Share

CHAPTER 03

Isang linggo na ang nakakalipas magmula noong pumasok si Lucine sa mansyon ng Hassan at araw-araw ay laging sinusubok ang pasensya niya ng taong inaalagaan niya, dahil kung paano niya ito nakilala noong unang araw, ganoon pa rin ito hanggang ngayon. Walang pagbabago, palagi pa rin mainit ang ulo. Hindi na lamang siya umiimik at iniintindi na lang ang kalagayan nito kagaya ng bilin sa kaniya ng mga madre nang malaman ang sitwasyon niya.

Minsan may mga oras din naman na kalmado ito at kinakain ang mga pagkaing dinadala niya at ang gamot ay iniinom rin, subalit mangyayari lamang 'yon sa tuwing kasama nila sa kwarto ang asawa.

" Pakiabot ang tubig niya, " ani Venice matapos isubo ni Amadeus ang tableta na ibinigay niya.

Maingat namang kinuha ni Lucine ang isang basong tubig na nasa mesa saka iniabot ito kay Venice na marahang pinainom ang asawa ng panulak sa tabletang pinainom nila. 

Kinuha ni Lucine ang maliit niyang kuwaderno kung saan nakatala ang mga dapat niyang ipainom na gamot kay Amadeus. Nakalagay doon ang mga pangalan ng gamot, oras at araw ng pag inom na isang malaking tulong sa kaniya para iwas kalituhan. Isinusulat din niya ang mga kailangan niyang gawin sa isang araw at mga dapat iwasan para hindi masigawan at mapagalitan ng taong tingin sa kaniya ang isang kaaway.

" Siya nga pala, mayroon akong lakad ngayong araw. Naalala mo 'yong imbitasyon na ibigay ni Albert noong nakaraang linggo? Ngayong araw na 'yong kasal nila ni Ava, " rinig niya kay Venice habang abala siya sa pagliligpit ng mga pinagkainan ni Amadeus. " Nakakahiya naman kung walang magpupunta saatin dahil noong kinasal tayo, narooon silang dalawa. "

" Walang problema, " tugon naman ni Amadeus. " Pasensya na kung hindi kita masasamahan. "

Hinawakan ni Venice ang balikat nito. " Mahal, pwede ka namang sumama. Mayroon namang sasakyan—"

" Anong oras ang uwi mo? " pagputol nito at wala namang nagawa si Venice kung hindi sagutin ang tanong nito. 

" Siguradong gabi na ako makakauwi dahil tatapusin ko 'yong seremonya. " Yumakap si Venice mula sa likuran ni Amadeus para bigyan ito ng isang mabilis na halik sa pisngi. " Huwag kang mag-alala, kasama ko naman ang driver natin. Hindi ko siya paaalisin para kung sakaling mainip na ako, uuwi agad ako dito. "

Tumango na lamang si Amadeus at ipinadala ang pagbati niya para kina Albert at Ava na ikakasal ngayong araw. Mag-iisang taon na noong huli niyang makita ang mga kaibigan, ka-negosyo at mga empleyado niya sa kompaniya sapagkat hindi naman siya lumalabas ng mansyon. Ayaw niya, hindi niya kaya ang mga tingin na natatanggap mula sa mga taong tila kinaaawan ang kalagayan n'ya. Pakiramdam niya, mas lalo siyang nawawalan ng silbi. 

Nasanay siyang tinitingala, hinahanap-hanap niya ang mga ngiti at pagbati ng empleyado niya sa tuwing papasok siya sa kompanya. Mga boses ng mga tao sa loob ng opisina, tunog ng telepono, mga yabag ng sapatos sa pasilyo, at 'yong amoy ng mga papeles na patong-patong sa mesa niya ay isang alaala na lang para sa kaniya dahil maski sarili niya, hindi sigurado kung makakabalik pa ba siya sa gusali na itinuri niyang pangalawang tahanan. 

