Share

Chapter 4- Danag (Act 1)

Napapahikab ako habang nagrorosaryo sina Sister at Mother Superior. Siniko naman ako ni Sister Kat dahil napalakas ang hikab ko. Sinamaan naman ako ng tingin ni Mother Superior. Totoo nga sigurong hindi mapapalitan ng kape ang kulang kong tulog. Nagsorry naman ako kay Mother Superior at saka ipinagpatuloy nila ang pagrorosaryo. Napabuntung-hininga na lang ako dahil ang tindi ng pagod na inabot ko nang habulin ako ni Fred kagabi noong sinapian siya. Nang matapos na ang pagrorosaryo ay pabagsak akong napahiga sa kama.

Ipinikit ko ang aking mata at sinimulang namnamin ang aking araw ng pahinga. Muli naman akong napamulat ng bombahin ng sunud-sunod na katok ang pinto ng kwarto ko. Ibinato ko ang unan ko sa kama at saka bumangon. Binuksan ko ang pintuan at nakita ko ang hyper na si Ate Gneiss. Sana all, may pahingang matiwasay.

“Adamantine!" ang sigaw ni Ate Gneiss.

“Bakit , Ate? May problema ba?" ang tanong ko kay Ate Gneiss habang kinukusot ko ang aking mata dulot ng antok.

Nanlaki naman ang mga mata ni Ate Gneiss nang makita ako.

“Ang ganda ng contacts mo!" ang sigaw ni Ate Gneiss.

Napatingin naman ako kay Ate Gneiss. Napakapit naman sa aking mukha nang maalala kong inalis ko nga pala ang contact lens ko. Ang mabuti pa ay papaniwalain ko na lang na naka-contact lens ako.

“Bakit ka nga pala nandito, Ate Gneiss?", ang tanong ko sa kanya.

“Yayain ka sana naming lumabas. Manonood ng sine," ang sabi ni Ate Gneiss at ngumiti siya ng napakatamis.

Muli naman akong humikab dahil hindi ko na talaga kaya ang matinding antok. Kung sasama man ako sa panonood ng sine ay baka matulugan ko lamang ang buong palabas. Lugi naman ako doon kaya kailangan kong tumanggi sa pagkakataong ito.

“Pasensya na, Ate Gneiss pero kailangan kong matulog. Kulang kasi ang pahinga ko kagabi dahil sa nangyari kagabi. Kayo na lang ni Kuya Eli ang manood. Sige, enjoy kayo!” ang sagot ko kay Ate Gneiss.

Hindi ko na hinintay ang sagot ni Ate Gneiss at saka sinarado ang pinto. Ipinikit ko ang aking mga mata dahil kanina ko pa gustung-gusto magpahinga.

Nilamon ang paligid ko ng kadiliman at inihatid ang aking diwa sa mundo ng panaginip mula sa reyalidad.

Natagpuan ko ang sarili ko na nasa opisina ni Mother superior. Nakita ko ang mag-asawang gustong mag-ampon ng bata. Ramdam ko ang pandidiri nila sa akin dahil sa kulay lila kong mga mata. Halos araw-araw ay ganun ang eksena sa bawat mag-asawang nais magkaroon ng anak kahit hindi nila kadugo. At sa araw-araw na iyon, ay hindi ako napipili. Halos araw-araw akong pinapatay ng sarili kong pag-asa na may pamilyang magmamahal sa akin. Kaya araw-araw ko ring isinisiksik sa aking kaisipan na walang magmamahal sa akin hangga’t nasa akin ang mga matang ito. Kaya naman sa ilang taong inilagi ko sa ampunan ay sinikap ko na buhayin ang sarili ko. At sa araw-araw na hindi ako pinipili ay tumatak sa aking kaisipan ang kanilang mga masasakit na salita.

“Sister, wala bang ibang bata na pwedeng pamilian? Baka akalain ng mga tao na may anak akong halimaw,” ang sabi ng isang babae.

