Share

CHAPTER 04

" Señor, narito na po ang hapunan ninyo. Papasok na po ako, " rinig ni Amadeus na katok sa kaniyang kwarto at mula sa gilid ng kaniyang mata, nakita niyang bumukas ang pinto at pumasok ang mayordoma dala ang pagkain niya. Maingat na ipinatong ang bandeha sa mesa na nasa kaniyang harapan habang isa-isang inalis ang plato at baso para makapagsimula na siyang kumain. 

" Iyong babae... " panimula ni Amadeus saka isinara ang librong binabasa. "...nakauwi na ba siya? "

" Si Lucine ho ba ang tinutukoy n'yo? " anito saka kinuha ang bandeha matapos ayusin ang mga plato at gamot na iinumin niya. " Nakauwi na ho siya kanina pa matapos kayong maihatid dito. "

Hindi siya sumagot. Isang tipid na tango na lamang ang tinugon niya bago umalis sa harap niya ang mayordoma. Nang marinig ang pagsara na pinto, doon niya lang inangat ang ulo niya at tinitigan ang pagkain sa kaniyang harapan. Wala pa rin siyang ganang kumain kahit na ang nakahandang putahe ay ang paborito niyang ipaluto noon sa kusina. 

Ipinatong niya sa mesa ang libro saka pinaandar ang silyang de gulong patungo sa balkonahe ng kaniyang kwarto. Madilim na ang kalangitan ngunit maliwanag naman ang buwan. Ramdam ng balat niya ang  lamig ng ihip ng hangin, kasing lamig ng mga binitawang salita ni Lucine. Hindi niya akalaing mapupuno ito dahil lang sa maling akusasyon sa kaniya sa lawa. Hindi rin siya makapaniwala na umabot ng isang linggo bago siya pagsalitaan nito ng mga kung anu-ano sapagkat sa mga dumaang tagapag alaga niya, ilang araw lang ay makakatanggap na siya ng mga masasakit na salita at kinabukasan, mababalitaan na lang niyang umalis na ito at wala ng balak pumasok para pagsilbihan siya. Hindi na rin siya magtataka na bukas, ganoon rin ang gawin ng dalagang ito sa kaniya. 

" Kailangan niyo ng taong tutulong sainyo pero ayaw niyo lang tanggapin dahil naaawa rin kayo sa sarili n'yo. "

Ang linyang iyon at pinakatumatak sakaniya na hanggang ngayon, paulit-ulit pa ring naririnig ng isip niya. Isang saksak para sakaniya ang sinabi nito at ayaw niyang aminin sa sarili na tama si Lucine dahil para na rin niyang inamin sa sarili na talo s'ya at  wala na siyang pakinabang pa. Hindi niya gustong kaawan, hindi niya nais ang simpatya ng mga tao sa palid niya. Gusto niyang bumalik sa dati—'yong normal na buhay nang hindi binibigyan ng espesyal na pag trato nang dahil lang sa kalagayan niya ngunit pakiramdam niya'y suntok sa buwan ang hinihiling niya.  

Bumaba ang tingin niya nang makitang may paparating na itim na sasakyan na ilang saglit lang ay tumigil at bumaba mula rito ang asawa niya. Isinara nito ang pinto ng kotse at akala niya ay papasok na ito sa loob ng mansyon nang bumaba ang salamin ng bintana ng kotse at dumungaw ang isang pamilyar na lalake. May sinabi ito kay Venice na halata sa kilos ang pagkataranta. Lumingon-lingon pa ito sa paligid sa takot na baka may makakita sa kanila bago bigyan nang mabilis na halik ang lalaking na sa loob ng kotse. 

Napangisi siya. " Sa harap pa talaga ng pamamahay ko, Venice. "

Ilang buwan na simula noong malaman niya ang kinalolokohan nito at pakiwari niya'y minsan, tila sinasadya na ng asawa niya na ipakita sa kaniya ang kataksilan nito, subalit nananatili siyang walang kibo at hinayaan itong magsaya. Noong una, nakaramdam siya ng matinding galit at  maraming naipong katanungan sa kaniyang isip, subalit noong tumagal ay pagkadismaya at pagtanggap na lang ang nagawa niya. Wala na siyang kakayahang mapaligaya ang asawa kaya hinanap na nito sa iba. 

Masakit, ngunit ito na ang realidad niya at matagal na rin niyang tinanggap na hindi na siya makakabangon mula sa pagkakadapa niya. 

