Share

CHAPTER 9: GUILTY

Honda Civic SiR ang kotseng minamaneho ni Victor Madrid. 

“Manual driving lang. Lumang modelo, “ nasa isip ni Sophie, “middle class, hindi rich. Pero kung makaasta ang lalaking ‘to,  feeling super rich. Kayabang! ”

Hindi mahalaga kay Sophie kung middle class man o super rich ang paglilingkuran niya bilang nurse. 

“Ang importante ay magbabayad sila nang tama at hindi manggugulang. “

Makintab at halatang alagang-alaga ang sasakyan. Malinis ang mga upuan at walang kahit anong mantsa na mapapansin sa loob. Makinis ang pagtakbo at walang ingay na maririnig mula sa makina nito.

Tahimik si Sophie, habang patingin-tingin sa kanya ang nagmamanehong si Victor. Ramdam niya ang mga mata nitong nakatutok sa kanyang mukha, at nakikita niya sa sulok ng kanyang mga mata ang inis sa bawat galaw at ekspresyon ng mukha nito. Inis na nagsimula sa unang sandali pa lang ng pagkikita nila.

“The feeling is mutual.” Ang nasa isip niya.

 

“Bakla ka ba?” Bigla ay tanong ng nagmamaneho.

Walang sagot na tinanggap ang nagtanong. Nanatiling nakatingin sa malayo si Sophie. Ipinaparamdam niya sa katabi ang kaayawan niyang makipag-usap.

“Ang kapal kasi ng mukha… I mean ng make up mo, e. Bakla ang alam kong magaling sa pagme-make up ng sobrang kapal.” Pangungulit nito.

Tahimik pa rin si Sophie.

Pakiramdam niya ay iniinis siya ng kumakausap sa kanya. Binubuwisit, hanggang sa ma-provoke siyang magalit. 

“Nagtataka ako sa ate ko,” sa pinupuntahan ng sasakyan nakatutok ang mga mata ng nagsasalita, “ayaw nu’n sa babaing maarte at makapal mag-make up pero ikaw ang kinuha niyang nurse ng aming ina.”

 Saglit na tumahimik, bago muling nagsalita.

“At lalong ayaw nu’n sa bakla, kasi na-trauma ‘yun ng malaman na bakla pala ‘yung boyfriend niya noon, na later on ay natuklasan niyang ginagamit lang pala siya para maging close sa ‘kin. Ako pala ang totoong gusto at hindi siya!”

Humalakhak ang nagmamaneho bago nagpatuloy. 

“Tapos ngayon, bakla ang kinuhang nurse ni mama. Minsan,  weird din ‘yang si ate, e. ” umiiling-iling na sabi. 

“Baka naman ikaw ang bakla?” Biglang sabi ni Sophie na hindi tinitingnan ang kinakausap.

“Ako, bakla?” 

Malakas na humalakhak ang nagmamaneho. Dikawasa’y itinabi ang sasakyan at itinigil. Nakangising tinanong si Sophie.

“Gusto mong subukan kung hanggang saan ang pagiging lalake ko?”

Sinalubong ng tingin ni Sophie ang mga matang malisyosong nakatingin sa kanya. Matapang na nakipag-eyeball to eyeball.

“Ano’ng gagawin mo, babastusin mo ako? Bababuyin? ‘Yun ba ang paraan mo ng pagpapatunay ng iyong pagkalalake?”

Natigilan si Victor. Hindi niya inasahan ang umuuyam na tanong na iyon mula sa iniinis. At lalong hindi niya inasahan ang tapang na nasa mga mata nito.

“At pumapatol ka pala sa bakla. Ano, piniperahan mo sila?” Dugtong ng babae sa unang mga tanong.

“So, umaamin ka na bakla ka nga?” 

“Ano ngayon sa ‘yo kung bakla ako?” Ganting tanong ni Sophie sa kausap, na naghahanap ng paraan kung paano makakalusot sa pang-iipit niya dito, “bigot!”

“Baygat…,” inis na ginaya ni Victor ang pagbigkas ni Sophie ng “bigot”, “baygat, baygat ka d’yan. Alam mo ba kung ano ang ibig sabihin ng baygat?”

“Ikaw, bigot ka! Masyadong maliit ang utak mo. Prejudiced ka sa mga bakla.”

“Ano naman ang ibig sabihin ng predyudayst?”

“Huwag mo akong gawing diksyunaryo!”   

Nangmamaliit na tiningnan ni Victor nang pailalim ang kausap.

