Share

Capitulo Once: Feliz Compleanos!

“Señorita Victoria! Señorita!” nagkukumahog na tawag ng tagapagsilbing si Stella nang makapasok sa silid ni Vahlia. Kunot-noo naman siyang binalingan ng tingin ni Vahlia, “Ey? Bakit tila nagmamadali ka?”

“May ipinadala pong liham si señorito Mateo, para raw ho sa inyo.”

“Anong sabi?”

“Hala, hindi ko naman ho binuksan. Kayo po ang magbabasa, Señorita.” Iniabot ng tagapagsilbi ang isang puting sobre na may kulay pulang rosas bilang selyo sa gitna nito.

Madali naman itong nabuksan ni Vahlia at hinila palabas ang papel na nakapaloob.

“Sandali, sulat kamay ba talaga ito ni Mateo?” hindi makapaniwalang anas ni Vahlia nang mabuklat ang buong papel at tumambad ang isang napakagandang kaligrapiya. Sa isang tingin ay aakalain mong nakaimprenta.

“Ayon po sa ilang mga usaping naulinigan ko sa panganay ng mga Villamarquez ay talagang may itinataglay na talento ang señorito. Bukod sa nakamamanghang pagsulat ay mahusay rind aw po siya sa panunula.”

             Napapatango na lang si Vahlia sa mga sinasabi ni Stella. Hindi na alam kung paniniwalaan na nga ba niya ang mga nabanggit ng katabi at isali pa ang mga taong bumati kay Mateo kahapon sa kabisera.

“Hay? Ginoong Mateo! Hindi nga ako namamalik-mata, nagbalik na po pala kayo ng bansa,” bati ng isa sa mga tindera ng gulay. Nilingon naman ito ni Mateo at nginitian, “Aling Betchay, kumusta po? Matagal-tagal na rin po pala noong huli tayong nagkita.”

“Oo nga, Hijo. Eh sino naman ang magandang dilag na iyong kasama?” Bumaling ang tingin ng matabang babae kay Vahlia na kasalukuyang nakatingin sa kabilang kariton ng mga pakwan ngunit ang tainga’y nakatuon pa rin sa pag-uusap nila aling Betchay at Mateo.

“Kasintahan mo ba siya?” dagdag ng Ale habang nakangiting nakatingin sa dalaga at sa pakwan. “Kay buti mong bata, Mateo hijo. Ngunit tila kakaiba ang ikinikilos ng iyong kasintahan… Ika’y magtapat nga sa akin, tila naglilihi sa pakwan ang binibining ito.”

“Po?” magkasabay na angal nilang dalawa sa sinabi ni aling Betchay. Humalakhak naman ang ale habang umaalog-alog ang bilbil nito. “Iyan na nga ba, huwag ni'yo nang itanggi dahil nalalaman ko ang mga palatandaan ng pagdadalang tao.”

           Isang pekeng ngiti naman ang iniharap ni Vahlia sa ale bago palitan at ilipat ang kan’yang nakamamatay na tingin kay Mateo. Pasimple nitong kinurot ang tagiliran ng Binata, pahiwatig na ipaliwanag ang totoong sitwasyon sa Ale na hanggang ngayon ay humahagikhik pa rin.

“A-aray naman… oo na,” bulong ng Binata kay Vahlia habang dumadaing sa sakit ng pagkakakurot nito sa kaniya. “Ah, Aleng Betchay. Ang totoo po niyan ay hindi ko pa po k-kasintahan ang binibining aking kasama.”

          Tumigil sa pagtawa ang matabang babae, “Kung ganoon, bakit kayo lamang dalawa ang magkasama?”

“Hindi ko po siya kasama,” sagot ni Vahlia. “Sa katunayan po ay nadaanan ko lang po ang ginoong ito rito.”

“Ha? Hindi mo ako maloloko, Hija. Kanina ko pa kayo pinagmamasdan ng iyong nobyo. Magkasabay kayong dumating rito sakay ng kabayo. Ngunit huwag kayong mag-alala pagka’t ligtas ang lihim ni'yo sa akin.” Kumindat pa ang Ale sa kanila.

