Share

Capitulo Diez: Arbol Triste

               Natanaw ni Vahlia ang isang mayabong na puno ng narra, nag-iisa ito sa gitna ng bukirin na tanging mga damo at mga pananim na palay ang nakapaligid dito. Hindi na nakapagtataka kung bakit mayabong at mataba ang punong ito dahil walang ibang punong kaagaw sa sustansiya at sinag ng araw.

“Ang árbol triste,” sulpot ng isang boses sa kaniyang likuran. Mariing napapikit sa inis si Vahlia nang mapagtanto kung kanino galing ang tinig na iyon, “Sumunod ka pa talaga ah, sadyang iniinis mo ba ako?” aniya nang hindi man lang nililingon ang kausap.

“Hindi naman, nakatutuwa lamang na ika’y pagmasdan lalo na sa tuwing lumulukot ang iyong pagmumukha.”

“Tchh, wala ka talagang kwenta,” tanging sagot mula kay Vahlia, mas mabuting huwag na lang niyang patulan ang pang-aasar ni Mateo. Tutal ay wala naman siyang mabuting maidudulot sa kan’ya.

            Sa kabila ng mga salitang sinambit ng dalaga ay nagawa pang tumawa ni Mateo na animo’y isa iyong kakatuwang biro. “Nais mo bang marinig ang kuwento ng árbol triste?”

“Pagtambang kay Mateo sa ilalim ng tulay, Oo. Mas magiging masaya pa ako.” Muli ay ngumiti at tumawa lang ang binata, at humakbang papalapit upang pumantay sa dalaga. “Nang maipanganak ang islang ito, tatlong magkakapatid na diwata ang ipinadala ng Bathala. Sina Airam, Alain, at Alma, magkakaiba ang kulay ng kanilang buhok ngunit sila’y magkakamukha. Mala-tanso ang kay Airam na siyang panganay at berdeng hawig ng mga malalagong dahon naman ang kay Alain. Ang bunsong si Alma ay mayroong itim na buhok na tulad ng sa mga tao.”

            Tahimik na nakikinig sa kan'ya si Vahlia habang nakikisabay sa paglalakad ni Mateo patungo sa punong tinutukoy nito. “Isang araw, nagpasiya ang magkakapatid na bumisita sa bayan. Dahil sa kakaibang kulay ng kanilang mga buhok ay agad nilang naagaw ang pansin ng mga tao, sa isang tingin ay mapagkakamalan talagang isang engkanto at hindi pangkaraniwang nilalang. Ngunit ang dalawang magkapatid lamang na sina Airam at Alain ang itinuring bilang mga diwata ng mga taumbayan dahil ang bunsong si Alma ay may pangkaraniwang hitsura tulad ng mga tao.”

              Naupo ang dalawa sa ilalim ng malagong puno ng narra, nanatiling tahimik at walang kibo si Vahlia habang nakikinig sa kuwento ng katabi na ngayo’y nakahilig sa matabang katawan ng puno.

“Pilit na ipinaintindi nito na siya ang bunsong kapatid ng mga diwata ngunit hindi naniwala ang mga tao, bukod sa hindi siya nabiyayaan ng kapangyarihan at kakayahang tulad ng tinataglay ng kaniyang mga kapatid ay mas nagmumukha pa siyang tao. Nabuo ang inggit at galit niya sa kaniyang dalawang kapatid, lalo na nang siya’y itanggi nina Airam at Alain bilang kanilang kadugo. Nasilaw sila sa papuri at luwalhating ibinibigay ng mga tao sa kanila kung kaya’t nagawa nilang itakwil ang nakababata nilang kapatid.” Binalingan niya ng tingin si Vahlia na ngayo’y nakatuon pa rin ang mga mata sa malawak na bukirin.

“Dahil dito ay nagalit ang Bathala sa dalawang diwatang nalimutan ang kanilang tanging tungkulin sa islang ito. Nang malaman ni Alma ang tungkol sa galit ng nasa itaas ay nagmadali siyang bumalik sa kanilang pinanggalingan, siya’y nag-ulat kay Bathala ukol sa masasamang gawain at pagkasakim ng kaniyang mga kapatid. Dinagdagan niya ng kasinungalingan ang isinumbong niya sa kanilang ama sa pag-aakalang mabigat na parusa ang ipapataw nito kina Airam at Alain.” Saglit na tumigil sa pagkuwento si Mateo kaya’t agad itong nilingon ni Vahlia. “At ano na ang sumunod na nangyari?”

