Share

Chapter 3-The Grudge Of The Weak (Act 2)

Naalimpungatan ako dahil sa malamig na simoy ng hangin na nagmumula sa bintana. Nakakapagtaka dahil sa pagkakaalala ko ay sarado ang jalousie bago ako pumasok kanina sa kwarto bago matulog. Tumayo ako upang saraduhan ang bintana ngunit laking gulat ko nang makita ko si Fred na nakatayo sa labas ng kwarto ko at laking gulat ko nang bigla niyang batuhin ang bintana. Agad akong lumayo sa bintana upang hindi ako maabutan ng mga bubog nito. Agad kong kinuha ang phone ko sa mesa bago tuluyang tumakbo palabas ng kwarto. 

“Saan ka sa tingin mo pupunta?” ang tanong ni Fred.

Mali. Hindi si Fred ang isang ito! Si Aurelia ito! Binilisan ko ang pagtakbo patungo kay Mother Superior. Kahit na hindi ako makahinga dulot ng aking pagtakbo ang mahalaga ay makaligtas ako mula kay Aurelia. Sunud-sunod kong kinatok ang pinto ng headquarters ni Mother Superior ngunit walang sumasagot.

“Binalaan na kita! Hindi ka dapat nagtitiwala sa mga tao sa paligid mo! Sila ang maglulugmok sa iyong sariling kamatayan!” ang sigaw ni Aurelia.

Umalingawngaw ang sigaw ni Aurelia sa kalaliman ng gabi at ramdam ko sa aking kalamnan ang takot na kanina ko pa nararamdaman. Muli akong tumakbo ngunit patungo sa kapilya ng ampunan. Naalala ko ang sabi ni Father Juan kapag nakakaramdam ako ng takot ay tumakbo lang ako sa kapilya upang magdasal.

Ngunit ang dasal na iyon ay dapat magmumula sa puso dahil kung hindi mo isasapuso ang pagdadasal ay sasabayan ka lamang ng nilalang at saka niya iinsultuhin ang kinikilala mong diyos. Nagulat ako nang bigla akong nadapa. Bakit ngayon pa?

“Hinahanap mo ba ang sarili mong kamatayan? Bakit ba ang hilig niyong makialam sa mga plano ko?” ang sigaw ni Aureila.

“Tanga! Humahanap ako ng ebidensya upang mailahad ang katotohanan! Kaya kung hindi mo ma-appreciate ay ibabagsak kita sa dapat mong kalagyan!” ang sigaw ko. 

Bumuhos ang malamig na patak na ulan at nagsimula na ang pagngangalit ng langit sa pamamagitan ng pagkulog at pagkidlat. Ramdam ko ang galit ni Aurelia nang biglang humangin ng malakas. Nagsisiyukuan ang mga puno sa paligid na animo’y may bagyong biglang namuo sa ampunan. Kinuha ko ang phone ko at tinawagan ko ang group chat namin. Gumulong naman ako palayo ng bigla akong binato ni Aurelia ng bato.

“Pinatay na dapat kita kanina habang nahihimbing ka sa iyong pagtulog!” ang sigaw ni Aurelia.

Muli akong tumayo at saka tumakbo papuntang kapilya. Pinilit kong sumigaw ngunit walang boses ang lumabas dito. Nagsimula nang tumulo ang mga luha ko. Ang gusto ko lang naman ay makatulong nang mga hindi matahimik na kaluluwa. Pero bakit kamatayan pa ang kapalit ng pagtulong ko. Huminga ako nang malalim dahil parang puputok ang  baga ko sa sobrang pagod. Inipon ko ang lahat ng lakas ko upang sumigaw.

“Tulungan niyo ako!” ang sigaw ko at kasabay ng pagtama ng kidlat sa pagitan namin ni Aurelia.

 Napatigil si Aurelia sa pagtakbo at natulala sa nangyari. Nakita ko ang paglitaw ng dalawang babae sa harapan ko. Sila yung mga multo sa school. Anong ginagawa nila rito? 

“Pasensya na kung nahuli kami. Dapat kanina pa kami nagpunta rito,” ang sabi ng isa sa kanila.

