Share

Chapter 06: Scold Her

Nanatili akong titig na titig sa mga librong iyon habang napapakinggan ko ang mga malalalim na paghinga ni Creed, senyales na galit talaga siya. Nakita ko pa ang librong binigay niya sa akin noong 8th monthsary namin.

Dahan-dahan kong pinulot ang librong iyon mula sa mga librong nagkalat sa sahig ng aking kwarto. Basang-basa iyon at mabaho ang amoy, masakit sa ulo.

Ininda ko ang hindi magandang epekto ng gasulina sa akin at binuhat ang libro nang may pag-iingat. Hindi ko na lang namalayan na umiiyak na pala ako habang nakatitig doon.

Ang sakit at ang bigat ng dibdib ko. Pakiramdam ko ay galit ang mundo sa akin at pinagkakaisahan ako ng lahat ng tao. Na kahit ang pinakamalalapit sa akin at mga mahal ko sa buhay ay pinagkakaisahan rin ako.

Nanatili akong ganoon, nakayuko't nakaluhod habang tahimik na lumuluha. Niyakap ko ang libro habang pilit na iniisip kung ano ba ang ginawa ko sa buhay ko para maging ganito kasaklap ang pagdadala nito.

Isang malamig na kamay ang madiin na pumisil sa isa kong balikat.

"Ate... Hindi maganda 'yang ginagawa mo. Itatapon mo dahil ayaw mo na. Nandito naman ako, ate. Pwede namang ibigay mo na lang sa akin." Naramdaman kong lalo niyang idiniin ang kamay niya sa balikat ko.

Naramdaman ko ang sakit doon pero parang wala na iyon sa akin. Kung ikukumpara sa sakit na nararamdaman ko ngayon, walang-wala 'yang ginagawa niya sa balikat ko.

"Alam mo naman 'yan. Basta bigay mo, ate, tatanggapin ko."

"What's going on here?!" Matinis na sigaw ni Mama na sa pakiwari ko'y nasa hamba ng pinto ng aking kwarto ang biglang umalingawngaw.

Humiwalay sa akin si Athena at nagpagpag pa ng kaniyang damit. "It's nothing, Mama. Tinulungan lang namin si Ate hanapin 'yung mga nawawala niyang gamit."

Narinig kong bumuntong-hininga si Mama. "'Di ba, I told you to never enter this room? Ang tigas-tigas pa rin talaga ng ulo mo, Ena."

Naroon na rin si Papa sa labas at rinig kong tinawag niya si Creed at may ipapakita raw siya. Lumabas si Creed nang walang imik, hindi si Athena, ang nanay ko, o ako ang binalingan niya ng tingin. Basta lang siya lumabas doon na parang walang pakialam.

"I'm sorry, Mama. I just want to tour Kuya Creed around the house kaya lang we heard Ate Aisha, nagwawala siya because some of her things went missing daw." Nakita ko sa gilid ng mga mata ko ang pagkibit-balikat niya. "So Kuya Creed and I decided to help her find it."

Nagwawala? Ako? Gusto kong tumawa nang malakas. 'Yung tipong mabubulabog 'yung buong bahay pati 'yung kapitbahay.

Grabe gumawa ng storya 'to, pwede nang maging writer sa isang teleserye.

"Nahanap niyo?" Tanong ni Mama habang kinukuha ang kamay ni Athena palabas roon, papunta sa kung saan.

"Yes, Mama." Narinig kong sagot ni Athena bago sila tuluyang nakalayo.

And here I am again, left alone.

Great.

***

Mabigat ang talukap ng mga mata ko nang naisipan kong humiga sa kama. Ilang oras din yata akong nakaluhod lang doon. Kahit tumigil na 'yung luha ko, nanatili ako doong nakatitig lang sa kawalan.

Yakap-yakap ko ang librong binigay niya sa akin. Kahit ilang taon na rin, hindi pa naman kumupas ang tinta ng pinangsulat niya doon kaya malinaw pa ang mga letra ng kakaibang lenggwaheng sinulat niya. Aniya’y pangalan daw namin ‘yon kaya hindi na din ako nang-usisa sa bawat detalye.

Siguro dito na lang ako magpapalipas ng gabi. Masyado na rin malalim ang gabi kung uuwi pa kami sa bahay. Baka madisgrasya pa kami kung uuwi kami.

