Share

ROSE BEHIND THOSE LETTERS
ROSE BEHIND THOSE LETTERS
Author: Gray

Chapter 1

"IYAN 'yung transferee, right?"

"Oo, sabi nila kapatid daw iyan ni Queen Bee. Pero hindi ako naniniwalang magkapatid sila. I mean, look at her, she looks awful as hell compared to our Queen."

"Agree. Kung sinabi nilang yaya iyan ni Queen baka naniwala pa ako."

Kahit may mga naririnig na kung anu-ano mula sa mga estudyanteng kasalubong ay panay lamang ang lakad ko. Hindi ko ugaling pumatol sa mga tulad nila. Mabuti nang mag-aral nang tahimik, 'yun naman talaga ang dahilan kung ba't nandito ako.

Natalapid ako nang bigla-bigla ay may humarang na binti sa aking harapan. Agad akong padapang bumagsak. Ang sementadong daan ay halos mahalikan ko dahil sa nangyari. Gayunpaman ay nanatili akong blangko ang ekspresyon. Tumayo ako at nagpatuloy ulit sa paglalakad.

"Hoy! Bastos ka? Basta-basta mo na lang kami tinatalikuran, ah." Hinarangan ako ng babaeng lider yata nila.

Sinubukan kong maglakad ulit pero mas lalong dumami ang nakaharang sa akin. Napatingin ako sa ibang estudyanteng panay ang bulungan habang nakatingin sa amin.

Hindi ko inaasahan nang bigla ay may tumulak sa akin dahilan para paupo akong bumagsak sa sementadong daan. Umalingawngaw sa pandinig ko ang malulutong nilang mga halakhak.

Hindi ko alam kung anong ginawa ko sa kanila para tratuhin nila ako ng ganito. Unang araw ko pa lamang sa school na ito at gan'to na agad ang sumalubong sa akin. Ito ba ang tinatawag nilang nakaka-p**ang*na?

May dahilan ako para magalit pero pinanatili kong tikom ang bibig. Tumayo ako at pinagpagan ang sarili, naghahanda para lumakad nang muli.

"Matibay kang pangit ka, ah."

Nakita kong sasampalin ako ng lider kuno nila kaya agad kong sinangga ang braso niya. Blangko ang ekspresyon ko siyang tiningnan. "Anong kailangan ninyo sa akin?"

Hinatak pabalik ng babae ang braso niya pero hindi ko iyon binitawan. "Let go of me!"

"Tinatanong kita, anong kailangan ninyo sa akin?" Isa-isa ko silang tiningnan. Ang ilan ay nagsipag-atrasan sa hindi ko malamang dahilan. Bakit biglang bumahag ang buntot nila?

"Bitawan mo sabi ako!"

Agad ko namang pabatong binitawan ang braso niya. Pinagpagan ko ang nadumihan kong uniform saka ko ulit sila pinasadahan ng tingin. Sinimulan ko na ulit maglakad habang sila ay kaniya-kaniyang atras at hawi sa daraanan ko.

Minabuti kong dumiretso muna sa CR para magpalit ng uniform dahil nadumihan kanina. May dala naman akong extra'ng white shirt kaya hindi na ako namroblema pa.

Sa loob ng cubicle ay dinig ko ang pagsasalita ng ilang babae sa loob ng CR. "Nakita mo na 'yung transferee? Sabi nila kapatid daw 'yun ni Queen Bee, ah."

Napangisi ako. Queen Bee? Si Sheena ba na kapatid ko sa ama ang tinutukoy nila? Dito rin 'yun nag-aaral eh. Baka si Sheena nga ang tinutukoy nila.

"Halos lampasuhin niya kanina 'yung mga trying hard na maldita sa school natin. Ang kaso ay pangit siya. Sayang, gusto ko sana siya maging kaibigan."

Napataas ang kilay ko dahil doon. Ano naman ang kinalaman ng hitsura sa pagkakaibigan?

"Okay lang kung pangit, gaganda naman tayo lalo once na tumabi siya sa atin."

"Actually may point ka, very good idea! Kaibiganin natin siya para mas lalo tayong gumanda!"

Lalong lumawak ang pagkakangisi ko. Sa totoo lang ay hindi na ako nainsulto sa sinabi nila, halos buong buhay ko na rin namang narinig ang mga panlalait na iyon. Kumbaga, sanay na.

Nang matapos pagbibihis ay agad akong lumabas ng cubicle. Kitang kita ko ang pagkagulat sa mukha ng dalawang babae.

"N-nandiyan ka pala, hehe." Hindi makatingin ng diretso sa akin ang babae. Maski ang kasama niya ay ilag din ang mga mata.

