Share

ANG TAKAS
ANG TAKAS
Author: Georgina de Guzman

CHAPTER 1: ANG KASAL

Nakahanda na ang lahat sa wedding reception ng kasalang Tony Sandoval at Sophie Samonte, na gaganapin sa ekslusibong hotel/resort/casino sa Metropolitan Manila. Halos magliyab sa liwanag ng hindi mabilang na ilaw ang kapaligiran. 

Nagpapaligsahan sa galing ng pagi-entertain ng mga bisita ang iba’t ibang entertainer na iba’t ibang talent ang ipinamamayagpag.

May dalawang babaing maganda at kaakit-akit ang hubog ng katawan ang nasa swimming pool, naka- costume ng sirena, at nagpapamalas ng iba’t ibang tricks at husay sa paglangoy, habang umiindak ng ballet ang mga batang nakasuot ng ballet costume na nakapaligid sa kanila. 

Kagustuhan ni Senyor Gaspar Sandoval ang dagdag na entertainment ng mga sirena, dahil napag-alaman niyang paborito ng kanyang mamanugangin ang pelikulang “Ariel.”

Milyones ang ginasta ng pamilya Sandoval sa marangyang kasalang Samonte-Sandoval.

Ah, hindi niya panghihinayangan kahit bilyon pa ang magasta niya sa kasal ng nag-iisang anak.

Ang panghihinayangan niya’y kung hindi magiging Sandoval ang maganda, matalino at pansining si Sophie Samonte. 

“Isang natatanging asset si Sophie,” sabi niya noon kay Tony, “maipagyayabang mo. Kahit idispley mo lang siya, e, matatameme na ang mga kakalaban sa negosyo natin. E, hindi lang naman siya basta maganda, very striking pa ang personality niya, napakatalino pa

Walang narinig na pagtanggi kay Tony Sandoval ng sabihin ng amang arranged na ang marriage niya kay Sophie Samonte. Ni hindi nga nito pinagtangkaang makilala man lang ang babae.

“Alam ko naman na para sa ikatatatag ng pamilya Sandoval ang dahilan kung bakit niya gustong maging asawa ko ang kung sino mang babaing ‘yun.” ang nasabi ni Tony noon, sa isang kaibigan.

Excited ang wedding planner at mga staff nito, na hindi mo mahahalatang pagod, sa pagsalubong sa mga bisitang nagsisimula ng magdatingan. Lahat ay may ngiti sa labi. Masaya ang bawat isa.

Ngunit hindi doon ang simula ng pagdiriwang.

Maingay, masaya ang kapaligiran sa tahanan ng mga Samonte. Masasayang halakhakan at batian habang hindi magkandaugaga ang mga kasambahay sa dami ng mga dumarating na bisitang nagmumula sa iba’t ibang panig ng mundo, na bawat isa ay may mamahaling handog para sa babaing ikakasal, ang nag-iisang anak ng mga Samonte.

Si Sophie Samonte

Na habang nagsisipagdiwang ang lahat sa kanilang bahay para sa kanyang nakatakdang kasal sa araw na iyon, ay animo naman ito namatayan na walang tigil sa pagpatak ang luha.

“Sophie naman,” nakikiusap ang kanyang maid of honor/best friend, “almost one hour ka ng late sa kasal mo.”

Maingat, marahang pinunasan ng maid of honor ang luha sa mukha ng kaibigan, “papangit ka niyan sa kai-stress, e. Stressed na stressed na rin ang papa at mama mo. Kanina pa daw tawag ng tawag sa phone ang parents ni Tony, bakit hindi ka pa daw dumarating sa simbahan,” mahinang sabi, “kailangan na nating umalis. Bumaba na tayo. Inip na ‘yung driver ng limousine ng mga Sandoval.”

Matigas ang ekspresyong tinitigan ni Sophie ang sariling repleksiyon sa salaming kaharap.

“Bakit kailangang magpakasal ako sa taong hindi ko naman gusto, at ni hindi ko man lang alam kung anong klase ng pagkatao mayroon?” ang tanong.

“OMG Sophie, alam mo naman ang dahilan.”

Malaki ang pagkakautang ng kanyang ama sa kaibigan nitong si Gaspar Sandoval, kaya’t hindi ito nakatanggi ng isuhestiyong ipakasal ang kanyang anak sa anak nitong lalake.

“Bakit ako ang kailangang maging pambayad utang?” garalgal ang tinig, puno ng pait.

“Sus, Ginoo! Bakit ngayon ka pa magrereklamo kung kalian kasubuan na? Kung kalian naghihintay na sa iyo ang iyong groom sa simbahan.”