           Nang magtama ang paningin nila kay Mateo na kanina pa pala nakatitig sa kan'ya ay unti-unting ngumiti ang binata bago nagpakawala ng maikling pagtawa, “Nakikinig ka pa pala sa kuwento ko, akala ko’y balewala na ang pagsasayang ko ng laway rito. Bueno, sa halip na sina Alain at Airam ang maparusahan… si Alma ang siyang nakatanggap ng kaparusahan. Nang dahil sa pagsisinungaling at pagtataglay ng inggit sa kaniyang mga kapatid. Kung tatanungin kita… tama ba ang kinahinatnan ng bunsong diwata?”

           Tumagilid ang ulo ni Vahlia sa tanong ni Mateo at pinagkrus ang dalawang braso bago ibalik ang tingin sa harapan, “Kung tatanungin din kita… Sino ang mas may mabigat na kasalanan, ang makaramdam ng inggit at galit o ang magpakabulag-bulagan sa nangyayari sa paligid?”

“Ang makalimot sa katauhang ipinagkaloob mula sa itaas,” sagot naman ni Mateo. “Sa puntong malimutan mo kung sino at ano ang tungkuling iniatas ng poong Maylikha, asahan mong masisilaw ka sa mga makamundong bagay at ganoon din sa pag-usbong ng galit at inggit.”

           Napapatango na lamang si Vahlia bilang pagsang-ayon sa mga salitang tinuran ng lalaking nasa kaniyang likod. Minsan ay hindi niya maunawaan si Mateo, minsan ay loko-loko na nakakairitang nilalang ngunit sa isang iglap ay maglalabas ng mga salitang talagang tatarak sa konsiyensiya at damdamin.

“Bilang kaparusahan, si Alma ay naging puno ng Narra na umusbong sa gitna ng kaparangan. Dahil sa inggit, ibinigay sa kan'ya lahat ng pansin at sustansiyang makukuha niya bilang isang puno. Walang ibang punong magiging kaagaw o katunggali, tanging siya lang ang nakatayo at malagong yumayabong. Samantala, sina Airam at Alain ay naging ordinaryong mga tao. Nakiramdam at namatay na tulad ng mga tao.”

           Sa malawak na bukirin pa rin nakatunghay ang mga titig ng dalaga, ‘Kung ganoon ang malawak na parang ay naging bukid na at nananatili pa ring malago ang punong ito. It may be a legend but it does make sense, letting you chose between your wants and needs. Kung atensyon at papuri ang ginusto mo, asahan mong maiiwan kang mag-isa ng mga taong kailangan mo. In the sibling’s case, it’s just the proof of how anyone can be lured into darkness just for desires and aims. Forgetting almost everyone who really cares for you.’

*****

           Lumipas ang isang buong lingo at nagiging normal naman ang pamumuhay ni Vahlia sa katauhan ni Victoria Esperanza na ngayo’y unti-unti nang nakakasabay sa kilos at ganap sa sinaunang panahon. Isang linggo ring araw-araw niyang nakakaharap ang pagmumukha ni Mateo. Magmula kasi nang mamanhikan ang pamilya Villamarquez ay napagkasunduan din nila ang araw-araw na pagkikita ng dalawa upang mas mapagtibay ang pagsasama nila bago pa man din sila ikasal.

“Victoria, kapatid ko. Suotin mo na ang pinakamaganda mong baro! Pagka’t maya-maya ay paparito na si ginoong Mateo!” nakangiting anas ni Estrella nang makapasok sa silid ni Vahlia. Impit na tumitili na tila mas kilig na kilig pa kaysa sa kan’yang kapatid.

“Tumahimik ka nga, Ate. Kahapon ka pa gan'yan,” sita ni Vahlia sa kaniya habang abala sa pagsuklay ng mahaba nitong buhok. Kasalukuyan siyang nakaupo sa harapan ng salamin nang humakbang palapit sa kan'yang likod si Estrella at kinuha ang suklay mula sa kamay ng kapatid. “Huwag mo nang itanggi pa, aking Kapatid. Nakikita ko rin ang iyong pagkasabik sa kaniya. Hindi mo maikukubli iyang mga ngiting iyan,” pang-aasar nito kay Vahlia habang sinusuklay at iniaayos sa paikot na disenyo ang buhok nito.

“Bahala ka, Ate. Isipin mo ang nais mong isipin.”