Nakita ko ang galit sa mukha ni Aurelia. Alam kong sila ang pagbabalingan ng galit niya ngayon. Kailangan kong makahingi ng tulong ngayon. Muli kong tiningan ang phone ko. Buti na lang at waterproof ang phone ko dahil kung hindi ay nagpaalam na ito ngayon. Narinig ko ang pagsigaw ni Gray sa kabilang linya at nakita ko naman ang pag-alis ni Gray sa kanilang bahay.

“Ada, wait for us! Tumakbo ka na sa safe na lugar! Make sure na hindi ka niya aabutan!” ang sigaw ni Arius.

Lumitaw naman si Calix sa tabi ko at inalalayan akong makatayo. Nakita ko ang pakikipaglaban ni Aurelia sa dalawang multo na kausap ko kanina. Nakita ko ang tumigil na sasakyan at lumabas doon ang nagmamadaling si Gray. Hindi niya inalintana ang lakas ng pagbuhos ng ulan at binuhat ako papuntang kotse niya. Ramdam ko ang lamig na nagmumula sa aircon ng kotse ni Gray. Napahagulhol na lang ako sa tindi ng traumang idinulot ni Aurelia.

“Gray, anong plano natin ngayon?” ang tanong ni Tita Portia.

“Hindi ko alam, Mom. Ang plano ko lang ay ang makalayo muna sa lugar na ito!” ang sabi ni Gray at saka pinaharurot ni Gray ang kanyang kotse.

Muli kong tiningnan ang phone ko at kita kong nasa kotse na rin si Arius. Nakita ko ang pagiging seryoso ng kanyang ekspresyon. 

“Mabuti naman at ligtas ka Ada. Gray magkita tayo sa school grounds. Kailangan nating hanapin ang artifact. Maaaring may tumutulong rin kay Aurelia para makapaghiganti. Hindi ko alam kung sino iyon ngunit kailangan nating malaman kung sino ang taong iyon!” ang sabi ni Arius.

Nang makarating kami ay nakita naman namin ang isang babae na papasok sa loob ng school building. Anong ginagawa niya rito? Madaling araw palang at wala dapat estudyante rito.

“Hindi ba siya yung kaklase natin na sinapian noong klase natin?” ang tanong ni Gray. 

Tiningnan ko siyang maigi. Napailing na lang ako kay Gray dahil may kaunting pagkakaiba ang babaeng ito at ang kaklase naming sinapian ng araw na iyon. Bababa na sana si Gray nang bigla ko siyang pinigilan. Sinenyasan ko siya na huwag muna bumaba dahil kapag nagkataon ay hindi namin malalaman ang dahil kung bakit siya naroroon. Pinabaling naman ni Gray ang sasakyan ngunit nagulat naman kami nang makita namin ang babae sa gilid ng sasakyan. Mabuti na lamang at nakapreno agad si Gray dahil kung hindi ay mababangga niya ang babae.

Nagkatinginan naman kami nina Calix. Masama ang kutob ko sa babaeng ito. Alam kong hindi lang siya ordinaryong nilalang. Tumila naman ang ulan kaya naman nagkasundo kami ni Gray na bumaba sa sasakyan.

“Sino kayo? Anong ginagawa ninyo dito?” ang tanong niya.

Napataas naman ang aking kilay sa kanyang tanong. Hindi ba kami dapat ang magtanong sa kanya ng tanong na iyon? Sinamaan niya naman ako ng tingin dahil sa aking pag-irap. Napabuntung-hininga naman kami ni Gray sa kanyang tanong.

“Kami ang dapat magtanong niyan. Anong ginagawa mo dito?” ang tanong ko.

Nabalot ng ilang minutong katahimikan ang paligid at tanging tunog ng kuliglig ang naririnig sa paligid bago siya sumagot. 

“Sinusundan ko ang kakambal ko na pumasok sa school building. Nag-aalala ako na baka maulit na naman ang pagwawala niya kanina. Pagkatapos niyang magwala sa bahay kanina ay bigla na lang siyang tumakbo,” ang sabi ng babaeng kausap naming ngayon.

Nagkatinginan naman kami ni Gray dahil nagwala din si Fred sa ampunan kanina at muntikan na rin akong patayin kanina. Posible bang sapian ang dalawang tao ng isang multo nang sabay?

“Paano nangyari y’on? Sinapian rin yung batang nasa ampunan kanina? Halos patayin na nga si Ada kanina eh?” ang sabi ni Gray.

