Share

Pang-apat

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Babae

 

 

“Nahulog ako sa mga bulaklaking mga bigkas, mala-langit na pangako na hindi ko napansin sa huli ay inuuod na tangkay at nabubulok na petalya na  siya nang kumanlong sa akin habang buhay."

HINDI na naman ako mapakali, ramdam ko ang takot sa aking katawan, nanginginig pa ako habang di alam ang gagawin. Nakatingin sa pintuan at balisa sa bawat tunog na naririnig ko. Kahit napakalakas na ng ikot ng bintilador, tagagtag ang aking pawis sa kung anong pwedeng mangyari pagdating niya. Ilang oras palang nakalilipas mula ng bagsakan niya ako ng telepono, pinagtatalunan namin ang aking pag-alis saglit upang mamalengke at inakusahang pinuntahan ko daw ang tindero ng karne na si Pareng Kudo na gusto ko daw talaga noon pa man. Buti at wala ang aking anak at nasa kanyang Lola dahil kung hindi ay masasaksihan niyang muli ang mga pangyayari. Napatingin ako sa salamin, hindi pa tuluyang gumagaling ang aking mga pasa sa mukha noong nakaraang undayan niya ako ng suntok matapos kong 'di siya agad mapagbigyan mapa niig. Kumalabog na ang pinto, malakas ito at kasunod nito ang pagtawag sa aking pangalan,

"Na saan kang babae ka, Punyeta ka!” –hiyaw ng halimaw kong asawa.

Nakaupo ako sa sulok ng aming silid sa ikalawang palapag, hinihintay ko ang pagdating ng diyablong papasok sa pintuan na iyon, pinagmamasdan ko ang busol ng pinto, at nang umikot ito ay kasunod nito ang paglitaw ng lalaking inakala ko noong una ay siyang magbibigay sa akin ng magandangp buhay. Nakita ko ang mga mata niyang nang-gagalaiti sa galit, halos dalawang taon lamang ang  nakalilipas ay isa itong mga matang anghel na namumungay. Mga matang nagbibigay sa akin ng mga kahulugan, nakatitig sa akin ng malumanay at nagpapakita na sa mata natin matutuklasan ang mga uri ng kabutihan ng isang nilalang lalo na kung umiibig ito. Ang mga matang ito na siyang nagbigay sa akin ng senyales na ipikit ang sa akin at damhin, habang papalapit ang kanyang mga labing nagpapahiwatig ng pagmamahal at seguridad, walang katulad ang tagpong iyon, ramdam ko lahat ang katotohanan at paniniwala sa kapangyarihan ng pag-ibig na dapat itong alagaan at pagyabungin. Dito ako nagsimulang mahalin ang taong ito at simulang magpasakop sa kanyang pagkatao.

Tumayo siya roon habang nakatingin sa akin, dahan-dahan niyang isinara ang pinto at napansin kong halos nauutal sa mga salitang kanyang binibigkas dala ng sobrang galit na mula sa selos. Halos dalawang taon lang din ang nakakaraan ng haranahin niya ako ng mga magagandang pangungusap, mga salitang nagpapagaan sa aking damdamin at naghahatid ng mga bagong pag-asa. Mga salitang umaapaw sa ganda ng pagkakalikha nito na pumapasok sa aking pandinig, hindi ako nagsasawang halikan ang mga labing ito na walang katapusan kung lumuwa ng magagandang pangungusap na parang mga orkidyang ligaw na bihirang makita sa kasuluksulukan ng paraiso.

 

Nang makalapit siya ay kitang-kita ko ang paglapit ng kanyang palad, tumama ito sa aking pisngi na siyang nagpakapal ng aking balat sa aking pakiramdam. Halos dalawang taon lang din ang nagdaan mula ng mahawakan niya ang aking mukha, naramdaman ko sa unang pagkakataon ang kanyang kamay na idapo niya ito sa aking pisngi upang haplusin at panatilihin sa aking baba upang ilapit ang aking labi sa kanyang labi. Napakatamis, napaka-gaan ng pakiramdam habang nakadikit ang aming mga labi ay naramdaman ko ang kanyang mga kamay na may buong pag-aalaga at pag-aalala, hinayaan ko itong maglakbay sa aking buong katawan dahil nanaig sakin ang tiwalang walang pwedeng manakit sakin habang nakabalot ako sa mga kamay ng taong iniibig ko.

Napalipad ako sa sulok ng aming aparador matapos dumapo sakin ang nangangapoy niyang palad, muli siyang lumapit at binuhat ako, muli, isa pang sampal ng palad ang pinadaan sa kabila kong pisngi na siyang nagpahiga sa akin sa kama. Sa lakas nito ay nalasahan kong muli ang lasa ng aking dugo sa aking bibig, tinakpan ko ito ng aking kamay at humihingi ng awa sa kanya na itigil ang pananakit. Hindi siya tumigil, sa halip ay dinakot niya ang aking buhok at inundayan ako ng suntok sa aking tiyan na siyang nagbigay sakin ng sobrang sakit at halos mawala ako sa ulirat. Alam ko ang sakit na ito, dina siya bago, pero mas malakas ito ngayon kumpara sa mga nagdaang unday sa akin.

