Share

Capitulo Trese: Pulang Kuwintas

“Tinanong ko sa iyong ama ang tungkol sa paborito mong bagay, ngunit wala siyang nasabi kung ano. Kaya’t napag-isipan kong dalhin ka sa lugar na ito, sana—”

            Hindi pa rin nawawaglit ang matamis na ngiti ng dalaga nang lingunin nito si Mateo at biglang yakapin nang napakahigpit, “Salamat… Maraming salamat,” tanging nasambit niya.

“Mukhang hindi ko na kailangang tanungin pa kung nagustuhan mo ang tanawing ito,” sambit na lamang ni Mateo nang makabawi sa hindi inaasahang pagyakap sa kaniya ng dalaga bago hayaang humakbang ito papalayo at libutin ang buong hardin.

              Sa landas na pinaliliwanag ng mga lampara, sa bawat tangkay ng mga palumpong ng gumamela ay nagniningning dahil sa mga sulong dala ng mga alitaptap. Muling lumapit si Mateo kay Vahlia na siya namang hinarap ng dalaga, naroon pa rin ang mga ngiting nakapinta sa kan'yang mukha.

              Mula sa kaliwang bulsa ng pantalon nito ay isang munting itim na kahon ang kinuha ni Mateo, kunot-noo naman itong sinulyapan ni Vahlia hanggang sa kusa itong buksan ng mga kamay ni Mateo.

“Para sa’yo nga pala.”

             Mariing napatitig si Vahlia sa laman ng kahon… Ang pulang kuwintas! Iyon ‘yong laman ng kahon! Kawangis at kaparehong-kapareho ng kuwintas na binigay ni Hudson at ni ate Sol!

            ‘Hindi kaya… kay Mateo mismo nanggaling ‘yong kuwintas? Kasehodang hindi ako nainform sa original na kuwento nina Victoria at Mateo.’

“H-Hindi mo ba nagustuhan?” pambabasag na tanong ni Mateo sa pagkakatulala ni Vahlia sa laman ng kahon.

“A-Ah n-nagustuhan ko… ngunit para saan? Hindi ko naman kaarawan para bigyan mo ako nito. Dapat nga ay ako pa ang magbigay ng regalo sa’yo.”

“Nabigay mo na ang inaasam kong regalo mula sa i'yo.”

            Bahagyang nanlaki ang mga mata ni Vahlia sa sinabing iyon ni Mateo, nasa ilalim sila ng isang mayabong na puno. Malinaw na naaaninag ang isa’t isa sa liwanag ng buwan, tila kumikislap ang kapaligiran sa ningning na hatid ng mga alitaptap na tulad ng sa tagpong nagkita ang dalawang bida sa isang nobela. Nanatiling nagkakatitigan at parehong nakikiramdam sa tibok ng kanilang mga puso.

           Ang mga ngiti sa kanilang mga labi, ang kislap sa kanilang mga mata. Dahan-dahang inilalapit ni Mateo ang sarili sa kaniya, dahilan upang mas lalong maghumirentado ang pagtibok ng puso niya. Papalapit nang papalapit… unti-unti ay napapikit siya at hinintay ang paglapat ng labi ng ginoo sa kan—

“Maaari bang iyong hawiin ang iyong buhok?”

          Gulat na napamulat si Vahlia sa sinabing iyon ni Mateo, magkalapit pa rin naman ang kanilang mga mukha ngunit taliwas ito sa inaasahan niya. Hindi siya si Cinderella o Sleeping Beauty para makatanggap ng tumataginting na ‘True Love’s Kiss’!

          Dahan-dahang hinawi pataas nito ang kan'yang buhok upang maikabit ni Mateo ang pulang kuwintas sa leeg niya. “Bakit ka pumikit kanina? May iba kang inaasahan, tama ba?”

          Iritadong napairap naman ang Binibini bago tuluyang hayaang lumadlad na naman ang ilang hibla ng buhok niya. “Wala.”

“Huwag mo na ngang itanggi pa, Binibini. Ngunit paumanhin pagkat hindi pa kita maaaring halikan hangga’t hindi pa tayo ikinakasal,” tumatawang anas ni Mateo. Umupo siya sa paanan ng puno na siya ring ginawa ni Vahlia, pulang-pula ang buong mukha nito sa pagkapahiya. Siya pa ngayon ang lumalabas na nang-aayang gumawa ng kapusukan.