“Ang sabihin mo lumulusot ka lang,dahil hindi mo talaga alam ang meaning…”

“Ihatid mo na ako sa bahay ni Mrs. Amanda Madrid, mister whoever you are.” Putol ni Sophie sa pagsasalta ng lalake.

“Victor Madrid is my name.”

Umismid ang babae.

 “Sorry, hindi ko kasi matanggap na kapatid ka ng well-mannered at very sophisticated na si Ms. Amelia Madrid, e,” ginantihan niya ng pailalim na tingin ang kausap bago nagpatuloy,  “baka naman ampon ka lang. Pinulot sa kung saang basurahan at binihisan. ‘Yun nga lang, ang unggoy bihisan mo man ng ginto unggoy pa rin!”

“Hoy, Legit akong Madrid!” Pagtatanggol ni Victor sa sarili.

Gusto niyang ipaglaban ang kanyang pagiging Madrid. Hindi niya matatanggap na may nagdududa sa kanyang pagiging dugong Madrid.

Magsasalita pa sana siya nang mapansing may ka-video call ang kanyang kausap.

“Ms. Amelia Madrid, hello po.”  

Agad na inagaw ni Victor ang cellphone na hawak ni Nurse Sophie.

Ka-video call nito ang ate niya.

“Hi, Ate!” pagbati agad niya sa kapatid, kasabay sa masayang pagngiti.

“O, nasaan si Nurse Sophie?” tanong nito.

Parang kinikiliting pinipigil ni Sophie ang mapahalakhak.

“Hah! Takot ka pala sa ate mo, ha? Lagot ka sa akin ngayon.” Ang nasa isip niya.

“Malapit na kami sa bahay, ‘Te. Tatawagan ka daw ulit ni Nurse Sophie pagdating namin sa bahay. ‘Bye, ate kong sobrang ganda!” 

Pahablot na kinuha ni Sophie ang cellphone sa kamay ng lalake. 

“Takot ka pala sa ate mo.” May uyam na sabi.

“Hindi ako takot sa ate ko. Mataas lang ang respeto ko sa kanya. Iba ang takot sa respeto.”

“Respeto? Marunong kang magrespeto? “

Nang-aasar ang halakhak na lumabas sa bibig ng babae. Dikawasa’y tinitigan ang inaasar.

Nakipagtitigan ito sa kanya.

Naglabanan ang mga mata ng dalawa. 

Si Victor ang sumuko. Ini-start ang sasakyan at tahimik na pinaandar.

Nasisiyahang humalukipkip si Sophie. Inilapat ang likod sa sandalan ng upuan. Pumikit. 

Winner! 

“Hay, grabe! Ansakit sa bangs ng lalaking ito. Sayang,  ang guwapo pa naman!” Ang nasa isip.

“Kabisado kaya ng lokang ito ang pasikut-sikot ng Palawan? Kung iligaw ko kaya? Ang iniisip naman ni Victor.

Nilingon niya ang babae. 

“Prenteng-prente ang baliw. Akala mo kung sinong donyang ginawa talaga akong personal driver niya!”

Nanggigigil sa inis, hindi idiniretso ni Victor ang sasakyan sa kanilang bahay, na malapit na sa kinaroroonan nila. 

Kung saan-saan niya ito pinaikut-ikot. Nagpasikut-sikot sa kung saan-saang masisikip at makikitid na daan. 

Dumilat si Sophie. Kinabahan ng mapansing ilang at walang bahay na matanaw sa kinaroroonan nila. 

“Malayo pa ba tayo sa bahay n’yo? “ 

Napangiti nang lihim si Victor. Nakaramdam ng pagkapanalo ng mapansin ang takot sa boses ng nurse. 

Itinabi niya ang sasakyan. Pinatay ang makina. 

Dumidilim ang paligid. 

“Bakit mo inihinto ang kotse? “ tanong ni Sophie na pinigil ang takot na nararamdaman.

Na hindi naman nakaligtas sa matalas na pakiramdam ng unico hijo ng mga Madrid. 

Hindi sumagot, bumaba ito ng sasakyan. Binuksan ang hood at nagkunwaring may tsini-check sa mga parts nito. 

Nakalatag na ang maitim na ulap sa langit.

“Siguradong malakas na ulan itong babagsak na ‘to,” tumingala siya sa langit, “malas talaga itong…”

Pinigil ng nars ang magsalita ng masama. Tinanaw ang lalaking tsini-check ang makina ng kotse. 

“Halimaw talaga sa kaguwapuhan ang impakto!”

GRRRR…

Nanggigigil na siya sa sobrang inis na nararamdaman. 

“Paano ba naging ganyan kaguwapo ang lalaking may napakasamang asal? ‘Kainis. Sobrang nakakainis!”