Sinamahan naman sila ni Mother Superior. Sinabihan naman ako ni Mother Superior na maglaro muna ako sa labas. Lumabas ako sa opisina at tumakbo naman ako sa may halamanan. Naabutan ko si Calix na nakatayo doon kaya naman agad ko siyang niyakap at inilabas ang luhang kanina ko pa pinipigilan. Si Calix lamang ang nasasandalan ko sa mga panahong iyon. Siya ang nagparamdam sa akin kung anong ibig sabihin ng totoong pamilya.

Naramdaman ko na may humaplos sa aking mukha kaya naman pilit kong iminulat ang aking mga mata. Sumalubong naman sa akin ang nag-aalalang si Calix. Muli namang tumulo ang aking mga luha na siyang nakalimutan ko nang gawin sa paglipas ng panahon. Akala ko, ayos na ang lahat.

“Umiiyak ka na naman. Masama siguro napaginipan mo?” ang tanong ni Calix.

“Oo. Huwag mo akong alalahanin. Ayos lang ako. Magpapahinga na lang ako ulit ako,” ang sagot ko kay Calix.

Sumimangot naman si Calix sa akin at itinuro niya sa akin ang kanyang inihandang batya na may maligamgam na tubig sa tabi ng aking kama. Kinapa ko naman ang aking noo at napansin ko naman na may isang basang bimpo sa aking noo.

“Hindi ka ayos, Adamantine. Inaapoy ka ng lagnat kanina kaya naman nagpunta ako kay Mother Superior kanina. Kaya naman tinulungan niya akong ihanda ang maligamgam na tubig na nasa batya,” ang kwento ni Calix.

Nagtaka naman ako kung paano siya nakahingi ng tulong kay Mother Superior eh hindi naman siya nakakakita ng kaluluwa? Napakapit naman ako sa ulo ko nang makaramdam ako ng hilo.

“Pagod lang siguro ito dulot ng nangyari kagabi. Isa pa, wala naman akong sapat na tulog dahil inumaga na tayo ng uwi kanina,” ang paliwanag ko kay Calix.

Sunud-sunod naman ang katok ang narinig ko sa pinto. Sigurado akong si Ate Gneiss na naman iyon. Sumilip naman si Calix at nagulat ako nang makita kong binuksan niya ang pinto. Bumungad naman si Gray na pawisang-pawisan. Kinapa naman niya ang aking leeg at nakita ko ang kanyang pag-iling. Parang butiki na dismayado si Gray dahil sa pagtunog ng kanyang dila.

“Uminom ka na ba ng gamot? Kailan ka pa nilalagnat?” ang tanong ni Gray.

“Hindi pa ako nakakainom ng gamot kagigising ko lang. Teka ano palang ginagawa mo dito?” ang tanong ko kay Gray.

Napatingin naman si Gray kay Calix. Mukhang nasobrahan sa pag-aalala ah? Mukhang hindi na ako magtataka kung mamaya ay narito si Arius.

“Sandali lang ha, kunin ko lang ang bag ko. May paracetamol ako d’on. Nga pala may dala akong sopas. Kainin mo para manubalik lakas mo,” ang sabi ni Gray at saka ipinatong iyon sa bedside table ko.

Lumabas ulit si Gray sa kwarto. Pumasok naman si Arius at kita ko naman sa kanyang mukha ang pagiging seryoso. Sinamaan ko naman ng tingin si Calix dahil hindi ko inexpect na aabot ang pagiging overreacting niya kay Arius.

“Wag mong sabihing pinuntahan ka rin ni Calix?” ang tanong ko kay Arius.

Umiling naman si Arius. Napahalukipkip naman siya at saka iniligay ang kanyang palad sa aking noo. Halos maubusan naman ako ng dugo dahil sa malapit ang kanyang mukha sa akin.

“Mataas ang lagnat mo. Kumain ka na ba?” ang tanong ni Arius.

Umiling naman ako at agad niyang kinuha ang sopas na nasa bedside table. Hinipan niya ito bago ipinakain sa akin. In fairness, masarap yung luto ni Gray na sopas.

“Teka, anong ginagawa mo dito?” ang tanong ko kay Arius.

“Nag-donate ako ng ten million sa ampunan. At iyon ang kapalit ng pagsali mo sa club natin,” ang sabi ni Arius kaya naman naibuga ko ng wala sa oras ang sopas.

