Share

Chapter 3

“’Nay, ano na naman ba ho itong pinasok ninyo?” nag-aalalang tanong niya sa ina ng mailabas ito sa selda ng pulis.

Umirap ang kanyang ina sabay patong ng dalawang paa sa upuang nasa tabi nito. Animo’y reyna ito doon kung titingnan.

“Pwede ba, Liana… kung wala kang sasabihing maganda, umuwi ka na lang. Sa halip na tanungin mo ako kung kumain na ako ‘yan agad ang ibubungad mo sa akin,” nanenermong wika nito.

Humugot siya ng malalim na hininga sabay abot sa pagkaing dala. “Ito nga pala ho. Bumili ako ng pansit at ulam d'yan sa labas,” aniya dito.

Ngumisi ang kanyang ina. “May silbi ka rin naman palang talaga kahit papaano,” anito sabay bukas ng plastic na may pansit at gutom na gutom na kinain iyon.

Napapailing na tumayo na lang siya at ikinuha ito ng tubig.

Nakukuha nitong magsugal ng napakatagal na oras ng walang laman ang tiyan. At hindi na siya magtataka kung ito man ay magkasakit din dahil sa ginagawa nito.

“Kailan mo ako ilalabas dito?” tanong ng kanyang ina pamaya-maya habang puno pa ng pansit ang bibig.

“Ho? Saan naman ho ako kukuha ng ipapyansa sa inyo?”

Padarag na ibinaba ng kanyang ina ang plastic na tinidor sa lamesa. “Aba’y bakit ako ang tinatanong mo? Gumawa ka ng paraan! Pati ba naman iyon sasabihin ko pa sa ‘yo?” anito na iiling-iling at muling sumandok ng pansit.

Hindi naman makapaniwalang tinitigan ni Liana ang ina. Kung pwede nga lang na pabayaan niya na lang ito ay ginawa na niya. Kaso nangako siya sa yumaong ama na aalagaan niya ang kanyang ina at kapatid kaya wala siyang magagawa kundi sundin ito.

Pero saan naman siya kukutkot ng ipang-papyansa dito?

Nang wala naman siyang maisip ay muli siyang napabuntong-hininga. Nahiling na lang niya sa sarili na sana ay buhay pa ang kanyang ama. Kung naririto lang siguro ito baka hindi siya namomroblema ng ganito.

Pinagmasdan niya ang ina.

Sarap na sarap ito habang kumakain. Ni hindi man lang siya nito nakuhang alukin. Hindi rin ito nagtatanong kung kumusta na ba ang kapatid niya. Parang balewala lang dito ang pagkakasakit ni Lester.

Kunsabagay, ano pa nga bang aasahan niya dito? Dapat nga sanay na sanay na siya sa ganoong pag-uugali ng ina. Na ni minsan, hindi nagpakita ng kahit na amor man lang sa kanila ng kapatid niya.

Hindi niya nga lubos na maisip kung ano ba talaga ang nagustuhan ng kanyang ama dito, bukod sa maganda ito? Lahat kasi ng ugali na mayroon ito ay pawang mga hindi kaaya-aya. Ang kanyang ama lang yata ang nakapagtiis dito ng matagal.

“O, anong itinitingin-tingin mo d’yan?” asik nito ng maramdaman ang ginagawa niya. Kinuha nito ang tubig na nasa tabi nito at ininom iyon.

“S’ya nga pala…” anito sabay dighay. Ngumiwi pa ito ng maamoy ang sariling hininga. “Tumawag sa akin si Mama Dhane kagabi. Ano bang ginawa mo sa customer mo at nagwawala ng maigi ang baklang iyon?”

“Ho?” lumikot ang mga mata ni Liana. “W-Wala naman ho…” nauutal na tugon niya.

“Eh, bakit ganoon na lang kung makatalak iyon? May sinasabi pa na kung hindi ka daw magpapakita sa loob ng dalawang araw ay sa kulungan din ang bagsak mo.”

Nawalan ng imik si Liana. Ano bang gagawin niya? Nagpatong-patong na ang problemang dumating sa kanya.