Napalingon kami kay Calix dahil bigla siyang sumigaw dahil sa may naapakan siyang sanga na siyang sanhi ng malakas na ingay mula dito. 

“Pwede ba Calix! Huwag kang maingay baka marinig tayo!” ang sigaw naming ni Gray.

Napatingin naman sa amin ang babaeng kausap namin ngayon. Teka sino nga ba ‘to? Kanina pa kami magkakasama. Palibhasa nauna ang pagtataray naming. Pati sino ba ang mag-iintroduction sa gitna ng sitwasyon na ito?

“Sino si Calix? Pati wala naman tayong ibang kasama ritro ah?” ang sabi ng babaeng kasama namin.

Hindi kami pwedeng magsinungaling sa pagkakataong ito. Nadulas na kami kaya papanindigan na naming ang mga salitang nasambit namin.

“Ah si Calix. Isa siyang friendly ghost. At nasa likuran natin siya kasama ng kaluluwa ng mommy ni Gray,” ang sabi ko at kita ko ang pagkunot ng noo niya.

“Nakahithit ba kayo ng droga?” ang tanong niya.

Napasabunot naman si Gray sa kanyang sarili. Ang babaeng ‘to hindi ko alam kung anong klaseng katangahan ang meron siya. Hindi niya ba naiintindihan na baka sinapian ang kapatid niya?

“Hindi mo ba napapansin? May sapi ang kapatid mo!” ang sigaw ni Gray.

“Nasa makabagong panahon na tayo! Naniniwala kayo sa ganyang bagay? Malamang stress lang ang kapatid ko at nagkaron lang siya ng hysteria!” ang sigaw niya.

Napataas naman ang mga kilay namin sa pang-ilang pagkakataon. Kung may taong stress, bakit naman siya pupunta sa school? Nag-iisip ba talaga siya? Napalingon naman kami nang makarinig kami ng yabag sa aming likuran.

“Oh my god! Model ba ‘tong nakikita natin?” ang tanong ng babaeng kausap namin ngayon.

“Hindi ako model. Dahil walang model na mukhang raccoon dahil sa dark circles. And please, bilisan niyo dahil nakapasok na sa loob ang isa sa mga sinapian. And besides, sino siya?” ang sabi ni Arius.

Napabusangot naman ang babaeng kausap namin kanina pa. Napahalukipkip na lang siya sa sinabi ni Arius. Kung badtrip ang babaeng ito ay mas badtrip si Arius dahil sa wala siyang matinong tulog.

“Okay fine, I’m Caroline. At ang kakambal ko na pumasok sa loob ay Carla. Eh kayo, sino naman kayo?” ang sabi ni Caroline.

“I’m Ada at ito naman si Gray. Yung lalaking sinabihan mong model ay si Arius. At ang multo sa likuran natin ay Calix at Portia,” ang mabilis kong pagpapakilala.

Naglabas naman ng isang papel si Arius at may nakita kaming kakaibang character dito. Wala kaming kaide-ideya kung ano ang papel na iyon. Kinalabit naman ako ni Caroline dahil alam kong sa mga oras na ito ay siya ang pinakanaguguluhan  sa mga oras na ito.

“Teka nga muna, ano bang bang ginagawa niya?” ang tanong ni Caroline.

“Wala kaming alam. Pero alam kong makakatulong iyon sa sitwasyon natin ngayon. Isa pa, siya rin ang rason kung bakit napahupa niya ang pagwawala ng estudyante sa klase namin kahapon,” ang sabi ko.

Nakita ko sa mga mata ni Caroline ang pagkamangha. Muli kong ibinaling ang atensyon ko nang makita kong lumutang ang papel at tinangay iyon ng bughaw na liwanag. Nagulat naman kami nang biglang tumakbo si Arius papasok ng school building. Agad namin siyang sinundan at halos mangatal ang tuhod ko sa sobrang pagod. Nagulat naman ako nang bigla akong buhatin ni Calix na parang isang bagong kasal kaya naman bakas sa mata ni Caroline ang pagkagulat.

“B-Bakit ka lumulutang?” ang sigaw ni Caroline habang patuloy na tumatakbo.

Napalingon naman ako ng tingin kay Gray nang bigla siyang sumingit sa usapan namin ni Caroline. Alam kong magrereklamo siya na pagod na sila pagtakbo samantalang ako ay parang dumuduyan lang sa hangin.

