Share

Kabanata Dos – Happy   Birthday!!!

SCHOOL CAMPUS, 8;00 AM , MARCH 23

          Nakapandekwatrong upo si Vahlia sa isa sa mga bench ng covered court habang ang ibang mga estudyante ay busy sa kanya-kanyang gawain, ipinikit niya ang kanyang mga mata sa pagkayamot dahil higit sa trenta minutos na siyang nakaupo roon.   ‘Alas otso ang departure time tapos wala pa yung mga bus? Tss Pilipino nga naman,’  aniya sa kanyang isipan.  Paano ba naman kasi? Hindi pa kompleto ang mga estudyante, idagdag mo pa ang mga napulot niyang mga kaibigan na  hanggang ngayon ay wala parin. Ganoon rin ang mga bus na sasakyan sana nila.

           Maya-maya pa’y naramdaman niyang may umupo sa tabi niya. Nanatiling nakapikit ang mga mata niya, ano pa nga ba? Pati sa simpleng pagmulat ay tinatamad siya. Hindi naman na niya kailangang magmulat pa dahil sa amoy pa lang ay kilala na niya kung sino ang  nilalang na tumabi sa kanya. Ang mala-kabute sa pagsulpot-sulpot na si Hudson Gimenez A.K.A ang kabuteng palaging nambubwisit sa kanya.

“Tibo ka ba?” panimula ni Hudson na handa na muling sirain ang araw ni Vahlia.

“Ikaw? ’Di ka straight, noh?”  buwelta naman niya. Aba hindi rin siya papatalo. Hindi pwedeng siya lang ang masira ang araw, dapat pati rin ang asong kabute.

“Pwede ko bang patunayang hindi?”

          Sa sagot na iyon ni Hudson ay agad napamulagat si Vahlia. Konting-konti na lang… konting-konti na lang talaga ay maglalapat na ang nguso nilang dalawa sa lapit nila sa isa’t  isa.  Nasa ibabaw niya ito na para bang sa anumang maling galaw  ay  magkakahalikan na nga.

         Sa ’di inaasahang pangyayari ay isang bola ng Basketball  ang tumakas mula sa kamay ng isang manlalaro at diretsong tumama sa batok ni Hudson, dahilan kung bakit biglaang nag-hello at nagbeso ang mga labi nila.

         Wala ito sa plano.

         Parang mga nakuryente nang maghiwalay ang dalawa.  ‘Jusme! Nakakahiya!’ bulalas ni Vahl sa kaniyang isipan.

         Saksi ang ibang mga tao sa loob ng court sa trahedyang nangyari sa kanila. Ganoon rin ang mga napulot na kaibigan ni Vahlia na ngayon ay nakanganga na rin sa nakitang… censored scene.

“H-Happy birthday, Vahliangot!” muling banat ni Hudson nang mabawi na nito ang ulirat. Inilahad nito ang isang maliit na kahon kay Vahl  na mukhang hindi pa rin nakababawi. Ngunit maya-maya pa’y kumuyom ang mga kamao niya at diretsong pinatama sa mukha ni Hudson.

“Ang yabang mong kabute ka!” sigaw niya at handa na sanang  muling pakawalan ang kamao niya ngunit sumagot ang kabute.  “S-sorry na Vahl… masakit…heto na oh! Peace na tayo.” Iaabot na sana ni Hudson ang isang maliit na kahon nang biglang umalingangaw sa buong gym ang boses ni Mrs. Fontejo. “Class that’s enough! Get ready for departure.”

         Pulang-pula pa sa hotdog ang mukha ni Vahl, hiyang-hiya sa kabalastugang ginawa ni Hudson. ‘Sino ba siya sa tingin niya para gawin iyon sa akin?’ aniya sa kanyang isipan.

          Naglakad si Vahlia papalayo kay Hudson at kinuha ang kanyang mga gamit na nasa bench na kinauupuan niya kanina. “Anong nangyari do’n, Rexy?”  salubong na tanong ni Jade sa kanya nang makalapit na siya sa mga ito.

          Hindi naman siya nagsalita at tanging iling lamang ang isinagot nito.  “By the way, bhe, happy birthday!!!”  bati ni Skye sa kaibigan nito.

         Kunot-noo namang hinarap siya ni Vahlia. “Anong birthday?”

         Nagkatinginan ang mga kaibigan nito na parang hindi makapaniwalang nakalimutan ni Vahlia ang kaarawan nito.

“Bahala ka, Vahlia, masyado mo kasing ini-stress ang self mo…. Basta happy birthday,” pairap na sabi ni Oliver  bago iniabot ang isang paperbag kay Vahlia at naunang sumakay ng bus.

“Same… Rexy naman kasi, break ka muna ha? Here, happy birthday,”  nakangiting bati ni Jade at nag-abot na rin ng paperbag sa kaibigan. Ganoon rin ang ginawa ni Skye na siyang nagbigay ng regalo niyang nasa loob rin ng paper bag at isang maliit  na kahon. Pamilyar ang isa sa mga iyon, ’yon ’yong kahong hawak ni Hudson kanina.