“Ayokong pakasal!” kasabay sa paghablot ng belo sa kanyang ulo ay saad ni Sophie.

“Are you insane?”

“Hindi pa. Pero malamang na mabaliw akong tuluyan kung makakasal ako sa taong halos hindi ko kilala.”

Bata pa siya’y pinangarap na niyang makatagpo ang kanyang magiging hero. Iginuhit na niya ito sa kanyang imahinasyon at pinagpantasyahan ang maginoo, romantiko at mapagmahal na pagligaw nito sa kanya.

Ang lalaking magpapatibok ng kanyang puso at magbibigay sa kanya ng mga nakakakilig na alaala.

Ang lalaking magmamahal sa kanya ng buong katapatan at mamahalin din niya nang walang hanggan.

Kumalansing ang mga hiyas na bato sa koronang nakakabit sa belo, ng ito ay ibinalibag ng bride sa dinding. Kumislap sa paligid ang sumabog na batong hiyas.

Hindi niya matanggap ang realidad na nagaganap sa kanyang buhay. 

“Tao ako at hindi hayup na puwede nilang I-match at ipa-breed sa kung kanino nila gusto!”

“Kalma ka lang, bes.” 

Nag-aalalang pagpapakalma ng kaibigan kay Sophie, nang mapansing nanginginig na ang mga kamay nito sa sobrang emosyon.

“Paano ako kakalma, ganitong buong future ko ang nakataya sa kasalang ito?”

“Nadi-develop naman ang love. Malay mo ma-develop ka rin sa pakakasalan mo.”

“Obsolete na ang film, kaya wala ng nagpapa develop. Hindi ako obsolete kaya hindi ako madi-develop.” 

“Bakit ba kasi hindi ka noon nagpakatanggi tanggi? Kung kailan andami ng taong nakasabit at mapapahiya…”

“Hindi ako kinunsulta sa kasalang ito!” sigaw ni Sophie na pumutol sa pagsasalita ng kaibigan.

“Ssshhh…” pagpapatahimik ni Ella sa kausap, “huwag kang sumigaw! Baka marinig ka ng papa mo, e, sugurin tayo rito!” 

Hininaan ang nanginginig, emotional na tinig, nagpatuloy ang bride sa pagrereklamo.

“Ako ba ang kumausap sa ‘yo para maging maid of honor ko?” tanong nito.

Ang papa at mama ni Sophie ang kumausap kay Ella tungkol sa pagme-maid of honor sa kasal nito. 

“Kami na ang kumausap sa iyo at sa iba pa, para hindi mawala ang focus ni Sophie sa pagri-review sa board exam niya. Huwag mo na siyang abalahin, okay naman na ang lahat. Ipadadala na lang namin sa ‘yo ang gown na isusuot mo sa araw ng kasal.” natatandaan niyang sinabi ng mga ito sa kanya.

 Biglang hinablot ni Sophie ang kamay ng kaibigan.

Nabigla, kinabahan si Ella.

“Bakit?”

“Tatakas tayo!”

 “Huwaaatt? Are you insane?”

Kilala niya ang pagiging impulsive ng kaibigan, na bagaman may mga pagkakataong nagkakaroon ng mabuting resulta ang mga pabigla-bigla nitong desisyon, may mga pagkakataon ding napapahamak ito sa ugaling iyon.

At ramdam niya na sa pagkakataong iyon ay malaking kapahamakan ang mangyayari kung matutuloy ang balak nitong pagtakas.

Ngunit desidio si Sophie. 

Binitawan ang kamay ng kaibigan. Hinubad ang suot na damit. Ikinaskas ang makinis na parte niyon sa mukha, pilit binubura ang make up.

Ibinalibag iyon matapos gamitin.

“Sus naman, Sophie, bakit mo ginanyan ang pangkasal mo?”

Hindi matanggap ng maid of honor ang ginawa ng bride sa damit pangkasal nito.

“Nanggigigil ako at wala akong mapagbuntunan ng panggigigil ko!”

HInayang na hinayang, dinampot ni Ella ang puting wedding gown na kumikinang sa dami ng swarovsky stones. Alam niyang pangarap at mananatiling pangarap lamang sa maraming babae, na nangangarap magpakasal, ang makapagsuot ng ganoong klase ng wedding gown.

“Napakamahal na wedding gown, ginawa mo lang na parang tissue paper.”

“Bitawan mo ‘yan,” utos ni Sophie, sabay sa paghablot sa damit pangkasal na hawak ng kaibigan.

Shocked. Nandidilat ang mga matang napasigaw si Ella.