“Ayyiee, talaga ba? Nalalaman ko ang ibig sabihin ng mga ngiting iyan,” aniya nang mapansin ang pagpipilit nitong tago ang ngiti sa kan’yang mga labi. “Hay, ewan ko ba sa i'yo kung bakit hindi mo na amining nahuhulog ka na kay ginoong Mateo. Puro mga pambabara at minsa’y inaaway mo pa siya, bakit hindi mo sabihing mahal mo na siya?”

             Mula sa salamin ay tinitigan niya si Estrella na abala sa pag-aayos ng buhok niya bago ngumiwi. ‘Seriously? Mukhang magiging happy na siya sa pagiging single.’

“Oh hayan, naayos ko na ang iyong buhok. Ngayon, kunin mo ang kulay lilang saya mo, Dalian mo!” kinikilig na utos nito kay Vahlia habang nakadungaw sa bintana. “Naririto na si ginoong Mateo, Victoria! Nakabihis ka na ba?”

“Kapapasok ko pa lang naman ng baño, Ate. Papaano naman ako makakapagbihis agad-agad?” sigaw nito mula sa baño na siyang nakapagpaalik-ik kay Estrella. “Pacensiya na, natutuwa lamang akong mayroon ka nang ibang lalaking kinatatagpo at hindi na ang Alvaro na iyon.”

            Saglit na napatigil sa pagbibihis si Vahlia sa pamilyar na pangalang binanggit ni Estrella. ‘Alvaro? Saan ko na nga ba iyon narinig?’

“Victoria! Bilisan mo, marahil ay naiinip na siya sa ibaba.”

“O-Oo, saglit lang.”

           Binilisan niya ang pagbibihis at pagbubuhol-buhol sa mga tela at damit sa kan’yang katawan. Nang matapos ay lumabas siya mula sa baño, natagpuan ang kapatid na si Estrella na tulala sa paninitig sa labas ng bintana. Dahan-dahan ay sinundan niya ng tingin ang kung ano man ang nasa labas na tinititigan nito.

“Anong tinitignan mo, Ate?” tanong niya nang makalapit kay Estrella na siyang nakapagpatalon sa kaniya sa gulat.

“Victoria naman. Huwag ka namang nanggugulat basta-basta,” reklamo niya habang nakahawak ang isang kamay sa dibdib nito.

“Eh? Nagtatanong lang naman ako ah. O baka naman,” nagpakawala ng nang-aasar na ngisi si Vahlia at bahagyang kinurot ang tagiliran ng kapatid. “May iba kang tinititigan, ayiieee! Sino naman ang malas na lalaking iyong nagugustuhan?”

“Heh! Victoria, magtigil ka nga! Puntahan mo na si ginoong Mateo sa baba at marahil ay naiinip na siya sa’yo,” pag-iiba nito sa usapan. Sa halip na sumunod ay nginisihan na naman siya ni Vahlia kung kaya’t marahas nitong pinatalikod ang kapatid at tinulak ito palabas ng pinto. “Umalis ka na nga.”

              Napatawa naman si Vahlia sa mariing pagtanggi ng kapatid, masasalamin naman talagang may kung sinong tinititigan si Estrella sa labas ng bintana. Inlababo siya!

“Kahit kailan talaga, gustong-gusto mo akong pinaghihintay,” salubong ni Mateo. Ang dalawang kamay nito ay nakasuksok sa magkabilang bulsa ng itim niyang pantalon. Sa simpleng itim na camiso nitong suot ay litaw na litaw ang maganda nitong pangangatawan. Mula sa tila nakaukit nitong umiigting na panga at sa mala-tsokolate nitong mga matang nang-aakit kung tititigang mabuti.

               Tanging pag-irap ang isinagot naman ni Vahlia na ngayo’y bumababa mula sa escalera (staircase) ng mansion. Sa buhok nitong nakatirintas paikot at sa patusok na disenyo ng peinetang nakaipit dito. Suot-suot ang puting baro at lilang saya na pinatungan ng tapis na kulay itim at puting dama-rama (chekered).

“Bakit namumula ang iyong labi? Sabihin mo nga… nagpapaganda ka ba para sa’kin?” pang-aasar ni Mateo na may namumuong ngisi sa mga kan'yang pagmumukha nang mapansin ang labi ni Vahlia na pilit dinampian ng atsuete kanina ni Estrella.

“Isipin mo ang gusto mong isipin. Ano? Saan mo na naman ako dadalhin ngayon?” Naka-taas ang kilay nitong sinalubong ang mga tingin ni Mateo nang tuluyan na siyang makababa.

