Share

Capitulo Catorce: Ano nga ba?

Ika-7 ng Abril, 1871

“Señorita, nakapag-ayos na po ba kayo?” tanong ng tagapagsilbi mula sa labas ng silid ni Vahlia. Araw ng lingo ngayon, umagang-umaga upang magsimba.

“Nakabihis na rin ba si ate Estrella?” patanong namang sagot ni Vahlia na ngayo’y kasalukuyang iniipit ang kan'yang buhok.

“Kanina pa po, Señorita.”

“Papatapos na rin lang ako, magbihis ka’t sumama ka sa amin.”

“Po?” hindi makapaniwalang tugon ni Stella habang nakatayo sa harapan ng pintuan sa labas.

“Oo nga, sasama ka sa amin. Wala namang masama roon, hindi ba?”

“Ngunit—”

“Wala nang angal pa, sumama ka na, Stella.” Wala namang nagawa ang katulong kundi ang tumalikod at maglakad patungo sa ibaba upang magbihis at sumama nga sa pamilya Esperanza.

           Samantala, tahimik lang na nakatitig si Vahlia sa pulang kuwintas na nakalapag sa tabi. Hanggang ngayon ay hindi pa rin makapaniwalang mahahawakan niyang muli ang bagay na naging dahilan ng pagpunta niya sa panahong ito.

           Inirolyo na lamang niya ang nakalugay na buhok at iniba ang dating anyo nito kanina. Nang makitang malinis na ang pagkakaayos ay nakangiti niyang hinablot ang pulang kuwintas, humarap siya sa salamin at ikinabit ang kuwintas sa kan'yang leeg. Maganda rin ang kuwintas na iyon, kahit na yari lamang ito sa batong rubi ay makikita ang malinis na pagkakaukit. Mistula itong krystal.

            ‘Hindi ko man alam ang totoong kuwento sa likod ng kuwintas na ito, ngunit kung ano man iyon, mas hihilingon kong hindi ko na malaman pa.’ aniya sa kan'yang isipan at pinagmasdan ang kuwintas na nakasuot sa kan'yang leeg.

             Bumagay rin ang berde nito ternong traje de mestisa sa kwintas kung kaya’t mas lalong napangiti si Vahlia. Ngunit bigla rin itong napawi nang pumasok sa isipan niya si Mateo. ‘Paano kung makita niya ito? Siguradong magmamayabang na naman siya na isinuot ko ang ibinigay niya at baka isipin niyang okay na sa akin ang kasunduan. Oh, no! big no!’

             Akmang huhubarin niya na ang kuwintas ngunit bigla siyang napatigil sa boses ng kung sino, “Victoria! Kanina ka pa hinihintay, bilisan mo naman!” katok ng kan'yang nakatatandang kapatid sa kahoy na pinto ng kan'yang silid. Napailing naman siya bago tumayo at humakbang papalapit. “Pasensiya na, Ate,” aniya nang tuluyang mabuksan ang pintuan at salubungin si Estrella.

             Isang ngiti lang ang itinugon nito sa kaniya at naunang maglakad patungo sa ibaba. Sa labas ng bahay ay naghihintay ang kalesa ng kanilang pamilya at naroon na nga sa loob sina don Gonzalo at doña Vivian, sa tabi ay naroon din ang isa pang kalesa na siyang sasakyan nina Vahlia, Estrella at Stella.

            Kalahating oras naman ang itinagal ng kanilang byahe upang makarating sa simbahan ng Isla Oriente. Hindi naman naiwasang hindi mamangha ni Vahlia sa itsura ng simbahan sa panahong ito. Maihahambing sa simbahan ng San Agustin sa Maynila, gawa ang mga dingding nito sa mga bato ng adobe (isang tuyong putik na ladrilyo, na pinagsasama ang mga likas na elemento ng lupa, tubig, at araw).

            Sa loob nito ay makikita ang altar sa pinakaharap , ang lectern sa tabi kung saan ipinapatong at binabasa ang Bibliya, at ang krusipiho (crucifix). Sa paligid naman ay ang mga rebulto ng mga santo at mga anghel. Halos mapuno na rin angloob sa mga taong mananampalataya, hinihintay ang sermon ng prayle.

