Share

CHAPTER 05

Mainit-init pa ang inihaing putahe sa mesa nang maupo si Lucine sa silya. Iyong aroma ng ulam na nasa harap niya ay s'yang lalong nagpakulo sa sikmura niya. 

" Pasensya na po, " nahihiya niyang saad sabay hawak sa tiyan niya. 

" Wala kang dapat ikahiya. Ako nga ang dapat humingi ng tawad dahil muntik ka ng umuwi nang walang laman ang sikmura. Nakakahiya sa parte ko bilang mayordoma sa mansyon na ito, " sagot nito saka sinalinan ng tubig ang baso niya. " Sige na, kumain ka na hangga't mainit pa. Inutusan ko naman na ang isang kasambahay dito na painumin na ng gamot ang Señor. Nakapaghapunan naman na siya, hindi ba? "

Tumango siya saka inangat ang tingin sa orasan na nakasabit sa dingding sa kusina. Sampung minuto pa lang ang nakakalipas matapos niya ito pakainin ng hapunan sa silid nito at kailagan niya na lang painumin ito ng gamot bago siya umuwi subalit inimbita siya ng mayordoma na dito na maghapunan bago tuluyang umalis. 

" Uh, excuse me? Pwede ka bang makausap? " kapwa sila napalingon sa gilid nang marinig ang isang mahinahong boses. Si Venice habang nakangiti sa kaniya. " Limang minuto lang. May gusto lang sana akong itanong. "

Binalot ng katanungan ang isip ni Lucine pero wala siyang magawa kung hindi ang tumayo at iwan muna saglit ang pagkain na nakahanda na sana niyang kainin. 

Sinundan niya si Venice palabas ng kusina at habang sila'y naglalakad sa pasilyo, huminto na lang ito bigla at sa pagkakataong ito, hinarap s'ya nang wala ng ngiti sa labi nito. 

" Tatapatin na kita, may relasyon ba kayo ng asawa ko? "

Pakiramdam niya'y nabingi ang magkabila niyang tainga. Hindi niya alam kung dapat ba siyang matawa o mainis sa tanong na hindi niya alam kung saan nito nakuha.

" Anong klaseng relasyon po ba ang ibig niyong sabihin? " balik niya, " Ako po ang caregiver ng asawa niyo. Ako po ang nag aalaga at nag aasikaso sa kaniya dahil iyon po ang trabahong pinasok ko rito. Iyon po ba ang sagot na hinahanap ninyo? "

Hindi nagbago ang ekspresyon ng mukha nito. Diretso ang mga tingin nito sa kaniya na animo'y binabasa ang nasa utak niya. 

" Nagtataka lang kasi ako dahil sa ilang pagbabagong nakikita ko sa kaniya, " anito, " hindi s'ya sanay nang wala ako sa tabi niya. Hindi siya kumakain o umiinom ng gamot kapag hindi ako ang kasama niya,  pero nitong mga nagdaang araw, pansin kong mas nagiging komportable na siya sa ibang tao at nagagawa na niya ang mga bagay na hindi naman niya ugali noon. "

Nagsalubong ang kilay ni Lucine. " Pasensya na po pero bakit pakiramdam ko, hindi kayo masaya sa mga improvement ng asawa niyo? Hindi ba't dapat matuwa kayo dahil nakakakain na siya nang tatlong beses sa isang araw? Nakakainom na rin siya ng gamot sa tamang oras nang hindi kayo naabala. Hindi po ba magandang balita 'yon sainyo? "

Natahimik ito at umiwas ng tingin sakaniya. Bumaba naman ang tingin ni Lucine sa leeg at balikat nito dahil sa ilang marka ng kataksilan. 

" Wala po kayong dapat ikabahala," aniya saka binalik ang tingin nito sa mata. " Marunong po akong rumespeto ng relasyon ng mag-asawa.  Hindi po ako 'yong klase ng babae na mababa ang lipad. "

Kitang-kita niya sa mga mata ni Venice na tinamaan ito sa sinabi niya dahilan para lalo itong hindi makapagsalita. Malikot ang mga mata at hindi na makatayo nang tuwid sa harap niya. 

" Mayroon pa po ba kayong sasabihin? " tanong niya.

" W-wala na...wala na akong itatanong pa. " Piilit itong ngumiti sakaniya. " Sige na, makakaalis ka na. Kalimutan mo na lang 'yong mga tinanong ko at huwag mo na lang sana banggitin ito sa iba lalo na sa asawa ko. "

Tumango siya, ngunit bago pa siya makaalis sa kinatatayuan niya, si Venice ang naunang tumalikod at naglakad palayo. Napailing na lang siya nang mapagtanto ang nangyaring tila pagbaliktad ng sitwasyon nila. Hindi siya makapaniwala na maaakusahan siya sa isang kasalanang hindi naman niya ginagawa dahil si Venice mismo ang gumagawa ng kasalanang ibinibintang sa kaniya. 

