Share

Pangatlo

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Lahaw

 

 

TUMATAKBO siyang umuwi sa kanilang tahanan, mabilis pumasok sa kanyang silid at isinara ang pinto. Umupo sa sulok at nagtakip ng kanyang  tenga habang umaaligid ang maiitim na mga anyong bumubulong sa  kanya.

“ Jayson, Jayson, mabaho! “

Jayson ampon!

Jayson tanga!

Umiikot sa kanyang pandinig ang mga salitang ito mula sa mga itim na nilalang na nagsasayawan sa kanyang paligid. Nagtitimpi siyang pilit habang mariin na pinipikit ang mga mata at tinatakpan ang mga tainga upang  hindi ito makita’t makarinig. Ilang saglit pa’y naglaho na ang mga anyong yaon at muling tumahimik ang silid. Marahan niyang inalis ang kanyang mga kamay sa kanyang tenga at dahan-dahang iminulat ang mga mata, pinagmasdan ang kapaligiran at muli siyang tumingin sa bintanang bukas gaya ng nakagawian, sumasabay sa tahimik na pagkakataon habang natulo ang mga luhang pinigil ilabas ng kanyang damdamin,nagtatagal siya doon sa ganoong tagpo hanggang makatulugan at malipasan ng gutom.

Umaga nang Martes ay walang ganang-pumasok sa paaralan si Jayson. Nasa unang baitang sa hayskul na siya. Katulad ng iba pang mga araw ay wala siyang sigla pumasok,  kinatatakutan kase niya ang pagdating ng kaklaseng si Roel at ang mga kasamahan nito. Lalo siyang nahihiya dahil maging sa harapan ng taong gusto niya, si Mila ay nagawang kutyain siya ng grupo nito at paiyakin sa harapan ng babae. Laging kinukuha ang kanyang baon at madalas ay sinisira ang kanyang mga gamit. Tahimik lang siya at hindi nagsasalita.

Isang araw habang nasa gitna ng klase, ramdam niya ang pagbato sa kanya ng kung ano-anong bagay mula sa kanyang likuran, mga papel at balat ng kendi, nagawa niyang silipin ang kanyang likod at nakita niya ang katauhan ng kaklaseng si Roel na isang malaking halimaw na handa siyang lapain anu mang oras. Katabi nito nag ngi-ngisian ang mga iba pang kaklaseng tila mga munting bub-wit na nag-uudyok pa na gawin ang mga ganoong bagay.

Nawawala sa konsentrasyon si Joel kaya natawag siya ng hindi oras ng kanyang guro upang tanungin sa kanilang paksa. Wala siyang nasagot. Napagalitan at muling napahiya sa buong klase.

Malapit nang maglabasan, napansin niya ang paglapad ng mga itim na pakpak ni Roel at nagmumulang mga mata ng kanyang mga kasama, nakaramdam siya ng takot nung mga oras na iyon. Sa pagtunog ng bell ay mabilis siyang tumayo upang maunang makalabas pero mabilis siyang sinundan ng grupo nila Roel. Naharang siya at nakita niya kung paano lumabas ang mahabang dila nito at nagtatalasang mga pangil habang binibigkas ang mga salitang,

“Saan ka pupunta duwag?”

“Ang baho-baho mo ampon!”

Tulad ng mga nagdaang araw at buwan ay nakatikim na naman siya ng mga ligaw na suntok, nakasanayan ang pagyakap sa takot nat kagalag ng mga batang halimaw. Hindi niya ito isinumbong kanino man, walang siyang pinagsabihan dahil para sa kanya, walang gustong makinig at ang mga pangyayari ay bahagi lang ng mundo.

Sa kanilang tahanan, sa hapag kainan ay mistulang mga poste ang kanyang mga magulang, walang katinag-tinag, walang pakiramdam, habang ang ama’y  abala sa pagbabasa at ang Ina’y abala sa telepono. Napag gigitnaan si Jayson ng dalawang bathalang walang interes sa kanilang mga nilikha. Hindi man lang napansin ng mga ito ang pasa sa kanyang mukha at maga sa kanyang pisngi, ni salitang pangangamusta ay hindi lumitaw sa mga oras na iyon. Matipid niyang inurong ang kanyang silya lumikha ito ng langitngit sa sahig pero hindi naging dahilan upang magbigay ng atensiyon ang kanyang mga magulang. Malamya siyang umalis sa lugar na yaon, malungkot na pumasok sa kanyang silid na may huling sulyap pa sa mga ito bago isara ng marahan ang pinto.

Sa loob ng kanyang silid ay makikita ang napakaraming mga guhit-larawan, mga ginuhit na mga maiitim na nilalang at larawan ng isang batang halimaw na si Roel. Muli, nagparamdam ang mga maiitim na nilalang sa kanya, umaaligid ito at nagbibigkas ng mga nakakasugat na mga salita, parang mga bubuyog na bumubulong-bulong at paminsan-minsa’y sumisigaw at naninindak, muli niyang tinakpan ang kanyang mga tenga at nagsimulang umiyak ng timpi hanggang sa mawala ang mga nilalang na yaon. Sa pagkakataon na ito ay may kung ano siyang binuksan sa maliit na plastik na bote na matagal na niyang kinuha sa ilalim ng kanilang lababo, sabay kuha ng isang pirasong papel at panulat.

Lumipas ang ilang mga sandali ay nilipad ang isang papel na liham na kanyang ginawa pagkatapos pumayapa ang paligid, bumagsak ito sa sahig kung saan nakahandusay ang kanyang katawan, bumubula ang bibig at wala ng kahit ano mang kagalaw-galaw.

Isang araw ang lumipas hindi na pumasok si Jayson, hindi na ito nakita ng kanyang mga kaklase. Nabalitaan ito sa buong klase at sa buong paaralan, walang ano mang pagkabigla, walang kahit anong inialay na sandali man lang na patungkol sa kanya, walang pukaw ng atensiyon, tuloy lang ang klase, tuloy lang ang karaniwang buhay.

Sa kanilang tahanan makikita ang maraming mga taong-buhay na nakaitim, ilang koronang bulaklak na nakahilera sa pasilyo ng kanilang tahanan, makikita ditong umiiyak ang kanyang Ina habang inaakay ng mga kaanak habang ang Ama’y kausap ang ibang kalalakihan nang may pagdaramdam. May naglalabas-pasok, mga batang nagtatakbuhan at halo-halo ang diskusyon. Nagmistulang pagsasalo-salo ito ng mga kaanak at nagkukuhanan pa ng mga litrato at nagkakakuwentuhan ukol sa mga buhay-buhay. Sa kabila ng abalang kapaligiran ay matatanaw ang kanyang silid. Nadaanan ito ng kanyang batang pinsan matapos makipaghabulan sa mga kalaro at napahinto saglit sa tapat ng pintuan ng silid ni Jayson na tila may narinig na kung ano. Umalis din ito at hindi na lumingon.

Sa silid naiwan ang lahat,  na kahit kailan ay hindi pumukaw ng kahit anong malaking pansin dahil hindi kailanman nagawang mabigyan ng panahon at kahalagahan ang munting nilalang, hindi nagawang sulyapan at tulungan ang batang may malalim nang takot at sugat ang kaluluwa. Matatapos ang lahat-lahat sa pagsisisi, magluluksa at di kalauna'y makakalimot at muli ay mauulit ang ganoong naranasan ng bata sa katauhan ng ibang kaluluwa. Iniwan ng mga tagpo iyon ang isang katotohanan na namumuhay sa ating lipunan.

 

Wakas.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status