Para namang gumuhit sa lalamunan ko ang sabaw ng sopas na niluto ni Gray. Napaubo naman ako kaya kinailangan kong lumingon sa ibang direksyon.

Napatingin naman ako kay Arius na ang sama ng tingin dahil puno na ng maliliit na piraso ng macaroni ang kanyang mukha. Diyos ko po! Wag naman sana bawiin ni Arius ang ten million! Inabutan naman siya ni Arius ng towel kaya naman napunasan naman niya ang kanyang mukha. Dumating si Gray dala ang gamot na kanyang kinuha sa kanyang sasakyan.

“Hala! Sorry! Ikaw naman kasi! Binigla mo ako! Teka muna! Ang laking halaga ng ten million! Mukhang habangbuhay ako sa'yo magsisilbi ah?" ang pabiro kong sabi at saka tumawa siya nang mahina.

"Akala ko naman masama ang lasa ng sopas na ito. Eh di sana ipinagluto kita," ang sabi ni Arius at narinig ko ang pagtikhim ni Gray.

Tumingin naman ako kay Gray na nakasimagot pa rin dahil sa sinabi ni Arius. Halatang hindi nito nagustuhan ang tabas ng dila ni Arius at sa tingin pa lang nito ay gusto niya nang sakalin si Arius.

"Huwag kang mag-alala, Gray. Nambigla kasi itong Arius. Pero masarap yung luto mong sopas. Walang halong biro," ang sabi ko kaya naman umandar na naman ang kayabangan ni Gray.

"Talagang masarap ako magluto! Tinulungan ako ni Mommy na lutuin yan eh! 'Di ba Mom?" ang tanong ni Gray at nag-thumbs up naman si Tita Portia.

Oo. Tita na lang daw ang itawag ko sa kanya lalo na't malaki naman ang naging ambag ko sa buhay nila. Ngumiti naman si Tita Portia at hindi tulad ng dati ay lagi itong malungkot dahil sa pagiging pasaway ni Gray.

"So magpahinga ka na. Dapat magaling ka na bukas. Hindi pwedeng hindi ka namin makikita bukas," ang sabi ni Arius at iniabot sa akin ang sopas na nasa babasaging mangkok.

Lumapit naman sa akin si Gray at iniabot sa akin ang isang banig ng paracetamol. Nagpaalam na si Arius dahil may mga mahalagang bagay pa daw siyang gagawin lalo na't hindi pwedeng isantabi ang mga iyon. Muli naman akong sumubo ng sopas dahil naiiwan sa dila ko ang masarap na lasa nito at hinahanap na ng tiyan ko ang sunod na paglasap ko dito.

"Oh, magpagaling ka. ang lungkot ng buhay ko kapag wala akong aasarin bukas," ang sabi naman ni Gray.

At sa pangalawang pagkakataon ay naibuga ko ang sopas ngunit sa pagkakataong ito ay sa mukha naman ni Gray napunta ang maliliit na piraso ng macaroni. Ano bang problema ng mga tao ngayon? Required ba talagang mambigla? Napaubo naman ako dahil nasamid pa ako sa durog na paminta.

Pakiramdam ko ay kinuha ako ng kamatayan sa mga sandaling iyon. Inabutan naman ako ni Calix ng tubig at agad kong tinungga iyon.

"Teka nga muna! Bakit ba ang hilig manggulat ng mga tao ngayon? Anong meron? Epekto pa rin ba iyan ng kaluluwang si Aurelia Manalaytay?" ang tanong ko kay Gray.

Agad namang tinakpan ni Gray ang aking bibig at agad niyang tiningnan ang paligid na parang may hinahanap.

"Pwede ba? Huwag mo na lang banggitin ang pangalan ng multong iyon. Kinikilabutan pa rin ako sa ginawa niya kagabi. Baka nakakalimutan mong nilalagnat ka ngayon dahil sa kanya? Isa pa, mga puyat na sabog rin tayo dahil sa kababalaghang nangyari kagabi?" ang sermon ni Gray na tila iritado sa nangyari.

Nakarinig naman ako ng bumagsak na gamit sa may pinto kaya naman napalingon naman kami. Nakita namin ang pangangatal ni Ate Gneiss.