Mula paa hanggang ulo ay pinasadahan ko sila ng tingin saka ako dahan-dahang lumapit sa kanila. Kita ko ang paglunok nila dahil sa ginawa ko. Nang makalapit ng husto ay inilapit ko ang bibig ko sa tainga ng isa. "Hindi makakadagdag sa kagandahan mo 'kuno' ang panlalait."

Peke ko silang nginitiang dalawa saka ako lumabas ng CR na iyon. Hindi mawala sa isip ko ang nanlalaki nilang mga mata matapos ko iyong ibulong. Napailing na lamang ako saka dumiretso sa classroom na naka-assign sa akin.

Kumatok muna ako ng ilang beses saka ako pinapasok ng teacher.

"Bakit hindi ka naka-uniform? Ah, nevermind. Unang araw mo pa lang naman dito as a transferee kaya palalampasin kita. Anyway, magpakilala ka sa mga bago mong kaklase," utos ng teacher.

Lumakad naman ako papunta sa unahan ng klase. "Rosanne Oliveros, Rose na lang for short." Matapos iyon ay umupo ako sa bakanteng upuan sa unahan.

Panay ang bulungan ng mga bago kong kaklase. Akala naman nila ay hindi ko maririnig. At tulad ng dati ay pisikal na katangian ko na naman ang pinag-uusapan nila. Big deal ba sa school na ito ang hitsura?

"Oliveros ang apelyido niya, Valdez naman ang kay Queen Bee. Hindi sila magkapatid."

"Oo nga, sino ba nagsabing kapatid niyan si Queen? Sinungaling. Halata namang hindi, argh kairita!"

"Agree, kumbaga sa gulay ay fresh na fresh si Queen samantalang iyang transferee ay mukhang pabulok na."

Napangisi ako. Ano bang meron sa kapatid kong 'yun at tinatawag pa nilang reyna? Ngayon lang ako nakakita ng mga estudyante na parang santa kung ituring ang isa pang estudyante. Okay lang naman ang magka-crush sa schoolmate pero obviously hindi lang ganun kung ituring nila si Sheena. So weird.

"Hello, gusto ko sanang makipagkilala. Okay lang bang makipag-kaibigan?" tanong ng babae sa likod ko.

Dahan-dahan ko itong hinarap para masigurong ako ang kinakausap niya. Nang makasigurado ay saka ko itinuro ang unahan. "May klase tayo," maiksi kong sagot saka iniharap na ang sarili sa unahan.

Nakita ko kung paanong nagbago ang ekspresyon ng babae. Para bang nalungkot ito dahil sa sinabi ko. Tss. Nandito ako para mag-aral hindi para makipag-plastikan. Hassle lang ang madramang mga kaibigan.

"Hindi lang pala pangit, suplada din," halos pabulong na sabi ng babae.

Hindi ko na lamang iyon inintindi at nakinig na lamang sa sinasabi ng teacher sa unahan.

---

"KASAMA niyang magla-lunch sa canteen si Queen Bee? Sanaol."

"Sana all katabi kumain ang nag-iisang reyna ng Polillo National High School."

"Kainggit talaga, argh!"

Inilapag ko ang basong ininuman sa mesa saka iritang tiningnan ang kapatid ko. "Ganito ba talaga rito sa school niyo?"

"Masanay ka na lang."

"Ikaw? Reyna? Tss. Eh sa bahay inuutos-utosan ka lang naman ng mama mo." Hindi ko napigilang hindi mapangisi.

Inirapan ako ni Sheena. "Mama natin! Hanggang kailan ka ba hindi masasanay, ha? Limang taon ka nang nakatira sa amin, ah."

"Hindi ko siya tatawaging mama dahil hindi ko naman siya nanay." Sumubo ako ng burger matapos iyong sabihin.

"Edi don't! Bahala ka sa buhay mo! Pero maiba ako, kumusta ka naman? Kumusta ang unang araw dito sa PNHS?"

Ngumiwi ako. "Target na naman ako ng mga laitera. Pero sanay na ako, as if hindi rin naman gan'to sa dati kong school."

"Naku, huwag mong pansinin 'yung mga 'yun. Inggit lang sila dahil ka-close mo ang reyna ng PNHS."

"Oo nga pala, bakit reyna ang turing nila sa'yo rito?" Muli akong uminom ng tubig.

"Simple lang, dahil maganda ako." Proud na proud nitong itinuro ang mukha.

Halos naibuga ko naman ang iniinom na tubig dahil sa sinabi niya.

"OMG, eww! Mahiya ka nga sa mga nakatingin sa atin! Center of attention pa naman tayo rito." Maarte nitong pinunasan ang brasong natalsikan ko yata ng tubig galing sa bibig.

"Seryoso kasi, bakit nga?"