***

" T-totoo ba ang nakikita ko? " halos lumuwa ang mata ng mayordoma habang nakatingin kay Lucine na nasa harap ng pintuan ng mansyon. Nakakunot ang noo nito at iniisip kung bakit ganito ang reaksyon ng mayordoma sa harap niya. 

" May problema po ba? " tanong niya saka sumilip sa likuran ng mayordoma. " Hindi na po ba ako puwedeng pumasok? "

" Naku, hindi—ang ibig kong sabihin, tumuloy ka. Sige, pumasok ka na. " Gumilid ito sa pintuan upang makapasok si Lucine sa loob na nagtataka pa rin dahil tila gulat na gulat ang mayordoma at ilang kasambahay nang makita siya ngayong umaga. 

" Mayroon po ba akong dapat ipag-alala? " tanong niya saka inangat ang tingin sa ikalawang palapag kung saan naroroon ang silid ni Amadeus. 

" Wala naman, hija. Hindi lang ako makapaniwala na pumasok ka matapos ng nangyaring insidente kahapon, " at doon lang niya naintindihan kung bakit ganoon ang mga tingin na ibinibigay sa kaniya. 

" Gising na po ba siya? " 

" Ah, oo gising na s'ya. Sakto nakahanda na ang umagahan ng Señor, ikaw na ang magdala sa silid niya para makakain na rin siya. " Nagtungo ito sa kusina upang kuhanin ang bandeha kung saan nakalagay ang pagkain ni Amadeus. Sumunod si Lucine na hindi maiwasang makaramdam ng pag-aalinlangan matapos noong nangyari kahapon. Sa katunayan, hindi rin niya inakala na papasok pa siya dahil nagkaroon pa ng pagtatalo ang isip niya kagabi kung tutuloy pa ba siya o hindi na. Bumabalik sa isip niya 'yong mga binato niyang salita kay Amadeus at aminadong nahihiya para sa sarili dahil hindi pa nga niya ito lubos pang kilala pero nakapagbitaw siya ng mga salitang hindi tamang sabihin para sa taong sensitibo ay may pinagdadaanan.

Maingat siyang pumanhik sa itaas dala ang umagahan na para kay Amadeus at sa bawat hakbang niya sa baitang ng hagdan, inihahanda na niya ang sarili sa mga salitang matatanggap niya at sa kaniyang paglalakad sa pasilyo, saglit siyang natigilan nang mapadaan sa isang silid na ang pinto ay bahagyang nakaawang at may naririnig s'yang boses ng isang babae. 

" Ano ba, huwag dito. Baka may makakita saatin, Sergio. Pupunta pa ako sa asawa ko. "

Nagsalubong ang kilay n'ya dahil agad niyang nakilala ang boses ni Venice.

" Mamaya na, tsaka wala namang papasok dito, mahal. Nakasarado ang pinto kaya huwag ka na lang maingay, " boses ng isang lalake at sinabayan ng mahinang tawa ni Venice na tila kinikiliti. 

" Sigurado ka ba? Tignan mo muna kung naka-locked. Mamaya may kumatok, wala kang pagtataguan dito. "

" Edi tatalon ako dito sa bintana. Okaya naman ay itago mo ako sa suot mong bestida. Habang nagpapaliwanag ka, paliligayahin naman kita, " muli siyang nakarinig ng bungisngis at bago pa may makakita sa kaniya, umatras na siya at nagtuloy-tuloy sa paglalakad sa pasilyo.

Lalong nadagdagan ang kabang nararamdaman dahil nakarinig siya ng bagay na hindi dapat niya malaman. Hindi niya gustong manghimasok sa buhay ng mag-asawa pero hindi naman kaya ng konsensya niya ang manahimik dahil para na rin niyang pinagtatakpan ang isang kasalanan. 

Huminto siya sa harap ng silid ni Amadeus at bago pa siya makakatok, bumakas na ang pinto. Nagtama ang kanilang mga mata at ni isa sa kanila, wala agad nakapagsalita. 

Napalunok ni Lucine at binaba ang tingin sa hawak niya. Iba na ang dahilan ng kaba niya ngayon, hindi na 'yong tungkol kahapon. 

" Magandang umaga po. Narito na po ang umagahan niyo, " aniya at nang makitang umatras ang silyang de gulong para bigyan siya ng daan, pumasok na siya sa loob. Binaba niya ito sa mesa at habang inaayos, ramdam niya ang titig ni Amadeus na nasa likuran niya na kulang na lang ay tunawin siya. Hinanda niya ang sarili sa mga sasabihin nito pero natapos siya sa pag-aayos, wala s'yang narinig mula dito. 