Mula sa sahig ay nakita ko ang kanyang sapatos na pang basketball, halos isang taon lang nakalilipas ng ibinigay ko ito sa kanya bilang regalo sa kanyang kaarawan, tuwang-tuwa siya dahil pangarap niya ang ganitong sapatos, binilin ko pa na alagaan ito at pagka-ingatan. Ngayon, nakita ko kung paano ito lumapad sa aking tagiliran at sa aking mukha, kasunod nito ang pagsaksi ko sa isa kong ngipin na tumalsik sa ilalim ng aming higaan at pagdaloy ng marami pang dugo sa aking bibig. Dinig na dinig ko ang kanyang bulyaw habang ginagawa ang bagay na iyon,

"Malandi ka, magsama kayo ng lalaki mong hayop.!"

Hingal na hingal ang aking asawa matapos niyang gawin ang lahat, umupo siya sa gilid at patuloy ang pagsasalita ng kung ano-ano. Samantalang pinipilit kong takpan ang aking bibig at pigilan ang pagbuhos ng dugo mula sa ngipin na natanggal sa akin habang naluhang talunan sa sahig ng aming higaan. Nakatitig ako sa isang pirasong ngipin di kalayuan sa kinasasadlakan ko, patuloy ang aking pagluha at pag-inda sa mga sakit na nararamdaman.

Tulad ng mga nagdaan, ang demonyo ay nagagawang kumalma, lumapit siya sa akin at muling humingi ng kapatawaran sa kanyang nagawa, sobrang mahal na mahal niya daw ako kaya niya ito nagagawa sa akin, ayaw niya daw akong mawala at mapunta sa iba, handa daw siyang pumatay at mamatay para sa akin. Patuloy ang aking paghikbi habang patuloy ang kanyang pagsuyo, sinisimulan niya ito sa paghimas sa aking harap hanggang sa gumala ito at dito niya na ako sisimulang gamitin, paparausan at ilabas ang init mula sa galit tungo sa bugbog kong katawan. Ginagalaw ako habang duguan at wasak ang kaanyuan, walang respeto sa aking pagiging babae, nagbibigay ito sa kanya ng kakaibang kaligayahan at nagiging instrumento ako sa kanyang mga pantasya.

Pagkatapos nito ay lalayo siya, aalis at magiging normal muli sa bahay. Maiiwan akong durog sa tahimik na kuwartong iyon at marahang pupunta ng banyo upang linisin ang katawang naging balahurahan at tambakan ng yurak. Habang iika-ika ay maingat kong sasabunan ang aking kaawa-awang katawang lupa, upang mabura ang mga laway at alisin ang tamod ng demonyo kong kabiyak. Muli kong mapagmamasdan ang pagdaloy ng aking mga dugo tungo sa paagusan ng aming banyo. Matatapos ang gawain na iyon ng nakatitig ako sa salamin at muling kaaawaan ang sarili, habang nakapikit halos ang isang mata at namamagang labi ay pipilitin ko itong itago sa madla at muling maniwala na magbabago din ang aking asawa.

Mahal ko ang aking asawa, tanging pinangangahawakan ko ay ang kanyang pangako na magbabago siya at magiging maayos din ang lahat, mamahalin niya ako at aming anak basta gawin ko lang ang mga gusto niya. Iniiwasan kong gumawa ng mga bagay na ikaseselos niya pero iba na talaga ang kanyang pagkatao, hindi ko alam pero alam kong may problema siya hindi na ito tungkol sa amin kundi sa sarili na niya. Naulit ang pananakit matapos ang ilang buwan, taon at isa pang taon, naging karaniwan na ito at nawala na ng saysay ang pagkatao ko. Pakiramdam ko, wala na akong pagkakilanlan, hindi na ako isang buhay na nilalang, para na akong patay na walang amoy, pantay lang at walang anyo. Isang bagay na walang kaluluwa, walang mukha, walang boses at katauhan.

Hanggang isang gabi sa mga nakalipas pang mga gabi, muli na namang lulusob ang Diyablo, madilim ang buong bahay, sa kwarto namin ako ay nag-abang. Patay ang lahat ng ilaw na tanging liwanag lamang ng buwan ang nagbibigay sinag sa kuwartong iyon. Narinig ko ang kalabog at kanyang pag akyat sa aming hagdan. Pinagmamasdan kong muli ang busol ng aming pintuan, hanggang sa muli itong umikot at bumukas at muli kong nasilayan ang halimaw na kumakain sa aking kaluluwa. Nanlilisik ang mga mata at nangngingitngit ang mga ngipin at nagtutunugan ang mga daliring buto sa kamay, handang lumapad muli sa kawawang buhay na tulad ko. Nakatayo ako sa dulo ng aming silid, nasa likuran ko ang liwanag ng buwan, nakatingin ako sa kanya at pilit kong hinahanap ang dating asawa ko na nakilala ko pagkatapos ng maraming taon, pero wala na.

Ilang saglit pa ay nagsimula na siyang lumapit, habang hindi ako natitinag sa aking kinatatayuan, walang ekspresiyon, walang pakiramdam, wala nang kinikilala, papalapit na siya ng papalapit.

Ang mga sumunod na tagpo ay nakadungaw ako sa aming bintana, habang hawak ang mahabang patalim galing sa aming kusina, tahimik ang silid maliban sa mga mumunting hagok niya habang naliligo sa kanyang sariling dugo, bumubuka pa ng katipid ang kanyang bibig habang nababarhan ng dugo nito, tiningnan ko lamang siya sa kanyang mga mata, tiningnan ng tiningnan hanggang sa di na tuminag ang kanyang pagkakatitig sa akin at nanatili itong nakatingin sa direksiyon ko, pumikit ako't lumuha, natuklasan ko noong mga sandaling iyon na hindi lahat ng pag-ibig ay para sa lahat.

Wakas.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status