“Mamaya ko na sasabihin, Binibini. Nakapagpaalam ka na ba sa iyong mga magulang?” Inilahad ni Mateo ang isang kamay nito sa harapan ng dalaga na siya namang inabot ni Vahlia. Walang kaemo-emosyon o ngiti man lang na ihaharap sa binata. Dahil sa isip niya, para saan pa?

“Wala sila, tanging si ate Estrella lang ang aking kasama rito.”

               Tinanguan naman siya ni Mateo at iginiya palabas. “Ano? Maglalakad ba tayo o kalesa na naman?” Nang lingunin niya ang binata ay tanging pag-iling ang sagot nito na siyang nakapagpakunot ng noo ni Vahlia. Maya-maya pa’y isang tunog ng kumakaripas na kabayo ang maririnig mula sa zaguan (corridor kung saan maaaring dumaan ang mga carruaje patungo sa entrada principal).

“Manolo, ven aquí. (Manolo, halika rito.)”

               Biglang napalitan ng malawak na ngiti ang dating busangot na mukha ni Vahlia nang makita ang kabayo. Halos ilang araw rin niyang hindi nakita ang hayop na ito. Nang makalapit na si Manolo sa kanila ay hinablot ni Mateo ang tali at magiliw itong iniabot sa binibini. “Mukhang hindi ako nagkamaling dalhin siyang muli palapit sa iyo. Nasilayan kong muli ang mga ngiting iyan.”

               Nakatitig sa mga kumikinang nitong mga mata at ngiting paulit-ulit niyang hahanapin sa dalaga. “Ano pang hinihintay mo? Tara na!” anyaya ni Vahlia na ngayo’y ngiting-ngiting nakasakay sa kabayo. Napapailing na sumampa naman si Mateo sa likuran bago hatakin bahagya ang tali, dahilan upang tumakbo ang kabayo palayo sa mansiyon at patungo sa Calle Vasque. Ang daan patungo sa kabisera ng bayan.

“Salamat, Mateo,” sambit niya sa kalagitnaan ng pagpapatakbo nito sa kabayo.

“De nada, mi Tigresa,” sagot nito.

                Nang marating nila ang kabisera ay namangha ang dalaga sa mga nasasaksihan nito sa paligid. Animo’y hindi nakakakita ng palengke. Ngunit iba pa rin talaga ang hitsura ng abalang bayan noong unang panahon. Nakahilera ang mga nagtitinda at nakapwesto batay sa produktong kanilang ibinebenta.

“May nais ka bang bilhin?” tanong ni Mateo habang inaalalayan bumaba ang dalaga. Umiling naman si Vahlia, “Wala naman, ilibot mo lang ako sa buong kabisera. Kung maaari?”

“Bakit naman hindi?” nakangiting sagot ni Mateo habang itinatali ang lubid ng kabayo sa isang puno.

“Marami na rin palang ipinagbago ang itsura ng kabisera mula nang lumisan ako.”

           Nilingon naman si Vahlia sa katabi habang naglalakad, “Umalis ka?”

“Nagtungo ako ng Madrid noong diecisiete años pa lang ako upang doon ipagpatuloy ang aking pag-aaral,” tugon nito.

“So, kababalik mo lang ngayon? As in noong nagkita tayo sa gubat?”

“Oo, naisipan kong dumiretso na muna doon. Hindi ko rin mawari kung bakit dinala ako ng aking mga paa sa Ilog ng Tarok, bukod sa mga masasamang ala-alang naroroon ay tila muli Kong nababalikan ang sakit sa tuwing nakikita ko ang lugar na iyon.”

            Kibit-balikat naman siyang sinagot ng dalaga, “Siguro ay may dapat kang balikan doon, o kaya naman ay—”

“O kaya naman ay may dapat pa akong makilala roon.” Muli ay nagtama ang mga paningin nila nang sabay silang mapalingon sa isa’t isa. “Isang panibagong ala-ala upang maging dahilan para muli kong balikan at mabago ang pananaw sa masalimoot na nakaraan ng ilog na iyon.”

Whiteknight Magico

Again! Maraming salamat sa mga patuloy pa ring sumusubay sa aking kuwento. Sisikapin kong pagbubutihin pa ang aking pagsusulat para sa inyo.... Umaasa akong patuloy niyong subaybayan ang napakakulit at napaka-in denial na kuwento nila ginoong Mateo at binibining (kunno) Vahlia.

| Like

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status