Share

Kabanata 4

Kabanata IV

DAMANG-DAMA ni Celes ang pananakit ng buong katawan. Kung hindi mula sa pagod dahil sa ilang araw na trabaho ay sa stress dulot ng nangyaring gulo sa pagitan ng among si Liezel sa dati nitong nobyo na si Nathan.

Kahit nagpapahinga buhat sa mga nangyari nitong mga nakaraang araw. Swerte na siyang may kaibigan na si Sabel na walang palya kung i-update siya sa mga nangyari lalo na sa kalagayan ng butihing amo.

Plano sana ng dalaga na komprontahin ito sa reunion na 'yon sa sariling mansyon ng mga magulang upang itigil na rin ng dating nobyo ang walang humpay na pagpapadala nito ng mga death threats. Nagkataon lamang na hindi naging maganda ang kinahantungan ng pag-uusap ng mga ito habang mag-isa ito sa entertainment room. Na-corner ang dalaga habang abala naman sa baba ang ibang mga kaibigan.

Laking pasasalamat ng kanyang mga amo na ina at ama ni Liezel na wala siyang pag-aalinlangan na tinulungan ang anak ng mga ito. Hindi na bago 'yon sa kanya at kahit sino marahil na babaeng inaapi ay kapareho rin ang kanyang gagawin, lalong-lalo na siguro kung ang mahal niyang mga kapatid ang malalagay sa ganoong sitwasyon baka nakapatay na siya.

Galos lamang ang natamo ni Nathan at ilang araw lang mamamalagi sa ospital. Dahil likas ng mabuting tao si Liezel balak pa sana nitong bigyang ng ikalawang pagkakataon ang dating nobyo pero nang makita ang nangyari sa kanya ay tuluyan ng nabuo ang pasya nito na ipakulong ang binata.

Napukaw ang atensyon niya ng katok mula sa pintuan. Nakita niyang nakatayo roon ang mayordoma. Kahit takang-taka sa dahilan kung bakit ito naroon sa kanyang kwarto ay tumayo siya at nilapitan ito.

"Magandang gabi ho," bati niya. Bahagyang yumuko siya upang magbigay galang. "Bakit ho?" tanong niya kalaunan.

"Ma'am Liz is calling for you," tipid na sagot nito. Sandaling tinapunan nito ng tingin ang suot niya. Mabuti na lang pala ay hindi pa siya nakapagpapalit ng pantulog. "Follow me," utos nito.

Sanay na siya sa mga maiiksi nitong sagot kaya agad niya na lamang itong sinundan nang magsimulang maglakad ito.

Pagbukas pa lamang nito nang pinto ng silid ni Liezel ay agad siyang sinalubong ng dalaga ng mahigpit na yakap. Masaya siyang makitang maayos na ang lagay nito at mapapansing unti-unti na ring nawawala ang mga pasa sa mukha. 

"I'm happy to see you again Ate Celes!" sabik nitong wika habang nakayakap sa kanya.

"Ako rin po Ma'am," aniya.

Sandaling binalingan nito ang direksyon kung saan nakatayo si Lorna, ang mayordoma. Bahagyang tumango lang ito at nagpaalam.

Naiwan siyang kasama si Liezel. Hawak nito ang isa niyang kamay na tulad din ng mga galos nito sa mukha ay naghihilom na rin ang mga natamo niyang sugat.

Sa katunayan, sa sobrang dami ng nangyari sa kanya parang nawala na rin sa isip niya ang mga sugat na natamo. Pero may kaunting nagbago, hindi na ganoon karami ang trabahong ina-assign sa kanya. Ang iba pa sa mga 'yon ay madadali na lamang tulad ng pagpapalit ng bedsheet at pillowcase. Nagbago pati ang pakikitungo sa kanya ng lahat maliban syempre kay Sabel na madalas pa rin siyang putaktihin tungkol kay Joseph.

Muntik na niyang makalimutan ang binatang tumulong sa kanila. Gusto sana niyang tanungin si Liz, kaya lang pinangunahan na siya ng hiya.

"Maupo ka, Ate Celes," alok ni Liz sa kanya.

Malawak ang silid nito na bahagyang inspired sa mga european queen suite. Malapit sa kama nito ang couch at sa tapat n'on ay bubungad ang napakalaking flat screen TV na daig pa ang nasa entertainment room.

Naupo siya sa inuwestra nitong upuan. Saka niya napansing may nakahanda ng inumin sa mesita na para sa kanilang dalawa.