Akala pa naman niya tuluyan na niyang matatakasan ang lalaking iyon kagabi, hindi pa pala. At mukhang totohanin nga nito ang bantang ipapakulong siya.

Ngayon siya naman ang nahaharap sa alanganin.

Paano na si Lester ‘pag nagkataon?

Litong-lito ang isip na napatingin na lang siya sa kawalan.

**

“Sigurado ho ba kayo sa sinasabi ninyong ito, Aling Perla?” nag-aalangang tanong niya sa may-edad na babae, na kagaya niya ay hindi rin mapakali sa kinauupuang sofa nito.

Kasalukuyan silang nasa salas ng marangyang mansyon na iyon at hinihintay na bumaba ang sinasabi nitong si Mrs. Enriquez. Ipapasok daw siya nito doong katulong.

Isa ang Mrs. Enriquez na ito sa pinagseserbisyuhan ni Aling Perla at narinig nito na nangangailangan ng isa pang kasam-bahay doon. Kaya’t hindi na ito nagdalawang-isip pa na ipasok siya. Nalaman kasi nito na kailangan niyang mag-doble kayod para mailabas ang ina sa kulungan at para may maibili ng gamot ang kapatid niya.

Nginitian siya ni Aling Perla. “Oo naman. Mabait si Mrs. Enriquez at madaling pakibagayan, kaya panatag ako kung dito ka magtatrabaho. Kaysa sa bar na sinasabi mong pinagdalhan sa ‘yo ng iyong ina na muntik mo nang ikapahamak.” Sagot nito habang iiling-iling.

Naikwento niya na rin iyon dito dahil wala na rin siyang ibang mapaglalabasan ng kanyang problema kundi ito lang.

“Salamat ho ulit, Aling Perla. Patong-patong na ang utang na loob ko sa inyo.”

“Sus! Ano ka ba… Alam ko naman kung gaano kahirap ang pinagdadaanan mo ngayon. Maliit na bagay lang ito ng pagtanaw ng utang na loob ko sa iyo,” anito na ang tinutukoy ay ang pagkakaligtas niya dito ng muntik na itong masagasaan. Kundi dahil sa kanya, baka matagal na itong nasa itaas.

“Perla, ikaw pala.” Anang isang malamyos na tinig mula sa itaas ng hagdan. Sabay pa silang napalingon doon ni Aling Perla at magkasunod na tumayo.

Isang may-edad ngunit napaka-glamorasang babae ang naroon. Malapad ang pagkakangiti nito habang nakatingin sa kanila.

“Magandang hapon, ho, Mrs. Enriquez.” Magalang na bati ni Aling Perla dito habang bumaba ito ng hagdanan.

“Anong maipaglilingkod ko sa ‘yo?” tanong nito ng makalapit sa kanila. Hindi pa rin nawawala ang mga ngiti sa labi nito. “Sit down. Sit down…” anito sa kanila at nauna na itong maupo sa pang-isahang sofa.

Mabilis naman silang sumunod.

Kiming ngumiti si Aling Perla dito ng makaupo. “Narinig ko ho na nangangailangan kayo ng katulong. Baka ho pwede kong ipasok sa inyo itong pamangkin ko. Mabait at masipag na bata ho itong si Liana,” pangba-backup nito sa kanya.

Saglit siyang sinulyapan ni Mrs. Enriquez. Pagkatapos ay tinitigang muli si Aling Perla.

“Mabuti at maaga kang nagpunta dito. Tatawag pa naman sana ako ngayon sa agency para magpadala ng mga aplikante dito.”

“Ibig ho bang sabihin noon tanggap na si Liana?” nag-aalangang tanong dito ni Aling Perla.

Nakangiting tumango si Mrs. Enriquez. “Oo… Basta ikaw, Perla.” Sagot nito na ikinaliwanag namang pareho ng mga mukha nila.

“Talaga ho, Mrs. Enriquez?” hindi pa rin makapaniwalang tanong nito.

“Oo. Alam ko naman na mabuti kang tao, kaya may tiwala ako dito kay… Ano nga uling pangalan mo, hija?” malumanay na tanong nito sa kanya.

“Liana po… Liana Cuevas.” Nahihiyang tugon niya dito.