         Dahil sa haba ng sayang suot nito ay halos sakupin na ng kan'yang damit ang buong damuhan. Kung titignan mula sa malayo ay para nga silang mga prinsipe at prinsesa sa kanilang pananamit, si Mateo na nasa azul na tunic (Isang maluwag na damit, karaniwang walang manggas at umaabot hanggang tuhod, tulad ng isinusuot sa sinaunang Greece at Roma) at si Vahlia sa kan'yang magarbong saya na ipinilit ipasuot ni Estrella.

“Bumalik na tayo? Ipagtataka ng ating mga magulang kapag hindi nila tayo nakita sa loob,” Pagsingit niya sa katahimikang biglaang naghari sa kanilang dalawa.

“Bakit parang kasalanan ko pa?” angal ni Vahlia habang pinapagpagan ang likuran ng kan'yang saya.

“Aba, sino bang mas namangha sa tanawing ito? Hindi ba’t ikaw?”

“Sino bang nagdala sa atin dito? Hindi ba’t ikaw?”

“Sino bang sumama sa akin? Hindi ba’t pumayag ka?”

“Sino bang naunang lumapit at nag-anyaya sa’kin? Hindi ba’t ikaw?”

             Sa mga sagutan nila ay hindi na nila namamalayang naglalakad na pala sila pabalik sa mansiyon ng mga Villamarquez. Pagsulpot nila sa kanina’y walang katao-taong parte ng hardin ay laking gulat nila nang makita ang kanilang mga kapatid na mistulang kanina pa sila minamanmanan at hinihintay.

             Ang mga kapatid na babae ni Mateo na sina Cielo at Guadalupe ay pawang magkakrus ang mga kamay. Si Estrella naman ay prenteng nakatayo lamang at kagat-kagat ang labi sa pagpipigil niyang ngumiti at kantiyawan ang kapatid.

“Bakit narito kayong lahat? Kanina pa ba kayo sumunod?” gulat na tanong ni Mateo sa kanila na nakangising namang sinagot ng kakambal niyang si Cielo habang nakataas ang isa sa mga kilay niya, “At bakit? Masama ba?”

“Hindi naman ngunit—”

“Baka may gawin pa sa i'yo ang babaeng iyan kung kaya’t minabuti naming sundan kayo, lalo na’t hindi ko pa lubusang nakikilala ang babaeng ito.” Sinulyapan nito ang ngayo’y nakakunot-noong si Vahlia at tinaasan pa ng kilay bago hilahin palayo ang dalawa nitong kapatid, si Mateo at Guadalupe.

            Hindi naman nagawang makapag-paalam ni Mateo pagkat sa tuwing lilingon ito pabalik ay mas binibinilisan pang maglakad ni Cielo at Guadalupe, tila sinasadyang paglayuin ang dalawa.

            Samantala, naiwang nakataas na rin ang kilay ni Vahlia at humahagikhik naman sa kan'yang tabi si Estrella. “Ano bang ginawa ko sa Cielo na iyon? Mainit yata ang dugo niya sa akin,” nagtatakang sambit ni Vahlia.

“Huwag mo nang pansinin pa ang babaeng iyon, sadyang maldita ang mga señorita ng mga Villamarquez,” sagot naman ng kapatid habang ipinulupot na naman ang kamay kay Vahlia at hinila rin ito sa kabilang direksyon ng tinahak ng mga Villamarquez.

“¡Ahh, espera un minuto, Victoria! Escuché que aún no has aprendido a tocar el violin, (Ahh, sandali nga lang, Victoria! Balita ko'y hindi mo pa raw natututunang tumugtog ng biyolin,)” salubong ng isang nanglalait na boses. Pamilyar din ang tono nito kung kaya’t taas-kilay na sinulyapan ito ni Vahlia.

           Hindi man niya naintindihan ang sinabi ng babaeng kaharap niya ngayon na namumukhaan niya na kung sino ay nahihinuhang namang isang pang-iinsulto ang binanggit nito batay sa tono nito. Siya ‘yong babaeng biglaang sumulpot kahapon nang magtungo sila sa kabisera ni Mateo.