“Hoy Calix! Ang daya mo! Pare-parehas tayong napapagod rito!” ang sigaw ni Gray.

Sinamaan naman siya ng tingin ni Calix. Alam kong mababadtrip lang si Gray dahil sa pagbuhat sa akin ni Calix.

“Ulol! Kung maaga ka lang sanang dumating eh di sana hindi pagod ngayon si Adamantine!” ang sigaw ni Calix.

“Pwede ba tigilan niyo na ang pagtatalo? At Calix ibaba mo na ako! Baka himatayin si Caroline sa sobrang takot!” ang sermon ko.

Ibinaba naman ako ni Calix at muling naming ipinagpatuloy ang pagtakbo. Nakita ko naman si Tita Portia sa gilid na tila malalim ang iniisip.

“Tita Portia may problema po ba?” ang tanong ko.

Umiling lang siya at nagulat ako dahil may parang hangin ang tumulak sa amin kaya naman ang bilis namin na nakarating sa lugar kung saan tumigil ang papel na hawak ni Arius kanina.

“Nandito na tayo. Magsipaghanda na kayo. Hindi siya basta-bastang nilalang. Isang delikadong kaluluwa ang kalaban natin,” ang sabi ni Arius.

Muli naman kaming napalingon sa papel dahil para itong nagvivibrate. Kinuha naman iyon ni Arius at ibinulsa iyon. Gumuhit naman sa hangin si Arius ng bilog na may pentagram. May mga letra iyon na hindi ko maintindihan. Hindi ko alam kung para saan ang ginagawa niya. Lumiwanag ang pentagram na kanyang ginuhit sa hangin at pasampal niya iyong itinulak sa pader. Lumitaw ang kakambal ni Caroline at pilit na kumakawala ito sa iginuhit ni Arius

"Stella in caelo ego audire;

Oro pro pace,

Tutna, auxilio creaturae in necessitate:

Supprimere rebus creaturae,

Lux de caelo nostra necessitate!" ang pagbanggit ni Arius at nagsimulang magwala si Carla.

Nagulat kami nang makita naming may panibagong pentagram ang lumitaw sa paanan ni Carla. 

"Lumayas ka sa katawan ni Carla!" ang sigaw ni Arius. 

"Sa tingin mo ba, susundin kita? Hindi ako tanga! Ganyan ba talaga kayo? Ginagamit ang mga impluwensya niyo para pabagsakin kaming mahihina? Binabaluktot ang batas na kayo ang nagpapatupad? Bakit ninyo minamanipula ang hustisya na para sa lahat?" ang sigaw ni Aurelia.

Lalapit na sana ako ngunit pinigilan ako ni Gray. Umiling ako at inalis ang pagkakahawak ni Gray sa aking pulsuhan. Kailangan may gawin ako. Hindi ko hahayaan na hindi ko sasagutin ang baluktot niyang paniniwala. Hindi nito makukuha ang hustisyang ninanais niya. Lumapit ako sa kanya at hinaplos ang mukha ni Carla. 

"Bakit? Sa tingin mo ba makukuha mo ang hustisyang hinahangad mo sa ganitong paraan? Bakit sa tingin mo ba tama ka sa pagkakatang ito? Hindi ba wala ka ring pinagkaiba sa kanila? Inilagay mo rin sa mga kamay mo ang hustisya. Idinamay mo ang mga kadugo nila na inosente sa nangyari. Mas masahol ka pa sa kanila," ang sabi ko at nabalot ng katahimikan ang paligid sa pagkakataong iyon.

Dumadaloy sa mukha ni Carla ang emosyong nagmumula sa kaluluwang si Aurelia. Alam kong sa pagkakataong ito ay ito lamang ang maiiaambag ko sa pangkat namin. Huminga ako nang malalim dulot ng pagod at kakulangan ng tulog.  Unti-unti na rin naming nadidinig ang tilaok ng manok mula sa kabilag ibayo hudyat na sisilip na ang haring araw. Ngunit sa mga oras na iyon ay namamayagpag pa ang liwanag na nagmumula sa buwan. 

"Kasalanan ba ang makisama? Bakit kailangan kong mamatay ng walang kalaban-laban? Bakit hindi ko makuha ang hustisyang nais ko? Ang gusto ko lang naman ay ang pagbayaran ang kasalanan nila sa nakaraan," ang sambit ni Aurelia.