“Liana… Napakaganda naman ng iyong pangalan. Parang ikaw,” masuyo ang ngiting wika nito na ikinapamula naman ng kanyang mukha.

Hindi siya sanay na nakakarinig ng papuri sa ibang tao. At ang marinig iyon mula mismo sa bibig ng isang may-kaya ay nakakapagpataba ng puso niya.

“Salamat ho…” aniya at kiming nginitian si Mrs. Enriquez.

Malapad namang ngumiti ito sa kanya. “Walang anuman, hija,” anito. “Bueno, kailan mo gustong magsimula?”

Napatingin si Liana kay Aling Perla. Tumango naman ito sa kanya. “Pwede ho bang ngayon na din? At… pwede ho bang maki-usap na rin sa inyo?” alanganing tanong niya dito.

“Ano iyon?” magiliw na tanong nito.

“Kung pwede po sana mag-cash advance sa inyo…”

Napailing si Mrs. Enriquez. At sa pag-aakala ni Liana ay indikasyon iyon ng hindi nito pagpayag.

Napabuntong-hininga siya ng malakas. Lumapaypay ang mga balikat na sinulyapan niya si Aling Perla na malungkot din namang nakatingin sa kanya.

Nangiting muli si Mrs. Enriquez. “Iyon lang ba? Magkano ba ang kailangan mo?” tanong nito na bumuhay muli sa loob ni Liana. Para siyang nabunutan ng tinik sa dibdib dahil sa sinabi nitong iyon.

“Talaga ho? Ayos lang ho?” masiglang wika niya.

Tumango naman ang may-edad na babae.

“Eh, pwede ho bang mga twenty thousand?” aniya.

Bahagya namang nagulat si Mrs. Enriquez pero sandali lang iyon. “Walang problema. Pagtatrabahuhan mo naman iyon,” tugon nito.

“Naku! Maraming-maraming salamat ho talaga. Malaking tulong ho ito sa amin,” tuwang-tuwang wika ni Liana na napatayo pa sa sobrang kaligayahan.

“Ayos lang iyon, hija. Sandali at kukunin ko lang ang pera,” anito sabay tayo at muling bumalik sa itaas. Ni hindi man lang ito nagtanong sa kanila kung saan gagamitin ang pera.

Pagbaba nito ay may dala na itong sobre. “Ito, hija… Pinalabisan ko na rin iyan at baka kulangin ka pa,” nakangiting wika nito sabay abot ng sobre sa kanya.

“Naku! Sobra-sobra na ho ito! Salamat ho talaga.” Aniya at masayang nilingon si Aling Perla na malapad din ang ngiti.

“Marami hong salamat, Mrs. Enriquez. Napakalaking tulong nito kay Liana,” ani Aling Perla dito.

“Wala iyon, Perla. Hindi ko maaatim na tanggihan itong si Liana. Mukhang nagayuma ‘ata ako,” biro nito na ikinatawa nilang tatlo.

“Paano ba ‘yan Liana… maiwan na muna kita dito.” Baling nito sa kanya. Sunod-sunod naman siyang tumango dito. “Mrs. Enriquez kayo na ho muna ang bahala sa batang ito,” anito na si Mrs. Enriquez naman ang hinarap.

“Huwag kang mag-alala Perla… Hindi ko siya ituturing na iba sa bahay na ito,” sagot nito.

Bago umalis si Aling Perla ay ipinadala niya dito ang pera at sinabing ito muna ang bahala kay Lester pati sa inay niya. Napag-usapan na nila kanina na kapag natanggap siya ay dito niya iiwanan ang kapatid. Dahil mas panatag siya kung ito ang makakasama ni Lester.

Pabalik na siya sa loob ng mansyon ng bumakas ang malaking gate at pumasok doon ang kulay itim na kotse. Nagtaka pa siya ng tumigil ito sa harap niya.

Kunot-noong tumingin siya sa tinted na salamin ng sasakyan ng biglang bumukas iyon. At biglang nanlaki ang mga mata niya ng mapagsino ito.

“I-Ikaw!?” Aniya na halos panawan na ng ulirat.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status