"Wait, so hindi ka naniniwalang ang kagandahan ko ang dahilan ng pagiging reyna ko rito?" Para bang nasaktan itong humawak sa dibdib.

"Hindi naman sa ganoon, tss. Maganda ka naman pero parang ang lame kung 'yun lang ang dahilan. Ang dami rin namang magaganda rito pero hindi naman nila sinasambang tulad mo."

Natawa si Sheena sa sinabi ko. "Sinasamba talaga?"

Nagkibit-balikat ako. "So ano nga?"

"Well, lahat ng pageants na sinalihan ko rito nasusungkit ko ang title. Lahat ng campus hotties naging ex ko na, except pala kay Angelo. Baton leader din ako ng marching band saka nag-eexcell ako academically. And lastly, lahat ng clubs kasali ako."

Napangiwi ako dahil sa sinabi niya. "Akala ko pa naman ay may malalim na dahilan."

"Oh come on, bakit hindi ka na lang maging masaya dahil kapatid mo ang reyna ng school na ito?"

Napairap ako. "Ikalat ko kaya rito 'yung picture mo habang tulog ka't tumutulo ang laway?

Tumingin muna siya sa paligid saka ako pasimpleng sinamaan ng tingin."Subukan mo lang, sisilaban ko lahat ng libro mo sa bahay."

"Diyan tayo magkakamatayan, Sheena. Galawin mo na ang lahat huwag lang ang mga babies ko."

"Tae, babies daw. Iniluwal mo ba ang mga 'yun?" natatawang tanong nito.

"Iniluwal 'yun ng bulsa ko!"

Nang marinig naming mag-bell ay saka nagtayuan ang mga estudyante. Simula na naman ng klase sa hapon. Medyo napasarap ang kwentuhan namin ni Sheena kaya hindi na namin namalayan ang paglipas ng oras.

Todo kaway sa akin si Sheena kaya't nginitian ko siya at kinawayan din. Dumiretso siya sa building para sa mga grade twelve students. Ako naman ay nasa grade eleven pa lamang kaya magkaiba kami ng building. Sa totoo nga lang ay ate ko 'yung babaeng 'yun pero hindi ako sanay na tawagin siyang ate dahil madalas ay mas mature akong umakto kesa sa kaniya.

Sumilip ako sa classroom at nang makita na wala pang guro ay tumambay muna ako sa ilalim ng puno ng mangga. Ang ganda lang ng panahon ngayon, sakto lamang ang init.

Binunot ko sa bag ang librong ilang pahina na lamang ang natitira at matatapos ko nang basahin. Nagsuot pa ako ng earphone kahit hindi naman iyon nakasaksak sa kahit na ano. Kumbaga ay para lamang itaboy ang mga taong gustong kumausap sa akin, kung meron man.

Sumandal ako sa puno ng mangga habang prenteng prente ang pagkakaupo sa sementadong upuan.

"Fan ka rin ng author niyan?" Bahagya akong nagulat nang may biglang magsalita sa bandang kanan ko.

Pasimple ko namang inayos ang pagkakasuot ng earphone sa tainga para malaman niyang hindi ako pwedeng kausapin.

"Alam kong walang music iyang earphone sa tainga mo. Isinuot mo lang iyan para wala sa'yong kumausap."

Kahit naririnig ay kunwari akong bumuklat ng pahina na parang hindi naririnig ang sinumang nilalang sa kanan ko.

"Mahilig din akong magbasa ng libro lalo na sa Writepad. Sabi nila pambabae't bakla lang daw ang app na 'yun. Natatawa ako kasi straight na straight ako pero trip na trip kong magbasa doon." Tumawa ito ng bahagya.

Muli kong binuklat ang libro, walang planong pansinin ang lalaki.

"For sure nagbabasa ka rin doon. Sinong paborito mong writer? Kung hindi mo kasi natatanong ay fan ako ng mga underrated writers tulad ni cameyofan."

Natigilan ako nang marinig iyon. Paanong hindi ako matitigilan eh ako ang writer na tinutukoy niya. Oo, bukod sa mahilig magbasa ay mahilig din akong magsulat. Ilang libro na ang naisulat ko sa Writepad at wala naman akong balak maging sikat o ano. Hobby ko lamang iyon.

Nang mapansin kong may teacher na sa classroom ay agad akong tumayo. Hindi ko pa rin pinansin ang lalaking akala mo ay kabute't bigla na lamang sumulpot.

"I-follow mo rin siya sa Writepad ah! Promise, hindi ka magsisisi!" dinig kong sigaw ng lalaki.

Hindi ko alam na may nagbabasa pala ng mga libro ko sa Writepad. Matagal ko nang hindi chine-check 'yung account kong 'yun, eh.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status