Mayamaya'y naupo rin ito sa couch na nasa tapat lamang niya. 'Di niya maiwasang magtaka at mapaisip sa dahilan kung bakit siya nito personal na ipatawag.

"Pasensya ka na Ate Celes kung ngayon ko lang kayo mapapasalamatan sa pagliligtas n'yo sa akin last time. Buong buhay po akong magpapasalamat sa inyo," simula nito.

"Naku, hindi na po Ma'am Liezel. Kahit sino ay gagawin din 'yon?" aniya.

"No, they wouldn't. Nathan has a knife at that time."

Tila may kung ano'ng bumara sa lalamunan siya matapos na marinig ang bagay na 'yon. Ibig sabihi'y muntik na siyang mapatay ng mga oras na 'yon. Hindi niya napansing may hawak palang kutsilyo si Nathan nang pumagitna siya sa mga ito, marahil dahil na rin sa takot at pagpapanic niya.

"Nalaman ko pala kay ‘Nay Lorna na hindi ka raw po nakapagtapos ng kolehiyo, Ate Celes," wika nito.

"Opo, hanggang hayskul lang po ang natapos ko," aniya.

Halatang may sumagi sa isip nito at bumukas ang isang maaliwalas na ngiti sa mga labi. "Naisip ko sanang habang narito kayo sa Maynila ay makapag-aral na rin kayo."

Napamaang siya. "Po?"

Kumislap ang mga mata nito matapos na makita ang reaksyon niya.

"Halos tatlong taon na kayong nagtatrabaho sa pamilya namin. Alam ko pong mahalaga pa rin sa inyo ang makapagtrabaho dahil mag-isa ninyong itinataguyod ang dalawa n'yo pong kapatid. Gusto ko po sanang matulungan kayo na makapag-aral para kahit papaano'y sabay na kayo ng kapatid ninyong si Kristine na makapagtapos ng kolehiyo."

Hindi pa rin makapaniwala sa mga naririnig. "Pero, Ma'am Liz."

"Ito po ay tulong ko na rin sa inyo dahil kitang-kita ko po ang pagsusumikap n'yo. ‘Wag na rin kayong mag-alala dahil nakausap ko na rin sina mom at dad, masaya nga silang malaman ang plano ko."

Nag-init ang mga sulok ng kanyang mga mata. Agad niyang naramdaman sa kanyang balikat ang kamay ng butihing dalaga. Kung nagpaulan ng swerte ang Diyos noon, marahil ay gising na gising siya at nasalo ang lahat ng 'yon.

Wala siyang rason para tumanggi sa alok ni Liezel at para sa kanya ay kahangalan na kung tatanggihan pa niya ang ganoong grasya na napakabihira lamang na dumating sa buhay niya.

Sandaling pinag-usapan nila ang magiging set-up ng trabaho kasabay ng pag-aaral niya. Walang paglugaran ang galak sa puso niya nang sa haba ng panahon na hindi niya nagawang makatuntong ng kolehiyo ay ngayon ay maisasakatuparan na niya.

Hindi na bago kung minsan ay napagbubulungan siya ng mga katrabaho at nagsimulang nang gumawa ng kanya-kanyang kwento para lamang maibsan ang inggit at sama ng loob na nadarama ng iba sa mga ito. Likas na sa kanyang hindi iyon pagtuunan ng pansin pero madalas lang talagang naaabutan niya ang mga itong sinisiraan siya.

Tatlo hanggang limang oras lamang ang klase niya sa isang araw at apat naman sa isang linggo ang pasok. Malaki ang pasalamat niyang karaniwan sa mga major subject niya ay panggabi at bago ang mismong pasahan ng mga gawain niya sa paaralan ay agad na rin niyang tinatapos para hindi sumabay sa trabaho niya.

"Magpahinga ka na, Celes. Mayroon akong naitabing hapunan sa ibabaw ng drawer mo," wika ng mayordoma, si Manang Lorna nang maabutan siyang kauuwi lamang galing ng paaralan.

Sa isang iglap lang ay nagbago ang pakikitungo nito sa kanya, naging mabait at maaalalahanin ito. Sobra na yatang sabihin niyang sa tuwing nararamdaman ang malasakit nito ay daig pa ang tunay niyang ina.

"Maraming salamat po, Manang Lorna," magalang niyang pasasalamat.