“Happy birthday, bhe, my gift and my brother’s gift for you.”

         Tinanggap ito ni Vahlia at tinitigan ang bawat regalong natanggap niya. Oo nga pala, birthday nga niya ngayon.  Napangiti siya sa naisip, kahit kailan talaga ay may silbi rin ang mga napulot niyang mga kaibigan. Madalas nga lang topakin. Dagli namang pumasok sa isipan niya ang huling pag-uusap nila ng kanyang ina.

“Tumatanda na ang pangalawang prinsesa ko,” natututuwang sabi ng ina ni Vahlia habang sinusuklay nito ang napakahabang buhok ng kanyang dalagita. “Kapag tumuntong ka na sa wastong edad, ipangako mong hindi mo kakalimutan si mama”

          Kunot-noo naman siyang hinarap ng kanyang anak. “Bakit ko naman po kayo kakalimutan, Mama?”

           Umiling naman ang kanyang ina. “ Sa puntong iyon, magbabago na ang pananaw mo sa mundo. Mag-iiba na ang paraan ng pakikitungo mo sa mga taong nakasasalamuha mo. Ibang-iba ang inaakala mo sa katotohanang masasaksihan mo. May mga bagay na maaaring hindi mo matatanggap ngunit kinakailangan. I hope you would understand someday, Vahlia.”

“Hoy! Vahlia Rex Medrano! Sasama ka ba o magpapa-iwan?!?”  sigaw ni Skye mula sa loob ng paandar nang bus. Nagmadali niyang isinilid ang mga paperbag sa backpack niya bago kumaripas ng takbo. ‘Aba hindi ako magpapa-iwan, sa isang isla ang destination ng field trip namin at magandang stress reliever iyon,’  aniya sa kanyang sarili. Ngunit ang tanong, stress reliever nga ba o madadagdagan lang ang problema niya?

           Habang nasa biyahe ay naglabas ng gitara si Hudson.

           Karamihan sa mga nasa seksiyon nila ay kabilang sa iba’t ibang banda sa kanilang lugar kung kaya’t ang pagkanta at pagtugtog ay nagsilbing pampalipas oras na nila. Sumang-ayon din ang kanilang guro, pati na rin ang driver na ayaw buksan ang stereo ng bus dahil sayang lang daw ang gasolina.

           Isang gitara lamang ang pinagpapasahan ng dalawang grupo dahil ito lang ang naipuslit ni Hudson. Sa kanang bahagi ng bus ay ang grupo ni kabute  samantalang sa kaliwa ay kina Vahlia naman.

“Alam mo bang may gusto akong sabihin sa’yo,” pakantang sambit ni Hudson na siya namang nilingon ni Vahlia. “Magmula nang makita ka’y naakit ako, simple lang na tulad mo ang pinapangarap ko”

“Ayy chaka, nanghaharana ang peg. Ikaw, Vahl, papatalo ka ba?” gatong ni Oliver na siyang ikinangisi naman ni Vahlia at inilahad ang kamay sa harap ni Hudson, nagpapahiwatig upang ipasa naman nito ang gitara sa kanya.

“Pinapaasa mo lang ako kasi alam mo na crush kita. Oo na crush kita—”

“Totoo?” pasigaw na tanong ni Oliver sa kaibigan, dahilan upang maantala  ang pagkanta nito.

“It’s just a song, Oliver,” sagot ni Vahl sa kaibigan at iniba na lamang ang kantang inaawit niya.

         Sa bawat lirikong binibitawan ni Vahl ay dinadama nito ang mensahe ng kanta. Bata pa lamang siya ay musika na ang nakahiligan niya. Sa simpleng pagkanta at pagtugtog ay nagiging malaya siya. Musika ang kanyang takbuhan sa tuwing nasa mahirap na sitwasyon ang kinalalagyan niya. Hindi nga naman simple ang musika, minsan ito pa ang nagiging inspirasyon upang maabot ang mga pangarap.

“When you feel like standing at the edge of a cliff, remember there are hopes and dreams that you have. Stairs you can climb, ropes you can hold on…”

*****

             Nagising mula sa pagkakatulog si Vahl nang katukin ng kung sino ang bintanang nasa gilid niya.  “Uyy bhe! Kain na tayo bumaba ka na!”  Mukha ni Oliver ang bumulaga, isama na ang pulang-pula nitong labi na akala mo ilang layer na ng lipstick ang itinapal niya sa kanyang nguso.