" Sinabi ko naman sa'yo, hindi ba? Huwag tayong magpakampante. Pinabalik na niya dito 'yong doktor na nag t-therapy sa kaniya noon, kaya ibig sabihin dapat na tayong kabahan. Anong malay natin, baka may mga pina-plano siyang laban saatin? " Napalingon siya sa likuran nang marinig ang boses na nanggagaling sa hindi kalayuan. 

" Huminahon ka, Victoria. Hindi mo kailangan mataranta nang ganiyan dahil wala rin namang mangyayari kung bumalik 'yong doktor na nag aasikaso sa kaniya. Wala na silang magagawa kay Amadeus, lumpo na 'yan habangbuhay, " hindi siya puwedeng magkamali, boses ito ng kaniyang ama at pakiwari niya'y papunta ang mga ito sa gawi niya kaya agad siyang humanap ng pagtataguan habang pinakikinggan ang pinaguusapan ng mag-asawa. 

" Paano ka naman nakakasiguro? Iyong tagapag alaga nga niya, ilang linggo nang naririto kaya ibig sabihin, bumubuti na ang kalagayan ni Amadeus. Hindi na nga ako nakakarinig ng sigaw o kung anu-anong nakakairitang tunog na nanggagaling sa silid niya. Umiinom na rin siya ng gamot kaya ibig sabihin, desidido na siyang makapaglakad ulit, Logan. Ano ngayon ang gagawin natin?  "

" Wala tayong gagawin, Victoria. "

" Anong ibig mong sabihin? Hahayaan mo na lang siyang gumaling at bawiin ang lahat ng hawak mo ngayon? "

" Iyan ang sinisiguro kong hindi mangyayari saatin, " sa pagkakatong ito, malinaw ng naririnig ni Lucine ang boses ng kaniyang ama at ng asawa nito sapagkat malapit na ang mga ito sa gawi kung saan siya nagtatago. 

" Bakit? Mayroon ka na bang plano? " tanong ni Victoria at nang huminto sa paglalakad si Logan, huminto rin ito. 

" Iyong isa sa mga gamot na iniinom niya, hindi iyon kasama sa mga nireseta sa kaniya ng doktor noon. Mayroong isa doon na sa halip na gumaling ang mga binti niya, lalong lalala ang lagay niya, kaya wala kang dapat ikabahala. Dapat nga'y matuwa ka pa dahil sinisimulan na niyang inumin ang mga gamot niya, " pagmamalaki ni Logan na nagpatindig balahibo kay Lucine. Pakiramdam niya ay may kung anong sumabog sa utak niya para yumanig amg mundo niya. 

Gusto niyang masuka sa mga marinig. Hindi niya inakala na ang amang nais niyang makita at makasama ay isa pa lang kriminal. 

***

" Bakit mo ginawa 'yon? " hindi maipinta ang hitsura ni Amadeus habang nakatingin kay Lucine na hanggang ngayon ay naghahabol ng hininga.

" Pasensya na kung nabigla kayo, pero hayaan niyo po akong magpaliwanag, " anito saka ibinaling ang tingin sa kasambahay na kagaya ni Amadeus ay nabigla rin sa nangyari. " Hindi ko alam kung mayroon kayong alam kung bakit ako nagkakaganito pero gusto kong dumito muna kayo para marinig ang mga sasabihin ko. "

Nagtataka man, sunod-sunod itong tumango. 

" Salamat." Binalik ni Lucine ang tingin kay Amadeus na salubong pa rin ang kilay. Humugot siya nang malalim na hininga bago ipaliwanag ang sarili niya. " Pasensya na po ulit kung hindi niyo nagustuhan ang inasal ko, pero may gusto akong sabihin sainyo tungkol sa mga medisina niyo. Narinig ko kasi na ang isa sa mga gamot na iniinom niyo ay hindi para gumaling kayo. Mayroong gamot dito na lalong magpapalala sa sitwasyon at puwedeng umabot sa punto na tuluyan na akong maging lumpo. "

Unti-unting nagbago ang ekspresyon sa mukha ni Amadeus. Hindi mo makita ang pagkagulat, sa halip, pagkadismaya ang nakaukit sa mukha nito na tila ba inaasahan na niyang mangyayati ito. 

Binaling ni Lucine ang tingin sa kasambahay. " Sabihin niyo, may alam ba kayo dito? "

Agad itong umiling. " W-wala akong alam tungkol sa bagay na 'yan. Hindi ko alam na mayroong ganoong klaseng gamot ang nakahalo sa mga gamot ng Señor. "

" Saan mo nalaman ang bagay na 'yan? " tanong ni Amadeus. 

" Narinig ko po..." Napalabi siya, nagdadalawang isip kung itutuloy niya ang sagot niya. "...narinig ko pong pinaguusapan ito ng biyenan niyo. "

" Ano pang narinig mo? " ang mga mata nito ay diretsong nakatingin sakaniya na pati kaluluwa niya ay ramdam ang mga titig na iyon. 