“Huwaaagg!”

Pinagtatapakan ng kaibigan niya ang wedding gown na likha ng kinikilalang pinakamahusay na designer ng mga damit, sa Pilipinas.

“I hate this wedding gown! I hate the wedding. I hate… I hate..” hindi maisip ni Sophie kung ano pa ang kinasusuklaman niya, “I hate everything!” bigla ay sigaw, habang patuloy sa pagtapak at pagpadyak sa mamahaling wedding gown.

Hanggang mapagod. Hinarap ang kaibigan.

“Hubarin mo ‘yang suot mo, palitan mo ng kahit anong damit sa closet ko, ‘yong hindi pansinin!"

“Pero…” nagdadalawang isip si Ella.

“Wala ng pero-pero. Magpalit ka na ng damit. Go!”

Pinigil ang sarili na mataranta, mabilis na naghubad ng suot si Ella. Walang inaksayang sandali, humatak ng skinny jeans at t-shirt na may hood sa closet. Isinuot iyon. 

Alam niya, hindi iyon ang tamang pagkakataon upang makipagtalo sa kaibigan. Tiyak niyang lalo lang mag-aapoy ang galit nito kapag nakipag-argumento siya. 

Ilang sandali pa’y ready to go na sila.

“Ninenerbyos ako, Sophie. Baka mahuli tayo.”

“Kumalma ka para hindi ka mahalata! Itakip mo sa ulo mo ‘yang hood ng shirt. “

Hinatak ni Sophie ang kaibigan. Mabilis ngunit maingat na binuksan ang pinto. Malilikot ang mga matang sinuyod ng tingin ang kapaligiran ng daraanan nila. Inayos ang scarf na nakalagay sa ulo, upang hindi mapagtuunan ng pansin ng mga taong naroon ang kanyang mukha.

“Safe. Let’s go!”

Mabilis ngunit maingat, hawak kamay nilang tinawid ang sala, iniiwasang matingnan at mapatingin sa kanino man na naroon.

Halos hindi humihinga si Ella.

Hatak ang kaibigan, agad lumiko si Sophie sa kusina ng makita ang amang palinga-linga. 

Sa pinto sa kusina sila lumabas upang magtungo sa garahe.

Naniginginig na si Ella. Takot na takot.

“Kalma ka lang, kaya natin ‘to.”

Pagpapakalma ni Sophie sa kaibigang ramdam niya ang panginginig

 Mabilis na nilapitan ng dalawa ang kotseng pula na pag-aari ni Sophie, nang marating nila ang garahe.

“Sakay! Bilis!” utos ni Sophie sa kasama.

“Opo! Sasakay na po!” 

Mabilis na nakalabas ng garahe ang sasakyan. At ilang sandali pa’y matulin na nitong binabagtas ang lansangan.

“Saan tayo pupunta?” tanong ni Ella.

“Hindi ko alam.”

“OMG! Lumayas ka sa pamamahay n’yo nang hindi mo alam kung saan ka pupunta?”

Hindi kumibo si Sophie.

“Hindi tayo puwedeng umuwi sa bahay namin, dahil siguradong doon ka unang hahanapin ng mga magulang mo.”

“Mag hotel muna tayo.”

“May dala kang pera?”

“Credit card.”

“‘Yong extension sa credit card ng papa mo? Gusto mong madiskubre agad ng papa mo kung nasaan tayo?”

“Hindi ako tanga, uy! Magwi-withdraw ako sa atm, then, magtse-check in tayo sa hotel na malayo sa pinagwidrohan ko ng pera.”

“Planado!”

“Hindi. Ngayon ko lang naisip ‘yun. Alam mo naman ang utak ko, mabilis makaisip ng paraan.”

‘Yeah, I know. Mabilis kang mag-isip. Mabilis magdesisyon. Kaya malamang nito mabilis rin tayong malilintikan."

“Huwag ka ngang nega!’

Tumahimik si Ella. Ngunit ang puso niya’y hindi matahimik. Malakas, mabilis ang kalabog nito sa labis na kabang nararamdaman. Pakiwari niya’y umakyat na sa lalamunan ang kanyang puso. Hindi na halos siya makahinga.

                     *******

Mga Comments (3)
goodnovel comment avatar
Jocelyn Pioquinto Armario
mag withdraw ka na ng malaki sophie dhil siguradong ipablock yang atm mo
goodnovel comment avatar
Jedidiah Elizabeth Salaveria
love it<33
goodnovel comment avatar
Jedidiah Elizabeth Salaveria
...️...️...️...️...️
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status