Share

CHAPTER 10: BANGUNGOT

Gumagapang at umaalipin na sa kanyang kamalayan ang matinding takot. Bawat aninong kumikilos ay nagpapanginig sa kanyang laman at nagpapabilis sa tibok ng kanyang puso.

“Ano ’yon?” Nanginginig ang tinig na tanong ni Sophie sa sarili, ng mapansin ang aninong wari ay biglang nagtago sa dilim.

Luminga-linga siya. Hinanap ang posibleng pinuntahan ng anino.

“Baka holdaper ‘yun. Baka terorista! Baka…”

Muli may aninong kumilos. Nanlalaki ang mga matang sinundan niya iyon ng tingin.

May kumalabog mula sa hood ng sasakyan.

BOG!

“EEEEEEEEEEEEEEE!”

…….

Nakarating sa kinaroroonan ni Victor ang malakas na hiyaw.

“Si Nurse Sophie kaya ‘yun?”

Nanainga. Hinintay kung may maririnig pang sigaw.

…….

“EEEEEEEEEEE…”

Nakapikit nang mariin ang mga mata ni Sophie, habang patuloy sa pagsigaw.

Dikawasa’y marahang dumilat, habang sa kanyang utak ay naglalaro ang mga nakakatakot na pangitain.

“No! Hindi!”

Nakikita niya sa ibabaw ng hood ang anyo ng ina ni Tony Sandoval. Nanlalaki ang mga mata nitong nakatitig sa kanya.

“Wala akong kasalanan! Hindi ko sinadya ang mga pangyayari!”

“You are so selfish,” ang tila narinig niyang sinabi nito, “Wala kang inintindi kung hindi ang sarili mo lang. You killed me. You killed me!”

“NOOOOO!”

…….

Tumatakbo na si Victor. Habang naglalaro sa kanyang isip ang mga panganib na maaaring kinasuungan ng Nurse.

“My God! Baka nilalapa na ng kung anong hayup ang babaing ‘yun. Baka nililingkis na ng sawa!”

Nalimutan ang galit kay Sophie, guilt feeling ang nangingibabaw sa kanyang isip at damdamin nang mga sandaling iyon.

“Kung bakit naman kasi naisip-isip kong dalhin siya sa lugar na ito at buwisitin. Hindi ko dapat pinapanaig ang aking pride. Dapat sana’y idiniretso ko nang pauwi ang sasakyan.”

Binilisan pa niya ang pagtakbo.

…….

Takot na takot, mariing muling ipinikit ni Sophie ang mga mata. 

“Wala akong kasalanan. Wala akong kasalanan!”

Lalo pa niyang idiniin ang pagkakapikit nang makarinig ng katok sa bintana ng sasakyan. Isinubsob ang mukha sa nakakuyom na mga palad.

“Layuan n’yo akooo!” 

Lumakas ang katok. Narinig niyang may tumawag sa kanyang pangalan.

“Nurse Sophie…”

Hindi na siya makahinga sa sobrang takot na nadarama.

“Nurse Sophie, buksan mo’ng pinto!”

Sa iniwan niyang awang ng bintana nagmula ang tinig. 

Isinubsob ni Sophie ang mukha sa manibela ng sasakyan. Umiiyak na sa takot.

“Sige, kasalanan ko na. Kasalanan ko naaa!” sigaw niya.

Naghahagilap ng batong maihahagis kay Sophie si Victor.

“Tigilan n’yo na ako. Patawarin n’yo na ako!”

Kasabay sa pag-iyak ang pagsigaw, na hindi pa rin inaalis ang mukha sa pagkakasubsob sa manibela.

“EEEEEEEEEEEEE…”

Ang makabasag eardrum na tili, nang maramdaman ang batong ipinukol sa kanya ni Victor.

 “Nurse Sophie Samonte! Ano ba? Si Victor Madrid ito!”

Natigilan ang nars. Nakiramdam. Iniangat ang mukha mula sa pagkakasubsob sa manibela. Marahang idinilat ang isang mata. Kumakalabog ang d****b na tiningnan ang awang sa bintana.

“Victor…Madrid?”

“Buksan mo ‘tong pinto,” sumisigaw na utos ni Victor, “dalian mo, ginaw na ginaw na ako!”

Nanginginig ang kamay pati na ang buong katawan, nagmamadaling sumunod sa utos ang babae, at mabilis na umusog sa passenger’s seat matapos buksan ang pinto ng sasakyan.

Matuling sumakay ng kotse ang lalake. Pinagkiskis ang mga palad upang mabawasan ang ginaw na nararamdaman.

Habang pinakakalma ni Sophie ang sarili. Inhale…exhale. 

At pinipigilan ang sariling mapatingin sa dilim.

Patigil na ang ulan.

“Pagtulungan nating iahon sa lubak ang sasakyan,” biglang sabi ni Victor na hindi tumitingin sa kinakausap, “ikaw dito sa manibela at ako ang magtutulak!”