            Sakto naman sa pag-upo nila ay ang pagsisimula ng misa sa pangunguna ni Padre Narciso. Ilang minuto naman ang lumipas nang matapos ang sermon, ilan sa mga tao ay nagpaiwan upang magrosaryo at manalangin na siyang ginawa naman nina doña Vivian at Estrella. Tahimik namang nagmamasid si Vahlia mula sa kan'yang upuan, nakararamdam ng kaunting hiya.

            Ngayon na lamang niya muling naalala ang nasa itaas. Mula kasi nang tumuntong siya sa edad na labing-lima ay tila napariwara na siya sa kung saan-saan, umabot sa puntong nakakalimutan na niyang magpakumbaba at magbalik-loob sa Panginoon. Napapikit siya nang maalala ang isa sa mga nagawa niya.

“Hey, Rexy! Arat na!” anyaya ng isa sa mga kaklase niyang babae, si Nellie.

“Saan?” hinihikab na tanong naman ni Vahlia dahil sa pagkapuyat niya kagabi nang samahan niya ang ilan sa mga barkada niya sa isang party.

“Sa Spade,” bulong ni Nelli nang makalapit sa nakasubsob nang kabarkada sa mesa nito. Isang clubhouse ang ‘Spade Nitro’ na siyang illegal na nagpapapasok ng menor de edad ang manager nito. Dahil dito ay malayang nakapapasok at nakalalabas ang mga batang nasa edad labing-apat pataas.

“Game, anong oras?”

“Eight, see you there, Rexy!” Abot tenga ang ngiti nito na mapapayag si Vahlia dahil bukod sa may kasama siya ay makalilibre pa siya sa mga alak dahil nga sa mga perang madaling naipupuslit ni Vahlia mula sa kan'yang bank account kahit na ni-lock ito ng mga magulang niya.

             Pumatak ang ika-walo ng gabi at matagumpay na nakaalis si Vahlia sa kanilang bahay, suot-suot ang puti niyang sando na tinatakpan ang kan'yang itaas na bahagi ng katawan at itim na pantalon. Sa likod ng parking area ay naghihintay si Nellie, maiiikli lamang ang suot nitong mga damit. Mula sa spaghetti strap, maong shorts at timber boots.

            Habang isinusuot ang leather jacket nitong kanina pa hawak ni Nellie ay dumiretso si Vahlia sa likod ng puno, hinablot ang isang tali kung kaya’t nahulog ang isang pitaka. Doon niya inilagay ang limang libong na-withdraw niya kanina sa bangko. Hinatak naman palabas ni Nellie sa garahe nila ang motor ng kan'yang ama at maugong na pinaharurot nila patungo sa Spade Nitro.

            Tulad ni Vahlia ay anak mayaman din si Nellie ngunit dahil sa pagiging wala sa bahay, kapos sa mga patnubay at pangaral kung kaya’t napariwara. Nang malaman ito ng kan'yang mga magulang ay tumigil na sila sa pagpapadala ng pera para sa kaniya at tanging ang kanilang mansiyon at isang kasambahay ang iniwan kay Nellie.

“Mojito,” order ni Nellie sa kaharap nitong bartender at kinindatan pa.

             Sa hindi inaasahan ay nagkaroon ng raid ang mga pulisiya dahil sa mga natatanggap nilang mga reklamo ng mga magulang tungkol sa illegal na operasyon ng ipinagbabawal na gamot, child trafficking at prostitusyon.

           Nag-atubiling tumakbo papalabas si Vahlia ngunit sa kasamaang palad ay nadampot din siya ng mga pulis sa hinalang isa siya sa mga gumagamit ng ipinagbabawal na droga.

“Victoria?”

            Napapasambit na lamang siya ng paghihingi ng kapatawaran sa mga nagawa niyang hindi kaaya-aya. Hindi namamalayang nananalangin na siya sa Diyos at kusang tumutulo ang mga luha niya sa labis na pagsisisi.