Unti-unti na siyang nasasanay sa tahimik at madilim na silid. Nilalamon na rin siya ng kadiliman at kalungkutan na pagod na niyang labanan, sapagkat ang mga taong pinagkakatiwalaan niya ay unti-unti na rin siyang tinatalikuran. Wala na siyang makapitan. Masyado ng madilim, wala ng liwanag sa kaniyang patutunguhan. 

" Señor. " Idinilat niya ang mga mata nang marinig ang boses ng isang babae sa harapan niya. Hindi niya namalayang nakaidlip pala siya sa silyang nagsisilbing kaniyang mga paa. " Gusto niyo bang ilipat ko kayo sa kama niyo para makapagpahinga kayo nang maayos? "

Hindi siya sumagot, sa halip ay pinaandar niya ang silyang de gulong palabas ng silid niya at nagtungo sa hagdan. Lumingon siya sa likuran kung saan nakatingin sa kaniya si Lucine na mababakas ang pagtataka sa mukha. 

" Tatayo ka lang d'yan? " tanong niya para lumapit ito sa kaniya. " Gusto kong magpahangin sa labas. Ibaba mo 'ko. "

" Ah, sandali lang po, " anito saka siya ipinwesto sa isang plataporma na nakalagay sa gilid ng hagdanan na tutulong upang siya'y makababa sa dulo ng hagdan. Nang maka-pwesto, dahan-dahan itong umandar pababa habang nakasunod si Lucine sa kaniya na tila inaalalayan ang sinasakyan niya. 

" Hindi 'to pagbabagsak. Mauna ka na sa ibaba, " aniya pero mukhang nagdadalawang isip pa ito kaya hinayaan na lang niya itong sumabay sa gilid niya hanggang sa sila'y makarating sa ibaba at ialis siya sa platapormang sinasakyan niya.

" Saan niyo po ba eksaktong lugar gustong magpahangin? " tanong ni Lucine saka marahang itinulak ang silyang de gulong habang naghigintay sa tugon ni Amadeus pero nakarating na sila sa labas, wala pa rin siyang naririnig na tugon mula dito. Sa halip na ulitin ang tanong, ipinagpatuloy na lamang niya ang paglalakad tulak-tulak ang silya habang pareho nilang pinagmamasdan ang kapaligiran sa labas ng mansyon.

Maaliwalas, sariwa ang hangin at payapa ang paligid. Napakalawak ng lote, maaari kang makapagtayo ng daan-daang bahay at gawin itong isang bayan. Bawat puno ay tila may kani-kanilang mga pwesto, walang nakaharaang sa daan, lahat ay nasa gilid at pantay ang pagkakalagay. Ang mga damo ay maaari mong mapagkamalang peke dahil sa pagkaka-berde at animo'y pantay-pantay na pagkakagupit nito. 

" Ihinto mo ako dito. " Natigil sa paglalakad si Lucine sa gitna ng tulay dahil sa narinig. Pinagmasdan niya ang paligid at nasa isa silang maliit na lawa. Hindi niya napansin na malayo na pala ang narating nila sapagkat mula sa kaniyang kinatatayuan, hindi na niya tanaw ang mansyon. 

" Doon ko na po kayo i-pwesto sa kubo para may silong kayo—"

" Kaya ko na 'to mag-isa, " putol nito sakaniya, " Bumalik ka muna sa mansyon, ikuha mo ako ng pagkain at dalhin mo dito. "

" Sigurado po kayo—"

" Magmadali ka na kung ayaw mong magbago pa ang isip ko, " tila pagbabanta nito kaya walang nagawa si Lucine kung hindi ang umatras at umalis sa tulay upang gawin ang pinag-uutos sa kaniya ni Amadeus.

***

" Talaga? Nagpapahanda siya ng miryenda? " hindi makapaniwalang tanong ng mayordoma matapos sabihin ni Lucine ang iniutos ni Amadeus sa kaniya. " Isang...isang magandang balita na marinig ang bagay na 'yan. Sana'y magtuloy-tuloy para bumalik na rin sa dati ang sigla sa katawan niya. "

Tumango siya bilang pagsang-ayon sapagkat kitang-kita naman niya sa mukha ni Amadeus kung gaano ito kapayat at kapuyat. May buhay, subalit minsan parang lantang gulay. Madalas mainit ang ulo lalo na kapag oras ng pagkain at paginom ng gamot, kakalma lang kapag nasa tabi ang asawa. 