Isinara ng pinagmamasdan niya ang hood ng kotse. 

Sinundan niya ito ng tingin hanggang sa makasakay.

“Bumaba ka muna, itulak mo ‘tong sasakyan.”

“Huwattt?” Nabiglang tanong ni Sophie pagkarinig sa utos ni Victor Madrid. 

Humarap ito sa kanya. Ipinatong ang braso sa sandalan ng inuupuan. 

“Ang sabi ko, bumaba ka muna. Itulak mo ang kotse at iistart ko para umandar. Okay?”

Mabagal at sarkastiko ang pagsasalita ng kanyang kausap, na tila ba Ipinararamdam kanya na siya ay tanga. 

Saglit siyang natigilan. Hindi matanggap ang ganoong pagtrato nito sa kanya. 

Magsasalita sana siya upang sitahin ito, subalit agad siyang binara ng sisitahin sana. 

“Ayaw mong magtulak? Bahala ka!”

May pinindot na button si Victor. Umayos ang sandalan ng upuan upang mahigaan

“Matutulog na muna ako,”ang sabi, “ maghintay ka kung may madadaan na puwedeng tumulong. O, maglakad-lakad ka at maghanap ka ng bahay na puwede mong katukin at humingi ka ng tulong. “

“Impakto ka talaga!” 

Sarkastikong ngiti ang naging tugon sa sinabi ni Sophie. 

GRRRRR!

“Bababa na po! Magtutulak na po!” 

Gigil na bumaba ang dalaga. Nagdadabog na pumunta sa likuran ng sasakyan. 

“Ang daming arte, e, susunod din naman pala!” nagtatawang wika ng binata. 

Naramdaman niya ang pagkilos ng kinasasakyan,  ngunit hindi niya ito ini-start. 

Paulit-ulit na itinulak ang kotse.

“Ganyan,  magdusa ka!” pakikipag-usap ni Victor sa wala. 

Hanggang sa mapagod ang nagtutulak ng sasakyan. Lumapit ito sa bintana ng driver’s seat. 

“Ano? Bakit hindi pa umaandar?” Ang tanong. . 

“Ewan ko ba dito! Ngayon lang ako itinirik ng kotse kong ito, e.”

“Ano’ng ibig mong sabihin,  malas ako?“

“Ikaw ang nagsabi niyan hindi ako!” 

“Sabihin mo bulok ang kotse mo!”

“Hoy, Miss Nars, hindi ko ipagpapalit kahit sa pinakamahal na pangarerang Mustang ang kotse kong ito.”

“Wala ka kasing perang pambili!”

Nagtawa si Victor.

"Magtulak ka na lang,” utos nito, “dali na!”

Authoritative ang tono ng pag-uutos. Nagpaparamdam ng kapangyarihan sa inuutusan.

GRRRRR! 

“Sumosobra na talaga ang lalaking ‘to!” 

“Ang hina mo naman kasi magtulak, e. Lakasan mo!” bulyaw ng lalake sa kanya. 

Intimidating na ang dating ni Victor kay Sophie. 

Nanginginig sa Inis na tinitigan ni Nurse Sophie Samonte ang mukha ng nagmamayabang. . 

“Ang sarap mong bigyan ng isang pamilyang sampal!”

Ikinuyom niya ang kanyang palad. Pinigil ang sarili sa paghahangad na manuntok. 

Tinungo ang likuran ng kotse. 

“O, itutulak ko na po,” malakas na sigaw, “i-start mo na po!” sigaw ulit na puno ng panggigigil.

“Naging sobrang galang pa ngayon ng loka. “ pakikipag-usap ni Victor sa hangin. 

Ibinuhos ni Sophie ang lahat ng kanyang galit at inis sa itinutulak.

“AAAHHHH…”

Umikot ang gulong ng sasakyan. Nakalayo ito ng mahigit sa isang dipa mula sa kinaroroonan ng tumulak. 

“Ang lakas!” Nasambit ni Victor. 

Pagod. Mabagal ang mga hakbang na lumapit sa kotse si Sophie. Binuksan ang pinto.

“Bakit hindi pa umaandar?” Ang tanong na pigil ang nagwawalang galit sa d****b.

“Ayaw talaga, e.”

“Hindi mo ini-start!”

“Ano’ng hindi?” 

“Bumaba ka d’yan. Ikaw ang magtulak, ako magi-start.”

Natigilan si Victor. Siguradong mabibisto siya kung marunong magmaneho ang kausap niya. 

Naisip ni Sophie na tawagan si Amelia Madrid. 