Hindi nagsalita, hinintay ng nars na makababa ang katabi. 

…….

Naiahon nila ang kotse sa lubak.

Si Victor ang nagmaneho ng sasakyan patungo sa tahanan ng mga Madrid. 

Wala si Amanda Madrid.

Walang paalam na niwan ni Victor ang kasamang dumating.

“Asikasuhin mo ang babaing ‘yan.” utos nito sa kasambahay na sumalubong sa kanila.

“Opo,” ang sagot nito, habang pinagmamasdan ang palayong amo, “saan po kayo inabot ng malakas na ulan,” tanong nito pagharap kay Sophie, “at saka bakit po puno ng putik si Sir Victor?”

“Saan ang CR,” tanong ng nars bilang pag-iwas sa tanong,” ginaw na ginaw na ako. Gusto ko nang magpalit ng damit.”

“Doon ka na po magpalit sa silid na inilaan para sa iyo,” tugon ng kasambahay, “may CR din po doon. Tara, sasamahan po kita.”

Sumabay si Sophie sa hakbang ng kasambahay, sa pag-akyat ng hagdan, hanggang sa tumigil ito sa harapan ng saradong pinto.

Binuksan iyon ng kasambahay. Nagpaunang pumasok sa loob .

“Ito po ang iyong magiging silid habang narito ka sa bahay ng mga Madrid,” pagbibigay alam nito, “CR po iyong saradong pinto na nasa kaliwa,” dagdag pa, “bababa na po muna ako sa kusina. Babalikan na lang po kita kapag nandito na si Madam Amanda.”

“Wala si Mrs. Amanda Madrid?”

“Sinundo po ng kanyang mga amiga. May konsiyerto po sila.”

“Singer siya?”

“Hindi po. Konsiyerto po sa madyong ang tinutukoy ko.”

“Ah!”

Nginitian ni Sophie ang kasambahay na nakangiting muling nagpaalam sa kanya.

.......

May bathtub sa CR, bukod sa shower at iba pang gamit sa banyo. May water heater din.

Tinimpla niya ang init ng tubig na lumalabas sa gripong kanyang binuksan. Hinintay na mangalahati ang laman ng bathtub bago sumakay doon. Nahiga. Iniunan ang ulo sa labi ng bathtub. Ipinikit ang mga mata.

Napakasarap sa pakiramdam  ang mala-hiningang tubig na yumakap sa kanyang kahubaran. Naramdaman niyang unti-unting nawawala ang stress sa kanyang katawan at isipan. 

“Relax, Sophie. Relax! Everything will be fine.”

Pilit niyang binubura sa isip ang tumatakot na ekspiriyensang kanyang naranasan, kaninang nag-iisa siya sa ilang na lugar.

“Wala kang nakitang multo kanina, Sophie, " pakikipag-usap niya sa sarili, "mga anino lang ‘yun ng mga sanga at dahon ng mga punong nasa kapaligiran ng lugar na iyon,” pagkokondisyon pa sa sariling isip, “nakita mo naman na nabakling sanga lang ng punungkahoy ang kumalabog sa hood ng kotse…hindi multo! Ang hilig mo kasing manood ng mga horror movies, ayan tuloy ang napala mo.” Pangangaral pa sa sarili.

Ipinagpatuloy ang nakapikit na pagkokondisyon sa sarili.

“Relax, Sophie…Relax!” 

Unti-unti siyang na-relax. Nakatulog. Nanaginip.

Kaharap niya ang mama ni Tony Sandoval sa kanyang panaginip. Nililipad ng hangin ang mahabang buhok nito habang ang mga mata ay galit na pinandidilatan siya.

“You killed me!” sinasabi nito sa kanyang panaginip.

“I did not!” tanggi niya.

“You’re so selfish! Kung hindi sa pagiging makasarili mo, dapat sana’y buhay pa ako ngayon. Sariling kapakanan mo lamang ang inisip mo. Papatayin kita!”

“Huwag!”

Sa panaginip ay naramdaman niya ang mahigpit na pagsakal sa kanya ng mama ni Tony. Hindi siya makahinga. 

Bukas pa ang gripo ng bathtub. Pataas nang pataas ang tubig nito. 

Kumilos ang mga kamay ni Sophie. Wari ay may pilit itong inaalis na nakasakal sa leeg nito.

Pumasag ang katawan na tila ba ibig makawala sa kung anong pumipigil sa dito.

Naalis sa pagkakaunan sa labi ng bathtub ang ulo ni Sophie. Lumubog sa tubig.

…na kung hindi maaagapan at maiaahon agad, siya ay malulunod.

...Na posibleng maging sanhi ng kanyang kamatayan.  

               

                      *******

Comments (1)
goodnovel comment avatar
Jocelyn Pioquinto Armario
pati sa panaginip dinadala ka ng iyong bangungot
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status