Habang hinihintay ang pagkaing inihahanda ng mga kasambahay, napagdesisyunan niyang pumanhik sa itaas pero natigilan siya sa paglalakad nang masalubong sa pasilyo sa itaas ang lalaking dahilan kung bakit siya pumasok sa trabahong ito. Ngayon lamang niya ito nakita nang malapitan at dumagungdong ang kaba sa dibdib niya nang mapatingin ito sa kaniya. 

" Bakit? " tanong nito, kunot-noong pinasadahan siya ng tingin mula ulo hanggang paa. " May sasabihin ka ba saakin? "

Iyong kabang nararamdaman niya ay unti-unting nawala dahil sa tanong na narinig at sa tingin na ibinigay sa kaniya. Doon lang ay nasagot na ang kaniyang katanungan na wala talagang ideya ang taong ito na mag-ama sila. Umasa siya na kapag nakita siya nito, baka makilala siya pero walang nangyari. 

" W-wala po, pasensya na. " Yumuko siya nang bahagya at lalagpasan na sana nang magsalita ito. 

" Sandali lang, " anito kaya tumigil siya at lumingon dito. " Ikaw ba 'yong bagong caregiver dito? "

" Ako nga po, " sagot niya at naghintay pa siya ng itatanong sa kaniya pero nanatili lang ang mga mata nito sa mukha niya na animo'y kinikilala siya. 

" Ngayon lang ba tayo nagkita? " 

Tumango siya. " Noong isang linggo pa po akong nag ta-trabaho dito...ngayon lang po tayo nagkita, Señor. "

" Ganoon ba? " anito saka sumenyas sa kaniya na ipagpatuloy na niya ang ginagawa niya. " Sige na, sana magtagal ka dito. Pagod na kami kahahanap ng tagapag alaga dahil walang nagtatagal sa ugali ng pasyente. "

Hindi niya alam ang isasagot, ngumiti na lamang siya bago magpaalam para gawin ang sinadya niya sa ikalawang palapag ng mansyon. Pagkapasok na pagkapasok sa silid ni Amadeus, tila nawala ang bara sa lalamunan niya. Magkahalong kaba at sabik ang kaniyang naramdaman nang kausapin siya ng ama pero hindi rin niya maalis ang pagkadismaya dahil mayroong parte sakaniya ang umasa na baka makilala siya nito sa kadahilanang magkahawig sila ng kaniyang ina, ngunit bigo na naman siya. 

" Ayos lang, ang mahalaga nagkausap na kaming dalawa, " bulong sa sarili. Malawak ang mansyon, kaya hindi na rin nakapagtataka para sa kaniya na minsanan  lang niya ito makita. 

Nagtungo siya sa mesa kung saan nakalagay ang gamutan ni Amadeus. Hindi siya sigurado kung gaano sila magtatagal sa lawa kaya naman mas mainam na para sa kaniya na magdala na ng gamot na iinumin nito sa oras na nakatakda.

Sa kaniyang paghahanda ng dadalhin na gamot, napansin niyang maraming balat ng tableta ang nasa lalagyan pa kaya naman nilinis muna niya ito saka itinapon ang basura, subalit natigilan siya nang makitang may tatlong piraso ng tableta sa gilid ng basurahan. 

Yumuko siya upang tignan ito nang maiigi at doon niya nakumpirna na ang tatlong tableta na iyon ay ang gamot na nakatalaga sa umaga. Hindi niya alam kung anong pumasok sa isip niya para ituwad ang basurahan na naging dahilan upang magkalat ang mga tableta sa lapag.