“Mauuna na po muna kami, aling Betchay,” pagpapaalam ni Mateo sa kausap kasabay ng isang ngiti bago higitin papalayo ang dalaga.

          Walang imik namang nagpahila si Vahlia kay Mateo, maya-maya pa’y bumagal ang kanilang paglalakad kasabay ng pagtawag kay Mateo mula sa isang panibagong boses ng babae. “Mateo? Eso es exactamente lo que escuché de mi padre. ¡estás de vuelta! (Mateo! Tama nga ang aking naulinigan mula kay ama. Nagbalik ka na!)”

         Nang mag-angat ng paningin si Vahlia sa harapan nila ay nagtama ang paningin nila sa isang babaeng nakasuot ng magarbong saya. Tulad ng isinusuot ng mga kababaihan sa Espanya noong pamumuno ni haring Amadeo I. Isang napakahabang palda na tila may umbok sa likuran at sumasayad sa lupa, napakakitid din ng beywang niya na animo’y nirolyohan nang makailang ulit ng bakal na paha (corset). Sa ulo niya ay may nakapatong na sambalilo (hat), sa kaliwang bahagi ay may nakaipit na balahibo ng kung anong ibon bilang disenyo. Sa kabuuan ay napakaganda at elegante ng kaniyang suot, hindi maipagkakailang siya’y anak ng Gobernadorcillo ng bayang ito.

“Dulce, yo también me alegro de verte, (Dulce, nagagalak din akong makita ka,)” bati pabalik ni Mateo na siyang ikinakunot-noo ni Vahlia.

“Eehh, Mateo. ¿Sabes que estoy molesto contigo? (Eehh, Mateo. Alam mo bang nagtatampo ako sayo?)” Lumapit ang babae sa kanila at ikinawit ang braso kay Mateo. Tumagilid naman ang ulo ni Vahlia na siyang nasa likuran na nila dahil hinihila ng babae si Mateo palayo sa kan’ya.

“¿P-por qué, señorita Dulce? (B-bakit naman, binibining Dulce?)” nakangiwing sagot ni Mateo dahil sa malagkit na titig ng babae sa kan'ya.

            Nang mapansin ito ni Vahlia ay minabuti na nga lang niyang manatili sa likuran nila. Nakalikod ang dalawang kamay habang taas noong tinatahak ang daan pabalik sa kinaroroonan ni kabayong si Manolo. Umiiling-iling habang pinipigilan ang pagtawa, muli ay sinulyapan niya pabalik si Mateo at ang babae na ngayo’y nakangiwi pa rin at tila napipilitang pakisamahan ito.

           Samantalang ang babae ay hindi naman mapigil sa pagngiti at pagkausap kay Mateo habang nakaangkla ang braso sa lalaki. Nang lumingon naman pabalik si Mateo ay muling nagtama ang mga paningin nila, isang ngiti lamang ang isinagot ni Vahlia sa kaniya at kumaway pa.

“Anong nilalaman ng sulat, señorita Victoria?” pangungulit ni Stella sa kaniya at nagsumiksik pa sa kan'yang tabi.

“Sandali lang naman, eto na! Babasahin ko na.”

           Nagsimula na ngang basahin ng Señorita ang liham ni Mateo, “Naghahalong kahel at pula ang tintang bumabalot sa buong kalangitan, paglubog ng araw ang siyang mamamasdan. Tulad ng isang rosas, sa huling talulot, panibagong kabanata ang maisusulat. Hudyat ng pagtatapos ng isang buong araw na laging ikaw lamang ang laman ng aking puso’t isipan.” Napatigil sa pagbabasa si Vahlia at humigpit ang hawak sa papel.

“Hala, ang Señorita’y kinikilig,” tukso ni Stella habang tutop ang bibig at hindi na maawat sa pagngiti.

“Sige, magsalita ka pa at hindi ko na itutuloy ang aking pagbabasa.”