" Oh, nandito ka na pala. " Napatingin siya sa pintuan nang marinig ang boses ni Venice. " Kararating mo lang? "

" Halos kararating ko lang po, " pasimple siyang umiwas ng tingin at umatras para bigyan ito ng espasyo sa daan. Uminit bigla ang paligid dahil ramdam niya ang kakaibang tensyon sa silid na ito. Hindi siya mapakali, gusto n'yang lumabas para makahinga siya nang maluwag. "  Maiwan ko muna po kayo—"

" Dito ka lang, " may awtoridad na sambit ni Amadeus kay Lucine nang magtangka itong lumabas ng silid. Tumingin siya sa asawa niya na salubong ang kilay na nakatingin sa kaniya. " Iwan mo muna kami. May kailangan lang kaming pag-usapan. "

" Ha? " Nilingon ni Venice si Lucine na tila natuod sa kinatatayuan nito. " Hindi ba pwedeng mamaya na 'yan? Kailangan mo pang kumain at uminon ng gamot sa tamang oras."

" Trabaho niya 'yan kaya siya na ang bahala sa bagay na 'yan, " anito saka binaling ang tingin kay Lucine. 

Nakakabinging katahimikan ang bumalot sa silid habang palipat-lipat ang tingin ni Venice sa asawa at sa tagapag alaga nitong bakas rin sa mukha ang pagtataka.

" K-kung ganoon sige, maiwan ko muna kayo. Tawagin niyo na lang ako kapag may kailangan kayo, " ani Venice bago naglakad palabas ng silid at nang maiwan ang dalawa, lalong bumigat ang hangin sa pagitan nila. 

" Tungkol sa nangyari kahapon... " panimula ni Amadeus habang diretso ang mga matang nakatingin kay Lucine. "...humihingi ako ng tawad. "

Nawala ang pagkakakunot ng noo ni Lucine. Hindi ganito ang inaasahan niyang sasabihin sa kaniya. 

" Naging malupit ako sa'yo, pati na rin sa mga taong nasa paligid ko. Nag asal bata ako at nanakit ng damdamin ng mga tao, " pagpapatuloy nito. " Tama ka, hindi ko gusto ang ideya na kailangan kong humingi ng tulong sa iba. Ayokong iasa ang sarili ko sa mga tao na sa paligid ko. "

" Hindi naman po nakakabawas ng pagkatao ang paghingi ng tulong sa iba, " sagot agad ni Lucine. " Lahat naman po tayo ay darating sa punto na kailangan natin ng tulong at hindi niyo po dapat ikahiya ang bagay na 'yon. Normal po iyon. "

Bahagyang umangat ang dulo ng labi ni Amadeus dahil sa bagong pangaral na narinig. " Tama ka naman, kaya humihingi ako ng pasensya sa mga nagawa ko hindi lang sa nangyari kahapon, pati na rin sa mga nagdaang araw. "

Napalunok ng laway si Lucine. Hindi niya alam kung bakit tila nag iba ang ihip ng hangin. Hindi siya handa sa ginawa nitong paghingi ng tawad, bagaman ramdam naman niya ang sensiridad ng mga salitang binitawan nito. 

" Pasensya na rin po sa mga nasabi ko kahapon, " aniya at saktong napadaan ang tingin niya sa basurahan kaya bumalik sa isip niya 'yong isa sa dahilan kung bakit siya nagalit kahapon. " Iyong gamot po ninyo—"

" Iinumin ko. " Pinaandar ni Amadeus ang silyang de gulong palapit sa mesa. " Kung wala ka pa ring tiwala, tumayo ka sa tabi ko para ipaalala ang mga gamot na kailagan kong inumin. "

At iyon nga ang ginawa ni Lucine, hindi lang ngayon kung hindi pati na rin sa mga nagdaang araw ay pumu-pwesto na siya sa likuran o sa gilid ni Amadeus, hawak ang mga gamot na kailangan niyang ipainom sa mga itinakdang oras. Hindi nga niya namamalayan na ang dating mainitin ang ulo ay unti-unting nagbabago hanggang isang araw, nagulat na lang siya na mayroong doktor sa mansyon.