Ang akala niya ay mauuna na itong pumasok sa loob nang mapansing nakatingin lamang ito sa kanya.

"‘Wag mo na lamang pansinin ang mga sinasabi sa 'yo nina Deng at Jenny." Tinutukoy ang dalawang bagong katulong.

"Oho." Wala rin naman siyang balak na sayangin ang oras na patulan ang dalawang 'yon na binanggit dahil alam niya sa sariling magsasayang lang siya ng oras.

Nagtaka siya ng sumenyas ito na sabay na silang pumasok sa loob ng mansyon. 'Di niya maiwasang masabik sa ganoon, dahil halos gabi-gabi ay mag-isa siyang pumapasok doon. 

"Kumusta ang school mo?" biglang tanong nito. Hindi na maging napakapormal ng tono ng boses nito 'di tulad dati kaya iwas siyang makipag-usap dito kung hindi rin lang trabaho ang mapag-uusapan.

"Ayos lang po, mababait din po mga kaklase ko," aniya na may ngiti sa labi.

Nagulat siyang makitang ngumiti rin ito. Muntik na siyang mapasigaw sa matinding gulat. Higit animnapu na ang edad nito, kung hindi nakakunot ay nakasigaw lamang ang mga reaksyong nakikita niya mula rito. 

"Kapag may problema ka ‘wag kang mag-aalinlangan na agad magsabi sa 'kin. Hindi ko rin matanggal pa sa trabaho sina Deng at Jenny dahil gipit din sa pera ang mga pamilya nila," paliwanag nito.

Matagal na niyang alam na mabait ito, nagkataon lang na ang unang bumungad sa kanya ay ang pagiging mahigpit nito sa trabaho na maraming beses noong bagong pasok siya roon ay napagsabihan nito.

"Ayos lang ho, sanay naman na ako sa mga ganoon," katwiran niya.

Sandaling natahimik ito na pinagtakahan niya. "Hindi pa ako nakakapagpasalamat sa 'yo sa pagliligtas mo kay Madam Liz."

Saka niya naalala na napakalaking pagbabago ng trato sa kanya noong iligtas niya si Liz. Wala naman siyang ibang sagot sa mga taong nagpapasalamat sa kanyang ginawa kung hindi isang munting ngiti.

Minsan hindi niya maiwasang maalala ang binatang tunay na nagligtas sa kanya at kay Liz. Hindi na rin kasi niya ito nakita matapos ang mga nangyari marahil naging busy na ito. 'Di na niya tuloy ito napasalamatan. 

"Bago ko pala makalimutan, Celes," pukaw nito sa kanyang atensyon. "Nagpunta nga pala rito kanina si Sir Joseph at hinahanap ka," anito.

"Bakit raw ho?" usisa niya.

"Tinatanong niya kung libre ka raw bukas. Hindi ba day-off mo 'yon?"

Nagsalubong ang kilay niya. Ano naman kaya ang kailangan sa kanya ng binata? 

"Nakiusap siya kay Ma'am Liezel kung pwede ka raw bang ayain na lumabas."

Nasamid yata siya sa sariling laway. Umubo-ubo muna siya bago hinarap si Manang Lorna. Baka mali rin kasi ang dinig niya dahil sa pagod. 

"Ano raw ho? Ayain lumabas?" Kailan pa sila naging close ng binata? 

Iniisip pa lamang 'yon ay kinikilabutan na siya.

"Beinte-syete ka na Celes pero balita ko kay Sabel ay wala ka pang naging nobyo kahit isa. Malay mo, si Sir Joseph na pala ang tinadhana para sa 'yo."

Parang gusto niyang kaltukan ang sarili. Hindi niya mawari kung nananaginip lang siya pero animo'y naririnig niya si Sabel kay Manang Lorna. 

Ito na naman ang tadhana kuno na ilang beses na niyang naririnig simula noong magkita sila ni Joseph. 

Saka niya napansing tila kinikilig pa si Manang Lorna habang sinasabi 'yon. Tumanda na kasi itong dalaga. Pero hindi lang siya sanay makita itong ganoon.

Teka, maganda rin palang pagkakataon 'yon para mapasalamatan niya ang binata at mabayaran ang kulang niya.

Destiny. Tadhana. Siguradong war lang sila bukas ng binata kaya walang love story na maasahan ang mga ito sa kanila.

Gwapo lang si Joseph, pero 'di niya type ugali n'on.

***

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status