Napalunok siya. Ramdam niya ang galit sa mga mata na ngayon lang niya nakita. Mas matindi ito kumpara sa mga araw na binabalibag ang mga pagkaing dinadala niya. Bumalik ang kaniyang takot subalit kailangan niyang sabihin ang mga nalaman niya dahil kung hindi niya gagawin 'yon, para na rin siyang kasabwat sa krimeng ito. 

" Hindi nila gusto ang ideya na gumaling ang mga binti niyo, " aniya, " at natatakot silang bawiin niyo ang mga bagay na hawak nila ngayon oras na makapaglakad na kayo. Hindi po ako sigurado kung ano ang tinutukoy nila pero sa tingin ko, mahalaga rin sainyo ang bagay na 'yon gayong iniisip nila na babawiin niyo po ito sakanila."

Hindi agad nakapagsalita si Amadeus. Tila pino-proseso pa ng utak niya ang mga narinig kay Lucine. Isa sa mga dahilan kung bakit niya itinatapon noon ang mga  pagkaing dinadala sa kaniya at ang gamot na pilit pinaiinom sa kaniya ay dahil sa bagay na ito. Nagsimula ito sa pakiramdam at paghihinala dahil simula noong umiinom siya ng mga gamot niya, batid niya sa sarili na hindi bumubuti ang lagay niya at kadalasan pa'y mas nararamdaman niya ang pagsakit ng kaniyang binti dahilan para itigil niya ang pag-inom ng mga medisina. 

Hinala niya lamang ito noon pero hindi niya akalaing tama ang sinasabi ng isip niya tungkol sa mga taong nagkukunwaring nagmamalasakit subalit lihim na pinapatay siya.

" Ikaw. " Tinignan ni Amadeus ang kasambahay na kasama nila ngayon sa silid. " Sigurado ka bang wala kang alam sa bagay na 'to? "

" Señor, wala po akong alam sa bagay na 'yan. Ipinapangako ko po sainyo, hindi ko po alam ang mga balak ng Doña at Don sainyo—"

" Kung ganoon, wala kang pagsasabihan tungkol sa bagay na 'to. Kalimutan mo ang mga narinig mo kung gusto mong magtagal sa trabaho mo, " aniya, " pero oras na traydorin mo ako, sisirain ko ang buhay mo pati na rin ang buong pamilya mo. "

Gumuhit ang takot nito sa mukha. " Señor—"

" Kung wala ka talagang alam sa bagay na ito, patuloy kang mag trabaho dito sa mansyon, " pagpapatuloy ni Amadeus, "  pero kung kasabwat ka nila, mas mabuti pang umalis ka na at huwag na huwag mong ipapakita ang mukha mo saakin o kahit na sinong myembro ng pamilya mo. Huwag mo kong susubukan. "

Nanginginig itong tumango-tango bago ito tuluyang paalisin ni Amadeus sa silid. Hindi niya gustong pagbantaan ito subalit sa sitwasyon niya ngayon, hindi niya puwedeng ipakita ang kahinaan niya lalo na't hindi na niya alam kung sino ang kaaway at kakampi sa mismong pamamahay niya. 

" Maraming salamat sa pagsabi saakin, " aniya kay Lucine saka pinaandar ang silyang de gulong palapit sa basurahan kung saan naroroon ang mga gamot na itinapon ng dalaga. " Makakuwi ka na. "

Si Lucine naman ngayon ang hindi makapagsalita. Hindi niya mabasa ang nasa isip ni Amadeus dahil sa pagiging kalmado nito matapos ng mga sinabi niya. 

" Ano pong pwede kong maitulong sainyo? " tanong niya kaya muling napalingon si Amadeus sa gawi niya.

" Wala. Wala kang kailangang gawin. "

" Pero mayroong pagbabanta sa buhay niyo at biyenan niyo pa ang kalaban niyo dito, " may diing wika niya saka nilapitan si Amadeus. " Hindi ko po kayang manahimik at magpanggap na walang alam. Hayaan niyo po sanang tulungan ko kayo—"

" Kung sabihin kong pumatay ka ng tao, gagawin mo? "

Saglit na natigilan si Lucine. " Kung gagawin ko po 'yon, wala na rin po tayong pinagkaiba sa mga kriminal na gaya nila. "

Sumilay ang ngisi sa labi ni Amadeus dahil sa sagot nito. 

" Kung ganoon, anong kaya mong gawin para matulungan ako? "

" Handa po akong magsilbing mga paa n'yo, " may paninindigang sagot ni Lucine na sa mga sandaling ito, desidido ng tulungan ang taong nasa kaniyang harapan. Iyong pangungulila niya sa ama, napalitan ng pagkamuhi at pandidiri. Hindi niya lubos maisip na ang amang tinitingala niya ay kayang gumawa ng krimen mapasakamay lang ang ninanais nito.

Mga Comments (1)
goodnovel comment avatar
Cherry Liza M. Cariño
ang ganda,excited n aqng mbasa ang sunod n chapter...salamat at merong lucine n handang isakripisyo ang lht mtulungan lng ang taong alam nyang ns panganib
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status