“Sa mga kasalanang nagawa ko, may maaari pa ba akong baguhin?” tanging tanong niya lamang habang nakatuon ang paningin sa altar ng simbahan.

             Umusog naman palapit sa kaniya si Estrella at hinwakan ang kamay nito, “Lucas capítulo cinco, versículo treinta y dos ( Libro ng Lucas, kabanata lima , talatang tatlumpu't dalawa) Hindi ako pumarito upang tawagin ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan sa pagsisisi. Iyon ang sabi ng Panginoon.”

“Tayo’y mga tao lamang at nagkakasala, kung kaya’t marapat lamang tayong magbalik-loob sa Panginoon at humingi ng kapatawaran. Nasa tao ang pagpapasiyang iyon, walang pumipilit. Ngunit kung desidido ka nang tanggaping muli ang Panginoon sa buhay mo, Malaya kang sabihin at ihayag sa kaniya ang lahat. Siya ang magiging sandalan mo sa lahat ng bagay,” dagdag ni Estrella bago tumayo. “Hihintayin ka namin sa labas.”

             Sa labas ng simbahan ng Oriente ay naroon sa isang tabi ang pamilya Villamarquez, tila may hinihintay na kung sino. Maya-maya pa’y magiliw silang sinalubong ni doña Vivian na kalalabas lang mula sa simbahan, kasama ang kan'yang asawa at panganay na si don Gonzalo.

“Señora Carmen, me alegro de verte a ti y a tu familia aquí (nagagalak akong makita kayo ng iyong pamilya rito)”

“Ako rin, doña Vivian. Ahh, naisip namin kung maaari ba namin kayong imbitahang magtanghalian sa aming tahanan?” nakangiting anas naman ni señora Carmen.

“Walang problema, tutal ay magiging magkapamilya naman tayo sa lalong madaling panahon.”

“Iyon din pala ang ating pag-uusapan, ang tungkol sa seremonyas at petsa ng kasal ng ating mga anak.”

             Sa kabila ng pag-uusap ng kanilang mga magulang ay naroon naman sa isang tabi sina Vahlia at Cielo na nagpapataasan ng kilay, walang ibig bumaba.

“Ibang-iba ang aking inaakala sa babaeng pipiliin ni kuya Mateo, at lalong hindi ko inaasahan ang isang katulad mo,” panimula ni Cielo.

“Paalalang hindi ko naman ginusto ang iyong kapatid, hindi ko rin ginusto ang kasunduang ito. Naisin ko mang lumayo at takbuhan ang kasunduan ngunit hindi ko magawa,” sumbat naman ni Vahlia habang nananatili ang titig sa binibining kaharap.

“Ganoon din si Kuya Mateo, wala siyang ginusto ni isa sa mga nangyayaring ito. Mayroon siyang kasintahan sa ibang lugar na labis niyang sinisinta, kaya’t huwag ka nang umasa pang mamahalin ka niya.”

             Sa lumabas na mga salitang iyon mula kay Cielo ay may kakaibang pakiramdam na umusbong mula sa kan'yang puso, hindi niya maunawaan kung bakit tila kumirot ang kan'yang dibdib sa narinig. ‘So what if may kasintahan na siya, Vahlia? Ano naman sa i'yo?’ tanong niya sa kan'yang isipan.

“Tss, umasa? Bakit ako aasa? Sino ba siya para pag-aksayaan ko ng oras? Huwag kang mag-alala dahil kapag ikinasal kami, ibibigay ko lahat sa kaniya lahat ng kalayaan. At ganoon din sa’kin, gagawin ko lahat ng gusto ko.” Taliwas man sa isinisigaw ng kan'yang puso, ay mas pinili niyang salungatin na lamang iyon at hayaang sundin ang kan'yang isip isip at matatag na paninindigan.

“Mabuti kung ganoon, hindi ko ibig pagmasdang masakal ang aking kapatid sa bagong relasyong papasukin niya kasama ang isang babaeng…” Tinignan niya si Vahlia mula ulo hanggang paa na mistulang nilalait ito, “Tila walang patutunguhan.”