               Tinanguan siya ni Vahl bago inilibot ang paningin sa kabuuan ng bus, mayroong iba pa ring tulog at karamihan ay nasa labas na. Nang sumilip naman siya sa bintana ay asul na dagat na ang matatanaw sa ‘di kalayuan. ‘Mukhang nasa dulo na nga kami ng Pilipinas’  

           Tumayo siya’t nagpasiyang lumabas mula sa bus at tinahak ang daan papalapit sa dagat. Sementado sa parteng kinatatayuan niya, sa baba nito ay ang malawak na lupaing nasasakupan ng mga buhangin. Nasa taas na rin ang araw at mahihinuhang  alas dose na nga. Mariin siyang pumikit at pinakinggan ang hampas ng alon, ganoon din ang huni  ng mga ibon sa paligid. ‘Masarap sigurong mabuhay sa ganitong lugar, tahimik at simple.’

           Nang ilagay nito ang mga kamay sa bulsa ng pantalon ay isang bagay ang nakapa niya. Iyon yung maliit na kahong kinalalagyan ng regalo ni Hudson. Dala ng kuryosidad ay binuksan niya ito.

           Isang pulang kuwintas ang nasa loob niyon.  ‘Ito ba yung ruby gem na sinasabi ni maam Fontejo?’  tanong nito sa kanyang sarili nang makita ang kabuuan ng kuwintas. Inilabas niya ito mula sa kahon at itinapat sa sinag ng araw. Napakalinaw ng bagay na iyon, ngunit sa likod ng dalisay na hitsura ng krystal  ay may itinatagong kuwento. Nakaraang nakatakdang maungkat sa lalong madaling panahon.

“Rexy, kain na!” tawag ni Skye kaya ibinulsa na lamang niyang muli ang kuwintas bago patakbong lumapit sa kinaroroonan ng kanyang mga kaibigan.

          Pagkarating niya sa loob ng kubo ay diretso na sa lamesa ang kanyang paningin. ‘My gosh! tahong, inihaw na isda, crabs, lobsters, and oh my shrimpssss!’  

Dali-dali naman siyang umupo at akmang isusubo na ang isa sa mga hipon nang biglaang sumulpot si Ma’am Fontejo.

“Pagkatapos ng lunch niyo, diretso na agad sa mga bangka, alright? We need to arrive there according to the meeting arrangements. Nang sa ganoon ay hindi tayo makaabala sa mga tao doon. Is that okay?”

“Yes, Ma’am,” sagot ng lahat bago bumalik muli sa pagiging maingay ang buong klase.

*****

“So what do you think to my gift?”  natutuwang tanong ni Jade kay Vahl sa kabubukas na regalo niya.

“Ahhm great! Yeah, maganda naman,” sagot na lamang niya habang nakangiwing tinitignan ang isang floral croptop. ‘Hindi naman sa ayaw ko pero… Hindi lang ako sanay.’

“You’re lying, but its okay. Ang akin lang naman eh sana masanay ka nang magsuot ng mga damit pambabae. Hindi yung puro jersey at joggers napagkakamalan ka tuloy na tibo”

          Pasimple siyang tumango bilang sagot sa komento si Jade.

“Open mine, bhe.” Sunod naman niyang kinuha ang regalo ni Skye. “Hephep!  Kapain mo muna, hulaan mo,” aniya na ikinangiwi ulit ni Vahl. ‘Itong si Skye talaga kapag nagsalita kasabay ng mga ngiting iyan, ibang meaning ang pinaparating niya.’

“Mataba... mahaba… sandali… Skye! Huwag mo akong pinaglololoko. Ano to?” angal niya habang ipinupukol sa kaibigan ang nandidiring tingin.

          Bumungisngis naman ang tatlo habang binubuksan ni Vahl ang paperbag. ‘Anak ng tupa!’

Happy birthday, Vahlia!” bati ng mga kaibigan niyang hindi na maawat sa pagtawa.

          Inis na ibinato ni Vahl kay Skye ’yong regalo niyang… uhhm… paintbrush  at sunod na binuksan naman ang regalong galing kay  Oliver.  

          Sinulyapan niya muna ang tatlong mga kaibigan niya na ngayo’y  nagpipigil ng tawa. ‘Ano na naman kayang kalokohan ang nasa loob nito?’’ tukoy niya sa regalong kasalukuyan na niyang binubuksan.

           Nang maalis na niya ang sangkatutak na duck tape sa paper bag ay tumambad ang isang puting turtle-neck longsleeve. Simpleng disenyo ngunit napakaganda, napakadisenteng tignan.

“Oh, matino na yan… ngumiti ka na birthday gurl!” nakangiting sabi ni Oliver na siya namang sinunod ni Vahl  bago pinasalamatan ang mga napulot niyang kaibigan. “Thank you, Olivia!”

“Mga tao diyan sa likuran ng Bangka!!!! Umayos kayo!! Kung hindi, tataob tayo!!!” sita ni Miss Fontejo sa kanila at taas kilay na lumingon sa gawing likuran ng bangka kung saan malikot na nagyayakapan at naghahagikhikan sina Vahl at ang mga kaibigan nito.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status