Panginoon, kailangan ko po ang patnubay at gabay po ninyo. Sa inyo na lang po ako kukuha ng lakas at kaalaman upang maliwanagan ang kaluluwang nasa harapan ko ngayon. Ipinikit ko ang aking mga mata at taimtim na inisip ang mga kaluluwang nasa paligid.

"Nawa'y makarating kayo sa lugar na paroroonan ninyo. Hindi mo man nakuha ang hustisya mo dito sa lupa, ang hustisya ng diyos na ang bahala sa mga kaluluwa nila sa panahon ng paghatol. Natakasan man ng mga kaluluwang lumapastangan sa'yo ang batas ng lupa, kailan man sa mata ng diyos ay pantay-pantay tayo,"ang sabi ko at niyakap si Carla.

Tumigil sa pagpupumiglas si Carla. Umiling naman ito at narinig ko ang kanyang panaghoy. Lumapit naman si Caroline sa kanyang kakambal.

"Aurelia, nakikiusap ako, pakawalan mo ang kakambal ko!" ang sigaw ni Caroline.

Umiiyak naman si Aurelia at naiiling siya. Narinig ko na sumigaw si Arius kay Gray.

"Gray! Nakita mo na ba?" ang sigaw ni Arius.

Napansin ko na hawak ni Gray ang isang litratong nasa loob ng picture frame.

"Oo eto na! Mainit-init pa! Fresh pa from Dean's office!" ang sigaw ni Gray. 

Nagulat ako dahil ang dami na palang nangyari habang kinakausap ko si Aurelia. At teka paano siya nakapasok sa office ng Dean? Nakita ko naman na kumakaway si Calix at Tita Portia. Maaasahan talaga sila sa mga oras na ito. 

"Gray! Sunugin mo na! Ngayon na!" ang sigaw ni Arius. 

Mula sa panglimang palapag kung saan kami naroroon ay ibinagsak ni Gray ang picture frame sa damuhan at binuhusan iyon ng isang barrel ng gasolina na bitbit ni Calix. 

"Hindi mo dapat idamay ang mga taong nasa paligid. Magkaiba ang hustisya sa paghihiganti. Ang hustisya ang simbolo ng liwanag at kapayapaan samantalang ang paghihiganti ang simbolo ng karimlan at poot at galit na kailan man ay magdudulot ng pasakit sa buhay," ang sabi ni Gray. 

"Tandaan mo, ilang dekada na ang nakakalipas. Malamang sinusunog na ang iba sa kanila sa dagat-dagatang apoy. Kaya naman, ipaubaya mo na sa langit ang parusang nararapat sa kanila," ang sabi ni Arius at inihagis niya ang isang itim na papel.

 Ngumiti si Arius ngunit ang ngiting iyon ay may kurot sa puso. Akala ko taong bato ang lalaking ito. Lumabas mula sa kanyang bibig ang mga salitang Latin na ngayon ay hindi ko malaman kung anong ibig sabihin. 

"Flamma tenebrae perdens!" ,ang sambit ni Arius at lumabas ang isang malaking bughaw na apoy at tinupok nito ang litrato. 

Isinuot ni Arius ang isang singsing na may luntiang bato. Kumonekta ang pentagram na pumipigil kay Carla. Naglakad siya ng paurong at unti-unting hinahatak nito ang kaluluwa ni Aurelia palabas sa katawan ni Carla ngunit ang itaas na bahagi ng kanyang katawan ang nakalabas dito. Tumutulo ang butil ng pawis mula sa mukha ni Arius dahil mukhang kinukuha ng singsing niya ang lakas nito. Akmang lalapit ako kay Arius ngunit pinigilan ako ni Calix. 

"Huwag kang lalapit kay Arius. Nasa kalagitnaan siya ng separation ritual. Isang maling hakbang niya lang, buhay niya ang magiging kapalit," ang paliwanag ni Calix. 

"Wala ba tayong magagawa?" ang tanong ko. 

Isang iling lang ang natanggap ko mula kay Calix. Naikuyom ko ang aking kamao. So, hahayaan kong mamatay si Arius nang walang kasiguraduhan na mabubuhay siya pagkatapos nito? Hindi maaari yun! Huminga ako ng malalim at buong lakas akong sumigaw. 