“Señorita Dulce, nos alegra verla aquí, (Binibining Dulce, nagagalak po kaming makita kayo rito,)” sagot ni Estrella ngunit hinawi lang siya nito ng babaeng nagngangalang Dulce. “Cállate Estrella, porque no te hablo. (Tumahimik ka nga, Estrella, pagkat hindi ikaw ang aking kinakausap.)”

          Kumunot ang noo ni Vahlia sa naging pag-uusap ni Estrella at ng babaeng nakapostura. Tinignan niya ito mula ulo hanggang baba, hindi naman maipagkakailang maganda ang binibining ito. Maputi ito at matangos ang ilong, mapula ang labi at makapal ang mga pilik-mata, paniguradong nabibilang siya sa mataas na antas ng lipunan sa paraan ng kan'yang pananamit at mga alahas na suot.

“Ano bang ipinagmamayabang mo at ganiyan ka magsalita?” Ikinumpas ni Vahlia ang hawak nitong abaniko sabay sa pagtaas ng kan'yang noo. Nakangisi namang tumabingi ang ulo ni Dulce at ikinumpas na rin ang puting abaniko.

¡Ah, mira la mujer de sangre poderosa de españoles que habla la lengua de los indios! Criatura divertida. (Ah, tignan mo nga naman ang babaeng tinataglay ang makapangyarihang dugo ng mga Espanyol ay nagsasalita ng wika ng mga indio! Nakakatawang nilalang.)”

“I don’t care about what you’re saying or whatever that is. Keep it yourself, so pathetic of you to act that way in front of other people. Pinapaalam mo lang sa iba kung gaano kapangit ang ugali mo,” pambabara nito sa kaharap na ngayon ay siya namang nakakunot-noo at dahil sa huling sinabi nito ay biglang nag-init ang ulo nito.

“Anong sinabi mong hampas-lupa ka?” pasigaw na sabi ni Dulce kung kaya’t halos lahat ng mga panauhin sa buong sala ay napatingin sa kan'ya.

“Lo que dijo esa mujer fue vergonzoso. (Nakakahiya naman ang tinuran ng babaeng iyan.)”

“Napakatabil naman ng dila ng binibining iyan.”

“¿Cómo podía decir eso frente a una mujer muy elegante? ¿No sabe con quién está hablando? (Paano niya nasasabi iyan sa harapan ng isang napakaeleganteng babae? Hindi ba niya nakikilala kung sino ang kausap niya?)”

“¿No es el único hija del gobernadorcillo? (Hindi ba't siya ang nag-iisang anak ng gobernadorcillo?)”

           Sari-saring mga komento mula sa mga tao ang natanggap ni Dulce, dahilan kung bakit mas lalong mag-init ang ulo nito. Ngunit hindi siya maaaring padaig, lalo na’t siya ang anak ng Gobernadorcillo ng bayang ito, wala sa bokabularyo niya ang salitang umatras.

“Nagtatanong lang naman ako kung maaari mong tugtugin ang biyoling ito,” pag-iiba niya sa usapan at umakto pang siya ang inaapi.

“Ah, ganoon ba? Bakit hindi mo naman sinabi agad? Sinigawan mo pa ako bilang ‘hampas-lupa’, batid mong ika’y nakakasakit ng damdamin sa ginawa mong iyon.”

           Mas humigpit pa ang hawak nito sa kaniyang saya at mariing nagtatangis ang kaniyang bagang, mukhang mapipilitan pa siyang magpakumbaba. “P-Paumanhin, binibining Victoria.”

           Nakangiti namang kinuha ni Vahlia ang biyoling nakapatong sa mesa at marahang tinugtog ito sa saliw ng hanging pumapalibot sa kanila. BRAHMS Violin Sonata No. 3 in D minor, Op. 108.

          Halos pukawin na nila ang atensiyon ng buong tao sa paligid dahil sa biglaang pagtugtog na iyon ni Vahlia, malinis at suave ang pagkakahilis. Damang-dama at nakapupukaw-damdamin ng kung sinong makaririnig. Nagtagal iyon ng mga ilang minuto at nang papatapos na ang tugtog ay sumulpot si doña Carmen kasama ang kanniyang asawa at nagsimulang magsayaw sa gitna ng mga tao.