"Hoy! Anong kababalaghan ang ginawa niyo kagabi? Huwag mong sabihing may nangyari na sa inyo ni Gray? Nakipagchukchakan ka ba kagabi?" ang sunud-sunod namang tanong ni Ate Gneiss.

Lumapit siya sa akin at kinapa niya ang pulsuhan ko. Napakunot naman ang noo niya nang hindi niya makuha ang inaasahan niyang resulta.

"Normal naman ang pulso mo. Mukhang hindi ko naman buntis," ang sabi ni Ate Gneiss.

Napamaang naman ako sa sinabi ni Ate Gneiss. Ano bang naiisip niya sa salitang kababalaghan? Gusto ko na lang ihagis ang sopas dahil pakiramdam ko ay may sumpa ito sa pagsasabi ng mga tao tungkol sa mga nakakabiglang bagay!

"Ate Gneiss, Hindi ako buntis. Ano bang iniisip mo?" ang tanong ko.

Napakamot naman sa ulo si Ate Gneiss. Napatakip naman ng kanyang mukha si ate Gneiss dahil sa kanyang ginawa. Agad siyang tumakbo palabas ng kwarto dahil sa kahihiyan. Nagpaalam naman si Gray na aalis na dahil kakausapin niya pa daw ang abogado ng mommy niya dahil nais niyang magsampa ng kaso laban sa kanyang ama.

Pagkatapos ng mga nangyari kanina ay pinili kong magpahinga upang mabilis akong makabawi ng lakas para bukas. Kung noong unang araw ko sa eskwelahan ay sama lang ng loob at kabwisetan lang ang ambag nito sa buhay ko, ngayon ay sabik na akong malaman kung ano ang mga susunod na mangyayari. Kung loloobin man ng diyos sana ay hayaan niyang maging mapayapa ang aking taon. Ipinikit ko ang aking mga mata at nakangiti akong humiga sa aking kama.

"Good night, Calix!" ang sabi ko kay Calix bago ako tuluyang nahimbing sa aking pagkakatulog.

Makalipas ang ilang oras ay gumising ako nang nakangiti. Hindi katulad ng dati, ay iba ang pagkasabik ko sa araw na ito. Agad kong kinuha ang cellphone ko at mabilis na nagtungo sa kusina. Isinalpak ko sa aking tenga ang earphones at masaya akong kumakanta ng music na aking pinakikinggan habang naghahanda ng pagkain. Nang matapos ko nang mailagay sa baunan ang mga pagkain ay agad ko iyong inilagay sa cute na pink na ecobag na may drawing ng kuneho.

Nang marinig kong sumipol ang takure ay agad kong pinatay ang stove at isinalin ang mainit na tubig sa timbang animo'y may nagyeyelong tubig dahil sa lamig. Inalis ko ang aking earphone at pinatay ko ang music sa aking phone bago ko ito ipinatong sa mesa.

Nang matapos na akong maligo ay pumili na ako ng damit na susuotin lalo na't wash day kami everyday. Pinili ko ang isang pulang plain na tshirt, ripped jeans at black na sneakers.

"New day, new adventure! Here I come!' ang sigaw ko.

Agad naman akong tumakbo palabas ng kwarto.

Binati ko naman si Kuya Eli na busy sa pagdidilig ng mga halamang gulay.

"Kuya Eli! Good Morning!" ang bati ko.

"Good Morning, Ada! Mag-iingat ka sa mga tao ngayon! Mapanlinlang pa naman ang iba sa kanila," ang paalala ni Kuya Eli.

Napakunot naman ang noo ko sa sinabi ni Kuya Eli.

Ngumiti naman ako at saka tumungo. Minsan naiisip ko ang weird ni Kuya Eli. May mga payo kasi siya kada araw. Pero iyon ang pinakamatindi sa kanya. Tumutumpak sa isang pangyayari ang kanyang mga payo.

Agad naman akong tumakbo patungo sa may gate ng ampunan at naabutan kong nakahinto ang isang familiar na sasakyan. Bumaba ang bintana nito nakita ko ang seryosong mukha ni Arius.

"Hop in. We have new case," ang kanyang bungad.

