Share

Chapter 5

HUMINGA ng malalim si Sheena habang hawak ang dibdib. Animo'y bumagal ang oras alinsabay ng pagbuka ng kaniyang bibig. "S-sige. Let's meet up."

Natulala na lamang ako. Hindi ko na nga napansing tapos na pala silang dalawa mag-usap. 

Nagtatalon sa kama si Sheena habang panay ang tili. "OMG! We're going on a date! Nagbunga rin ang tatlong taon kong pagpapapansin sa kaniya!"

Bumalik lamang ako sa reyalidad nang kinikilig niya akong pinalo sa braso. "Pangangatawanan mo na nga talaga ang kahibangan mo. Talagang gagamitin mo na ang identity ko as a writer para sa lalaking iyon," halos tulala kong pagsasalita.  

Niyakap ako ni Sheena. "Ikaw naman, okay na rin 'yun. At least may bago kang libro mula sa akin. Kukunin ko na mamaya 'yung second volume ng paborito mong libro kaya huwag ka nang mag-inarte riyan!" 

"Kung ang kapalit ng librong iyon ay ang panloloko mo sa isang taong inosente, kahit huwag na lang. Tss."

Bumitaw si Sheena sa pagkakayakap sa akin. "Huwag kang mag-alala, sasabihin ko sa kaniya ang totoo once na maging kami na." 

"Dapat nga hangga't maaga sabihin mo na ang totoo sa kaniya, eh. Sana lang talaga mapanindigan mo iyang kagagahan mo." 

Ngumuso si Sheena sa akin. "Huwag ka na ngang nega riyan! Tulungan mo na lang akong hanapin 'yung pula kong sapatos! Iyon ang susuotin ko mamaya sa meet-up ko with Angelo!" 

"Mamaya na agad? Eh akala ko ba may iba ka pang lakad?" 

"Saka na 'yun, mas importante si Angelo 'no! Once in a blue moon lang 'to kaya iga-grab ko na ang opportunity!" 

"Tss. Kailangan mo ba talagang gawin 'to? Paano kapag nahuli ka niya? Paano kapag nalaman niyang niloko mo siya? Baka ma-turn off lang siya sa'yo at mas lalo kang mawalan ng pag-asa sa kaniya." 

"Kaya nga dapat in-love na siya sa akin bago pa niya malaman ang totoo! Para wala na siyang ibang pwedeng gawin kundi patawarin ako dahil sa sobrang pagmamahal niya sa akin!" Tumili ito saka pabagsak na humiga sa kama ko. 

Wala akong nagawa kundi bumuntong-hininga sa mga binabalak nitong kapatid ko. Napakakulit talaga. Hindi talaga papayag na hindi makukuha kung anuman ang gusto. Minsan nakakainis rin 'yung ugali niyang ganiyan, eh.

"Girls! Kumain na ba kayo?!" dinig naming sigaw ni Tita Divine sa baba. 

"Hindi na po ako kakain, mama!" sigaw pabalik ni Sheena. 

Ikinagulat namin nang biglang pumanhik si Tita Divine at pumasok sa kwarto ko. "Anong hindi ka na kakain? Maglalakwatsa ka na namang talipandas ka, ano?!" 

"May ano... may pupuntahan akong party. Tama, may pupuntahan akong birthday party ng kaibigan ko!" 

Salitan kaming tiningnan ni Tita Divine. "Totoo ba ang sinasabi nitong si Sheena, Rose?" 

Pasimple akong kinurot ni Sheena sa tagiliran dahilan para tingnan ko siya ng masama. "Opo, Tita. In-invite po kami sa birthday party ng kaklase niya. Pero ayaw ko pong pumunta." 

Hindi pa rin nawawala ang nakakatakot na aura ni Tita Divine. "Sumama ka na lang din, Rose. Samahan mo itong si Sheena para panatag akong hindi iyan kung saan-saan maglalakwatsa."

"S-sige po, tita." Hindi na ako nakatanggi sa takot ko kay Tita Divine. 

Niyakap ni Sheena ang braso ng mama niya. "Hindi naman ako kung saan-saan pumupunta, mother dear. At saka mataas naman ang grades ko, ah. You have nothing to worry about."