“Huwag mo ng tangkaing tumawag sa kahit sino. Walang signal sa lugar na ito!”

“Kaya mo dito dinala ang sasakyan. Kaya dito mo itinigil.” Ang gusto niyang sabihin, ngunit mas pinili ang manahimik. 

“Huwag mo akong titigan nang ganyan, Miss,” saway ni Victor ng titigan niya ito nang masama, “Sorry, pero hindi ako magkakagusto sa ‘yo.“ panggagalit pa nito sa kanya.

“Ang taas ng pangarap mo. Ilusyunado! Hindi ang klase ng pagkatao mo ang gugustuhin ko!” sunud-sunod na panlalait ni Sophie sa nagpapagalit sa kanya.

“Talaga lang, ha? Baka kainin mo ‘yang sinabi mo. Wala pang babaing naka-resist sa gandang lalake ko! ” Pambubuwisit pa rin nito.

Tinapunan siya ng umiinsultong tingin ng kausap. 

“In your dreams!” ang sabi, bago muling hinarap ang cellphone na hawak. 

Pinagmamasdan siya ni Victor, habang kanyang sinusubukan kung paano makakasagap ng signal ang teleponong hawak.

Wala itong maaninag man lang na mukha sa makapal na make up ng pinagmamasdan. Ang maliwanag lang niyang nakikita ay ang mata nitong animo nasapak ng kung ilang ulit, dahil sa naghalo-halong kulay itim, berde at violet na kulay ng eyeshadow nito. Hindi rin niya naiwasang pagmasdan ang nguso nitong tila nakagat ng kung ilang putakte o bubuyog kaya parang namumusarga.

“At napakapula ng lipstick ng buruka!” 

Isinuksok ng babae ang cellphone sa bulsa ng polo shirt, na nakapatong sa T-shirt na suot. Nilapitan siya. 

“Bumaba ka muna. “ Ang sabi.

Hindi siya tuminag. 

“Please lang… “ Nakikiusap ito. 

“Itulak mo na lang itong kotse.” Utos niya na ang balak ay paandarin na ang sasakyan.

Bigla, kinuwelyuhan siya ng nakikiusap. 

Hindi niya inasahan ang mga sumunod na pangyayari. 

Nahatak at nailabas siya ng nars sa sasakyan, at mabilis itong nakaupo sa driver’s seat. 

Ini-start ang makina ng kotse.  

“Patay!” 

Umistart ang kotse. 

Bistado ang kalokohan n’ya.

“Sakay na.” utos ni Sophie,na paismid ang sarkastikong ngiti sa kanya. 

“Doon ka sa passenger’s seat.  D’yan ako!” utos ni Victor. 

May galit sa pag-uutos, bilang pagtatakip sa pagkapahiyang naramdaman. 

“No way!” sagot sa kanya ng kanyang inutusan.

Nag-isip siya ng paraan kung paano mapapalipat ng upuan ang nagmamatigas na babae. 

“Akin ang kotseng ‘yan, kaya wala kang karapatang manehohin ‘yan nang wala akong pahintulot! “

“Ah, sa iyo pala ito. Ok, good.”

Tinapakan ni Sophie ang pedal ng clutch. Pinihit sa quadra ang kambyo, tinapak-tapakan ang pedal ng gasolina, Inihahanda sa pagpapatakbo ang kotse. 

Kinabahan si Victor. 

“Ano’ng gagawin mo sa kotse ko?”

“Ibabangga ko!” Sigaw ng babae sabay sa pagpapatulin ng sasakyan. 

“Huwaaaaaggg!”

Halos malagot ang litid at lumuwa ang mga matang hiyaw ni Victor. 

Hindi niya mapapayagang mawasak ang kotseng pinakamamahal niya. Ni hindi niya iyon ipagpapalit sa ano mang pinakamahal na kotse sa mundo. 

Hindi napigil ang pag-iyak na naisubsob ang mukha sa sariling mga palad.

Hindi niya kayang tingnan ang kung ano mang magaganap sa sasakyang kay tagal na niyang minamahal at inaalagaan. 

Biglang bumuhos ang malakas na ulan.  

“Mapapatay kitang bakla, ka! Mapapatay kitaaa!” 

Nakaramdam ng panghihinang napaluhod si Victor sa lupang nagsisimula ng magputik. 

“Hindi kita mapapatawad kapag nasira ang kotse ko. Sophie Samonte.“ tinanaw niya ang lugar na pinuntahan ng sasakyan, “isinusumpa ko ang araw na dumating ka sa buhay ko, Nurse Sophie Samonte! “

Impit ang sigaw na sumabay sa angil ng malakas na hangin.