Natulala na lamang siya sa kawalan dahil  pakiramdam niya ay tinraydor siya, subalit bigla siyang nakaramdam ng bigat sa dibdib sa hindi malamang dahilan. Nakaramdam siya ng kaba, takot at pagkabalisa nang may biglang nabuo sa isip niya, kaya naman magmadali siyang lumabas ng kwarto, bumaba ng hagdan at dali-daling lumabas patungo sa lawa kung saan niya iniwan si Amadeus. 

***

Malayo ang mga tingin, ang isip ay tinatangay ng hangin. Kalmado ang lawa at mga huni ng ibon ay tila isang musika na masarap pakinggan sa tainga.

Saglit niyang ipinikit ang mga mata, kadiliman ang bumungad sa kaniya. Payapa, kalmado at walang gulo. Muli siyang dumilat, sinag naman ng araw ang sumalubong sa kaniya. Payapa, kalmado, subalit magulo. 

Mahigit dalawang taon na siyang na sa sitwasyong hindi niya alam kung makakalakad pa ba siya. Marami na siyang beses na sumubok at umasa dahil sa mga payong sinasabi ng mga propesyonal at magagaling na manggagamot pero pakiramdam niya'y pinaaasa lang siya dahil walang pagbabago sa kaniyang mga paa. Ang rehabilitasyon na tumutulong sa kaniya upang makapaglakad muli ay matagal na niyang pinatigil sapagkat wala na siyang makitang dahilan para lumakad pa. 

Sinukuan na niya ang sarili at batid niyang ganoon rin ang mga tao sa paligid niya. Nilalayuan na siya at kinatatakutan. Alam niya na ang mga taong lumalapit sa kaniya ay napipilitan na lang pakisamahan siya dahil sa perang makukuha sa pag gamot at pag alaga sakaniya. 

Napatingin siya sa kalangitan nang unti-unting matakpan ng makapal na ulap ang araw at kasunod nito ang unti-unting pagpatak ng tubig-ulan sa pwesto niya. Pati ang panahon, tila dinadamayan siya sa mabigat na dinadala niya. 

Hinawakan niya ang bagay na kumu-kontrol sa silyang de gulong para sana'y sumilong sa kubo pero naipit ang hulihang gulong sa pagitan ng dalawang kahoy na tulay na kaniyang kinaroroonan. Sinubukan niyang umalis sa pamamagitan ng pag-abante pero isang maling desisyon ang nagawa niya nang mawalan siya ng balanse. Bumagsak ang silyang de gulong habang siya'y dumiretso sa lawa. 

Hindi niya inakalang may mas lalala pa sa sitwasyon niya. Wala siyang kakayahang lumangoy, hindi rin niya maigalaw ang kaniyang mga paa at nawawalan na rin siya ng hagin. Ramdam niya ang unti-unti niyang paglubog at dahil alam niyang walang tutulong sa kaniya, ipinikit na lang niya ang mga mata at tinanggap ang kapalaran niya, subalit may dalawang kamay ang humila sakaniya paangat hangang sa maiahon ang mukha niya sa lawa.

" Señor! Señor, naririg niyo ba ako? " isang boses ng babae ang kaniyang narinig at nang idinilat ang mga mata, ang tagapag alaga niya ang nakita niya. Bakas sa mukha nito ang pag alala habang nakatingin sa kaniya. 

Ang emosyong iyon, ngayon na lamang niya ulit nakita sa isang tao. 

" Kumapit po kayo saakin nang mahigpit. Aahon po tayo, " hinihingal nitong sabi sakaniya bago lumangoy at makaahon sa madamo at maputik na lupa. Nasa ilalim sila ng tulay habang patuloy pa rin ang pagpatak ng mahinang ulan. 

" Bakit mo ginawa 'yon? " ang unang lumabas sa bibig ni Amadeus habang pinagmamasdan si Lucine na naghahabol pa rin ng hininga hanggang ngayon. 

" Kayo po ang dapat kong tanungin n'yan..." anito saka tumingin sa kaniya. " Kung magpapakamatay kayo, sana huwag kayong mangdamay ng iba. Ako po ang huling kasama niyo at ako rin ang nagdala sainyo dito, sa tingin niyo sino ang mapagbibintangan kapag may nangyari sainyo?! "

Hindi siya nakapagsalita. Ito ang unang pagkakataon na pagtaasan siya ng boses nito na isang linggo niyang hinihintay.