" May problema po ba? " takhang tanong niya sa mayordoma nang makita sa labas si Amadeus na may kausap na doktor. Halos kararating niya lang sa mansyon kaya wala siyang ideya kung anong naganap sa higit isang oras na wala pa siya. " Pasensya na po kung tinanghali ako. May inasikaso lang po ako. "

" Ayos lang, walang problema. " Nakangiting wika nito saka binalik ang tingin sa labas kung saan naroroon ang doktor at pasyente na halatang seryoso ang pinaguusapan. " Isang magandang balita, pumayag na ulit siya na sumailalim sa rehabilitasyon. "

Bahagyang bumilog ang mga mata niya. " Talaga ho? "

Tumango ito saka siya tinignan. " Nakakagulat, hindi ba? Maski ako, iyan din ang naging reaksyon ko noong sabihan niya akong ipatawag ang doktor niya. Hindi ko inasahan na magiging ganito kabilis bumalik ang kagustuhan niyang makapaglakad ulit. Akala ko nga'y taon pa ang aabutin bago siya makumbinsi ulit. Sobra akong natutuwa sa ilang pagbabagong nakikita ko sa kaniya nitong mga nagdaang araw, pero may mas nakakagulat pa pala na mangyayari ngayon. Maraming salamat sa'yo, Lucine. "

Umiling siya. " Wala naman po kayong dapat ipagpasalamat saakin dahil ginawa ko lang po 'yong trabaho ko para asikasuhin at alagaan siya. "

" Pero nagawa mong magtagal dito ng higit isang linggo na hindi nagawa ng iba. Isang malaking bagay 'yon para sakaniya."

Natahimik siya at hindi alam kung dapat bang makunsensya. Ang tanging dahilan lang naman niya kung bakit siya nagtatagal ay ang makita at makasama ang kaniyang ama, pero mukhang may ibang plano sakaniya ang kapalaran. 

***

Musika ang isa sa nagpapakalma sa isip ni Amadeus habang nakapikit ang mga mata at dinadama ang bawat lirika ng kanta.

Sumapit na naman ang gabi nang paulit-ulit lang ang mga nangyayari sa araw niya, subalit hindi na ito katulad ng dati na nagpapakalugmok siya sa isang tabi at nagbabaliktanaw sa nakaraan. Desedido na siyang sumubok muli at wala na siyang pakialam kung gaano katagal ang kailangan abutin para siya'y muling makatayo at makapaglakad. 

" Malaki ang tiyansa na makapaglakad kayo ulit. Kailangan lang ng tuloy-tuloy na gamutan at disiplina sa katawan para maging maayos at mabilis ang paggaling ninyo. Magtiwala po kayo, darating ang araw na hindi niyo na kailangan gumamit ng wheelchair o anumang bagay para makapaglakad kayo. Magiging maayos ang mga binti ninyo, " ang mga salitang binitawan ng kaniyang doktor na panghahawakan niya hangga't siya'y nakaupo sa silya. 

Pagod na s'yang umasa, subalit napagtanto niyang mas nakakapagod pala ang magbulag-bulagan at magbingi-bingihan sa mga nangyayari sa paligid na wala na sa kaayusan. 

" Señor. " Inidnilat niya ang mga mata nang marinig ang isang boses ng babae. Isa sa kasambahay na naninilbihan sa masyon. " Ah, p-pasensya na po kung naabala ko kayo pero kailangan niyo na pong uminom ng gamot ngayon. "

Tumingin siya sa pintuan. " Nasaan si Lucine? "

" Nasa kusina po siya, dito na po pinaghapunan ni Manang Cecilia bago umuwi sakanila, " sagot nito. " G-gusto niyo po bang tawagin ko s'ya? "

" Hindi na, ibigay mo na lang saakin ang mga gamot na kailangan kong inumin, " aniya saka lumapit sa mesa at pinanood itong ihanda ang mga gamot na kailangan niyang inumin. Apat na pirasong mga tableta ang tila nagsisilbing pangalawang panghimagas niya tuwing gabi at wala s'yang magawa kung hindi ang lunukin at tiisin ang mga ito. 

" Ito na po 'yong isa. " Iniabot sakaniya ang isang tableta kasunod ang isang baso ng tubig para sa panulak, subalit bago niya pa ito tuluyang ilagay sa bibig, isang malakas na hampas sa kamay ang naramdaman niya dahilan para tumapon ang gamot na sana'y iinumin niya. 

Inangat niya ang tingin at nakita si Lucine na hingal na hingal sa harap niya habang ang mga mata ay puno ng takot at kaba. 

" Huwag na huwag mong iinumin 'yan, " anito sa pagitan ng malalim na paghinga saka kinuha ang gamot na hawak ng kasambahay at ang iba pang medisina na nasa lalagyan upang itapon ang mga ito sa basurahan. 

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status