Inihinto ni Sophie ang sasakyan, matapos iyong pabagalin. Hindi niya naiwasan ang mag-alala sa lalaking iniwan.

“Siguradong b**ang b**a na iyon sa lakas na ito ng ulan.”

Nilingon niya ang pinanggalingan. 

Nakukurtinahan ng masinsing patak ng ulan ang kanyang tinatanaw. Ibinukas niya ang bintana at pilit inaninag ang lalaking inaalala, hindi alintana ang ulan na humampas at bumasa sa kanyang mata. 

Narinig niya ang tinig nitong inihatid ng hangin sa kanyang kinaroroonan.

“NURSE SOPHIE SAMONTEEE…”

Mahina ang dating ng tinig. Malayo.

“Diyos ko! Baka kung ano na ang nangyayari sa taong ‘yun.”

Matindi na ang kanyang pag-aalala. May takot nang nadarama.

“Hindi ko makakayang dalhin sa konsensiya ko kung magkakasakit ang Victor Madrid na iyon. Lalo pa kung…” hindi na niya sinalita ang nasa isip.

Kailangan niyang balikan agad ang lalaking kanina lamang ay kaaway niya.

Pinihit niya ang kambiyo. Iniatras ang sasakyan. 

Hindi inalintana ang patuloy na paglakas ng ulan. Nagpatuloy siya sa pagmamaneho nang paatras, kahit halos hindi niya makita ang tinutungo ng sasakyan.

BLAG! ISPLAK! 

Nalubak ang sasakyan. Malakas na sumabog at kumulapol dito ang putik nang bumagsak sa lubak ang gulong nito. 

“Malas naman talaga!” Inis na nasambit.  

Pinihit-pihit niya ang kambiyo. Ang manibela. Tinapakan ang clutch, ang pedal ng gasolina. Pinilit maiahon ang kotse sa pagkakalubak nito.

Nagpatung-patong ang mga isipin sa kanyang utak. Mga pag-aalalang hindi mapigilan, na habang naiisip niya ay lalong nagiging matindi at mas nakakatakot na trahedya ang Nadaragdag sa utak niya.

“Diyos ko naman! Hanggang ngayon ay dinadala ko pa sa konsensiya ko ang pagkakamatay ng mama ni Tony. Huwag naman sanang madagdagan ng panibagong guilt ang konsensiya ko. Huwag naman sanang…”

KZZZZTTT…

Gumuhit ang matalim na liwanag na dulot ng pagkidlat.

BOOOM!

Dumagundong ang malakas na kulog.

Napaiyak si Sophie Samonte nang hindi maiahon ang sasakyan sa kinalubakan. Pinagbabayo ang manibela nito.

Magkakahalong alalahanin ang nasa isip niya’t damdamin. 

Guilt. Galit sa sarili. Pagsisisi, at kawalang pag-asang makaahon sa sitwasyong kinalagyan. 

“AHHHHHHHH!” 

Nanghihinang sumubsob siya sa manibela ng kotse. Umiyak.

Patuloy ang malakas na ulan,  ang pagkulog at pagkidlat. 

Kinakain na ng sobrang takot ang kanyang d****b. Estranghero siya sa kinaroroonan. Ilang at walang gaanong bahay sa kapaligiran.

"Paano kung may terrorist dito? Kung may biglang humablot sa akin dito at tortyurin ako? Reypin kaya?"

Nanginginig ang mga kamay na tiniyak niyang naka-lock ang mga pinto at mga bintana nt sasakyan. 

"Ano ba 'tong nagawa ko? Napakagaga ko talaga. Napakatanga!"

Nawala ang tapang ng babaing, sa kauna-unahang pagkakataon ay nakaramdam ng takot sa pag-iisa. 

Nag-iisa rin si Victor sa ulanan. 

"Hayup kang Sophie Samonte ka.  Malas mo lang pag nakita kita."

Tumindig ito mula sa kinaluhuran. Tumingin-tingin sa paligid, at nagsimulang humakbang. 

Maglalakad siya pauwi sa kanilang tahanan. 

"Paano ko ipaliliwanag kay mama kung bakit ako naglakad at nag-iisa?  Ano'ng isasagot ko kapag itinanong kung nasaan si Nurse Sophie Samonte? "

Napaisip. 

"Nasaan na nga ba kaya ang baliw na babaing 'yon? "

                           ***                                         

  

     

 

Mga Comments (2)
goodnovel comment avatar
Jocelyn Pioquinto Armario
yan ang napapala mo sophie sa padalos dalos mong desisyon
goodnovel comment avatar
Tats Moslares Zitro
enjoy reading
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status