"Bitawan mo ako kung ayaw mong paluin kita ng siyansi! Tsaka maiba nga ako, ikaw ba ang nagsaing kanina?"

"B-bakit po?" Napaiwas ng tingin ang kapatid ko.

"Hilaw na hilaw! Ilang taon ka na ba at bakit hanggang ngayon ay hindi ka pa rin marunong ng simpleng gawain?!" Nang akmang hahampasin ng sandok ni Tita si Sheena ay saka na ako pumagitna. 

"A-ako po, Tita! Ako po ang nagsaing! Pasensya na po," nakatungo kong paghingi ng paumanhin.

"Ganun ba?" Nawala ang galit sa boses ni Tita. "Sa susunod ay tingnan mo muna kung luto na ang kanin bago mo patayin ang stove. At sa susunod rin ay si Sheena na ang paglutuin mo nang matuto naman iyang talipandas na iyan!"

Nang makalabas ng kwarto si Tita ay saka pinunasan ni Sheena ang noo niya gamit ang likod ng palad. "Phew! Muntik na akong mahampas ng siyansi! Salamat sa pag-ako sa kasalanan ko, ah. Pramis, magtututo na talaga akong magluto!"

"Tss. Ewan ko sa'yo. Bilisan mo na ang pagbibihis diyan at baka naghihintay na 'yung Angelo na 'yun." 

Nanlaki ang mga mata ni Sheena matapos iyong marinig. Agad niya akong niyakap. "Ayieee! Payag na siya!"

Pabiro ko siyang itinulak kahit pa hindi pa rin maipinta ang hitsura ko. "Bilisan mo na para makagawa na ako ng assignments ko mamaya." 

"Thank you, sister girl! The best ka talaga! Kaya favorite sister kita eh!" 

"Wala ka namang ibang kapatid." Inirapan ko siya na siyang ikinatawa niya.

---

HALOS inabot ng isang oras paghahanda itong si Sheena. Ang hirap pahiwatin sa pananalamin. Kung hindi ko siguro siya minadali'y baka bukas pa siya matapos sa paghahanda ng sarili.

"Ano iyan?" takang tanong ni Sheena nang may iabot ako sa kaniya. 

"Pepper spray," walang gana kong pagsagot. 

"Aanhin natin iyan?" 

"Mabuti na ang handa at nag-iingat. Hindi natin alam kung may balak bang masama 'yung lalaking 'yun. Hindi naman sa jina-judge ko siya pero parang ganun na nga." 

Natawa naman si Sheena na siyang ipinagtaka ko. "Tanga, hindi naman masamang tao si Angelo. Matagal ko na siyang kilala 'no." 

"Huwag ka nang maraming sinasabi. Ilagay mo na sa clutch mo iyan." 

"Oo na po. Para ka talagang ate ko kung umasta." 

Nginiwian ko siya. "Diba, ikaw rin napansin mo na parang ako pa ang mas matanda sa ating dalawa." 

"Whatever." 

Inayos ko ang pagkakasuot niya sa off-shoulder na kulay pula. Ang pang-ibaba niyang isinuot ay isang high waist button down denim skirt. Pinaresan niya ito ng pulang sapatos at pula ring clutch bag. Bagay na bagay sa kaniya ang suot niya. Actually lahat naman ng suotin niya ay bumabagay sa kaniya. 

Ako naman ay chaperone lang niya kaya hindi na ako nag-ayos pa. Nagsuot na lang ako ng gray sweater at black leggings. Sinuot ko rin ang salamin kong bihira kong gamitin.

"Basta kapag nakahanap ka ng tiyempo sabihin mo na agad sa kaniya ang totoo. Hindi porket sasamahan kita ngayon ay pabor na ako sa gagawin mo." 

"Oo, sister girl. Trust me. In no time, malalaman niya rin ang totoo. Wala namang sikretong hindi nabubunyag, right?" 

Tipid ko siyang nginitian. Sana lang gawin niya ang sinasabi niya. Hindi kailanman naging maganda ang panloloko. Alam ko 'yun dahil niloko na rin ako noon. Ayaw kong may ibang taong makaramdam ng sakit na naramdaman ko noon. 

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status