“Ahy, paumanhin po, Señorita.” Tinakpan nito ang buong bibig at hinayaang basahin ni Vahlia ang buong liham. “Sa panibagong bukas ay ikaw na naman ang walang pakundangang sasakop sa aking buong isipan. Pakiwari ko’y hindi mo na yata ako lulubayan pa. Hindi ko na batid kung papaano ko aalisin ang iyong hitsura at pangalang nakaukit sa aking puso.”

           Nang mabuklat na niya ang huling tupi sa papel ay isang piraso ng munting tela ang nahulog mula roon. Kunot-noo nitong pinulot ang puting tela at napansing may nakasulat doon. “Tigresa, ang anumang nakapaloob sa liham na iyan ay gawa-gawa lamang ng aking kapatid. Nawa’y huwag mo munang papaniwalaan ang ano mang nakasulat diyan. Ginoong sukdulan ng kaguwapuhan, Mateo.”

          Nagkatinginan sina Stella at Vahlia nang mabasa ang nilalaman ng munting piraso ng tela. Parehong hindi makapaniwala at nakangiwi. Bukod sa nalaman nila ang pamemeke sa liham ay napakapangit din ng sulat kamay roon. Ibang iba sa pagkakasulat ng liham sa papel. Mukhang wala palang katotohanan na ang panganay na Villamarquez ay may napakagandang kaligrapiya.

“S-Señorita? M-mayroon po ulit kayong liham mula sa katiwala ng mga V-Villamarquez,” nauutal na kataok ng kung sino mula sa labas ng silid. Agad namang tumayo si Stella upang pagbuksan iyon ng pinto, “Risa, ikaw pala. Ano ang iyong sadya?”

          Walang imik na yumuko at iniabot ng batang tagapagsilbi ang isang panibagong pulang sobre na may kaparehong selyo sa naunang liham na binasa nila, “Salamat,” bati ni Vahlia kay Risa na ngayo’y gulat na nag-angat ng tingin sa kaniya. “O-Opo,” tanging nasabi niya bago muling yumuko at tumakbo papalabas.

“Bakit tila nahihiya ang batang iyon?” puna ni Vahlia habang sinusundan ng tingin na isara ni Stella ang pintuan.

“Siya po si Risa, Señorita. Labing tatlong taong gulang po siya nang ipasok siya ng kan'yang mga magulang dito dahil sa hindi po sapat ang buwis na ibinabayad nila sa tributo.”

“Ganoon ba? Magkano ba ang bayad sa tributo?”

“Isáng daán at dalawáng pû’t isáng sentimos po, Señorita.”

            Saglit na napaisip si Vahlia, ‘Sa halagang sentimo pala ay mahal na sa panahon na ito. So, kapag may one-hundred ako ngayon, mayaman na ba ako? But kidding aside, hindi na biro ang ganito sa panahong kinasasadlakan ko. Hindi nga nagbibiro si ma’am Fontejo nang sabihin niyang malupit ang pamamalakad ng mga mananakop noong unang panahon. Halos ‘yon lang yata ang nasiksik sa kukote ko nang mag-lecture si Ma’am.’

          Ang tributo and tawag sa pangkalahatang buwis na ipinataw ng mga español sa mga Pilipino. Ang paniningil nito ay nagsimula pa noong panahon ng sistemang encomienda. Ang lahat ng Pilipinong lalaki na mula 19 hanggang 60 taong gulang ay may obligasyong magbayad ng 8 reales ng buwis sa bawat taon. At noong 1589, tumaas ito ng 12 na reales. Ang katumbas ng isang real noon ay 121/2 sentimos. Noong 1884 tinanggal ito ng tributo at pinalitan ng cedula personal. And cedula personal ay hindi nakabatay sa edad kundi sa laki ng kinikita. 

“Ano naman po kaya ang laman ng liham ng Ginoo sa i'yo, Señorita?”

            Saglit na nawaglit sa isipan ni Vahlia ang tungkol sa liham na nasa kamay na pala niya. Walang gana niya itong binuksan sa pag-aakalang isa na naman iyong kalokohan nang bumulaga ang iginuhit na anino ng isang binibini na nakatayo malapit sa ilog.

