nakasuporta ako. Basta kung saan ka magiging masaya."

"Nay," yumakap lang ako sa kanya.

Mabigat pa rin ang pakiramdam ko, kaya nagpasya akong mag-day off na lang. Tumuloy ako sa pea ng simbahang malapit sa amin. Di ko maiwasang maalala si Andy. Nagdasal ako, hiniling ko ang kapayapaan sa puso ko.

Pabalik na ako ng bahay nang mag-ring ang phone ko. Si Andy ang tumatawag.

"Magkita tayo, Ash. Please."

"Sige."

Nagpasya kaming magkita sa MOA. Umuwi lang ako para magbihis. Nagulat ako paglabas ko ng bahay, nando'n na siya naghihintay habang nakatayo sa gilid ng kotse niya.

"Nagpunta ako sa bangko, sabi ni Claire, nag-day-off ka raw kaya nagbakasakali akong nandito ka."

"Wala ka bang klase?"

"Meron, pero hindi ako pumasok, mas importante ka sa akin."

"Andy, napaka-immature mo. Mas importante ang bawat araw sa kolehiyo, alam mo 'yon."

"Mag-usap muna tayo, please." Pinagbuksan niya 'ko ng kotse, sumakay ako. Saka sya umupo sa driver's side at pinaandar ang sasakyan. Binaybay niya ang Rizal Ave. hanggang makarating kami ng Taft Ave.

"Anong oras ang klase mo?"

"Nine to three."

"Sinayang mo ang araw na 'to"

"Ikaw din naman e." 

Nilingon ko siya. "Nag-leave lang ako, pwede ko namang gawin 'yon anytime." Tiningnan ko ang relo ko, quarter to twelve. "May oras ka pa, pwede ka pang pumasok sa ilang subjects mo."

"Ayoko, hindi rin naman ako makaka-focus sa klase kapag pumasok ako. Ikaw lang din ang maiisip ko, nag-aalala ako sa'yo." Patlang. "Saan mo gusto mag-lunch?"

"Andy, h'wag matigas ang ulo mo..."

"'Wag din naman sanang matigas ang puso mo."

"Ano'ng..." Lumingon ako ulit sa kanya, nagtama ang aming mga mata. Bumilis na naman ang tibok ng puso ko sa mga titig na 'yon. Inihinto niya ang kotse sa tapat ng Wendy's sa Kalaw. Humarap siya sa akin at hinawakan ang mga kamay ko.

"Gusto kitang makasama ngayon. Gusto kong bumawi sa mga hindi magandang nangyari kahapon. Gustung-gusto kita Ash. Kung alam mo lang, hindi ako nakatulog magdamag sa kakaisip sa'yo." 'Yon lang at natunaw na lahat ng depensa ko sa sarili ko. Ramdam na ramdam ko ang katotohanan sa kanyang sinabi. Pareho kami ng nararamdaman.

Nag-lunch kami sa Gerry's Grill sa MOA. After naming kumain, nag-ikot kami sa mall. Then, naglaro kami sa Bowling Center. Kahit hindi ako marunong maglaro ng bowling, nag-enjoy ako dahil kasama ko siya. 

Bumawi talaga siya sa mga oras na nasayang kahapon. At 5pm, naglakad-lakad kami sa baywalk at naupo sa gilid ng Manila Bay.

"Salamat sa pagkakataong binigay mo sa akin Ash," sabi niya habang hawak ang isang kamay ko. "Let's give it a try. Tayong dalawa. Magsimula ulit tayo at sisiguraduhin kong hindi na kita bibigyan ng kahit anong rason para magduda sa intensyon ko sa'yo."

Ilang minutong katahimikan ang lumipas saka ako nagdesisyon.

"Kalimutan na natin 'yon. Naniniwala ako sa'yo. Sige, magsimula tayong muli. Magsimula tayo, bilang tayo. Gusto kong isugal ang puso ko para sa'yo. Dahil mahal kita. Dahil mahal na rin kita, Andy." 

"Talaga ba, Ash?" Tumango lang ako.

"Yahooo!!!" Hinalikan niya ang mga kamay ko at saka niya ako niyakap nang mahigpit.

Tama ba ang naging desisyon ko? Worth it ba na isugal ang puso ko sa isang taong hindi pa man kami ay nanakit na ng damdamin ko. Pero ulit-ulitin ko man sa isip ko kung ano ang dapat kong gawin, sa kaibuturan ng aking puso, si Andy lang ang nakaukit. Bahala na, Andy. Sa ngayon, isa lang ang alam ko, sa buhay ko, you are my everything.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status