Agatha Navarro. Isang kilalang abogado at CEO ng pinakamalaking law firm sa kanyang panahon. Malakas na mandirigma ng katarungan at isang hinahangaang tao ng karamihan, mayaman o mahirap. Natural ang kanyang kapangyarihan at dahil din dito, ang kanyang mga kaaway ay hindi imposible.
Hindi alam ni Dorothy kung dahil ba iyon sa unang tanong ni Theodore o dahil ba sa pangalawa.
Mababaw man kung iisipin pero matagal na nang nadinig niya ang tanong na iyon. Ang simpleng katanungan kung kumain na ba siya ay naging imposible nang isaad niya kay Lucas ang kanyang pangarap na maging CEO ng sarili niyang design firm at ipagpaliban muna ang kanilang pagsisiping. Pinalampas niya muna ito bilang isang pagtatampo, hanggang ang mga araw ay tumagal nang buwan, hanggang sa umabot ng dalawang taon.
Hindi siya agad nakasagot. Nakatingin lang siya sa paper bag at sa dalawang cup ng kape na hawak ni Theodore. Maayos ang pagkakatayo nito, tuwid, kalmado, at walang bakas ng pag-aalinlangan. Sa likod ng kanyang maamong mukha, alam niyang may pagtatantya. Tulad ng isang taong sanay sa negosasyon, binabasa siya nito mula ulo hanggang paa.
Sa wakas, tumango siya. “Wala pa.”
Tumalikod si Theodore matapos ilagay sa tabi niya ang dalang pagkain at naglakad palayo. Walang paanyaya. Walang paliwanag.
Pero sa kakaibang paraan, naiintindihan ni Dorothy: Sumunod ka kung gusto mo.
At sumunod nga siya.
Ang restaurant ay isa sa mga hindi niya inaasahan, hindi engrande, hindi pangmayaman. Isang tahimik na ramen bar sa likod ng isang gasolinahan, walang pila, walang customers, at may mahina lang na tugtog ng jazz sa background. Isang lugar na tila sadyang pinili para sa mga gustong makalimot.
“May kilala akong masarap dito,” sambit ni Theodore nang makaupo sila sa booth sa sulok. “Mamaya na tayo mag-uusap tungkol sa ikalawa kong tanong.”
“Hindi ko akalaing kumakain ka sa mga mumurahing kainan,” sabi ni Dorothy nang may mapang-uyam ang tono. Sabik siyang malaman kung ano ang nais nitong sabihin tungkol sa tiyahin niya pero naisip niyang baka may iba itong pakay at ginagawa lang iyon na pain para makuha ang interes niya.
“Hindi rin ako nag-aalok ng dinner sa mga babae,” sagot ni Theodore, sabay tingin sa menu. “Pero pareho tayong may masamang araw ngayon, hindi ba?”
Tahimik lang si Dorothy. Tinanggap niya ang menu pero hindi siya nagbasa. Tiningnan lang niya ang lalaki sa harap niya.
Si Theodore Velasco, ang lalaking sinasabi ng media na walang emosyon, walang partner, at walang kahinaan. Ngunit ngayon, heto siya, humahawak ng chopsticks na parang sanay sa mumurahing kainan at nakatingin sa kanya na parang… interesado.
“Bakit mo ako inalok ng dinner?” tanong niya.
“Gusto kong makita kung anong hitsura ng isang babaeng bagong diborsyo,” sagot nito nang diretso.
“Curiosity?”
“Observation,” tugon ni Theodore. “Nakakatulong sa mga negosasyon ang pagbasa ng emosyon. Wala pa akong nakakausap na hiwalay sa asawa. Ah, hindi naman kasi ako nakikipag-usap kahit kanino.”
Malamig na ngumiti si Dorothy. Hindi niya alam kung paano tatanggapin ang sinabing iyon ng kaharap.
“Sa negosasyon mo, Mr. Velasco, sino ang nananalo?”
“Wala pa tayong kontrata, Miss Navarro.”
Hindi agad naintindihan ni Dorothy ang ibig sabihin ng lalaking kaharap niya. Pero bago siya makapagtanong, dumating ang kanilang order. Tahimik silang kumain. Ilang minuto ng katahimikan na tila mas nakakabingi pa sa kahit anong pagtatalo.
Sa bawat higop niya ng ramen, parang unti-unting bumabalik ang lakas sa kanyang kalamnan. Hindi niya alam kung ito’y dahil sa sabaw o dahil may isang taong, kahit estranghero, ang umupo sa harap niya, hindi para husgahan, kundi para samahan siya sa katahimikan.
Dapat ba akong magpasalamat na may business trip si Ver kaya nagkaroon kami ng moment ni Mr. Velasco? Isip niya.
Matapos ang pagkain, muling tumunog ang cellphone ni Dorothy. Isa na namang anonymous na mensahe.
“Wala kang ideya kung sino ang binangga mo.”
Muli siyang nanginig. Kakagaling niya lang sa hiwalayan, ano na naman ang nagawi sa landas niya? Hindi niya namalayang nakatitig na pala sa cellphone niya si Theodore.
“Patawad, Ms. Navarro. Pero, alam mo ba ang ibig sabihin nito?” seryosong tanong nito.
Kinuha ni Theodore ang cellphone, tiningnan, at pagkatapos ay ibinalik ito sa kanya.
“May ideya ako kung sino ang posibleng nagpadala. Pero hindi ako sigurado… pa.”
“Pa?” ulit ni Dorothy. “Ibig mong sabihin, may alam ka?”
Tumango si Theodore. “Kung totoo ang hinala ko, may kinalaman ito sa pagkamatay ng tiyahin mo. At ‘yun ang gusto kong pag-usapan natin, mamaya.”
“M-mamaya?” Nagpatigas ng katawan ni Dorothy sa pangalan.
Hindi niya ito binanggit. Hindi niya ito naikuwento.
“Paano mo nalaman?” tanong niya, halos pabulong.
“Bago ka pa pumasok sa opisina ng registrar kanina, minamanmanan ka na,” tugon ni Theodore. “At ako ang unang nakakita sa mga taong iyon. Marahil ay naghinala sila na may nalaman ka dahil nakipaghiwalay ka kay Moreno.”
Hindi lubos maalala ni Dorothy kung paano niya naitawid ang gabing iyon. Pag-uwi nila, huminto ang sasakyan ni Theodore sa tapat ng isang modernong condominium.
“Wala akong ibang balak ngayong gabi,” ani Theodore, habang binubuksan ang pinto. “Pero kung gusto mong malaman kung sino ang dapat mong pag-ingatan… mas mabuti nang magtulungan tayo.”
Hindi gumalaw si Dorothy.
“Bakit mo ginagawa ito?” tanong niya.
“Dahil minsan, ang mga walang emosyon ang may dahilan para mag-ingat,” sagot ni Theodore. “At kung tama ang kutob ko…”
Tumingin ito sa kanya, diretso sa mga mata.
“…ikaw ang susunod.”
Hindi na nag-alangan si Dorothy at binuo niya ang pasya niyang makipagtulungan kay Theodore. Wala siyang ibang maisip na puwedeng gawin at nagpadala nalang sa kanyang emosyon at sa kanyang nararamdamang kaligtasan sa presensya nito.
Nang makapasok siya sa kanyang unit, binuksan niya ang isang envelope na inabot sa kanya ni Theodore.
Nandoon ang isang lumang larawan.
Si Agatha. Nakangiti.
At sa kanyang tabi…
…si Theodore. Bata pa. At yakap ang tiyahin niya.