          Napakaganda ng pagkakaguhit kahit ang tanging kulay lamang na ginamit ay itim at abo. Sa unang tingin ay mapapansing simpleng guhit lamang ngunit kung tititigang mabuti ay may kung anong ipinapahiwatig. Sa anino ng mga puno, halaman at maging ang mga bato ay tila may ikinukubli. Ang kabuuan naman ng babae ay hindi masyadong mawari at maging ang ilog ay medyo magulo.

           Binuklat niya ang isa pang liham, “Paumanhin sa laman ng aking unang liham na ipinadala ko sa i'yo. Narito ang aking munting regalo sa i'yo, nawa’y magustuhan mo. Ang iginuhit kong larawan ay maaari mo bang buhusan ng tubig?”

           Pagkabasa niyon ay kunot-noo niyang inutusan na kumuha ng tubig si Stella na siya namang agad nitong sinunod. “Narito na ho ang tubig mula sa kusina. Señorita,” aniya sabay abot ng isang basong tubig.

           Inilapag ni Vahlia ang buong papel na may guhit sa lamesitang nasa tabi ng bintana at maingat na binuhusan ng tubig. Unti-unti ay lumitaw ang sari-saring kulay na tinataglay ng bawat bagay na nakaguhit. Sa mga berdeng dahon at malinaw na tubig ilog, sa ilalim ng liwanag ng buwan. Ganoon din ang kremang baro’t saya na suot ng binibini sa larawan na hawig ng suot ni Vahlia nang gabing una silang nagtagpo sa ilog na iyon.

           Tila ito’y ipininta gamit ang mga pangkulay at kung anong langis bago budburan ng abo. Nang mabasa ng tubig ang buong papel ay napagtanto rin niyang gawa ito sa kakaibang tela. Sadyang nakamamangha ang likhang sining na iyon, napakaganda!

Ultimo pétalo de la rosa, se escribirá un nuevo capítulo. (Huling talulot ng rosas, bagong kabanata ang maisusulat.)” Mali-mali man ang tono ng kaniyang pagkakabigkas at hindi rin niya maintindihan ngunit sinikap niyang basahin ang nakasulat na mga salita sa ibaba ng ipininta ni Mateo.

            Binalikan niya ang liham na kalakip ng painting na iyon at itinuloy na binasa, “Bukas ay ang aking kaarawan, hilingin ko mang kahit huwag nang maghanda ng piging ngunit kasiyahan ito ng aking kapatid na siyang aking kasabayan, ang aking kakambal. Nais kitang imbitahan at ang iyong pamilya para sa magiging piging mamayang sa aming tahanan. Sana’y paunlakan mo ang aking paanyaya. Maghihintay, Mateo.” Isang simpleng ngiti naman ang namuo sa mga labi ng babae.

*****

“Ano, Victoria? Suot mo ba ang pinakamaganda mong panggayak?” katok ni Estrella mula sa pintuan. Alas cuatro pa lamang ng hapon ngunit heto at sabik na sabik ang kan'yang nakatatandang kapatid na si Estrella na bihisan at ayusan si Vahlia.

            At ang rason? Kaarawan daw ngayon ng kan'yang mapapangasawa at marapat lamang na siya ang pinakamaganda sa lahat. Tutol sa ideyang ito ang nakababatang kapatid niya ngunit nagpumilit si Estrella kung kaya’t hinayaan na nga lang niya ito sa ninanais.

“Maaari ka nang pumasok, ate Estrella,” buntong hininga ni Vahlia nang naipit na niya ang huling tela ng saya.

           Ngunit laking gulat niya nang makita si Estrella na may dala-dalang isang kahong nakabukas at napupuno ng mga kumikinang na mga alporhas at iba’t ibang pang-ipit. “I-Ikakabit mo ang lahat ng iyan sa kasuotan ko?”

“Sí, todo, (Oo, lahat nga nito,)” Tumatangong sagot niya habang humahakbang papalapit.

Sources:

Ang Tributo-h**p://kristinebraga22.blogspot.com/

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status