"Huwag kang mamamatay, Arius! Hindi kita ipagluluto ng omelette at hotdog sa lamay mo!" ang sigaw ko at lalong lumiwanag ang singsing ni Arius. 

Parang nanumbalik ang lakas ni Arius. Tuluyang nahatak palabas sa katawan ni Carla ang kaluluwa ni Aurelia. Tuluyan nang sumilip ang haring araw at napaupo na lamang sa sahig si Arius sa tindi ng pagod. Tumakbo kami nina Gray sa tabi ni Arius samantalang sinalo ni Caroline ang kanyang kakambal matapos mawala ang pentagram sa paligid ng katawan nito.

Mabuti na lamang na Linggo ngayon at walang mga estudyante at hindi pa nagigising ang duty na guard ng mga oras na iyon. Ang kaluluwang si Aurelia na punung-puno ng galit noon ay napalitan ng ngiti at kapanatagan. Kahit walang boses na lumabas sa kanyang bibig ay alam namin ang salitang iyon. Tuluyang naglaho si Aurelia at nakahinga naman kami nang maluwag d'on. Napatingin naman sa akin si Arius at kitang-kita ko sa kanyang mga mata ang kasiyahan. 

"Gusto ko ng omelette at hotdog. Yung may ketchup. Baka pwede namang samahan mo na rin ng fried rice?" ang tanong ni Arius habang nakangiti. 

Ngumiti ako at tumango ako sa suggestion ni Arius. Napahalukipkip naman si Gray at sumandal siya sa pader. 

"Ang daya, naghirap din naman ako ah pero bakit si Arius lang ang inalok mo ng breakfast meal?" ang tanong ni Gray. 

Napailing na lang ako dahil sa ligalig ni Gray. 

"Oo na pati rin ikaw ipagluluto kita ng breakfast meal!" ang sabi ko. 

Mukhang malalagot ako kay Mother Superior. Tumayo naman si Arius at lumapit siya kay Caroline. 

"Caroline, okay lang ba na burahin ko ang alaala mo tungkol sa nangyari?" ang tanong ni Arius. 

Nagkatinginan naman kami ni Gray ano naman kaya ang pinaplano ni Arius? Hindi ko alam kung lutang lang ba siya dulot ng antok namin o talagang alam niya ang ginagawa niya? Ngumiti naman si Caroline at tumango siya. 

"Naniwala ka naman kay Arius na kaya niyang burahin ang alaala mo? Ibang klase!" ang singhal ni Gray. 

Tinaasan naman siya ng kilay ni Caroline. Sa dami ng nangyari alam kong desidido na siya lalo na't isang bangungot ang nangyari sa buong gabi. 

"Kung nagawa nga niyang palabasin ang sumaping kaluluwa bakit naman hindi ako maniniwala sa kakayahan niyang bumura ng alaala? Isa pa, bangungot na ang nangyari sa amin buong gabi kaya naman burahin mo na ito dahil ayoko rin namang isiping nababaliw na ako," ang sabi ni Caroline. 

Muli namang kumuha ng bughaw na papel si Arius. Kumuha siya ng punyal at idiniin niya doon ang kanyang hintuturo. Nagsulat si Arius ng kakaibang letra gamit ang kanyang hintuturong sinugatan . Sa totoo lang ay mukhang bulateng inasinan ang kanyang sulat. 

"Obliviscatur," ang pagbanggit ni Arius at tuluyang nawalan ng malay si Caroline. 

Humarap naman si Arius sa amin. Pambihira. Sinong mag-aakalang isang kakaibang samahan ang mabubuo namin? 

"Gray, ihatid mo na si Caroline at Carla sa bahay nila," ang sabi ni Arius. 

"Teka hindi ba, maaalala pa rin ng magulang nila ang nangyari?" ang tanong ni Gray. 

"Huwag kang mag-aalala, pinaasikaso ko na iyon sa tauhan namin. At nga pala, tungkol sa pinapaimbestigahan mo, masyado siyang maimpluwensya kaya mag-iingat ka," ang sabi ni Arius. 

Namuo ang kaba sa dibdib ko. Sino nga ba ang tumulong kay Aurelia at sino ang nasa likod ng paglatlahala ng ebidensya sa page? 

 

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status