              Tumalikod at naglakad papaalis si Cielo, napabuntong hininga na lamang si Vahlia sa naging sagutan nila. Maging ang puso’t isipan ay nagtatalo sa kung ano ba ang dapat at talagang tingin niya at nararamdaman kay Mateo.

              Sigaw ng puso niya’y walang koneksyon ang dapat mabuo sa kanilang dalawa pagkat magkaiba sila ng panahon. Hindi siya dapat mahulog sa isang taong nabubuhay sa nakaraan pang panahon. Hindi siya nabibilang sa timeline na ito, wala siyang karapatang guluhin ang history at mas lalong wala siyang karapatang mainlove sa taong nabibilang rito. Ang tanging misyon niya ay ang muling isadula ang ano mang pangyayari sa nakaraan batay sa pagkakaintindi niya sa sinabi ni ate Sol.

                Mauulit ang nakaraan at kailangan lang niyang sumabay sa mga pangyayari. Ngunit sumasalungat naman ang ibinubulong ng kan'yang puso. Ang mga kakaibang kislap ng kan'yang mga mata sa tuwing nagtatama ang kanilang mga paningin, ang hindi maipaliwanag na pakiramdam sa tuwing naghahawak ang kanilang mga kamay, at ang kasiyahang nararamdaman niya sa tuwing kasama niya si Mateo. Sapat na bang mga palatandaan iyon upang masabing… Mahal na niya ang lalaking nakilala niya sa madilim na gubat?

“Mukhang malalim ang iyong iniisip, Binibini,” sulpot ng isang boses sa kan'yang tagiliran. Dahilan upang biglaan niya itong lingunin ngunit sa hindi inaasahan ay nakaharap niya ang taong kanina pa gumugulo sa kan'yang isipan.

Isang pulgada…

Kalahating sentimetro…

Tatlo…

Dalawa…

Isa…

             Kaunting-kaunti na lang ay maglalapat ang kanilang mga labi. Nanlalaki ang mga mata, gustuhin mang humakbang paatras ay hindi niya magawa dahil ano mang oras ay maaari siyang matumba sa kawalan ng balance.

             Samantala, isang nakalolokong ngisi naman ang gumuhit sa mga labi ng lalaking nasa harapan niya. “Maaari ba?” bulong nito. Mararamdaman ang hininga nito sa sobrang lapit nila sa isa’t isa.

“A-Anak ng—ahhh!”

            Bago pa mawalan ng balance at masubsob sa damuhan ay mahigpit nang nakakakapit si Vahlia sa mga braso ng kaharap. “Huwag kang mangamba pagkat tumutupad ako sa mga salitang binitawan ko. Hindi naman kita hahalikan hangga’t hindi pa tayo tuluyang ikinakasal.”

           Humakbang paatras si Mateo upang magbigay ng distansiya sa pagitan nilang dalawa ni Vahlia. “Hihintayin ko ang panahong malaya kitang maipapahayag bilang aking kabiyak. Umasa kang malinis kang maglalakad sa pasilyo patungo sa altar dala ang iyong puri at dangal, hihintayin kita. Pormal kitang pakakasalan sa mata ng Diyos at sa mata ng mga tao.”

           Sa sinabing iyon ni Mateo ay tuluyan na ngang naglaban ang kan'yang puso’t isipan. Ilang araw pa lamang nang sila’y magkakilala at magtagpo, ‘Bakit parang ang bilis? Ito na ba ‘yong sinasabi nilang ‘Love at first sight’? Ngunit paano mangyayari iyon kung may iba ngang kasintahan si Mateo sa ibang lugar? Possible kayang… niloloko lang ako ng lalaking ito?’

             Muli ay tumingin si Vahlia sa mga mata ni Mateo, pilit hinahalukay at naghahanap ng mga kasagutan. Naguguluhan sa kung ano nga ba ang dapat niyang maramdaman sa kaniya.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status