" Alam kong hirap kayo sa kalagayan niyo pero isipin niyo rin ang taong tumutulong sainyo para gumaling kayo. Hindi po solusyon ang pagsuko, tulungan niyo rin po sana ang sarili ninyo, " anito saka tumayo. " Hindi lang po kayo ang nahihirapan dito at maraming mga kagaya niyo na nasa pareho niyong sitwasyon, pero hindi naman po sila nawawalan ng pag-asa at sana ganoon rin kayo. "

" Sino ka ba? " isang sarkastikong ngiti ang gumuhit sa labi niya. " Alam mo ba kung bakit ako naging ganito? Alam mo ba ang pinagdaanan ko dahil sa p*tanginang mga paa na'to? "

Humugot ito nang malalim na hininga. " Hindi ko po alam pero—"

" Kung ganoon h'wag kang magsalita na para alam mo ang lahat. Hindi ka nakakatulong kaya tumahimik ka na lang. Huwag kang makialam. " may diing wika niya habang nakikipag kumpitensya ng tingin sa babaeng matalim na rin ang tingin na ipinupukol sakaniya. 

" Kaya walang nagtatagal sainyo dahil sa ugali niyo, " mahina subalit rinig ni Amadeus ang lumabas sa bibig ni Lucine. 

" Ano pang ginagawa mo dito? Umalis ka na. Sinabi ko naman noong una pa lang na hindi kita kailangan—"

" Kailangan niyo ng taong tutulong sainyo pero ayaw niyo lang tanggapin dahil naaawa rin kayo sa sarili n'yo. "

Tila isang kutsilyo ang sumaksak sakaniya nang dahil sa binitawang salita ni Lucine.

" Huwag kayong magtaka kung bakit maraming sumusuko sainyo dahil tinutulak niyo kami palayo. Sinasadya niyong katakutan kayo para wala ng lumapit sainyo. Huwag naman po sana kayong magalit saamin, hindi naman po kami kaaway niyo rito. " unti-unting nababasag ang boses ni Lucine at ang mga patak ng tubig sa mukha niya ay malapit na ring mahaluan ng luhang galing sa mga mata. Hindi niya gustong umiyak sa inis at lalong hindi rin niya gusto na ang dahilan ay ang taong nasa harap niya. " Kung hindi niyo tutulungan ang sarili niyo, mahihirapan din kaming tulungan kayo. "

" Sino ba kasi may sabing tulungan niyo ako? " Iniwas ni Amadeus ang tingin kay Lucine. Hindi niya gustong makita ang ekspresyon ng mukha nito na kinaawaan siya. " Ang lakas ng loob mong magsalita sa harap ko. Kung hindi mo gusto ang ginagawa mo, umalis ka na sa harap ko. Wala akong pakialam sa mga sinasabi mo. "

Naiyukom ni Lucine ang kaniyang kamao. Hindi siya makapaniwalang nagmamatigas pa rin ang taong nasa harap niya. Minsan lang siya magtaas ng boses dahil may ugali siyang iniipon muna ang inis bago ito ilabas, subalit ngayong nailabas na niya ang inipong inis sa isang linggong pagtitiis sa ugali ni Amadeus, pakiramdam niya'y may bago na namang maiipon sa loob niya.

Tumila na ang ulan, nawala na rin ang makapal na ulam sa kalangitan. Tumalikod si Lucine at naglakad paakyat mula sa kanilang kinalalagyan. Buong akala ni Amadeus ay aalis na ito pero nakita niyang kinuha nito ang silyang de gulong sa tulay at ibinaba patungo sa kinalalagyan niya. 

" Hindi ko po gustong mapagbintangang mamamatay tao, " walang emosyong wika ni Lucine habang diretsong nakatingin sa mga mata ni Amadeus na hindi maintindihan kung bakit nagagawa pa rin siya nitong pagmalasakitan. 

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status