Hindi ko alam kung ilang minuto pa lang akong natutulog pero agad akong nagising sa malakas na yugyog sa aking katawan.

"We are not staying for the night. We are going home. Bakit natutulog ka na?" Iritang tanong sa akin ni Creed.

Napabalikwas ako ng bangon at agad na yumuko. "I'm sorry. H-Hindi ko alam."

"Just hurry." Tinalikuran na niya ako at nagsimula nang maglakad palabas ng lwarto ko. "I won't wait for you. Kung wala ka pa do'n pagbaba ko, I'll leave you. 'Wag kang magpapatagal-tagal."

"O-Okay..."

Mabilis lang akong inayos ang damit ko at agad na ring tumungo pababa.Naabutan ko pa si Creed na nagpapaalam kila Mama at Papa na kasalukuyang nanunuod ng telebisyon. Wala si Athena, baka nasa kwarto na niya.

"Mom, Dad, alis na po kami." Magalang niyang saad sa mga magulang ko.

"Oh, aalis ka na? Akala ko'y magpapalipas ka na ng gabi rito, hijo." Gulat na usal ni Mama at napatayo pa. Saglit niya akong binalingan ng tingin pero agad ding binalik kay Creed ang paningin na para bang hindi ako kung sino na dapat niyang pagtuunan ng pansin.

"May meeting po kasi ako ng maaga bukas. Kung dito po kami magpapalipas ng gabi, baka mahuli po ako kinabukasan."

"Oo nga naman, Ma." Singit ni Papa. "Baka nga mahuli siya sa meeting. Importante iyon."

"Hindi naman sa sinasabi kong hindi 'yon importante, masyado na kasing gabi at baka mapaano pa itong si Creed sa kalsada." Sagot naman ni Mama.

Bakit sa usapang ito, para lang akong bula? Parang hindi nila ako nakikita. Parang wala ako dito. Parang si Creed lang ang aalis. Parang kay Creed lang sila nag-aalalang gabi na at biya-biyahe pa siya pauwi?

"Malalim na po ang gabi. Uuwi na po kami."

Hindi na hinintay ni Creed ang sasabihin ng mga magulang ko't nilagpasan na ako palabas ng bahay. Hindi ko alam kung susunod ba ako kay Creed o magpapaalam sa kanila dahil 'di rin naman nila ako pinapansin.

Tumalikod na ako't handa nang sundan si Creed nang makatanggap ng pasintabi mula kay Mama.

"Sasama-sama nang 'di iniimbita tapos 'di marunong magpaalam."

Napalingon ako sa gawi nila Mama nang sabihin niya iyon. Parehas silang nakaharap sa telebisyon na parang walang nagsalita ng gano'n.

"Ang pangit talaga ng ganoong ugali, 'no, Pa?" Biglang sabat ni Mama.

Hindi ko alam kung ano na naman ba ang pumapasok sa isip ni Mama at ganiyan na naman ang mga sinasabi niya. Alam kong ako ang pinariringgan niya, ang hindi ko lang maintindihan ay kung para saan pa. Hindi ba't iniignora nila ako? Bakit biglang gusto nilang magpaalam pa ako?

Hindi nga nila ako tinuturing na anak, na kapamilya, tapos gusto nila ituring ko silang mga magulang?

Hindi ko na lang pinansin ang pasintabi ni Mama at dumiretso na palabas ng front door. Kung ayaw nila akong maging anak, isn't it just correct na ayaw ko na lang din silang maging magulang?

I don't like it when some things are unrequited. Ako na lang ang gagawa ng pabor para sa kanila.

Tama nang lagi na lang ako ang kawawa. Sobra-sobra na kay Creed, pati ba naman sa kanila din?

Pero siguro nga'ng tama na lang na nagpaalam ako para kahit papaano ay tumagal ang oras na hindi ako lalabas. Hindi ko alam na hindi pa pala tapos ang mga luha kong tumulo nang mahuli ko si Creed na bahagyang nakababa ang ulo at nakatalikod sa gawi ko. Noong una ay hindi ko pa makita kung bakit siya nakayuko, pero agad ko ring napagtanto kung bakit.

Ngiting-ngiting sumulpot si Athena mula sa harap niya.

They were kissing...

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status