           Napangiti naman si Vahlia at iniba naman ang piyesang tinugtog na naaayon sa pagsayaw ng waltz na dinaluhan ng iba pang mga magkapareha, ang buong pagdiriwang ay naging gabi ng pagsayaw at katuwaan sa mga dumalo. May kasintahan man o wala, may asawa man o wala ay nagkaroon ng pagkakataong isayaw sa gitna ng bulwagan.

           Mula naman sa kabilang direksiyon ay hindi napansin ni Vahlia na abala sa pagtugtog ang paparating na si Mateo. Suot-suot nito ang ngiti nito habang patuloy ang paghakbang papalapit sa dalaga ngunit bigla itong hinarang ni Dulce na agad nitong hinila papunta sa gitna ng bulwagan upang magsayaw.

            Sa pagkagitla ay hindi nito napigil ang anak ng Gobernadorcillo at hinayaan na lamang magpahila rito, wala na siyang ibang pagpipilian pa kundi ang isayaw ang Binibini. Sa kalagitnaan ng kanilang pagsasayaw ay hindi maiwasang lingon-lingunin ni Mateo si Vahlia sa harapan, umaasang sulyapan siya nito at mabuo ang paninibugho sa kaniyang damdamin.

            Samantala, nang imulat naman ni Vahlia ang mga mata upang tignan ang mga taong nagsasayaw ay hindi nga nakalampas sa kaniyang paningin si Mateo at Dulce na kasalukuyang ngiting-ngiti na halos mapunit ang bunganga habang kaharap at kasayaw ang lalaki.

“Sige na, Binibini. Kami na pong magpapatuloy sa pagtugtog,” wika ng isa sa mga musikerong kararating lamang.

             Napangiti naman sa kanila ang dalaga, lalo na nang makita ang magkakaibang instrumentong dala ng mga musiquero,  mas lalo pa siyang ginaganahang tumogtog at ignorahin na lamang ang nakita niyang dalawang daga kanina.

“Hindi po, makikisabay na lamang po ako sa inyo. Mas pipiliin ko pa pong tumogtog.”

             Sa pagsisimula ng panibagong piyesa ay nakisabay na lamang si Vahlia, ngunit bago pa man matapos ang unang linya ay bigla na lamang siyang hinigit ng kung sino papasok sa centro ng bulwagan.

“Kanina pa kita hinihintay, bakit hindi mo ako pinapansin?”

“At bakit naman kita papansinin? Bakit? Sino ka ba para pansinin ko?” pambabara nito kay Mateo habang pilit na nakikisabay sa bawat paggalaw at paghakbang. Kung sa musika ay madali siyang natututo, pwes… kulelat siya sa pagsayaw. Kaya laging naglalaban ang Physical Education at Music niya sa high school.

“Ako? Sino ako? Ako lang naman ang iyong nobyo na hinahayaan mong agawin at pagnasahan ng iba,” mayabang nitong sagot.

“Sino ba itong hinayaang kaladkarin siya ng linta?”

            “A-anong sabi mo?” Unti-unti ay namuo ang munting ngiti sa kaniyang labi, sumikbo nang kaunti ang kaniyang puso, “Naninibugho ka ba, mi Tigresa?”

“A-Anak ng— ako? Naninibugho? Huwag ka ngang magbiro,” napapairap na sagot ni Vahlia habang iniiwasan ang nanunuksong mga mata ni Mateo.

“Ulitin mo nga… Sabihin mo iyan nang nakatingin sa akin.” Matapang namang lumingon sa kan'ya ang dalaga ngunit ang mga mata ay nasa labi lang ng binata. Muli namang natawa si Mateo at ikinumpas ang galaw sa saliw ng musika upang sadyaing mahagip ang mga mata ni Vahlia. “Huli ka,” aniya nang masalubong ang mga nakakabighaning mga mata ng Binibini.

“Te amo, mi Tigresa.”

Whiteknight Magico

Sa mga patuloy pa ring nagbabasa... Maraming maraming salamat...

| Like

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status