Wow, agang-aga. Case agad? Pero ano naman kaya iyon? Agad naman akong sumakay sa kotse ni Arius at pinaharurot naman niya ang sasakyan. Base sa mukha ni Arius, ay seryoso siya sa kanyang sinabi kanina.

"Ano bang kaso this time? Contortionist na multong nananakot?"ang pagbibiro ko kay Arius.

"Danag," ang matipid na sagot ni Arius.

Nangunot naman ang noo ko sa kanyang sinabi. Danag? Ano naman yun?

"Teka ano naman ang Danag parang ngayon ko lang narinig yan?" ang tanong ko kay Arius.

Napabuntung-hininga naman si Arius na tila inihahanda ang kanyang sarili sa isang mahabang paliwanagan.

"Ang Danag ay kilala bilang bampira sa Pilipinas. Ayon sa alamat ay dati silang diyos. Tinutulungan nila ang mga tao na magapalago ng taro. Tapos isang araw, nasugatan yung isang babae then yung isang danag nagpresinta na s******n ang dugo ng babae para malinis ang sugat nito. Tapos nasarapan sa dugo yung Danag dahil sa kakaibang tamis nito. Nasipsip ng Danag ang lahat ng dugo ng babae hanggang sa mamatay. Kaya simuma noon, lagi na silang nambibiktima ng mga tao. Kaya hanggang ngayon, walang nakakaalam kung paano papatayin ang Danag," ang paliwanag ni Arius.

Kinuha ko naman ang cellphone ko upang itala ang mga impormasyon tungkol sa Danag. Napaisip naman ako kung paano niya nalaman ang tungkol sa kaso? Napalingon naman ako sa dinaraanan namin dahil iyon pa rin ang ruta patungong school.

"Teka, saan nga pala nangyari ang kaso?" ang tanong ko.

"Sa school natin. At ang masaklap ang taong namatay ay may koneksyon sa una nating kaso," ang sabi ni Arius.

"At saan mo naman nakuha ang impormasyg iyan?" ang tanong ko kay Arius.

Isang simangot naman ang natanggap kong reaksyon mula kay Arius na tila hindi natutuwa sa tuwing binabanggit niya iyon.

"Maraming koneksyon ang pamilya namin kaya naman tinatawag nila kami kapag may mga bagay na hindi maipaliwanag sa isang kaso," ang sabi ni Arius.

Natulala naman ako sa kanyang sinabi. Halos sumakit naman ang ulo ko sa impormasyong nakuha ko kay Arius. Kung ganun, ang sinasabi niyang maipluwensyang tao ang kanyang tinutukoy na unang biktima. Nang makarating kami ay nakita kong maraming estudyante ang nagkukumpulan.

Pinalalayo naman sila ng pulis dahil nagsisimula na ang imbestigasyon. Makikita mo rin ang yellow tape na kadalasang makikita sa mga balita at pelikula. Hinarang naman kami ng mga pulis ngunit sinaway naman sila ng isang Detective na siyang in-charge sa kaso. Paano ko nalaman na detective ang kanyang ranggo? Dahil iyon sa tsapa na nakasabit sa uniporme nito.

"Arius, long time no see! Ang laki na ng ipinagbago mo ah? Kamusta ang Dad mo?" ang tanong nito kay Arius.

"Ok lang naman siya. As usual, he is happy to lend his hand sa kasong ito. Ang kaso dahil nasa business trip niya ay ako ang ipinadala niya rito," paliwanag ni Arius.

Inabutan naman ako ni Arius ng isang pares na Nitrile gloves dahil mas matibay ito kumpara sa Latex Gloves. Agad ko namang tiningnan ang nakatalukbong na bangkay ng biktima at halos matumba ako sa kinatatayuan ko nang makita kong nakadilat ang mata ng biktima. Napansin ko ang sugat sa leeg nito na halatang may kumagat sa leeg nito dulot ng mga bakas ng ngipin na bumaon sa balat nito.

"Confirmed. Danag ang kalaban natin ngayon," ang sabi ni Arius.

Ang gusto ko lang naman ay mapayapang taon pero bakit naman Lord ganito? Bakit parang mababalot pa yata ng kababalaghan ang taon ko?

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status